PAGNINILAY SA HARDIN NG BAHAY NI ISIS, QUEZON CITY

 Habang nilalasap ang linamnam ng buko sa pananghalian Malasin ang ganda ng harding ito, mabango, maaliwalas; Malayo sa Gethsemane ang groto ng Birhen sa sulok Binabantayan ng mahinhing anghel, isang bulong ng amihan, Lingid sa ingay at alibadbaran sa City Hall at telebisyon….

Mula sa bintana’y silip ko ang mayuming nimpang nakaluhod Sumasalok ng tubig sa sapa—para kaninong uhaw? Magayumang tagpo ito, walang daing, himutok o hiyawan…..

 Walang alitan. Tahimik. Halimuyak ng banal na kalikasan Ang malalanghap, walang tayo o kami—atin lahat, walang nagmamay-ari…. Walang etsapwera, salimpusa, maluwag ang lunan kahit upahan— Lagos-lagusan, tiwasay, naksuksok ang tabak ng anghel sa tagiliran.

 Ngunit sa dapit-hapon, alingawngaw ng trapik ang sumampa sa bakod-- Nasulyapan ko rin ang ngiti sa labi ng labanderang nagwawalis-- Sa bukana ng tarangkahan, nasagap sa utusan ang balita ng masaker Sa Mindanao, ginahasang biktima, madugong tunggalian ng uri’t kasarian…..

 “Pantayong pananaw,” di kuno, walang pag-iimbot o kasuwapangan Ang sermon sa Simbahan at Batasan…Lumabas ako’t nagtanong— Anong asim, pait, askad ang lasa sa dilang dati’y walang kibo? Nakabwelo na ang anghel, hugot ang patalim, sa maalisangsangang takipsilim.

 --ni E. SAN JUAN, Jr.

Comments

Popular posts from this blog

JOSE CORAZON DE JESUS--ANG SINING NI HUSENG BATUTE--E. SAN JUAN, Jr.

INTRODUKSIYON KAY EFREN ABUEG--E. San Juan, Jr.

ANDRES BONIFACIO: Katwiran, Kalayaan, Katubusan--ni E. San Juan, Jr.