BUKAS NA LIHAM TUNGKOL SA KRITIKA CIRCA 1972> Sagot kay Virgilio Almario
ANG KONTRADIKSYON NG PAKIKIBAKA AT NI VIRGILIO ALMARIO: ISANG BUKAS NA LIHAM
12 Setyembre 1972
Connecticut, USA
Mahal na Kasamang Roger:
Salamat sa kopya ng Dawn, Agosto 17. Ngayon ko lamang natanggap ito. Ang “panunuring pangmasa” ni Virgilio S. Almario, diumano’y tungkol sa 1 Mayo 1971 at iba pang tula, ay nais ko na sanang palampasin yamang ang madaramang animus at hangarin nito’y hindi lamang magpahayag ng mga kuru-kurong pampanitikan kundi manapa’y tahasang maghusga sa karakter ng awtor—sa kahapon, ngayon at kinabukasan ng karera ng isang indibidwal, di lamang katawan kundi pati ispiritu, at wari baga’y bumigkas ito ng “Huling Paghuhukom.”
Nag-atubili ako’ng baka hindi magkasya kay Almario ang mga nasiping kumpisal ko (baka magdemanda pa ng penitensya sa Isla Balut) o kaya’y maging tampulan lamang ng personal na apolohiya ang sagot ko. Di napaunlakan ang unang udyok ng kalooban. Naisip kong maraming mabigat na problema’t mahahalagang paksa ang nasasangkot sa usaping itong may kinalaman sa kasalukuyang hidwaan sa loob at labas ng rebolusyong pangkultura.
Kung tutuusin, ang partikular na katanungang tatalakayin ko rito ay hindi lamang tumuturol sa aking pagkatao o sa librong nirebyu kundi malapit na kaagapay at kasangkot ng mga maselang problema tungkol sa (1) pagkakaugnay ng gawain at teorya, (2) pagkakaugnay ng ideolohiya (kultura, sining, abtp.) at kapaligirang materyal, at (3) pagkakaugnay ng rebolusyong pangkultura upang matamo ang pambansang demokrasya, at ang katayuan ng bawat uri sa lipunang Pilipino ngayon. Kaya, Roger, ang liham na ito kaipala’y magsusumikap umangat ng di-gaanong kapakipakinabang na tanong kung ang 1 Mayo 1979 ay makaproletaryo o makaburgis sa palapag ng obhetibo’t pangkahalatang kaalaman na higit na mahalaga kaysa sa mga kakuwanan ng mga indibidwal na sensibilidad.
Gayunpaman, hindi tayo makaaabot sa nabanggit na palapag ng diskusyon kung hindi maingat na aakyat, baytang-baytang, mula sa mga partikular na bagay tungo sa mkga konklusyong teoretikal at praktikal.
Sa pasimula, binabati ko ang taimtim na pagyakap ni Almario sa Marxismo-Leninismong paninindigan. Ito ay isang magandang kaunlaran na dapat taluntunin ng mga bohemyong intelektwal, bagamat sa istriktong pagtaya ito ay hindi lamang personal na pagpapasiya kundi pangyayaring ibinubunsod ng mga pagkakataong likha ng pangkasaysayang pangangailangan.
Nang ako’y nakikipagsulatan kay Almario noong mga 1969 o 1970, katulad nating mga produkto ng ating mala-piyudal at mala-kolonyal na lipunan, si Almario noon ay alagad pa ng mga T.S. Eliot, Baudelaire, at iba pang reaksyonaryong manunulat mula sa Kanluran. Makikita ito hindi lamang sa karamihan ng mga tula niya sa Makinasyon at Peregrinasyon kundi sa kanyang mga panunuri, na kasisinagan ng mga pormalistikong abstraksyong halaw sa mga New Critics at nilulunduan pa ng mga mekanikal na determinismong nagtuturing na ang mekanisasyon (“makinasyon” kay Almario) ang siyang nakapangingibabaw na katalagahan sa mga bagong kalakaran sa mundo at ang makina ang siyang puwersang pinakamaimpluwensiya. Hindi lamang idealismong metapisikal ni T.S. Eliot at iba pa ang pinagbabaran noon ni Almario kundi nabulusok din siya sa teknisismo (teknolohiya ang may birtud na nagtatakda ng pagbabago) at sa isang uri ng environmental determinism na mapapansin ring teoretikal na saligan ng mga “Bagay Poets” sa Ateneo de Manila University.
Kung sa bagay, ang estetika ng mga tulang “Bagay” ay imitasyon lamang ng simulain ng mga Objectivists tulad nina William Carlos Williams, Charles Olson, George Oppen, at iba pa (na nag-uugat sa mga opinyon ng mga pasistang Ezra Pound, T.S. Eliot, T.E. Hulme, Celine, atbp.). Ang suhetibismo at metapisikal na pananaw ng mga nabanggit na itinaguyod ni Almario noon ay kabilang-mukha lamang ng kanyang materyalismong mekanikal na nagtatanghal sa mga bagay-bagay na nadarama o namamasid bilang mga makabuluhang sangkap ng pagktao. Maidaragdag pa sa ilang mga tula sa Peregrinasyon na may ambisyon rin ang makata na maging isang relihiyosong mananaludtod.
Sa perspektibang ito, hindi nakapagtataka na sa isang liham ni Almario, walang anu-ano’y tinuligsa at kinutya niya ako sa mga unang tangkang pag-aralan ang mga kaisipan nina Marx, Engels at Lenin. Pinagpayuan pa niya akong huwag paloko sa mga komunista o sosyalista (ni hindi ipinaghiwalay ang dalawang ito). Mahigpit niyang tinutulan ang mga Marxistang ngayo’y kinahuhumalingan niya. Magandang pagsulong ito.
