LARAWAN, IDENTIDAD, KASAYSAYAN:   Tungo sa Pagsusuri ng Ideolohiya ng Komodipikasyon at Nahumaling na Karanasan
ni E. SAN JUAN, Jr.
 



Ang paksa ko rito ay tungkol sa kaugnayan ng fotograpo/imahen at bisang makatotohanan o epektong makatunay. Bagamat may sulyap sa arte o sining ng kamera, hindi ito ang pangunahing paksa rito. Kaunting pagtitimpi kung hindi ako sang-ayon sa inyong maling pag-aakala.  Binatikos ako ng isang barumbadong miron dahil hindi raw mahusay ang snapshots na pinili ko. Hindi kahusayan o kagandahan  ng kuha ang ginagalugad dito kundi ang relasyon ng gawang-kamera (camera work) sa pagpapaunlad at pagpapalalim ng ating kabatiran tungkol sa buhay ng tao, karanasan, lipunan, at kalikasan. 

Hindi lamang karunungan o interpretasyon, wika nga, ang kailangan kundi kung paano babaguhin ang mundo batay sa tumpak na kaalaman o siyentipikong pagtarok sa realidad. Tumpak na interpretasyon, wastong gawa.

Sa kapitalistang lipunan, komoditi/bilihin at salapi (exchange-value) ang naghahari. Supling sa komodipikasyon ng lahat ng bagay--pati na panaginip, seks, atbp.--ay alyenasyong laganap. Sakop na rito ang midya, diskurso, katawan. Paano maisasakatuparan ang pagbabago ng lipunan kung mali o malabo ang kabatiran natin hango sa  kamera, pelikula, o mga reipikadong anyo, hugis, imaheng gumagayuma sa atin sa sinehan, TV, Internet, at iba pang midya? Natukoy nga ni Raymond Williams (sa Keywords) na ang salitang imahen, na dati'y may konotasyon ng idolo, ay inangkop na sa "brand image" o reputasyon o prestihiyo ng isang upisyal, kandidato, ng "trapo." Problema ito ng ideolohiya at demistipikasyon sa mga mito, aura, pamahiin at kamyerdahang laman ng ordinaryong karanasan.

Isusog muna ang kwadrong istoriko materyalistiko bago lumawig. Lumalabas na ang teknolohiya (tulad ng kamera, video, atbp) ay kagamitan lamang, hindi hiwalay na lakas, sa tunggalian ng mga uri sa lipunan. Dapat isingit ang kagamitan, teknik o lakas pamproduksyon sa namamayaning praktika't relasyong sosyal upang matimbang ang katuturan nito. Walang halaga ito bukod sa pagsulong o pag-sugpo sa lakas pamproduksyon ayon sa namamayaning uri, sa ngayon ang kapitalismong global-pinansiyal. Sa gayon, ang birtud at bisa ng kamera ay magagagap sa konteksto ng relasyong sosyal sa isang tiyak na yugto ng kasaysayan. Anong silbi nito, para kanino?

Kailangan ang sipat pangkasaysayan.  Pabagu-bago ang anumang pwersa sa produksyon sa bawat takdang panahon, ayon sa kung ang uring naghahari ay kumakatawan sa progresibong takbo ng kasaysayan o sa mapanupil na tradisyong sumusugpo sa mapanlikha't mapagpalayang pagsulong ng mga kakayahan ng bawat nilikha. Ito ang panukat o istandard sa pagpapakahulugan at pagkilatis sa anumang gawain, kilos o  proyektong may kolektibong impak at pananagutang makatao.

            DALUMAT  SA  TEKNOLOHIYA

Balik-aralin natin ang kasaysayan ng teknolohiya ng kamera. Buhat nang matuklasan ang kaalaman sa pagkakintal ng imahen sa metal at iba pang matibay na materyal, biglang naluma ang pintura at praktika ng portraiture. Mula sa imbensiyon ng potograpiya nina Nicephore Niepce at Louis Daguerre noong pangalawang dekada ng siglo 1800, ang kamera ay naging popular at mabisang instrumento. Si W.H.Fox Talbot ang naglunsad ng Calotype na siyang basehan ng negatibo't positibong prinsipyo, ang mekanismo sa maramihang pagkopya ng isang kintal o impresyon (nilagom ang istorya ng kamera sa A Concise History of Photography ni Helmut & Alison Gernsheim [New York, 1965)].
   
