SEMIOTIKA NI CHARLES SANDERS PEIRCE--Lektura ni E. SAN JUAN, Jr.
KAHULUGAN, KATOTOHANAN, KATWIRAN:
PAGPAPAKILALA SA SEMIOTIKA NI CHARLES SANDERS PEIRCE
Panayam ni E. San Juan, Jr.
Tanyag sa buong mundo si Charles Sanders Peirce, Amerikanong dalubhasa sa pilosopiya’t agham (1839-1914), bilang imbentor ng “pragmatismo,” isang metodong sumisiyasat sa proseso ng pagpapakahulugan. Bagamat pantas sa maraming agham, hindi siya nabigyan ng permanenteng posisyon sa akademya dahil sa labag-sa-kumbensiyonal na pamumuhay. Liban na sa maliit na pulutong ng mga kolega tulad nina William James at Josiah Royce, halos walang kumilala sa kanyang galing at dunong noong siya’y buhay. Ngayon na lamang tanggap na siya marahil ang pinakaimportanteng pilosopong nabuhay sa Amerika. Malaki ang impluwensiya niya sa mga modernistang paham tulad nina Bertrand Russell at Ludwig Wittgenstein, bukod sa makatas na ambag sa malawak na larangan ng lohika, astrophysics, lingguwistika at semiotika.
Halos di nababanggit sa talambuhay ang progresibong paninindigang pampulitika ni Peirce. Kalahok siya sa Anti-Imperialist League nina Mark Twain, Henry Adams, James at iba pa na tumutol sa lapastangang paglukob sa Pilipinas noong Digmaang Filipino-Amerikano (1899-1913). Kakatwa, ang tinuturing na mga alagad niya ngayon ay siyang masugid na tagapamansag ng imperyalistang dominasyon ng Amerika sa buong daigdig. Hindi maipagtatanggol ng utak ni Peirce ang neoliberalismong pagmamalabis ng kapitalismong global.
Sa pamamagitan ng popularisasyon ni James ng ilang ideyang sinipi kay Peirce, naging kilala si Peirce sa pagbaluktot sa kanyang hinagap. Ngunit tumutol siya sa pangitain ni James, tinaguriang “pragmaticism” ang kanyang pananaw upang hindi ma-hijack. Sa kumbensiyonal na pagkilala, ang pragmatismo ni James at ni John Dewey ay may individwalistikong kapakinabangan. Nakabase iyon sa pagpapakatotohanan sa anumang teorya o ideya batay sa kabuluhan nito sa pagsasakatuparan ng anumang nais makapagpabuti sa iyong personal na sitwasyon. Sa gayon, ang kriterya ng truth-value o halaga-sa-katotohanan ng iyong haka-haka ay nasa bunga ng paggamit nito sa pag-unlad ng iyong sariling kabuhayan. Kung hindi tumutulong iyon sa iyong personal na ambisyon, hangad, pangagailangan, ibasura iyon sapagkat hindi totoo. Ang “cash-value” ng mga ideya ay maipagtitibay sa instrumentalismong kapakinabangan sa nagsisikap na indibidwal.
Sa kabilang dako, ang teorya ni Peirce ay nakapokus sa paglilinaw ng ating pag-iisip tungkol sa kahulugan/katuturan ng ating mga salita. At hindi lamang para sa isang tao kundi sa komunidad ng mga nagsusulit o nag-ieksamen ng mga sagot sa problemang kasangkot sa etika, estetika at epistemolohiya. Samakatwid, hindi pormula sa biglang-yaman ang tipo ng pragmatisismo ni Peirce.
Bago tayo dumako sa mga panukala ni Peirce tungkol sa “signs,” signos/senyas at pag-aaral nito, ang siyensiya ng semiotika—paggamit ng iba’t ibang tanda o sagisag—linawin natin muna ang pangkalahatang paningin niya sa bawat bagay. Isang mundong pagkakaiba ang saligang simulain ni Peirce kina James-Dewey at mga alagad tulad nina Sidney Hook, Richard Rorty, Stanley Fish, atbp. Gadaigdig ang pagkakaiba: karamihan sa mga ito, inspirado nina Nietzsche, Heidegger at iba pang irasyonalistikong tendensiya, ay nominalistiko sa halip na realistiko sa pagturing sa realidad. Tulad nina Berkeley, Locke at mga logical positivists (Bertrand Russell, Wittgenstein, atbp.), ang nominalismo ay pananaw na walang obhetibong daigdig o katalagahang namumukod kundi mga indibidwal na pangalan lamang, nadaramang datos, impresyong pampersonal. Samakatwid, walang “generality” o pagkakasunod-sunuran na mapagbabatayang pagkakaisa ang ating mga pala-palagay, haka-haka, opinyon. Suhetibismo’t ideyalismo ang resulta.
Isa Hinati sa Tatluhan
Sa umpisa, nominalistiko si Peirce ngunit nagbago siya sa tulong ng iskolastikong paglilimi ni Duns Scotus at mga pilosopong sina Immanuel Kant, Hegel, atbp. Ipinagtanggol niya ang realistikong pananaw sa dahilang hindi makabubuo ng siyentipikong hipotesis at masusubukan iyon kung walang kasunuran ang mga ideya ng maraming imbestigador. Kung walang kaalaman ng pag-uugnay ng penomena, walang siyensiya na batay sa pasumala, pagbabakasakali, na masusubok sa publikong paraan. Paano makararating sa kolektibong pagkakaisa kung walang mapagbabatayang lohika (tulad ng deduksiyon, induksiyon, at abduction, na pagbuo ng hipotesis o teoryang bukas sa pagpapabulaan nito sa pamamagitan ng eksperimentasyong sama-sama)? At kung walang napagkayariang prinsipyo tungkol sa metodo o pamamaraan ng pagpapatunay ng ating opinyon batay sa kinalabasan o bunga ng ating pagtimbang, pagtasa at paghatol sa mga haka-haka o assumption sa larangan ng panlipunang kabutihan, dakdakang walang saysay ang resulta.
Magsimula tayo sa mungkahi ng pragmatikong maxim ni Peirce: “the entire intellectual purport of any symbol consists in the total of all general modes of rational conduct that, conditionally, upon all the possible different circumstances and desires, would ensue upon the acceptance of the symbol.” Dalawang sangkap ang importante: rasyonal na kilos o asal, at pag-alang-alang sa konteksto ng kapaligiran at iba’t ibang lunggati. Ang buong katuturang intelektwal ng simbolo [ideya] ay binubuo ng lahat ng uri ng kilos na makatwiran na susunod kung tatanggapin ang simbolo depende sa kondisyon ng lahat na maaaring kalagayan at kagustuhan na pumapatnubay.” Ang kabuluhan nito ay panlipunang kaunlaran, hindi personal na kaginhawahan.
Sa ibang salita, ang kahulugan ng anumang ideya/teorya ay nakasalalay sa bunga o kinalabasan ng pagsasapraktika noon para sa komunidad ng mga nanunubok at naghahatol. Ang praktika ng kaisipan, laging konseptwal o pangkahalatan ang saklaw, ay kaagapay ng proseso ng produksiyon ng signos/senyas at walang patid na interpretasyon. Ang katuturan ay naroon sa potensyalidad ng pagpapakahulugan na nakaugat sa basehan ng signos/senyas.