Napilitan akong banggitin dito ito sa isa lamang dahilan: upang ipaalaala sa madla na ang diumano’y pagkamakarebolusyonaryo ni Almario ay mura o bubot pa, kamakailan lamang tulad ng marami sa atin. Hindi ko tangka ritong ibunyag at hatulan ang mga petiburgesyang panulaan at kritika ni Almario tulad ng ginawa niya sa rebyu—pananagutan niya ang kanyang mga kamalian at kakulangan. Nais kong punahin na ang kanyang pagkatuklas ng ikalawang balakid sa hangaring maigpawan ko ang nakalipas, ang nakaugaliang pagtingin, ay hindi isang tiyak na piniling bagay, na ang isinakdal niyang “oryentasyon at karanasang petiburges” at ang diumano’y pagkababad sa “kulturang kapitalista’t kanluranin” ay isang kalagayang pangkahalatan at istorikal na sinisikap itransporma ng mga aktibista ngayon, kasama na si Almario, ikaw, ako. At ang awtentikong halaga ng mga minanang kayamanang natanggap (na mas mataas ang uri kung ihahambing sa kulturang piyudal at ng sinaunang panahon) ay magiging balakid kung hindi makamalayang susuriin, pag-iisa-isahin at lalapatang masugid ng kritikal-rebolusyonaryong panukat. Sa pagsulong ng mga kontradiksiyon gumigitaw ang bago’t mataas na kamulatan.
Ano’t nakuha ni Almariong maging huwes, kaipala’y tangkaing lagpasan ang kanyang istorikal na kinalalagyan at walang pagpapakumbabang litisin at husgahan ako nang hindi isinasaalang-alang na siya man ay nalambungan at napinsala ng milieu ng lahat ng Pilipino (walang kataliwasan dito) at, di pa sapat iyon, hulaang ang pagkababad sa “kulturang kapitalista’t kanluranin” ay isang personal na kagustuhan? Umasta siyang isang eksepsiyon. Sa kanyang paunang paghahatol (prejudgment) ng mga akda ko, ang hindi niya paghihiwahiwalay at pagtimbang sa kapaligirang sosyal-istorikal ng panahong isulat ang mga tula, ng proporsiyon ng bigat ng personal na desisyon ng makata at ng diyalektikal na kontradiskiyon ng mga ito, ay nagbunga ng isang malabo at nakalilitong ispekulasyon.
Sa halip na makalikha ng malinaw, tumpak at “konkretong” analisis ng sining at buhay ng makata (ito ang kanyang layunin), itinambad lamang ni Almario ang kanyang masungit at walang pagtitimping paraan ng pag-iisip na di kasiya-siyang kinulapulan ng makitid na empirisismo at paralitikong dogmatismo. (Naitanong nga ng isang kasama rito: Resulta ba ito ng pisikal na paninirahan sa Quezon City?)
Sa pananaw ng Marxismo, ang pinakaimportante ay hindi ang kahapong namamatay at iniiwanan kundi ang kinabukasang sumisibol, kinabukasang bagamat nag-uugat sa kahapon ay nagdadala naman ng lahat ng potensiyal ng ngayon sa kaganapan. Dapat itong isaalang-alang at idiin, Roger, upang hindi malugmok ang kilusan sa mapang-uyam na egotismo at lumalabas na tsobinismo’t reaksiyonaryong pagsasapraktika sa panunuri ni Almario. (Kaya ako’y nagagalak sa halimbawa ng mga pagbabagong-bihis ng mga kaibigang CM, BM, at iba pa.) At batay nga sa prinsipyong ito, sa introduksyon ko sa Peregrinasyon, ang idiniin ko ay yaong mga positibong panig o katangian, yaong may hinaharap at kinabukasan, upang matulungan kahit paano ang awtor, kaagapay ng paniniwalang batid niya at ng iba ang kanyang mga kakulangan na, bagamat hindi lubusang maiiwasan, ay madali niyang mapupunan.
Ang pinagtuunan ng pansin ni Almario sa rebyu niya ay ang (sa taya niya) mga “bokabularyong petiburges,” “burges na teknik,” “burges at modernistang pamamahala”—nakasusuyang pag-uulit nito ang renda ng kritiko, mga deklarasyong walang pagpapaliwanag o katibayan—ano kaya ang purong proletaryong teknik, bokabularyong proletaryo, at iba pa? Saan kaya mahahagilap ito? Anong akda ang nagpapamalas niyon? Kinaligtaan ni Almario ang mga sangkap na tanda o sagisag ng hinaharap, ang mga bagay na isinisilang o bagong luwal. At kung nakuha naman niyang magparaya (pilit na pilit ito) sa ilang diumano’y positibong elemento, ito’y batbat ng mga pasubali, babala, pag-aagam-agam. (Tingnan, halimbawa, ang pansin sa “24 Marso 1970,” “Isang Pangkaraniwang Pangyayari,” atbp.)