Nasaksihan ang demokratisasyon ng kamera sa sopistikadong gamit nito sa personal o  institusyonal na layunin. Noong kalagitnaan ng siglo 1800 naging laganap ang carte potograpo nang si Napoleon III at Queen Victoria ang naging bantog na kliyente. Naging internasyonal ang cartomania. Sumikat sina Nadar, Julia Margaret Cameron at iba pa sa mga larawan nina Charles Baudelaire, George Sand, Franz Liszt, Charles Darwin, atbp. Sumunod ang istratehiya ng kamera nina Roger Fenton sa digmaan, at nina Jacob Riis, Lewis Hine, Dorothea Lange, Walker Evans. atbp sa dokumentasyon ng karaniwang buhay sa lansangan, pabrika at publikong lugar. Ang mga larawang kuha nila ay tinuring na makatotohanan, marahil mas tunay o tapat kaysa namalas na mukha o kapaligiran.

Noong sinaunang panahon, ang "Mona Lisa" ni Da Vinci ay masinop na dibuhong humuli sa karakter ng babae; mas importante ang pintor kaysa taong inilarawan. Sa modernong epoka, ang kuha ng isang putang Mehikano ni Henri Cartier-Bresson o dagling litrato ni Winston Churchill ni Yosuf Karsh ay ipinapalagay na mas makatuturang paggagad sa esensyal na pagkatao ng mga nakunan. Higit na mapapagkatiwalaan kaysa sa testigo ng mismong kinunan hinggil sa kanilang sarili. Gayunman, sa global na krisis hinggil sa kahulugan ng indibidwalidad dahil sa laganap na eksplotasyon at di-pagkakapantay-pantay ng mga bansa, hindi na maisisiksik sa karaniwang snapshot. Sabi ni John Berger: "In a world of transition and revolution individuality has become a problem of historical and social relations, such as cannot be revealed by the mere characterizations of an already established social stereotype.  Every mode of individuality now refers to the whole world" (Selected Essays, 2001, p. 102).

Nadako ako sa ganitong linya ng pagninilay dahil sa isang pagkakataon.  Noong lumabas ang libro ni James Clifford, The Predicament of Culture (1988), natunghayan ko roon ang  isang foto ng isang Igorot na kasapi sa tribung itinampok sa St Louis World Exposition noong 1904. Halimbawa iyon ng unang komodipikasyon ng kulturang lumad. Kilalang postmodernistang antropologo na humamon sa tradisyonal awtoridad ng etnograpikong Kanluran--salungat siya sa makakolonyalistang motibo ng klasikong agham--si Clifford ay tila nabighani sa imahen ng Igorot. Wangis gumanap siya ng isang diyalogo sa harap ng imahen: Ano ang nais mo? Naitanong niya sa sarili. Tingnan ang foto sa ibaba. 

Napagwari ko: Bakit ganito ang dating? O bakit ganoon ang lapit ng dalubhasa sa mga etniko't aborihinal na mga homo sapiens? Ganoon ba rin ang tingin ng mga katutubo sa mga taguring sibilisado? Ano ang ibig ipahiwatig ng ganitong estilo ng komprontasyon? Sana'y ipinamukha ni Clifford ang kanyang sarili sa isang fotong katapat ng walang pangalang Igorot.

            SINO KA BA?  AT IKAW?

Matagal kong sinalisik kung bakit ang estilo ng pagtatanong ay may nakatagong pain. Nakapanghihinala. Ano ang kaibhan ng lumang dibuho o portraiture sa kuha ng kamera?  Ang usaping ito'y masusing sinuri at hinimay ng bantog na pantas, si E.H. Gombrich, sa kanyang Art and Illusion (1960), at kasama sina Julian Hochberg at Max Black sa palitang-kurong nilikom sa librong, Art Perception and Reality (1972). Naipaliwanag ba nila kung bakit tila buhay na buhay ang imaheng nakaw ng kamera?

Sa halip na kontekstong istorikal, inilapat nila ang pamantayang sikolohikal tumutumbok lamang sa indibidwal na reaksyon. Mungkahi ni Gombrich na nagkakaroon ng lalim, bigat o kaigtingan ang snapshot dahil ipinapataw natin ang ating nais, hilig, kawilihan at hangarin sa imaheng puspos ng kasalimuotan o kontradiksyon. Sabi ni Gombrich: "We tend to project life and expression onto the arrested image and supplement from our experience what is not actually present.....We do not want to see the sitter in the situation to which he actually was....We want to be able to abstract from this memory and to see him reacting to more typical real-life contexts" (17). Ang reaksyon natin, samakatwid, ay sintomas lamang ng ating sariling sitwasyong eksistensiyal. Matinong hatol ba ito o hinala o hinagap?