Dapat idiin ito: Nakatuon ang pragmatic maxim ni Peirce sa komunidad ng mga nag-uusisa’t nananaliksik ng katotohan. Ang komunidad na nagpapalitan ng kuro-kuro, nag-uusap at nagkakaintindihan, ang siyang susi sa makabuluhang pilosopiyang siyentipiko at may katuturan sa buhay ng sangkatauhan. Opinyon ng ilang komentarista ay sosyalistang semiotika, hindi pang-negosyo, ang nabuo ni Peirce ayon sa kwadrong realistiko, hindi nominalistikong pamantayan (Apel; San Juan).
Bumaling ngayon tayo sa pinkapuso ng aral ni Peirce, ang tatluhang teorya ng signos/senyas. Ang signos ay anumang kumakatawan sa isang bagay (pangyayari, danas, o anuman) para sa kaninuman (interpretant). Kailangan ang tatlong sangkap o salik sa signos: tanda/signos (representamen), bagay, at nagbibigay-kahulugan—nagsisiwalat ng basehan o saligan ng pag-uugnay ng bagay at signos.
Pansinin na lubhang kaiba ito sa malaganap na teorya ni Saussure, ugat-paradigm ng istrukturalismo at mga kritiko nito (dekonstruksiyonistang disipulo nina Derrida, Nietzsche, Heidegger; postmodernistang tulad nina Lyotard, Deleuze, atbp.). Kay Saussure, dalawang salik lamang ang inaatupag: senyas (signifier) at ideya o konseptong nasa isip (signified). Ang koneksiyon ng dalawa ay arbitraryo, kombensiyonal, at sa gayon laging dumudulas, pumapalya, di lapat, walang katatagan. Ang wika ay sistema ng pagkakaiba-iba/differances (sa terminolohiyang Franses) na ibinadya sa kamalayan. Nawala ang bagay na tinutukoy, ang obhetibong penomena. Nawala ang realidad sa labas ng kung ano ang nasa isip o malay ng nagpapakahulugan. Kaya nominalistiko, ang realidad ay mga watak-watak na bagay, isa-sang tinutukoy; hindi nakasalig ang kaalaman sa ibat-ibang uri ng representasyon. Kaya ang katotohanan ay relatibo, walang katiyakan o katakdaan.
Hikayat sa Paniniwala
Bago tayo sumisid sa malalim at malawak na dagat ng teorya ni Peirce tungkol sa signos/senyas/tanda o lagda—mga sinonimo o kasingkahulugan ng “signs” na hindi lamang salita o titik kundi anumang nagpapahiwatig, naghuhudyat, nagpapaalam—nais kong rebyuhin muna ang layon ng pagtatanong o pag-uusisa (inquiry) para kay Peirce.
Bakit tayo nagsusuri, nagpapalitang-kuro, nagdidiskusyon tungkol sa paglutas sa isang problema o pagtugon sa mga tanong ukol sa katotohanan o katunayan? Bakit tayo nagbibigay ng panahon, pagod at sakripisyo sa gawaing intelektwal na pagsisiyasat?
Sagot ni Peirce: upang tiyakin o itakda ang paniniwala (fixation of belief).
Upang makarating sa isang pansamantala ngunit tauspusong kasunduan tungkol sa katotohanan, na pwedeng mapatunayang mali, huwad o hindi tama. Tawag dito’y fallibilism. Sa gayon, patuloy ang paghahanap ng kasunduan sa pangkat ng mga matiyagang nagsisiyasat, gumagalugad, nananaliksik, dumudukal, sumusuyod, nagpapaunlad—mga katagang lapat sa ebolusyonaryong pangitain ni Peirce tungkol sa pagsulong ng sangkatauhang kabihasnan.
May limang paraan o metodo sa pagtatamo ng matinong paniniwala, ang pag-aayos ng buto-buto, wika nga: a) ang pagkapit sa nakaugalian, b) pagsunod sa awtoridad, c) ang metodong apriori, d) ang pagtalima sa pangmadlang opinyon o haka-hakang pampubliko, e) at ang paraan ng imbestigasyon o masinop na pag-aaral.
Sulitin natin ang mga ito. Ang paraan ng pagkapit sa gawi o ugali ay simpleng hangad na maniwala sa anumang tama nang walang imbestigasyon. Ayon sa kostumbreng nakagawian, napagtibay na ito’y maginhawa, sulit sa pangagailangang pang-araw-araw sa isang magkakauring komunidad. Pwedeng manatili ito kung walang hamon ng naiiba o kabaligtarang pananalig; sakaling mabuksan ang komunidad sa ibang impluwensiya, dahas ang gagamitin upang masugpo ang pagbabago.
Tiwala at Pag-aalinlangan
Ganito rin ang nangyari sa paraan ng awtoridad. Ang paggalang o pagsunod sa institusyon (halimbawa) ng simbahan, ng Estado ng naghaharing uri o pangkat, ay pabor sa may kapangyarihan. Natural na gamitin ang pagkulong ng madla upang maiwasan ang impluwensiyang salungat sa orden, kaya mas marahas at barbaridad ang sistemang ito kaysa una dahil sa una, ang interes ay kaginhawan, seguridad at karaniwang kabuhayan; ang huli, sindak ang gamit upang makontrol ang isip/diwa ng madla at sa gayon mapanitili ang kapangyarihan ng maliit na pangkat sa lipunan. Diktadurya ng oligarko o mayaman ito, kahit nakabalatkayo sa karatula ng demokrasya o “free world” o neoliberalismong pamamalakad. Ngunit marupok, hindi matatag at hindi rin magtatagal. Mapapalitan iyon sa paghihimagsik ng nakararami, o sa pagbubukas ng kaayusan sa pagbabago, sa mapayapa o magulong paraan.
Ang pangatlong paraan sa pagkakaroon ng paniwala o kasunduan ay pagsunod sa opinyon ng madla o publiko. Umiiral ang paniwala hindi sa bisa ng pwersa o pananakot kundi sa pag-apela o paghahabol sa sariling kapakanan o banta ng takot at galit ng publiko. Matataya na hindi rin ito matatag sapagkat madaling nagbabago ang disposisyon at lagay ng kalooban ng madla, sampu ng mga pangyayari’t sirkunstansiyang nanghihimasok. Mahirap umasa sa pabagu-bagong takbo ng damdamin, sentimyento, at opinyon na apektado ng di mapipigil na daloy ng kasaysayan.
Ang pang-apat na paraan upang makamit ang paniniwala ay sa metodong apriori. Ibig sabihin, ang ugat ng yunibersal na paniniwala ay magbubuhat sa kakayahang mangatwiran ng bawat tao, ayon sa rasyonalistikong turo ni Descartes at Kant. Ngunit kung matamang pagwawariin, bagamat malayo ito sa kapritsong hilig at aksidente, maituturing na kahawig ito ng paraan ng pagsunod sa awtoridad at gawi. Ito’y “intellectual analogue” ng paniniwalang nakabase sa ugali at awtoridad, sapagkat hinuhugot ang anumang praktikang pangkultura—tulad ng pagsamba sa diyos, at iba pang pamahiin—at binibigyan ng kahulugang yunibersal at di matatanggihan. Samakatwid, bawat kultura ay may kanya-kanyang intwisyong walang isang batayan, watak-watak. Kaya ang istorya ng metapisika ay mayaman sa nagkakaibang paniniwala. Kung magkalaban ang dalawang intwisyon, mahirap magkasundo kung walang isang saligang masusubok at mahihimay.