Hindi ba isa sa aksiyomatikong katotohanan ng diyalektikong materyalismo ang pagkakaisa o unidad ng magkakatunggali? At hindi ba ang idiniriin ng materyalismong istorikal at yaong “sandali” (sa pilosopiyang Aleman: Das Moment) ng diyalektikong proseso na kumakatawan sa tatlong palapag na ipinaglalangkap sa praxis, sa pag-isahan ng kamalayan at gawa: (1) ang pagkansel sa lumang kabuuan, (2) ang pagpili at paggamit ng ilang sangkap mula sa lumang kabuuan, at (3) pag-angat nito sa bagong kaayusan na may mas masaklaw at mayamang kahulugan kaysa sa dati. Marahil, ang paglalahad na ito’y abstrakto para sa mga trabahador at magbubukid. Mabibilang mo ang dagling makaiintindi ng Das Kapital sa mga proletaryo rito o saan pa man. Tungkulin ng bangguwardiang isakatuparan ang edukasyon ng buong uri at kaalyado nito. Dapat ding tandaan ng ang mga batas na ipinagtining ng materyalismong diyalektikal at istorikal ay unibersal at matatagpuan na salalayan at buod ng lahat ng penomena. Iyan kung ituturing ang sariling may rebolusyonaryong patutunguhan.
Kung maiging sisiyasatin, wala sa panunuri ni Almario ang analisis na ganito. Tagibang o tabingi ang labas, hindi diyalektikal kundi mekanikal. Humantong pa sa isang katawa-tawa at napakakrudong paraan, na kung baga pagkain ng alimasag o isda ay pagsipsip noong mga masasarap at paghimay ng laman, kaya nagbilang ng mga kataga (Babup, Vladimir Ulyanov Lenin, Rosa Luxemburg—bagay kilala na ito ng bangguwardia; ano’ng ginagawa ng pamunuan?) na diumano’y malayo sa pang-unawa ng masa, at mga pangalan ng lugar (Forbes, Mendiola) na may batayang Pilipino. Heograpiya o agwat sa mapa ang mahalaga kay Almario, ang tinawag niyang “kulay na Marxista.” Superpisyal, makitid at lubhang magaspang na empirisismo ito. Ngayon lamang ako nakatagpo ng ganitong pagsusuri. At sa halip magpaliwanag sa mambabasa (bilang guro ng literatura at kritiko pa, hindi ba isang uri ng pagsasapraktika ito?), mandi’y ibinabaon pa ang madla sa balon ng oskurantismong ipinalagap ng mala-kolonyal at mala-piyudal na sistema. Pambihirang paglilingkod ito ng bangguwardiyang pangkat sa masa.
Ano ba ang tungkulin ng vanguard ng kilusan—maging buntot sa “burgesyang karunungan”? O sapulin sa diyalektikong modong nabanggit ang burgesyang kultura upang mailipat ito sa pinakasuma ng kulturang pangkasaysayan: ang kulturang pamproletaryo? Nakalimutan ng mga sektaryanistikong tulad ni Almario (palibhasa’y nalugmok sa oportunistang pangkanan) na ang kulturang pamproletaryo, ayon sa Marxismo, ay pinakamataas na antas ng pagsulong ng kultura ng tao na pinapag-igtingan ng mga mahuhusay na sining ng mga artistant mula sa lipunang alipin, piyudal, at burgis. Sinong hangal ang yumari ng sining sa kawalan?
Isang lantay na katibayan at tatak ng sektaryanismo na bunga ng suhetibismo (na di natakpan ng idiomang pangkaliwa) ni Almario ang pag-imbento sa “teknik na burges,” at iba pa nang hindi binibigyan-kahulugan ito—ang punksyon nila sa buong kaayusan o totalidad ng tula. Di lamang tumaliwas si Almario sa dati’y ipinagbubunying konsepto ng mga New Critics, ang pagkakaisa ng porma’t kalamnan—kundi naging bulgar, superpisyal at arbitraryo ang kanyang puta-putaking obserbasyon na watak-watak, walang kamalayan sa integral na tungkulin ng bawat genre ng tula, hanggang mapadpad sa isang dogmatikong pagsesermon. Giit ni Almario: “Sa puntong pang-estetika ay mababanggit ang sumusunod na kahinaan: kawalan ng partikularidad ng mga detalye….” Maitanong: lahat ba ng tipo ng tula ay dapat magkaroon nito? Paano ang mga didaktikong genre, halimbawa, “The Vanity of Human Wishes” ni Dr. Samuel Johnson—hindi ba tula iyon kay Almario? Kung gayo’y lubhang makitid ang kanyang kabatiran. Mandi’y di pa niya natutunghayan ang matalas na pagbatikos ng mga neo-Aristotelians (R.S. Crane, Elder Olson, atbp.) tungkol sa monistiko’t relatibistikong batayan ng New Criticism. Walang matatag na demonstrasyon ang mga hatol, kadalasa’y tautology. Ang pasiya niyang “malinaw” o “malabo” ay walang koneksyon sa kabuuang intensiyon ng tula. Mababaw at pulos nosyonal ang mga pansin—naghahanap lamang ng mga detalyeng gagawing sangkalan sa mga haka-hakang diumano’y nagsisiwalat ng kabiguang burgis.
Paano nakuhang imbentuhin ni Almario ang mga malahimalang kategoryang tulad ng “bokabularyong petiburges,” “burges na teknik,” abp.? Ang stream-of-consciousness teknik ni Joyce at kolokyal na estilo ni T.S. Eliot (na ginagad ni Almario)—ito ba’y mga dekadente’t burges na pamamaraan? (Isang kakatwang pangyayari: ang isang puno ng PAKSA at kilalang progresibo kamakaila’y nagsalin ng The Waste Land ng reaksiyonaryo’t pasistang si T.S. Eliot na nailathala sa Katipunan.) Ang mga teknik ni Dante ba’y piyudal? Ang kina Virgil o Homer naman ay pang-alipin, alinsunod sa mga relasyong sosyal na umiiral noong panahon nila? Paano ang suryalismo ni Neruda at Vallejo, ang futurismo ni Mayakovsky, ang modernistang eksperimento nina Bertolt Brecht at Cesar Vallejo?