Bumaling muli sa relasyong tumititig/natignan.  Gusto ni Clifford na aktibo't nakapupukaw ang lalaking hubad, sunog ang balat, nakatago ang lugar o kapaligirang kinalalagyan niya. Nakalimutan kaya ni Clifford ang konteksto ng marahas na giyerang genocidal--ang Philippine-American War 1899-1913--kung saan ang mga katutubong ispesimen ay pinulot at inimbak upang maging panoorin o ispektakulo sa kapangyarihang global ng Estados Unidos, ang showcase ng St Louis Exposition? Laganap na sa akademya ang tesis ni Richard Drinon tungkol sa "Indian-hating metaphysics" na umugit sa pananaw ng mga tropang sumalakay sa rebolusyonaryong hukbo noong 1899; at matagal na ring naibunyag ang kolaborasyon ng diktadurang Marcos sa propaganda ng Estados Unidos sa pagyari, halimbawa, ng pelikulang The Children of An Lac (1980; konsultahin si Darrell Hamamoto, Monitored Peril), mga palsipikadong imaheng nagpaparikit sa sindak ng imperyalistang agresyon sa IndoTsina noong dekada 1960 at 1970.

Estetikang distansiya ang pumagitna. Naglalaro si Clifford, nakaangat sa primitibong exhibit ng bagong kolonyang binili't sinugpo ng mga makabagong armas at logistics (huwag nang banggitin ang kolaborasyon ng mga ilustrado). Tao rin ito, saloob ni Clifford.  Kailangan ang kaunting habag, awa, humanistikong pagtanaw. Sa ganoon, maaalo ang budhi at magagampanan ang Kristyanong tungkuling mapagkawanggawa.

             INTERBENSIYONG  HIMIG  PRAGMATIKO

Bukod sa sikolohikang lapit ni Gombrich, subukan natin ang semeiotika ng pilosopong Charles Sanders Peirce. Paano nagkakaroon ng kahulugan ang isang bagay tulad ng artipisyal na fotong likha ng kamera? Ang isang litrato o imaheng kuha ng kamera, sa semeiotika ni Peirce, ay isang icon. May hawig o katumbas ang kakintalan sa bagay, tao o tagpo na nakunan ng snapshot. Hindi eksakto kundi kahawig, kaya pwedeng maipagkamali ang kopya sa awtentikong bagay, tulad ng salaping counterfeit, kung tayo'y mapagkapaniwala o kaipala'y tanga.  Ang usok naman ay isang index, ayon kay Peirce, na tumutukoy sa apoy. Ang lagnat ay index din, sintomas ng sakit o karamdaman. Kapwa epekto o resultang kakabit ng bagay o pangyayaring itinuturo ng index bilang tanda o bansag.  Ang salitang "imperyalismo" o "kolonyalismo" at mga proposisyong nagpapaliwanag dito ay symbol o sagisag, sa triyadikong teorya ng signos ni Peirce.

Mabisang kwadro o pananaw ito sa analisis ng anumang diskurso o argumento sa ating karaniwang buhay. Walang kaisipan kung walang signos o sistema ng paglalahad at komunikasyon. Ang kaisipan, damdamin at aktibidad ng tao ay nangyayari sa isang konteksong sosyal, isang larangang panlipunan at pangkasaysayan. Di lang makitid kundi taliwas ang sistemang binary ni Saussure (na batayan halos lahat ng teoryang istrukturalista, post-structuralist at postmodernistang kaisipan) sapagkat walang puwang sa tinaguriang "interpretant" ni Peirce. Ang Interpretant (maraming antas ito) ay siyang  konteksto ng komunikasyon panlipunan, na saligan ng mabisang pagpapakahulugan at makatuturang pagpapahalaga sa anumang bagay. Ang ultimong adhikain ay matamo ang magkakaugnay na bahagi ng realidad (sa turing ni Peirce, "concrete reasonableness"), ang totalidad ng lipunan, upang mabatid ang "weak links," bumuo ng "fallible habits of conduct" o mabuting paraan upang baguhin o ibahin ang walang katarungang orden.