Ang panglimang paraan ay siyang iminumungkahi ni Peirce: iniimbestiga pati mga intwisyong pundamental kung saan itinitindig ang mga intwisyon at simulain ng iba’t ibang sistema ng metapisika. Ang mapanuring lohika ni Pierce ay nagpapanukala na ang makatotohanang paniwala ay maitatayo sa walang patid na pagsisiyasat, pinapatnubayan ng paraan ng masusing pangangawtiran: abduction o pagsusog ng hipotesis/hinuha, deduction at induction. Nagdudulot ito ng mga praktikal na postulates o presuposisyon na masusubukan at maieksamen ng lahat. Wala nito ang mga naunang paraan. May posibilidad ng pagtuklas ng katotohanan, ng pagkakamali, at pagtanaw sa hinaharap na kaunlaran. Nakatindig ang mga posibilidad na ito sa pagkilala sa realidad (na hindi hinubog ng kalakaran o kombensyon ngunit apektado ang kaisipan), sa doktrina ng pagkakamali, at sa prinsipyo ng sinekismo at pagkakabit-kabit at pagpapatuloy ng pag-unlad ng kaalaman.
Talakayan sa Kabuuan ng Semiotika
Ngayon, dumako naman tayo sa larangan ng semiotika ni Peirce.
Bago sa lahat, dapat idiin na kay Peirce, namamayani ang intensiyon, layon o tangka ng komunidad sa anumang pagtatanong o pag-uusap. Anong nais o adhika ang makakamit sa pagtatanong?
Ang semiotika ay isang pormal at normatibong agham kasangkot sa paghahanap ng katotohanang maisisiwalat sa pamamagitan ng senyas/tanda/lagda/hudyat. Hinahanap nito ang mga esensiyal na kondisyon sa paggamit ng senyas. May tatlong sangay ito: gramatikang semiotika, na sumusuri sa kung paano naituturing ang anumang bagay bilang senyas; lohikang kritikal, na naglalahad ng pamantayan kung paano natutuklasan ang katotohanan sa hinuhang bunga ng senyas; at retorikang yunibersal hinggil sa pagtakda ng kondisyon sa komunikasyon at pag-unlad ng senyas.
Normatibong siyensiya ang semiotika dahil sa interesado ito sa truth-value, o katunayan-halaga. Nakatuon ito hindi lang sa paglalarawan sa katangian ng iba’t ibang tanda/marka/hudyat, kundi sa wastong paggamit ng senyas sa pagtatanong, pati na ang mga paraang kailangan upang mahikayat o mahimok ang tao at makaabot sa pagkakasundo.
Kinakasangkapan ng semiotika ang ordinaryong karanasan, sampu ng mga paraan ng hinuha, pangangatwiran, argumentong lohikal, na nakasanayan na. Depende ang semiotika sa mga prinsipyong hango sa matematika at penomenolohiya. Galing naman sa etika at estetika ang normatibong gabay. Tumutulong ang semiotika sa pagdalisay sa mga tuklas ng pagsubok at pagtikim sa mga karunungang nabanggit.
Lumilitaw na iba ang semiotika ni Peirce kaysa kay Saussure. Para kay Saussure, ang semiolohiya ay pag-aaral ng senyas bilang sikolohiyang bagay. Sapagkat ang pagsudlong ng senyas (signifier) at ideya (signified) ay kombensiyonal na praktika sa lipunan, nakahilig si Saussure sa sikolohiyang panlipunan, at sosyolohiya, hindi sa lohika. Kaiba kay Peirce, hindi saklaw ni Saussure ang mga senyas o hudyat na natural o di likha ng tao. Kay Peirce, ang semiotika ay isang organon o makinarya ng pagsusuri na mailalapat sa maraming disiplina na makapagdudulot ng mabisang prinsipyo sa pananaliksik sa anumang siyensiya. Hindi dapat paghaluin ang pormal o lohikal na semiotika ni Peirce sa empirikal na semiolohiya ni Saussure, upang makaiwas sa nominalismo at relatibismo na walang kahihitnatnan kundi mapagsariling pagsasapantaha.
Ang semiotika ay normatibong siyensiya na umuungkat sa relasyong pormal ng mga kaisipan, walang kinalaman kung saan ito nagmula o paano nayari. Sa ganitong perspektiba, ang senyas/tanda/hudyat ay hindi lamang penomena sa utak na itinakda ng lipunan o biolohikong proseso, kundi mga bagay na may obhektibong batas at istruktura na namamalas sa datos ng maraming disiplinang empirikal, mula soolohiya hanggang astronomiya. Lahat ng kaisipan natin ay dumaraan sa hinuha, pagmumuni sa namasid o naranasan, na matitimbang at mapapahalagahan ayon sa normatibong semiotika ni Peirce. Sa anu’t anuman, ang umuugit na layon ay pagkamit ng kasunduan ng mga nagsisiyasat hinggil sa nasubukang paliwanag sa problema o suliraning sinikap masakyan at malutas ng komunidad.
Kategorya ng Pagdalumat
Bumalik tayo sa semiotika ni Peirce. Ang triyadikong teorya ng senyas/tanda ay nailunsad upang ipaliwanag kung paano nakalilikha ng kahulugan. Ang susi ay hindi pag-iral ng mga bagay-bagay kundi ang uri at tungkulin ng representasyon, laluna ang basehan ng pamamansag. Ang karanasan ng pagkakaroon ng katwiran o dahilan ang lahat ay hindi nagmumula sa “signified” o ideya-sa-utak, kundi bunga ng aksiyon o pamamaraan ng pagpapakahulugan. At iyon naman ay hindi bunga ng senyas/signifier lamang kundi ng buong proseso ng pagpapakahulugan, ng interpretasyon. Iyon naman ay nilagom sa ugnayan ng senyas (tanda, marka) at bagay, at ang proposisyong nagbubuklod sa kamalayan at yumayari ng intindihan o pagkatarok sa realidad.
Lubhang masalimuot ang implikasyon ng triyadikong iskema ni Peirce. Bago natin imbestigahin ang silbi nito sa pag-susuri at kuro-kurong pampanitikan, dapat talakayin muna ang tatluhang paghahati ni Peirce sa batayan ng signos ayon sa kategorya ng Pangunahin/Firstness, Pangalawahin/Secondness, at Pangatluhin/Thirdness. Iyon ay kailangan upang mawatasan kung paano tayo nagkakaroon ng kaalaman tungkol sa paligid-ligid, at paano lumalago’t umuunlad ang kabatiran natin sa katotohanan. Ang pag-unawa ay natatamo sa pagsubaybay sa pagsubok sa ipotesis sa aspeto ng tatlong kategorya.