Sa puntong ito, baka nalihis ang Kasamang Jose Maria Sison sa panawagan niya sa PAKSA na gamitin ang mga lumang teknik at porma ng balagtasan, ng moro-moro, atbp., upang yaon ay maiangkop at makapagsilbi sa rebolusyong pangkultura?
Malinaw na ang determinismong mekanikal at empirisismong bulgar ang nakapamayani sa kaisipan ni Almario.
Idagdag pa bilang katibayan ng napakakrudo at napakakitid na empirisismo ang mga ito: “Paanong mabibigyang-kulay ang larawan ng bukirin kung walang karanasan man lamang na makatuntong sa isang pilapil?”
Roger, alam nating maraming manunulat ang nakatuntong na sa ilanlibong pilapil, pero hindi sila naging Marxista o rebolusyonaryo o kaya’y gumuhit ng nakapupukaw na larawan. Hayan naman si Amorsolo, hindi mo masasabing hindi tumuntong sa maraming pilapil, pero sino ang mamumulat sa pagtanaw sa sangkaterbang larawan ng inAmorsolong bukirin?
“Hindi ba’t ngayon lamang higit na luminaw sa atin ang larawan ng buwan nang makayapak doon ang mga astronaut?” “Luminaw” sa anong katuturan? Hindi lahat ng namamasid (appearances) ay katotohanan. Ito, ayon kay Mao, ay “perseptuwal na kaalaman pa lamang” na dapat saliksikin, tipunin at lagumin sa rasyonal o konseptwal na kaalaman upang sa muli’y mapatunayan sa gawain ng tao sa lipunan. Nakasadlak sa mga kamalian nina Bishop Berkeley at positibismo-empirisismo ang ganitong pala-palagay.
Nais ko ring ipagunita kay Almario na sa rebolusyonaryong pananaw, ang anumang bagay—bukirin, buwan, makina—ay nagkakaroon ng halaga kung kasangkot ito sa buhay-panlipunan, sa tinaguriang socio-economic formation. Sa gayon, ang bukirin ay nagiging buhay kung ang pantaong kahulugan nito ay naibubunyag sa pagkakapaloob nito bilang bahagi ng malawaka’t dinamikong praxis ng sosyedad sa kasaysayan.
Ipinaliwanag ni Mao sa kanyang sanaysay, “Saan Nagmumula ang mga Wastong Kaisipan?” na ang mga iyon ay “nagmumula sa tatlong klase ng praktikang panlipunan: sa pakikibaka sa produksiyon, sa tunggalian ng mga uri, at siyentipikong eksperimento.”
Kay Almario, ang “praktikang” kinokonsidera niya ay limitado kaipala sa pangalawa, sa katiyakan sa empirisistikong konsepsiyon na pisikal na pakikihalubilo sa mga tao sa Pilipinas. Wari baga’y dito sa U.S. ay wala yaong tatlong klase ng praktikang panlipunan at iyon ay tila monopolyo o pribadong pag-aari ng mga ulirang aktibistang tulad ni Almario. Ngayon ko pa lamang narinig, Roger, ang ganitong kasahol at napakamaramot na pagkukuro.
At dito nga humahantong sa huling pagtutuos ang di-matingkalang hinanakit
ni Almario, di ko alam kung bakit nga, na siyang pangunahing dahilan ng papaparatang, paglitis at paghatol (ang reviewer ay umarteng testigo, prosekyutor at huwes sa isang bira) na halos lahat ng tula sa 1 Mayo 1971 ay burgis at di pamproletaryo sapagkat ang awtor ay “pisikal na tiwalag sa lipunang Pilipino.” Ang taktika ni Almario ay masusubaybayang idinikta ng istratehiyang batay sa sirkular na argumento: Ang makata’y tiwalag na pisikal sa Pilipinas, kung gayo’y walang praktika; kung walang praktika, bigo ang tula; bigo ang tula sapagkat tiwalag na pisikal sa Pilipinas.
Bukod sa argumentong iyan, nagbuo pa at nagkamal ng maraming insinuwasyon at inuwendo tungkol sa personal na motibo ko sa pagkakahimpil dito sa isang tonong puno ng malisya. Ibinintang pa sa rebyu na ako’y may intensiyong pansarili sa paninirahan dito, intensiyong ipinahiwatig niya sa parunggit na ako’y nagbababad “sa hibo ng mariwasang kapaligirang burges at kabuhayang industrial doon.” Inakusa pa ako bilang isang biktima di lamang ng kanyang de-kahong ideya na lahat ng lugar dito’y mariwasa at lahat ng tao’y mayaman at nagpapasasa, opinyong hango sa mga “balitang pambayan,” “mga prehuwisyo at abstraksyong nagagap sa proseso ng pakikipagsulatan.”
Roger, kahiman tuparin natin ng mahigpit ang pangaral sa “Bakahin ang Liberalismo,” ang kalabisang ibinalibag ni Almario ay isang bagay na mahirap ipag-walang bahala. Bukod sa iyon ay personal na haka-haka. Kung sana man lamang ay nasasalig sa katotohanan o prinsipyong may katibayan. Naimungkahi pa nga ng isang kasama rito na ang mga parunggit na ito’y bumukal sa di mawatasang ignoransiya, naivete, lihim na pagmamalaki, righteous indignation.
O sanhi sa kanyang puritanikal na asal, na nagtuturing na siya’y isang ulirang “Maoista,” marahas siyang nagbubukod-bukod ng mga indibidwal, kung sino ang purong maka-proletaryo o hindi, kung sino ang maka-burgis, atbp. Masagwa’t malungkot na pangyayari ito.