Sa pamamagitan nito, malilinaw ang isang suliraning matagal ko nang pinaglilimi--ugnayang object-subject, ang tumitingin/ang tinitignan.  Sa pag-uulik-ulik ng antropologong Clifford, di lamang kapansin-pansin ang foto, nakabibighani, parang batubalani ang mukha't mata ng katutubo. Tila nagtatanong. Tila may ibig ipahiwatig o ipagsamo.  Hinuha ito ni Clifford.  Sa atin, ang katutubong ito ay karaniwan, maginoo, malusog na tao, lamang ay inabstrakto sa kongkretong kapaligiran niya nang kunan ng litrato. Kapatid natin ito, di ba?  Ngunit kay Clifford, may hiwagang itinatago ito, tulad ng binansagang "inscrutable Chinese." Kaiba ba talaga?  Modelong halimbawa ba ng Kaibahan?   Mistipikasyon ang kahihinatnan, pagpapatibay sa superyoridad ng Euro-Caucasiang utak/sensibilidad.


SINDROMA NG PANINGIN

Matagal ko ring pinag-aralan ang syndrome kaakibat nito, ang kaugnayan ng pinanood at nanood. Sa simula, sinuri ko ito sa pamamagitan ng teorya nina Saussure, Freud,  at Levi-Strauss. Matiyaga't masinop na nahimay ni Roland Tolentino itong usaping voyeurismo at komodipikasyon ni Roland Tolentino sa maraming komentaryo niya tungkol sa sinema at kulturang popular (halimbawa, "Ang Pelikula bilang Pabaong Amerikano at Inobasyong Filipino," Bulatlat, Oktubre 2012; at lekturang "Kulturang Popular, Imperyalistang Globalisasyon at Gawaing Kultural," sa Website USAPANG KULTURA, Pebrero 2007). Dapat subaybayan ng lahat ang matalinong imbestigayon ni Ka Roland na nakaugat sa kamalayang mapagpalaya't makabayan.

Masalimuot din ang peministang diskurso dito tungkol sa "gaze," sa dobleng pagkafetish ng imahen ng babae sa pelikula, kaagapay ng patriarkong sistema (sangguniin si Mulvey o si Margaret Olin [Critical Terms for Art History, 1996, p. 208-19]). Nabanggit ni Levinas na nakaaakit ang mukha dahil sa mata, ngunit bukod dito, sabik din tayong madinig ang boses nito. Mungkahi ni Olin: "....it is the sense of a human presence who is alive  to our own presence that constitutes the encounter theorized as the gaze." Tinutukoy niya ang relasyon ni Walker Evans at ang larawang "Sharecropper's Wife," sa libro ni James Agee, Let Us Now Praise Famous Men.

Kulang sa diskurso ng gaze ang tungkuling ginaganap ng mga signos o signifiers. Makatutulong ang pilosopiya ni Peirce, partikular ang semiotikang metodo ng paghihiwalay at pagsusudlong sa triyadikong sangkap ng kahulugan: obheto-interpretant-representamen o signos. Sa halip na signifier-signified binary o diyadikong formula ni Saussure, Derrida at mga kapanalig, kailangang ipasok ang Interpretant, ang kontekstong istorikal/sosyal, ang proseso ng komunikasyon. Kung wala ito, idealismong metapisikal o mekanistikong empirisismo ang resulta, na siyang ideolohiya ng burgesyang orden, ng kapitalismong global na namamayani ngayon, na may iba't ibang balat-kayo katugma sa kondisyon ng lugar, panahon, atbp.

Subukan natin ang lapit na ito--borador lamang ito o balangkas ng mas masinop na kritikang maisasakatuparan ng kolektibong pagsisikap.  Totoo bang ang litrato ay icon ng isang aborihinal o etnikong nakatira sa arkipelagong sinakop ng Estados Unidos? Kung icon nga, o ipagpalagay na tiyak na imahen ng isang katutubo, di sapat iyon sa Amerikanong tagamasid. Pinagiging index din ito, isang senyal o tanda o bantas--ng ano? Kaibahan, kabanyagaan, hindi sibilisado, walang modo o kultura dahil tumititig nang tuwiran, hindi kimi o umiilag. Ang balisang pag-uusisa ni Cifford at iba pang taga-Kanluran (dayuhan o banyaga sa atin) ay nagbubuhat sa pagsasalin ng icon sa index, at ang relasyong icon-index sa simbolo o sagisag na sinasakop ng kumbensyonal na regulasyon o panuntunan sa pagkakaunawaan. 