Ang Pangunahin ay tumutukoy sa larangan ng mga kalidad, ng posibilidad, ng nadarama ng sensibilidad. Ang uri ng signos ay Qualisign, mga Icon na kahawig ng bagay, tanda ng posibilidad/ pagkamaaari (Rheme). Ang Pangalawahin ay larangan ng aktuwalidad, ng interaksiyon sa kapaligiran o umiiral na bagay sa mundo kung saan nagkakalaman ang abstraktong kalidad. Ito ang lugar ng mga datos, pangyayari, anumang nagpipigil sa ating nais o hangad. Ang signos dito ay tinawag na Sinsign, katumbas ay Index, na may litaw na koneksiyon sa bagay na kinakatawan nito (usok → apoy); ito ang tanda ng tunay na eksistensiya ng mga bagay sa mundo (Dicent). Saksi ito sa realidad. Ang Pangatluhan ay pangkalahatang huwaran, regulasyon o panuto na siyang nag-uugnay sa dalawang unang kategorya: damdamin/posibilidad at katalagahang humahadlang o sumasalungat. Tumutukoy ito sa batas, ugali, nakagawian, regularidad. Katumbas nito ang Legisign, simbolo o sagisag ng kombensiyonal na kilos. Ang interpretant nito ay tinaguriang Argument.
Lubhang komplikado ang iba pang paghahati ni Peirce. Halimbawa, may dalawang bagay para sa signos: dinamikong bagay na hindi bunyag, at yaong kagyat na kamalayan ng mga bagay. Mayroon namang tatlong uri ng interpretant: dinamiko na iyong epektong talagang nararanasan, hayag na interpretant, at pinakahuling lohikal na interpretant. Ang huli ay siyang resulta sa kamalayan ng signos pagkatapos madulugan ng sapat na pag-iisip. Nalilinang ito at umuunlad ang laman ng kahulugan.
Sa malas, mula sa 3 kategorya mahuhugot ang 10 klasipikasyon (66 uri, kung tutuusin) na hanggang ngayon ay mahirap sipatin kung may kapakinabangan sa pagsulong ng agham at humanistikong pagpupunyagi.
Paglilinaw sa ating diskurso o pananalita ang tangka ni Peirce. Bukod sa hangaring maiwasan ang ambiguidad o kalabuan sa pangangatwiran, nais ni Peirce na ilahad kung paano sumusunod ang isip/signos sa kondisyong nagpapatunay o nagpapabulaan sa anumang proposisyon. Ang interpretant ay gawi o ugali na gumagabay sa kasalukuyan at hinaharap na aksyon o kaisipan tungkol sa bagay na ating pinag-aaralan. Kung mali ito, hindi magiging matagumpay ang ating patakaran, panuntunan, o proyekto. Sapat at mabisang kaalaman ang layon. Sa gayon, ang triyadikong modelo ng tanda/lagda at mga kategoryang inilatag ni Peirce, ay gamit upang matuklasan ang mga kailangang kondisyon sa iba’t ibang uri ng representasyon, na siyang naglilipat ng kahulugan sa mga taong nagsisiyasat. Ito ay kaugnay ng agham sa pagkilatis at pagtarok sa katotohanan batay sa iba’t ibang paraan ng pangangatwiran (inferential reasoning).
Tatak ng Likhang-Sining
Pangwakas na obserbasyon bago sa maikling pagsasanay sa panunuring pampanitikan. Nakasentro ang realistikong semiotika ni Peirce sa pagpapalalim at pagpapalawak ng ating kabatiran, ng agham sa kaalaman sa realidad. Kailangan ang basehan o saligan ng relasyon ng signos (signifier) at bagay ng representasyon, na may penomenang hiwalay sa kamalayan—hindi lamang sa “signified” sa utak. Matitiyak ang katotohanan/tunay-na--kahulugan ng anuman kung ipapalagay natin na masusuri ang lahat ng interpretasyon. Makararating tayo sa pansamantalang konsensus o kasunduan sapagkat maaaring matiyak ng walang patid ang kahulugan ng tanda/lagda, isip o proposisyon na nakalakip sa walang patlang na pag-iral ng posibilidad. Ang pasumala (contingency) sa kinabukasang kalakaran ay salik sa determinasyon ng katotohanan na batay sa pagtuklas ng kamalian, kasinungalingan, o kawastuhan.
Anumang kalidad o sangkap ay matatarok sapagkat iyon ay matatagpuan sa anumang pangyayari, kaya maipapaliwanag ang anuman na totoo o huwad. Sa pananaw na ito, pagpapatuloy o “continuity” ay kailangan upang makabuo ng masusubukang ipotesis; kaakibat nito, may pagtiyak ng katotohanan dahil lumalaro din ang lakas ng aksidente o baka-sakaling pagkakataon. Ang kaisipan ay normatibo, nagbubunsod sa paniniwalang mapagkakasunduan, na may etikal at estetikang hantungan. Samakatwid, hindi nakabitin ang pagsisiyasat; may konklusyon o pagtatapos ang pagtatanong sapagkat ang anumang hipotesis ay masusubok sa praktika, sa eksperimentong pagsasanay angkin ang responsibilidad at pananagutan sa madlang nagtataguyod nito.
Sa semiotikang perspektiba ni Peirce, ang sining (halimbawa, panitikang malikhain) ay sinusuri bilang argumento o habi ng mga signos na nakalakip sa tunay na kontekstong historikal, di bukod sa praktika at mga bisa nito sa publiko. Binubuo ito ng mga titik, sintomas o palatandaan ng potensiyalidad. Damdamin ng hayag na kamalayan ang naghahari, hibo o instinkto ang umuugit sa danas, ipinagdiriwang ang posibilidad na masasalat sa umiiral. Makapangyarihan ang sakop ng ikon, persepsiyon, rhematikong aspeto ng salita, pati ang indeksikal na proposisyon; sa wakas, kapwa nagsasanib iyon sa simbolo, sa argumento ng likhang-sining.
Sa huling pagtutuos, ang argumento ay nagbubuhat sa pasiya o kagustuhan ng awtor, sa kanyang pananaw-sa-daigdig, na walang lohika kundi ang sitwasyong pangkasaysayan ng awtor (tinutukoy na “ground” na nag-bubuklod sa senyas/marka, semiotikong bagay, at interpretant) bilang kasapi ng isang takdang lipunan sa isang takdang panahon at lunan. Ang “ground” o sangkalan ng pagkakaugnay-ugnay ay relatibo sa sitwasyong naturan.
Sa pagsusuma, batay sa retorikang yunibersal ni Peirce, ang tatlong sangay na ito ang magagamit sa paglilinaw ng tatlong antas sa masinsing paghimay ng teksto: 1) ang sentido o dama (kaugnay ng kagyat na Interpretant); 2) ang kahulugan (dinamikong Interpretant, bisa ng marka sa mga ahensiyang nagsasalin; at 3) katuturan (lohika o ultimong makalayuning Interpretant, ang mahalagang bisa ng mga signos sa walang hintong proseso ng pagsasalin sa komunidad. Hindi kumpleto ang analisis kung hindi saklaw sa sistematikong paraan ang tatlong antas na ito, ang saligan ng triyadikong pagpapakahulugan.