Saan kinuha ni Almario ang karapatang maghusga sa mga aktibidad ko rito—kung sakali mang may tumpak at ganap siyang kabatiran ng mga ginagawa ko sa pang-araw-araw na paghahanap-buhay? Saan kinuha ni Almario ang awtoridad niyang husgahan ang mga personal na kadahilanang narito ako, o sa aking buhay-buhay? Maitatanong din (kung susundin ang kanyang mga payo tungkol sa limitasyon ng kaalaman): ano’ng halaga ng kaalaman niya tungkol sa mga konkretong kondisyon ditto sa U.S. na halaw lamang sa mga midyang pampubliko at sa libro?
Lumilitaw nga na tulad ng maraming petiburgis sa atin, ang kanyang idea ng kalagayan ng pamumuhay rito ay bunga ng ignoransiya, propaganda ng Hollywood-Madison advertising, at sa mahigit na 50 taong paghahari ng kolonyal at neokolonyal na ideolohiyang umiiral pa hanggang ngayon. Paano nakuhang mahinuha ni Almario na wala rito ang tatlong klase ng praktikang panlipunan na, ayon kay Mao, ay siyang tanging pinagmumulan ng mga wastong kaisipan? Pambihirang galing ito. Ang monopolyo ba ng mga praktikang panlipunan ay pag-aari ni Almario o ng mga kapanalig niya sa Quezon City?
Sa kabila ng kawalang-muwang niya sa mga pang-araw-araw na gawain ko rito, paano naipagpasiya niyang ako’y “kulang sa praktika”? Hindi ko inaangking mayaman ang praktika ko o ng mga kasama rito, o ito’y matagumpay na naipangatawan sa mga tula. Ang pinupuwing ko lamang ay yaong tono ng kasuistang awtoridad ni Almario na nangangatuwirang sapagkat walang praktika sa pagkakatiwalag na pisikal sa bayan, di mahahanapan ng pamproletaryo o pangmasang Pilipinong tula!
Ewan ko kung anong uri ng baluktot na pala-palagay ito. Paano ang mga pangyayaring matagal na nanirahan si Brecht sa Amerika, si Gorky sa Sicily, si Neruda sa Europa, atbp.? Para-parang natiwalag sila at sa gayo’y namulubi sa praktika? Wala na bang matipunong karanasan o konkretong praktika ang mga Pinoy/Pinay rito o ang milyun-milyong taong naninirahan sa U.S.? Paano ang kilusang pang-masa rito, sa Europa, sa Latino Amerika, o sa iba pang lupalop ng daigdig [sa ngayon, circa 2006, mahigit 10 milyong Pilipino ang nakakalat sa bawat sulok, nagpapadala ng $8.8 bilyong salapi na siyang mabisang tumutustos sa mga pangangailangan ng rehimen sampu ng mga bayaring salarin at para-militari na pumapatay sa mga makabayang mamamayan].
Huwag akalaing ako’y di sang-ayon sa pangangailangan ng manunulat na makipamuhay sa gitna ng masa upang sa gayo’y mabuting mapag-isa ang teorya at gawa, depende sa partikular na misyon at larangan ng mobilisasyon. Sang-ayon ako rito. Pero hindi ako sang-ayon sa empirisistiko, dogmatiko, at sektaryanismong posisyon ni Almario. Kung susundin iyon (at pati ang halimbawa ng kanyang magulong panunuri), ano ang mangyayari sa United Front o Nagkakaisang Hanay? Anong nakapangangambang kapahamakan ang masasaksihan sa pagsusuma ng karanasan ng mga nakikilahok? Paano na ang mga Pilipinong bagaman hindi “Maoistang” tulad ni Almario ay handang tumulong o makiisa sa mga konkreto’t pang-araw-araw na layunin? Paano ang mga Pilipinong bagaman hindi radikal na kapanalig ay handang makiisa upang matamo ang katarungan at kasaganaan ng nakararaming tao?
Sa kasalukuyang yugto ng pakikibaka at sa sitwasyon ng Nagkakaisang Hanay, iba’t ibang uri ng kaalyado sa progresibong panig, kasama na ang mga petiburgesya at nasyonalistikong burgis. Kung susundin ang posisyon ni Almario, paano pakikibagayan ang mga akademikong liberal, ang mga pari at madre, ang mga taong may simpatya o pagmamalasakit sa mga adhikain ng rebolusyon ngunit may minanang petiburgesyang pangitain pa? Kung susundin ang payo ni Almario, isang sakuna!
Paano naman kung naipagpasiya ng mga kasama na walang praktika rito sa U.S., ayon sa makitid na empirisismo ni Almario. Di sana hindi na-politicize ang maraming petiburgesyang propesyonal na Pinoy, na dati’y ayaw makisangkot. Di hindi rin nakapagtatag ng mga organisasyong tulad ng Kalayaan Collective (West Coast) at SCDP (East Coast), at marami pang samahang inuugitan ng KM, MDP, mga Fil-Americans, mga bagong dating na Pinoy, kasama pati ang mga Kanong Puti na may malalim at malawak na pakikipag-ugnayan sa rebolusyonaryong kilusan dito ng proletaryong Puti at Itim, ng mga Chicano, Puertoriqueno, at iba pang minoryang pangnasyonal. Di sana’y di na nakapaglathala ng Kalayaan at iba pang publikasyon na nagpopropaganda laban sa U.S. imperyalismo, nagpa-fund-raising, at iba pang anyo ng solidariti sa rebolusyon sa atin.