Ang regulasyong ito ay dili iba't ang agham ng antropolohiya.  Ginamit ito ng mga Pranses, Ingles at Amerikano sa pag-aaral ng mga grupo't lipunan, mga bayang sinakop nila sa dahas at walang habas na pagwasak ng sibilisasyong pinagnakawan ng kayamanang natural at pantao. Bukod sa ambag sa araling  antropolohiya, ang dramatikong tanong ni Clifford ay sandata ng imperyalismong grupo na nais magdulot ng demokrasya, kalayaan, atbp--tulad ng tinangka sa Biyetnam, at ngayon sa Iraq, Afghanistan at maraming sinakop na bansa.  Isakonteksto ang atitudo ni Clifford. Iyon ay matutuklasang kalakip at nakakakuyom sa isang proyektong pangungulimbat, pagsasamantala, at walang habas na pandarambong. Hindi ito indibidwal na intensiyon kundi kolektibong programa ng monopolyong lakas at ng "ideological state apparatus" ng imperyalismo.

            BAKA NAGBIBIRO LAMANG NAMAN?

Kung sa pakiwari ninyo'y kalabisan itong ipotesis na inilahad ko, pwedeng idiin muli na ang sopistikadong dunong ni Clifford ay may bahid na humanistikong damdamin. Di naman siguro kagarapal ang nuanced na pagmumuni ni Clifford. Kung tutuusin, walang kapangyarihan ang ordinaryong akademiko sa Amerika maliban kung upisyal na bayaran ng Pentagon, CIA at Homeland Security. Sila ang utak sa likod ng mga drones, mga pumapatay na ahensya ng Estado. Kung sa bagay, ang "urban sociology" ni Samuel Huntington ay tuwirang kasangkot sa pagbobomba sa Biyetnam at Cambodia noong dekada 1970. Pati na ang mga antropologong nag-aral ng mga landas o kalye sa mga nayon ng IndoChina at Thailand para sa counter-insurgency iskema nila noong panahon ng agresyon ng Estados Unidos noong dekada 1960-1970.

Gayundin kaya ang masasabi sa National Geographic, isang Amerikanong institusyon na kilala sa pagtataguyod ng bantog na "Family of Man" exhibit?  May patakarang sumusunod sa United Nations, niyutral, mapagkawanggawa. Layon nito ay hindi eksployasyong motibo ng korporasyong global, bangko, at iba pang galamay sa pag-iimbot ng tubo. Layon nito ay makapagsilbi sa ikabubuti ng kabuhayan ng mga komunidad sa buong daigdig.

Ngunit wala nang tabula rasa sa bagong milenyo. Nakalimot na ba tayo? Pagkatapos ng sigalot sa Balkan at madugong paghahati ng Yugoslavia, pagkatapos ng giyera sa Iraq, pagwasak sa Libya at ngayon sa Syria, at sa kasalukuyang interbensiyon ng Estados Unidos sa Afghanistan, Pakistan, Yemen, Somalia at iba pang lupalop, may mantra pa ba ang imperyalismong makatao, di kuno (imperialist humanitarianism)? Kung may duda, suriin naman natin ang isang kuhang naging bukambibig sa komunidad ng cyberspace. Narito ang foto ni  tungkol sa isang Pashtun, si Sharbat Gula, mula sa Afghanistan, na kuha ni Steve McCurry sa isang kampo pang-refugee sa Pakistan noong 1984, at naibandila sa National Geographic noong Hunyo 1985 (tingnan sa iba).

Bakit nakatawag-pansin ang mukhang itinanghal sa pabalat ng kilalang magasin?  Anong kantangian ang nangibabaw upang maging sensasyonal na foto ang anyo ng isang karaniwang biktima ng marahas na agresyon o pananakop ng kapangyarihang Amerikanong lumikha ng maraming kabaro ni Sharbat Gula? Sa mabalasik na luntiang mata ng babae, may sumusungaw na kaluluwang pumupukaw sa damdamin, sa ulirat, sa budhi. Kakintalang nagmulto sa maraming nakakita't nakadama. (Pahabol na impormasyon: Noong 2002 hinanap ni McCurry ang babae at natagpuan sa tulong ng "iris recognition," ngunit sa mga foto wala na ang luntiang matang nagtatanong at sa paligid ni Sharbat Gula, nadoon ang asawa, dalawang anak, at kapatid na lalaki--isang respetableng ina--hindi makabasa ngunit pwedeng isulat ang kanyang pangalan; at nagpapasalamat sa "will of God" na siya ay buhay pa, ulat ni McCurry.)