Sintomas sa Modernistang Awit ni Cirio Panganiban
Kay Peirce, ang tula ay isang Simbolong Rhematic, isang bungkos ng kalidad sa Pangunang Kategorya. Ang pananagisag sa damdaming mararanasan ang posibilidad, ang pagkamaari, ay siyang nangingibabaw sa estetikang karanasan. Sa tulang “Three O’Clock in the Morning,” litaw na ang damdamin ng pagdaloy ng panahon. Kasangkot dito ang pagbabago sa larawan ng isang partikular na lugar at sa takbo ng buhay. Iyon ang pinakabuod ng Interpretant sa pangalawang antas. Ang indeksikal na ambil ng mga tayutay na tumutukoy sa anyo ng salon, ang mga nakikita’t naririnig—saksi ito sa realismong tekstura ng tula na may alusyon pa sa popular na awit sa Ingles noong bago sumiklab ang WW2. Ang langkapan o hugnayan ng mga impresyong pandamdamin ay tambad, kontrolado ng istruktura ng panahon at bugso ng pangyayari—ng indeks, proposisyong nagsusudlong sa panaguri at suheto, at simbolo.
Ang maladulang balangkas ay batbat ng metonimya, personipikasyon at iba’t ibang taktikang retorikal. Ngunit hindi ito dapat makalihis sa pokus ng tula: ang pag-iiba o pagbabago ng sitwasyon ng tao, pati ang isinumbat na kahinayangan at kailangang pagtitika. Iyon ang pangunahing tema. Mahihinuha na ang mga qualisign/ikon at rheme ay kasangkapan lamang upang maipahatid ang ilang argumentong nakapaloob sa legisign o simbolong nagpapahayag ng gawi, kombensiyonal na kilos, batas o ulirang aksiyon. Iyon ang nakabungad sa pangalawang saknong: “Mga puso yaong / kung di naglalaro’y nagsisinungaling; /gaya ng pabangong sumama sa hangin,/ang pag-ibig nila’y di dapat hintayin.” Samyo ng pabangong lumilipas—senyal/sintomas ng daloy ng panahon, na sa tao ay mapagpasiyang kasaysayan.
Ngunit limitado ba sa personal na suliranin ang isinadula? Ayon kay Virgilio Almario, bagamat may pagkamoralista at realistikong hilig ang tula, sa makauring pananaw ng Marxistang kritiko di umano, taglay nito ang “konserbatibong pananaw-sa-daigdig.” Ayon kay Almario, “Nakabagay [sa makata] sa naturang layunin ang Kristiyanong aral tungkol sa ‘paglalaro ng apoy’ at ‘bawal na pagibig’ dili kaya’y ang pagtatanghal sa salon bilang representasyon ng biblikong paraiso na bagama’t masaya ay lunan din ng pagbasak ng tao sa pagkakasala.” Marxista ba itong pangangaral? Napakababaw naman ng intensiyong ikinabit sa modernistang makata, na angkop para sa mga balagtasistang tinuligsa ni Almario at didaktikong Marxista—isang bulgar o reduksyionistang bersiyon--na kanyang binatikos.
Mistipikasyon at romantisasyon, sa akala ni Almario, ang inaayawan ng Marxista sa tula. Diumano, ang realistikong detalye ay naging “lambong sa pag-uusisa ng karima-rimarim na kalagayang panlipunan na nagpapaubaya sa salon…” Ngunit totoo bang romantisasyon ang punto ng sakunang itinanghal? Bukod sa pagpasok ng talambuhay ni Panganiban, na siya’y propesyonal na tubong uring mayaman, isinakdal din ang makata na naglinkod sa burges “dahil sa pagdiriwang nito sa isang layaw na mga masalaping burges lamang ang nakikinabang.” Ang yaman ng ari-arian ay hindi tanda ng kung saang uri (social class) nakapanig ang isang tao. Isang ebidensiya ito na malabo’t may malaking kakulangan ang interpretasyon ito. Malinaw na salungat ito sa konserbatibong moralidad na ipinukol sa makata. At tiwalag din sa irony o parikalang masinop na dinaliri ni Almario na diumano’y pormalistikong pag-usisa sa porma, pag-uusisang taglay ang isang malasong ideolohiyang hango mula kina Kant at kapwa romantikong pantas, sampu ng pasista’t aristokratang doktrina nina Ezra Pound, TS Eliot, Allen Tate, atbp.
Lubhang lihis kundi palpak ang kilates at hatol ng manunuring ito. Bukod sa maling sapantahang inaayawan ng Marxista ang aral ng Simbahan tungkol sa kasamaan ng makamundong aliw, hindi naman “biblikong paraiso” ang salong lunan ng pagtuklas ng dalaga na ang puri niya’y pinagsamantalahan. Sa katunayan, pinuntirya ng makata ang kasinungalingan at pagkukunwaring naghahari sa mundo ng kabaret at lugar-aliwan ng di lang mariwasa kundi pulubing sangkot sa “sex work.”
Opinyon din ni Almario na ang mga Marxistang kanyang nakilala ay sadyang magagalit kay Panganiban sanhi “sa pagtatanghal sa walang-kabuluhang pagwawaldas ng oras at salapi ng mariwasang uri.” May iwing kamandag daw ang tula at mapanganib ipabasa sa progresibong pangkat ng lipunan—pormalistikong sipat ang ginamit ni Almario, mapang-uyam na karikatura ng Marxista at pormalista. Bunyag na iyo’y walang muwang o walang kinalaman sa diyalektiko-materyalistikong kritikang kultural nina Lukacs, Gramsci, Brecht, Caudwell, atbp.
Ganyak Tungo Sa Materyalistikong Kritika
Sa semiotika ni Peirce, dapat ipokus ang lente sa lohikal at pinakabuod na Interpretant. Ano ang matining na hatid ng produksiyong pampanitikang ito na sa palagay ko’y inilathala pagkawasak ng puwersang Amerikano at ipinaghintay ang bayan sa pangako ni MacArthur na “Ako’y Babalik”? Di pa natitiyak ang petsa ng pagkakalathala sa magasin ng tulang ito (kasama ito sa kalipunang Salamisim, limbag noong 1955). Hinala ni Efren Abueg na 1937; sa ganang akin, ito ay lumabas noong panahon ng pananakop ng Hapon; tiyak na naisulat ito noong kasukdulang pagkahumaling ng gitnang-uri sa mga kabaret at musikang jazz, na muling sumulpot noong Liberasyon hanggang dekada 50. Patuloy na imbestigahin ito.