Ano kaya ang sasabihin ng mga taga-Timog Biyetnam na kumikilos dito, tiwalag na pisikal sa kanilang bayan? Paano ang mga Pilipinong aktibistang naitapon sa Tsina, Cuba, Europa at iba pang lugar—tiwalag na ba sila sa anti-imperyalistang praxis, di makapag-abuloy ng tulong sa bayan o makalikha ng sining na may linyang pangmasa?
Bukod sa pagkakalimot ni Almario sa tatlong klase ng praktikang panlipunan at mga posibilidad ng pagkilos kaakibat nito, na tila hindi monopolyo ng mga taong pisikal na nariyan, kinaligtaan niya na ang pangunahing kontradiksiyon ay dili iba’t ang kontradiksiyon ng U.S. imperyalismo at ng masang Pilipino (na binubuo ng limang kategorya ng uri at iba pang grupo; sangguniin ang LRP ni Amado Guerrero). Kung saan naroroon ang U.S. imperyalismo (monopolyo kapitalismo rito), naroroon din ang larangan ng digmaan ng mga uri.
Ang kapitalismo ay sistemang pangmundo. Saklaw ng namumunong U.S. imperyalismo ang lahat ng lupalop, halos lahat ng bayan sa buong mundo maliban sa sosyalistang kampo. Kaya saan mang lugar malalabanan ang kaaway, dito sa loob ng kanyang lupain o sa labas, saan mang dako.
Walang alinlangang tumiwalag si Almario sa “konkretong analisis ng konkretong kondisyon.” Naligaw siya ng mga de-kahong imahen ng U.S.—sintomas na nalalambungan pa siya ng kanyang milyu. Wari baga’y ipinagsanib niya sa isang pantastikong paraan ang mga naghaharing uri ng monopolyo kapitalismo at ng nakararaming mamamayan ditong inaapi at naghihimagsik. Sa kanyang pantastikong suhetibismo, tumiwalag si Almario sa siyentipikong analisis ng mga uri sa kapitalistang lipunan ng U.S., sa rebolusyonaryong praktika ng mga Pilipino rito, sa tatlong uri ng praktikang panlipunang humahatak-tumutulak sa kasaysayan ng bawat sosyedad sa mundo. Sa maikling sabi, tumiwalag si Almario sa mga prinsipyo ng pakikibaka.
Sa kabila ng ipinaparamdam niyang angking kayamanan sa praktika, naipamalas ni Almario na dahop ang kanyang pagkakaintindi hindi lamang sa idea ng praktika kundi ng diyalektika, kaya sa kanya ang problema ng makata ay lumilitaw na “kontradiksiyon ng pakikibaka at ng pagkatiwalag,” na ibig sabihi’y sa pisikal na pagkatiwalag ng maraming Pilipino ay wala na silang oportunidad na magsapraktika o makihamok laban sa U.S. imperyalismo. Pambihirang hinuha.
Lumalabas na sa interpretasyon ni Almario, ang “praktika” ay mga pisikal na aksiyon o pisikal na kilos ng tao sa atin na ginagabayan ng kanyang empirisistikong pananaw, di alintana ang uneven development ng kamalayang pampulitika ng mga uri sa sosyedad at ng mga puwersang pang-internasyonal, kaya ang resulta ay pragmatismo at oportunistang suhetibismo. Bunga rin nito ang pagtalikod sa pagkakataong mahawakan ang pangunahing kawing (main link) ng pagsulong mula sa minanang kulturang burgis at muling paghubog dito sa pagsasakatuparan ng mga kinakailangang gawin sa Nagkakaisang Hanay sa panloob at panlabas (sa Pilipinas) na larangan ng digmaang sambayanan.
Iminungkahi ko na upang maging tiyak ang terminolohiya, magsanay gumamit ng salitang “praktika” para sa partikular na mga kilos, ang praxis o praksis sa pagtukoy sa tatlong kategorya ng praktikang panlipunang idinaliri ni Mao. Sa puntong ito, iminumungkahi kong wastuhin ang mababaw at pabalbal na paggamit ng “konkreto.” Sa paggamit nina Marx, Lenin at Mao sa pilosopiya at teorya, ang “konkreto” ay hindi nangangahulugan ng katangiang nahihipo o nadarama, kundi yaong pinagpisang katangiang may maraming panig na magkakasudlong o magkakaugnay, kaugnayang natatarok lamang pagkaraan ng masalimuot at sistematikong analisis ng sapin-saping kontradiksiyon. Samakatwid, ang “konkretong analisis” ay tumutukoy sa malawakan at malalim na pag-uugnay-ugnay ng iba’t ibang panig ng realidad (tatlong uri ng praktikang panlipunan) upang makabuo ng sintesis na totalidad—ang tinaguriang teorya ng materyalismong diyalektikal-istorikal—na siyang patnubay sa bawat partikular na kolektibong pagkilos.
Sa tiyakang pagbabalangkas, ang wastong teorya ay batay sa wastong paglalagom at pagsasaayos ng mga kontradiksiyon sa praxis. Paano magiging wasto ang teorya kung mali ang analisis sa praxis? Kagulat-gulat ngunit lohikal na resulta lamang ng kanyang magulong isip ang haka-haka ni Almario tungkol sa “praktika,” na lumilitaw ngayong empirisistiko at oportunistang pakikipag-ugnay tulad ng ugali ng mga Lacsina, Oca, at iba pang aristokrata ng dilawang unyon. Punahin din itong dualistiko’t mekanikal na paghihiwalay ng karanasan at imahinasyon: “Kapag kulang at limitado sa praktika, masyadong napupuwersa ang lakas ng imahinasyon ng makata sapagkat walang malalim at matipunong konkretong batayan o karanasan na maaaring pag-ugatan.” May imahinasyon bang ganap ang kasarinlan? Pambihirang iskolastisismo naman ito, na kund susundin ang metodo ng kanyang diyagnosis, ay maituturing na masamang impluwensiya ng mga tusong Hesuwitang panginoon ni Almario sa kuta ng mga reaksiyonaryo’t makapiyudal na tagapamudmod ng “opyo ng masa.”