Sa kabilang dako, iba ang danas ng marami sa mukha ng Igorot. Doon mababakas lamang ang pagtataka o paghiling ng atensiyon, hindi matinding pagyakag o paghimok, titig na ipinukol sa harap mo, wari bagang nagsasakdal o nag-aakusa. Kaya pwedeng laruin ang katutubo, gawing okasyon ng maingat na pagsisiyasat o siyentipikong pananaliksik.  Dahilan nito'y marami ng karanasan ang mga taga-Kanluran sa primitibong tribu (mula sa Aprika, Australia, o Amazon), sampu ng mga Native Americans (ang "Indios Bravos" ni Rizal na hango sa turistikong sirko ni Buffalo Bill) ngunit ang kabihasnan ng mga bayang Islam/Muslim ay laging "Orientalized," ibinubukod--laging exotic o diyaboliko, simbolikong istratehiya na laging kailangan ng mapanghamig na sibilisasyong nais lumigtas o tumubos sa mga di-puti't di-kanluraning lahi sa ngalan di kuno ng "demokrasya" at "kalayaan."

Ang makabagong paglalarawan sa tao, partikular sa ulo o mukha, ay tinaguriang "confrontational portrait" ni John Gage. Bagamat hitik ng detalye sa malapitang pagpokus sa tambad na katangian ng mukha o ulo, umaapaw sa impormasyon tungkol sa tekstura ng balat, buhok, labi, atbp, ang estilong ito'y hindi nagdudulot ng tulong upang masipat ang pagkakawangis ng foto at taong kinunan. Kamukha man o hindi, ang makabagong potograpiya--ayon kay Gage--"deny us that sense of person which is perhaps the fundamental requirement of access to the figure through portraiture" ("Photographic Likeness," Portraiture, ed. Joanna Woodall, Manchester, 1997, 128).

Sakali mang nakatulong ang foto sa pagkilala ng isang tao, ang litaw na mga katangian ay hindi katibayan ng mga nakatagong katangian, o ispiritwal na pagkatao. Ang ulo ay pinakamaiging tagadala ng komunikasyong panlipunan sa pamamagitan ng makadamdaming usapan. Sabik tayong makatagpo doon ng masiglang tanda ng maigting na kabuhayan, ngunit ang minaobrang foto--dahil nga sa "new repertory of surface effects domesticated by photography," dagdag ni Gage--ay walang naidulot na mabisang metodo upang malinaw ang masalimuot na ugnayan ng "visibility of the interior and the readability of exterior signs." Sa aking palagay, ang problema ng ugnayan ng loob at labas ay hindi sikolohikal kundi istorikal, at mauunawaan lamang kung ang alyenasyong humahati sa katawan at kamalayan (subject at object) ay maibabalik sa larangan ng ekonomyang pampulitika na kinaugatan nito.

KALIMUTAN NA SINA DERRIDA AT FOUCAULT

Sa semiotika ni Peirce, ang prosesong nabanggit ay malinaw. Ang icon ng babaeng Pashtun ay naging index ng biktimang walang kapasiyahan, walang lakas, Sindak ang masisinag sa mukha, laluna sa luntiang mata, hindi lambing o maamong pakisuyo. Sapagkat babaeng mabangis, batay sa luray na damit, nakaposisyon itong mababa sa hirarkya ng kumukuha, ng magasing nag-angkat sa kanyang status. Ang index ng pagkakulong sa kontekstong kahabag-habag ay pinatingkad ng pagbubuhol ng konotasyon at denotasyon, ng aspetong ikoniko at indeksikal, sa simboliko o sagisag kung saan ang interpretasyon ay isang gawi o balangkas ng pagkilos, pag-iisip, pagpapahalaga. Ang gawi o ugaling nasiyasat dito ay walang iba kundi ang subordinasyon ng tao sa komodipikasyon, pagturing sa tao bilang bagay na pwedeng mamaniobra, maisaksak sa kwadro ng makapangyarihang titig ng pag-kilala, upang--sa ironikong ikot ng kamalayang pampulitika-- magtagumpay ang pwersa ng alyenasyon, rasista't seksistang ideolohiya, sa kapakanan ng tubo, dahas, kapital.