Kung balik-suriin, di ba napakababaw at palasak ang mangaral tungkol sa bisyo ng kabaret sa mambabasa ng tulang tulad nito? Ang sopistikadong pangkat na bihasa sa modernistang teknik ni Panganiban ay hindi mag-aaksaya ng panahon kung iyong mga obserbasyon ni Almario ang mapapala. Sa masinop na paglagom, ang paggamit ng lagdang hawig-ikon/rheme at indeks/sinsign (dicent) ay nakatuon sa artikulasyon ng batas/gawi/ugaling mahuhugot sa sintaks ng pangungusap, at sa retorika’t imaheng tanda ng posibilidad/kalidad. Sa palagay ko, ang aral dito ay hindi “Huwag mag-aksaya ng panahon sa sayawan sa mga kabaret,” kundi “Huwag maging biktima ng superpisyal na kabihasnang mapagmataas dahil may elektrisidad, jazz, ginto, pilak, sapagkat sa huling paghuhukom, di natin mapapagkatiwalaan ang pangako ng mga iyan, bagkus mapapariwara tayo.” Sa huling taya, mga ilusyon lamang ang idinulot ng Amerika sa Pilipinas. Samakatwid, “baliw” tayong maghahanap pang muling angkinin ang “puring nawaglit.”
Ang walang hintong takbo ng panahon tungo sa yugto ng pagmulat at pagtuklas ng katotohanan ang siyang motibasyon ng istruktura ng tula. Sa pamagat pa lamang ng tula, idiniin na ang oras sa pagitan ng ilusyon at katunayan, saya at kahabag-habag na pagsisisi’t lumbay. Sapagkat ang dula’y may mga tauhang pangkalahatan o tipikal, hindi partikular, ang papel na ginaganap ng mga ito ang importante: ang dalagang naglilingkod, ang mga may-kayang grupong kaugnay sa jazz, biyolin, bombilyang may ginto at pilak. Ang urbanidad o kabihasnang kalunsuran na lumaganap sa pagsakop ng Amerikano ang siyang masaklaw na tagpo sa paghulog ng puri’t dangal ng mga nasakop. Sa paglipas ng panahon, sa ika-tatlo ng umaga—ang oras ng pagtutuos—napag-alaman din na hindi makaasa sa lakas o yaman ng Amerika (kabit sa indeks ng kislap at ingay ng salon) na ipagtanggol ang puri, o isauli ito, ng bayang Pilipinas. Ito ang pagbasang maituturing na pinakaultimong lohikal na Interpretant, na nag-uudyok sa pagbabago ng bulag na pagdakila sa Amerika.
Sa pakiwari ko, ito ang alegoryang nakalakip sa kategoryang Pangalawahin, binubuo ng indeks ng limitasyon sa kagustuhan o pagnanais ng tao. Malinaw na ang temang nakasentro ay pagkabigo, kabalintunaan, sakit at sakuna dulot ng mapanggayumang hibo ng magara’t nakasisilaw na pamilihan/komersyo ng lunsod dala ng Kanluraning kapital. Naranasan ito sa pangyayaring naganap. Ang bayang Pilipino ang natukso ng Amerika, ngunit sa pagitan ng gabi ng kahirapan at umaga ng katubusan, hindi pa rin makaigpaw sa romansang walang kasasapitan. Ang kaligtasan ay nasa pagmumuni sa takbo ng ating kasaysayan.
Masinsing tunghayan ang ikot ng mga tagpo sa bawat saknong. Sa umpisa, nakaaaliw iyon (ang mapang-aliw na pangako ng Amerika), nakapupukaw ng silakbo ng damdamin at ulirat; ngunit bago mag-umaga (sa yugto ng pagliliwanag, at pagkapawi sa tulog o himbing ng malay), “sa dilim ng gabing mapanglaw,” ang mga nasawi ay mukhang “baliw” na umasa pa sa Kanluraning modo ng pamumuhay. Ang ugali at tatak ng kabuhayang iyon—hindi ang pagkakasala sa doktrinang relihiyoso, o burgesyang pang-aabuso—ang sinikap ipadalumat ng makata sa huli’t lohikang interpretant batay sa istorikal na konteksto ng tula at ng buhay pampanitikan ng makata bilang kasapi ng modernistang manunulat, at kasapi ng bayang nasadlak sa kahirapan noong panahon ng pananakop, una, ng Amerika, at sumunod, ng imperyong Hapon. Ito ang masaklaw at mapanlikhang “ground” ng pagkakaugnay ng teksto (senyas) at bagay (ang mundong tinutukoy) sa mapanuring dalumat na nailahad dito.
Sa konklusyon, ang kahulugan at katuturan ng likhang-sining ay nagmumula sa dinamikong interaksiyon ng tatlong sangkap sa pag-unawa: signos, bagay o pangyayaring tinutukoy niyon, at ang saligan ng pag-uugnay ng dalawa sa Interpretant o pagpapakahulugan. Bunga iyon ng aplikasyon ng semiotika ni Peirce.
Salamin o Salamangka sa “Kristal na Tubig”
Bukod sa ulat na ipinarangalan si Antonio Rosales bilang mahusay na kwentista ng taong 1937, wala akong alam na nailathalang puna o pagsusuri sa akdang ito. Panahon ng Komonwelt iyon, ilang taon pagkaraan ng insureksiyon ng mga Sakdalista sa pamumuno ng makatang Benigno Ramos at ilang taon pa bago sumabog ang WWII sa Europa. Samantala, ang pinagkaabalahan noon ng mga progresibong intelektwal sa atin ay ang paglago at paglaganap ng pasismo sa mundo, partikular ang Falangistang kampon ni Generalissmo Francisco Franco sa Espanya na maraming taga-suporta sa Pilipinas, una na ang mga oligarkong kapitalistang lahing Kastila. Masusubaybayan ito sa mga tala ng Philippine Writers League nina Federico Mangahas, Salvador Lopez at Teodoro Agoncillo.
Sa malas, walang pahiwatig na progresibo o reaksiyonaryo si Rosales. Tulad ng maraming kamanunulat, kumikiling siya sa romantikong pananaw sa kalikasan at di umano’y payak na buhay ng mga magsasaka, mangingisda, at mga taga-lalawigang may sariling kabuhayan. Ang “Kristal na Tubig” ay halimbawa ng produksiyong pampanitikang tumutumbok sa buhay rural, ang kanayunang ginagabayan ng mga ugaling tradisyonal, at paghihikahos ng magbubukid at mangingisdang pamilya at iba pang mga anak-dalita. Ipinipinta nito ang kahinaan at kagalingan ng mga taong laki sa kabihasnang pumapanaw, iginugupo ng industriyalisadong kalunsuran. Ano ang kinabukasan ng kalikasan sa harap ng pangungulila ng inbididwal sa gitna ng sitwasyong kolonyal noong Komonwelt?
Ang multo ni Ninay, na binubuhay sa pagmumuni ng talisuyong kasintahan, ang himatong na malulutas ang dilema sa tagumpay ng saloobing manatiling buhay. Ito ang mahihinuhang tema ng akda. Tampok sa salaysaying ito ang suliranin ng dukhang amang nag-aaruga sa isang batang ulila sa ina, anak ng babaeng lumabag sa batas ng relihiyon, kostumbre ng pamilya at ng kanayunan. Sa kabila ng suliraning kasalatan at kawalan ng tiwala sa sinumang makapagkakandili sa iiwanang anak, gumitaw ang lakas ng kalikasan sa mga Qualisigns, pandamdaming senyal, na sinasakop ng mga indeks ng pangyayari. Iyon naman ay nilalagom sa huli ng argumentong nakabuod sa usal ng pagbabakasakali (na may himig dasal) ni Tasio, ang sentral na tauhan: “Kung buhay si Ninay ay ganito rin ang kanyang gagawin.” Semiotikong pagsasanay ito, di ba?