Maselan ang usapin ng pagtutugma at hidwaan ng super-istruktura at baseng materyal, laluna ang usaping pagsasakatuparan sa mga tungkuling inilapit ni Mao sa Talumpati sa Yenan. Ang pagsagot sa tanong na “Para Kanino?” ay nasasalalay sa masusi at matalinong paghihiwalay sa mga uring tinipon sa abstraksiyong “masa,” sa pagbubukod-bukod ng gawain (division of labor) sa mga kasapi ng Nagkakaisang Hanay upang maiangkop sa kahilingan ng mga pangyayari ang iba’t iba at di pantay-pantay na kakayahan at baytang ng kamalayan ng maraming indibidwal. Hindi ito tinupad ni Almario. Sa kakitiran ng panlasa at ignoransiya sa iba’t ibang uri ng likhang-isip na may iba’t ibang intensiyon (hindi man siya mabiro ni J.R.Verdad), mandi’y ipinagpilitan ni Almario sa mekanikal na paraan na magamit na parang baril o instrumento ang panitikan nang walang analisis ng mga iba’t ibang antas ng kakayahan ng awdiyens, ng mga uring progresibo (kasama ang petiburgis at burgis at sinupamang nakikiisa), o ng mga di-maluluksong palapag ng medyasyon (mediation) kung paano ang isang likhang-isip ay nakapagbabago ng kapaligirang materyal. Ang “masa” sa kanya ay monolitikong bagay na basta maaakay o masusubuan ng pabulum na proletaryong tula.
Sapagkat hindi naman tayo umaayaw sa mithiin ng kilusan, Roger, huwag natin masyadong palakihin nang labis-labis ang maiaambag ng tula sa aktwal na pakikihamok. Ito’y hubris na higanti lamang ng di naman katagal na panahon ng ating pagbabaguntao—baytang-baytang na proseso rin ang pagkamulat, hindi ba?
Kung masusunod si Almario, ang solusyon niya sa mga problemang pampulitika ay burokratiko’t administratibong dahas—isang napakasawimpalad na sintomas ng pagkainip, abenturismong pagpwersa sa manunulat na lumikha agad-agad ng tulang de-kahon: puno ng detalye, di gagamitan ng burgis na teknik, walang bahid na “karunungang pang-iskolar at karanasang pandaigdig.” Sawimpalad ang prinsipyo ni Lenin hinggil sa “pagkakarugtong ng kultura” ng lahat ng antas ng lipunan. Sawimpalad ang internasyonalismong pamproletaryo sa tsobinismo ni Almario. Sawimpalad pati na rin ang mga kumbensiyonal na mga tula ni Mao na di maintindihan ng masang Tsino kung walang mga tagapamagitang may kasanayan sa praktika ng pagpapaliwanag (halimbawa: “Takeuchi Minoru on a Poem by Mao,” sa librong Mao, pinamatnugutan ni Jerome Ch’en, Prentice-Hall, 1969, pp. 142-45).
Sawimpalad din ang PAKSA at MDP kapag ang burokratikong mentalidad ng mga Almario ang payagang sumira sa wastong pagsulong o maging mapanghikayat sa pagpapasunod sa mga dogmatikong utos, sa pag-aatupag ng pormalistikong ayos (tingnan ang puna sa mga paggamit ng “klase” imbes na “uri,” “digmaang sambayanan” imbes na “digmaang bayan,” atbp.) na hindi man lamang isinaalang-alang ang konkretong kalagayan ng manunulat, ang dinamikong kalikasan ng wika sa kasalukuyang pagpapalaganap, ang pangangailangang maging mapagpalaya sa panitikan, o kaya’y ang katotohanang ang pinakaimportante (sa prosa) ay ang buod na laman, ang ideyang isasapraktika.
Ang petisismo (fetishism) ng porma ni Almario ay walang habas na nakapangyari sa kanyang pagkagalit sa aking pagsasapilipino sa isang tula ng linyang “Mangahas makibaka, mangahas magwagi” at paglalathala ng lumang bersiyon ng “Internasyonal.” Nagkukumahog siyang ibintang ang lahat ng mga ito sa pisikal na pagkatiwalag ko. (Maging Ang Bayan ay gumagamit ng pariralang “burokrata-kapitalista” at iba pang porma, ngunit labag ito kay Almario.) Sa kabila ng ganitong panghihimasok, nais pa niyang ako’y sumunod sa tila sentralismong tuntunin na ipinapataw sa mga kasapi ng mga namumunong organisasyon. Magkakasalungat na kahilingan. Pagkatapos na ipalagay na walang praktika ang makata, kapagkuwa’y hahanapan pa muli noong bagay na naipalagay niyang wala.
Sawimpalad na kilusan kung ang patakarang dogmatiko, ignoranteng empirisismo, at oportunistang obhetibismo ni Almario ang makapamayani sa kilos at kaisipan ng mga kasanib sa bangguwardia ng progresibong lakas.