Kung ipapataw natin ang pragmatikong aksyoma ni Peirce--subukan kung anong mahuhugot na kinalabasan sa ating ideya, anong pangkalahatang uri ng rasyonal na pakikitungo o kilos na katugma ng  lahat na maaaring uri ng pangyayari at kagustuhan--ito ang katuturang intelektwal ng argumentong binubuo ng magkalangkap na icon at indeks sa pangatlong kategorya ng semeiotikang komplex ni Peirce. Ang larawan, foto o imaheng tema ng talakayan dito ay likha ng framing mechanism o kwadrong mekanismo ng ideolohiya at komersyal na interes ng magasing National Geographic (tungkol kay Sharbat Gula) at ng antropolohiyang postmodernismo ni Clifford (hinggil sa katutubo).

Sa ibang salita, kailangan ang buong kwadro ng naratibo o kasaysayang nakapaligid sa imahen. Kung wala ito, hindi makakamit ang kailangang mga kongkretong determinasyon upang makabuo ng masusubok na ipotesis, ang kongkretong unibersal, na katumbas ng realidad. Sa pagliliming ito,  kapwa icon (realismong bisa) at indeks (aktwalidad ng kontradiksyon) ay kaugnay sa pagbuo ng Interpretant: ang tumatanaw o nagmamasid ay walang muwang na biktima ng imahen, foto o larawan--kung hindi hihinto, titigil, upang suriin at tuklasin ang hiwaga ng malalim at maselang alyenasyong kaakibat ng teknolohiya ng lipunan ng negosyo at inbidwalismong paglalamangan. Ito ang susi sa sintomas ng hidwaan, tunggalian, hirarkiyang kalupitan ng tao sa kapwa, indeks galing sa bulok na kaayusang nagmumula sa korupsiyon ng lakas-paggawa ng tao sa umiiral na kaayusang tinaguriang neokolonyal, pyudal at kapitalistang pamburokrata. Sa isang salita, ang Pilipinas sa panahon ni P'Noy Aquino at Oplan Bayanihan.

Ang alyenasyong naipahiwatig sa Interpretant ng signos ng dalawang foto, ng figura ng katutubo at babaeng Pashtun, ay marka ng alyenasyon sa imperyalistang orden.  Nakukulong tayo sa mahika ng nakalitaw na anyo ng mundo, anyong dapat isalin sa kilos o gawa o praktikang rasyonal upang magagap ng sambayanan kung ano talaga ang kahulugan o katuturang magsusulong sa kapakanan ng lahat.  Kailangang buwagin ang ilusyon at paniniwalang alalay lamang ng tradisyon at awtoridad ng lumang institusyon, ng simbahan at gobyernong instrumento ng naghaharing uri. Dapat baklasin ang tanikala ng ignoransya, kamangmangan, awtoritaryanismo, upang malinang ang potensyal ng bawat nilalang. Ito ang progresibong adhika ng agham, pilosopiya at araling makatao. 

Makalalaya tayo sa mapanggayumang tukso ng imperyalismo kung sanay tayo sa demistipikasyong paraang madudukal sa semiotikang pagsusuri na unang inilunsad ni Peirce sa panahong nagtatapos ang digmaang -Filipino-Amerikano at nag-uumpisa ang mga mapagpasiyang pangyayari sa Rusya at Europa na siya namang maghuhudyat ng darating na krisis ng kapitalismong pandaigdigan sa pagputok ng Rebolusyong Bolshevik. Hindi dayuhan, banyaga, o nakamamanghang hayop ang katutubo at babaeng nakalarawan sa foto; sila ay mga kasama't katulong sa kooperatibang pagsisikap at pagpupunyagi upang maitayo ang isang tunay na malaya't makataong lipunang pandaigdig ligtas sa mapagsamantalang dahas ng ekplotasyon ng kapital at kapitalismong global.  Sosyalismo o barbaridad?  Dapat pumili ang lahat na may pananagutan sa kinabukasan ng sanlibutan.

Comments

Popular posts from this blog

JOSE CORAZON DE JESUS--ANG SINING NI HUSENG BATUTE--E. SAN JUAN, Jr.

INTRODUKSIYON KAY EFREN ABUEG--E. San Juan, Jr.

ANDRES BONIFACIO: Katwiran, Kalayaan, Katubusan--ni E. San Juan, Jr.