Ibig sabihin: Kahit patay na si Ninay (ang babaeng bumalikwas sa tradisyon at awtoridad ng kinaugalian), bubuhayin ko sa isip, gunita, guni-guni, pagninilay, kamalayan, budhi, ulirat ang dakilang diwa/antig ng damdamin, puso, kaluluwa.
Multo o Kaluluwang Nagbanyuhay?
Sa kagyat (immediate) na Interpretant, ang kuwento ni Rosales ay napakamaradaming paglalarawan ng isang karakter, ang pagkatao ni Tasio. Inilahad muna sa anim na bahagi o eksena ang mga detalye tungkol sa tungkulin ni Tasio bilang pinagtambal na ama at ina ni Nene, ang anak ni Ninay sa asawang kanyang sadyang tinakasan upang makapiling ang tunay niyang mahal, si Tasio. Ang maginhawa’t mahinahong tagpo ng kalikasan, ang malinaw na kristal na tubig ang nakatatawag-pansin bilang “salamin” ng “kaayaayang larawan ng kamusmusan,” ang dominanteng imahen na nag-uugnay sa diyalogo ni Tasio at bunsong si Nene.
Mabilis ang daloy ng ulat at tala tungkol sa araw-araw na gawain, walang bagabag o ligalig hanggang sa kalagitnaan, sa eksena VII. Umigting ang balisa ng protagonist. Naisingit doon ang problemang bumabagabag: sino ang mag-aalaga kay Nene pagkamatay ng tanging ama/ina niya, si Tasio? Iyon ba’y pagkabasag lamang ng basong kristal at hindi ng kristal na tubig ng kamusmusan at kalikasan?
Ang dinamikong Interpretant ay reaksiyon sa panganib na umigpaw sa ating loob pagkabatid na sadyang nabalisa si Tasio. Sumunod dito ang kanyang litong pag-iisip kung sino ang nararapat umampon at kumalinga kay Nene na tutupad sa pagkatao ni Ninay. Sa eksena XI hanggang XIII, sumalisi ang enerhetikong Interpretant na napukaw sa pangambang may gipit at desperadong tangka si Tasio na lunurin ang walang muwang na bata. Tumatalunton sa isang payak at palasak na balangkas ang maikling kathang ito, mula exposisyon hanggang hidwaan ng mga lakas hanggang kasukdulang pagkaunawa ni Tasio tungkol sa puna ni Nene sa “kristal na tubig.” Ang anak mismo ang sumagot sa kanyang balisang budhi bago pumanaw ang eksena: “Bakit niya katatakutang maiwan sa isang mapanlibak at di nakawawatas na daigdig ang isang walang malay na si Nene kung ang puri’t dangal nito’y kristal na tubig?’ Bakit pa ilulubog sa kristal na tubig si Nene kung siya mismo’y bahagi nito, pinagtambal na ikon at indeks, rheme at legisign, ng puri, dangal, kabanalan?
Tumatambad dito ang proseso ng paghihinuha, ng paghuhulo, na maselang bahagi ng lohika. Sa semiotika ni Peirce, ang pangatlong dibisyon ay Speculative Rhetoric, o retorikang mapagnilay. Ang paksa roon ay kung anong kinakailangang kondisyon sa pagsasalin at paghahatid ng kahulugan sa komunidad ng mga mananaliksik. May kinalaman na ito sa sikolohiya at sosyolohiya, agham na ipinasok natin sa pagtiyak sa panghuli’t lohikal na Interpretant sa tula ni Panganiban. Ngunit sa pag-analisa sa signos ng likhang-sining, ayaw ni Peirce na isangkot ang sikolohiya tulad ng semiolohiya ni Saussure. Ang dapat sangguniin muna upang maunawaan ang katotohanan ng mga proposisyon ay alintuntunin sa lohika, sa paghihinuha (inference) at paghuhulo, na may takdang regulasyon o tuntuning maiimbestiga at mapapabulaanan (fallibilism).
Ano ang maikikintal sa ating unawa kung maiging iintidinhin ang palagay na ang “puri’t dangal” ng batang si Nene ay katulad ng kalikasan? Ibig bang sabihi’y hindi na magpapalit o mag-iiba ang gulang, ang kabataan ni Nene? Mahihinuha na sa pagpalagay ni Tasio na nahuli o nagaya niya ang kaisipan ni Ninay, nakahulagpos na siya sa kapalaran ni Tasio? Tatak konserbatibo ang kiling ng akdang ito bagamat litaw ang kontradiksiyon ng hangad sa pagbabago kaalinsabay ng pangarap na mananatili ang kawagasan ng pag-ibig at kawalang-malay ng anak?
Ano ang Dapat Gawin?
Pamukaw-habag ang tagpong ito. Nakapangingibabaw ang rhematiko’t ikonikong katangian ng senyas (bilang Qualisign) sa nadaramang ingay at nakikitang anyo. Lubog ang indeksikal na uri, pati ang proposisyong “Natagpuan ko rin ang kaligtasan!” Ipinabulaanan ito ng iginuhit na impresyong may pahiwatig na di maglalaho sa ulirat ang magkatalik na hugis ng bunso at ina. Tumingkad ang haraya ng magkapiling na nilalang:
Siya namang paghihip ng hanging may inihahatid na isang awit, ang awit ng isang inang may ipinagheheleng sanggol. Napatitig siyang muli sa kristal na tubig. Nasinag niya ang isang matamis ngunit malungkot na gunita: si Ninay. Ang lagaslas ng tubig, ang awit ng mga ibon, ang sutsot ng hangin ay naitaboy sa kaniyang pandinig ng awit ng inang may ipinagheheleng sanggol.
Ngayon lamang naitampok ang imaheng Pieta sa buong kuwento. Bagamat alam nating lumabag sa batas si Ninay, walang puwang na ginamit upang idiin ang magkalapit na katawan ng ina at anak. Sa gayo’y sumingit ang kapangyarihan ng tradisyon, na di alintana ni Tasio. Alipin pa rin siya ng makalumang ugali.
Malakas ang bigat ng gunita, ng nakalipas. Binanggit lamang na laging hinahalikan ni Tasio ang “mukhang pinaghuwaran” ng kaaya-ayang larawan ni Nene. Sumungaw na lamang ang mukhang iyon sa pintuan ng dampa ni Tasio. Mula noon, “Si Ninay ay di na umalis pa sa dukhang tahanan ng maralita niyang talisuyo. Naisumpa na niyang matapos niyang isanla sa iba ang kaniyang katawan, ang puso niya ay siya naman niyang tatalimahin.” Mapaghuhulo natin na ang paglitaw ng imaheng Pieta/Madonna ay bunga ng malaking impluwensiya ng tradisyong Katoliko, na may sinkretistang paglagom sa katutubong praktika ng mga babaylan at katambal na pananampalataya sa mga diyosa at ispiritu ng kababaihan. Ito ang bukal ng pinakahuling lohikal na Interpretant.