Maraming problemang nakaharap sa bangguwardiya: ang gumabay sa mga progresibong uri, magturo at mag-aral, pumatnubay at tumulong sa mga nahuhuli o sa may mababang kamalayan. Balakid kay Almario ang “karanasang internasyonalista,” sa bangguwardiya’y dapat ito’y maging mabisang kasangkapan. Sagwil kay Almario ang mga “kaalaman at teknik na burgis” (ano kayang hayop ito?), ngunit sa bangguwardiya’y dapat ito’y maitugma at magsilbing kagamitan. Hadlang kay Almario ang “karunungang pang-iskolar at karanasang pandaigdig,” ngunit sa bangguwardiya’y dapat itong mailagom at maihasa sa pagsasapraktika ng teorya ng materyalismong diyalektikal at istorikal.
Marahil, Roger, sa hinaharap ay magkakaroon ako ng panahon at lakas na pahalagahan ang mga tula ni Almario, ang “estilong pangkusina” (parirala ni Brecht) na naitampok sa “Elehiya,” atbp. Subalit baka tumutol siyang “Wala o kulang ang praktika mo!” Matapat at tahasan kong tinatanggap ang makatuwirang pagtukoy sa mga limitasyon ng 1 Mayo 1971—meron bang perpektong akda? Ngunit huwag sanang sunggaban at samantalahin tulad ng isang kapitalista ang mga pagsusuri-sa-sarili upang sa gayo’y walang pagtitimping siraan ang pagkatao at magtipon ng mga hungkag na indulhensiya para sa sariling kapakanan.
Hindi ko pa nakitaan si Almario ng pagsusuri-sa-sarili tulad ng naisagawa ko sa iba’t ibang lugar (halimbawa, sa tugon ko kay Kasamang Nicanor Tiongson). Kung ganito kadogmatiko ang pananaw niya sa mga nakikiisa sa kilusan, paano niya makukuhangg humimpil sa Ateneo nang hindi tumutuligsa sa mga gawain ng mga kontra-rebolusyonaryong pangkat nina McPhelin, Valdepenas, at iba pang elitistang ahente ng CIA? Paano siya makikitungo sa mga taong maaaring makatulong sa kilusan kung ang kritisismo niya (karaniwang atake ito sa mga manunulat sa Pilipino) ay mababaw, krudo, bulgar na pagtataguyod sa paghahanap ng karupukan o depekto batay sa empirisismong makitid, mekanikal at burokratang dogmatismo—ang sakit ng suhetibismong pananaw?
Gayunpaman, aasahan kong magkakaroon si Almario ng katapatan at lakas na suriin at hatulan ang sariling mga akda, ang kanyang kahapon, ngayon at kinabukasan, sa harap ng pinakamamahal niyang masa.
Ang nangungunang praktika ng manunulat, sa ganang akin, ay sumulat habang kasangkot sa tatlong praktikang panlipunan, ang praxis alinsunod sa hinihingi ng panahon niya at kinalalagyan. Ang malalang kontradiksiyon ng pagsubok sa pakikibaka ni Almario at pagkatiwalag at baligyang pagtaksil sa rebolusyonaryong prinsipyong sinasambit-sambit niya ay isang temang dapat pag-aralan at talakayin ng mga kasama. Naniniwala akong marami sa mga kapanalig natin riyan ang may mas malawak, malalim at wastong pananaw, sadyang karapat-dapat sa pamumuno ng bangguwardia. Huwag dapat umasa sa isa o dalawang “henyo.” Pasiglahin at isapraktika ang kolektibong liderato.
Kaalinsabay ng re-oryentasyon at muling paghuhubog-ng-pananaw ng mga intelektwal na lumaki sa loob ng mala-kolonyal at mala-piyudal na milyu, ang mga halimbawa ng relasyon nina Lenin at Gorki sa isang banda, at nina Mao at Lu Hsun sa kabilang banda, ay dapat maging huwaran. Dapat ding ikintal sa kamalayan ang mga makadiskriminasyong pagtuturing nina Marx at Engels sa mga artistang may kasalungat na pulitika: Balzac, Shakespeare, Walter Scott, Goethe, Dante, Tolstoy, Aeschylus, atbp.
Isaisantabi ang parokyal at indibidwalistikong panunuri ni Almario upang mapantayan o mahigtan ang tagumpay ng mga sosyalistang pantas tulad nina Chiang Ching, Lukacs, Plekhanov, Caudwell, Brecht, Gramsci, atbp. Pinakamahirap sa lahat ang pagsusuri ng bisa ng tula sa pulitika. Gayunma’y pinangahasan kong bigyan ng teoretikal na saligan ito sa Carlos Bulosan and the Imagination of the Class Struggle.
Bukod sa mga praktikang itong hamon sa mga kritiko, marami tayong mga kaaway na sa pagkasukdol ng himagsikan ay unti-unting gumigising, sumusungaw at nambubulahaw—ang mga Demetillo, Casper, Tiempo, at mga tutang upahan sa U.P., Ateneo, Malakanyang, atbp. Bakit hindi ito harapin ng mga magigiting na kritiko sa halip na magparaos sa walang kuwentang 1 Mayo 1971? Ang antagonistikong kontradiksiyon ng mga progresibo at reaksiyonaryong lakas ay nakahihigit na hamon kaysa sa di-antagonistikong kontradiksiyon sa loob ng Nagkakaisang Hanay. Iniluluhog dito ng mga kasama na huwag lang sanang gawing monopolyo ang praxis, at pati dito’y kumpiskahin at samsamin ni Almario ang mga pagkakataong maimulat ang ilanlibong Pinoy na hindi pa naman walang pag-asa.
Gayunpaman, salamat kay Almario, naitanghal din para sa atensiyon ng bangguwardia sa PAKSA at mga kasanib sa KONTRES at iba pang organisasyon ang mga isyu at problemang sadyang humihingi ng rebolusyonaryong kalutasan.
Sa rebo, Sonny

Comments