Maimumungkahi na ang ulit-ulit na pagdakila ni Tasio kay Ninay, sa kanyang mga kaugalian, ay pahiwatig ng akda na ang indibidwalistikong pagrebelde ni Ninay at matinding pagpapahalaga sa puso/damdamin, ay siyang malalim na kalatas ng kuwento. Nakapangibabaw ang romantikong sensibilidad. Tantiya kong may malasakit ang komunidad ng manunuri at mag-aaral sa mensaheng ito, laluna kung aalagatain ang masidhing tulak-kabig ng romantikong pangitain sa mga kabataang manunulat—kundi pa nabulusok sa sinisismo. Maimpluensiya pa rin ang relihiyon, laluna ang tendensiyang ebanghelikal sa lumulutang na intelihensiya ngayon. Di kasangkot dito ang organikong intelektwal ng uring gumagawa. Maitatakda ang ganitong pagpapakahulugan dito sa tulong ng makalipuna’t rasyonalistikong semiotika ni Peirce na may dalumat ng materyalismong diyalektikal at istorikal.
Sa ibang okasyon, pwede nating kasangkapanin ang semiotika ni Peirce upang linawin ang nakatagong isyu ng kontradiksiyong umiiral: sa isang banda, ang ritwalistikong palabas ng Corona Impeachment trial, at sa kabila, ang nakasisindak na lindol at maraming biktimang napabayaan, nalunod o natabunan. Maraming signos, senyal, tanda, marka, sintomas na dapat buuin at pagkabitin. Nakatutok ang atensiyon ng bayan sa intra-alitan ng naghaharing oligarko, samantalang patuloy ang paghihikahos, sakit, kawalan ng pag-asa, korupsiyon, karaniwang krimen at pandarambong ng burokrata-kapitalista, may-lupa, at dayuhang korporasyon, sampu ng mga pulis, militar, at para-militari gangster. Ano ang kahulugan nito upang tayo’y makapagpasiya’t kumilos upang mabago ang kabuhayan?
Hanapin Upang Maisakatuparan
Isang pansamantalang parabula sa panayam na ito ang ibubuntot ko rito. Sa lektura ni Peirce noong 16 Abril 1903 sa Harvard University, may pahatid siya tungkol sa rebolusyonaryong pangarap ng mga Filipino. Nangyari ito sa gitna ng pagkawasak ng Republika ni Aguinaldo at pagsugpo sa mga hukbo ni Heneral Lukban sa Samar na siyang responsable sa masaker ng mga dayuhang manlulupig sa Balangiga, Samar, noong 1901. Maigting ang paniwala ni Peirce na lumilikha ng di-matingkalang bisa ang wika, nagsasakatuparan ng mga mithiin ang naipahayag na kaisipan/dunong/talino.
Ang pakikiramay ni Peirce sa ating pakikibaka tungo sa kasarinlan at demokrasya ay masisinag sa higing/hagod ng kanyang talakay hinggil sa kapangyarihan ng salitang nagpapahayag ng isang konstelasyon ng motibasyon sa praktika ng buhay. Maingat na timbangin ang pakikipagkapwa ni Peirce sa ating pakikibaka:
…Nobody can deny that words do produce such effects. Take for example, that sentence of Patrick Henry which, at the time of our revolution, was repeated by every man to his neighbor: “Three millions of people, armed in the holy cause of Liberty, and in such a country as we possess, are invincible against any force that the enemy can bring against us.”
Those words present this character of the general law of nature, that they might have produced effects indefinitely transcending any that circumstances allowed them to produce. It might, for example, have happened that some American schoolboy, sailing as a passenger in the Pacific Ocean, should have idly written down those words on a slip of paper. The paper might have been tossed overboard and might have been picked up by some Tagala on a beach of the island of Luzon; and if he had them translated to him they might easily have passed from mouth to mouth there as they did in this country, and with similar effect.
Words then do produce physical effects. It is madness to deny it. The very denial of it involves a belief in it; and nobody can consistently fail to acknowledge it until he sinks to a complete mental paresis (1998, 184).
Hindi alam ni Peirce na taglay ng ating kasaysayan at diwang kolektibo ang isang mayaman, matibay at malikhaing tradisyong rebolusyonaryo. Isang kronika ng pakikibaka na nakaugat sa di-mabilang na insureksiyong antikolonyal (mula pa kina Humabon at Soliman), batbat ng ulirang sakrispisyo ng mga bayaning sina Gabriela Silang, Balagtas, Del Pilar, Rizal, Sakay, Teresa Magbanua, Salud Algabre, Cherith Dayrit, Maria Lorena Barros, Kemberley Luna, at maraming pang nag-alay ng buhay para sa ikatatagumpay ng pambansang demokrasya. Hindi na natin kailangang basahin si Patrick Henry. Gayunpaman, dapat pahalagahan ang alyansiyang inihandog ni Peirce at iba pang aktibistang intelektuwal ng ibang bansa. Kailangan ito sa pagsasakatuparan ng simulain ng Nagkakaisang Hanay. Bukas-makalawa—sundan natin ang alegorya ni Peirce--mahahagilap din natin itong Tagalang ito sa madlang gumagala sa ating dalampasigan, naglalakbay sa iba’t ibang lupalop ng daigdig, kabilang sa mahigit na 10 milyong Pinay/Pinoy na gumagala sa buong planeta, pinagsalikop sa mapagkandiling abot-tanaw ng kaisipan ni Charles Sanders Peirce. Matatagpuan natin sila, makikipagtulungan at patuloy na makikipagtalikan. Mabuhay itong natatanging balikatang mapagpalaya’t makatarungan!
SANGGUNIAN
Almario, Virgilio. Pag-unawa sa Ating Pagtula. Manila: Anvil, 2007. Print.
Apel, Karl-Otto. Charles S. Peirce: From Pragmatism to Pragmaticism. Amherst: University of Massachussetts Press, 1981.
Fisch, Max. “Peirce’s General Theory of Signs.” Peirce, Semiotic and Pragmatism. Ed. Kenneth Ketner and Christian Kloessel. Bloomingon, IN:Indiana UP, 1986. Print.
Liszka, James Jakob. A General Introduction to the Semeiotic of Charles Sanders Pierce. Bloomington and Indianapolis: Indiana UP, 1996. Print.
Merrell, Floyd. Change Through Signs of Body, Mind, and Language. Prospect Heights, Illinois: Waveland Press Inc., 2000. Print.
Panganiban, Cirio. “Three O’clock in the Morning.” Nasa sa Salamisim. Maynila: Teo Gener,1955.
Peirce, Charles Sanders. Peirce on Signs. Ed. James Hoopes. Chapel Hill, NC: U of North Carolina P, 1991. Print.
---------. The Essential Peirce. Bloomington, IN: Indiana UP, 1998. Print.
Rosales, Antonio B. “Kristal na Tubig.” Web. 6 Enero 2012.
San Juan, E. Critical Interventions: From James Joyce and Henrik Ibsen to Charles Sanders Peirce and Maxine Hong Kingston. Saarbrucken, Germany: Lambert Academic Publishing, 2010. Print.
Sheriff, John K. The Fate of Meaning: Charles Peirce, Structuralism, and Literature. Princeton: Princeton UP, 1989. Print.
© 2012 E. SAN JUAN, Jr.
Comments