PANAHON AT LUGAR NG PAKIKISANGKOT


PANAHON AT LUGAR NG PAKIKIBAKA: Makabagong Parabula

ni E. SAN JUAN, Jr.



Sa buntot ng barikada nagtago tayo’t kumalas….
Maalikabok sa lansangang tinahak at tinalunton—
(Sariwa pa ang gunita ko hanggang ngayon)

Sino’ng humahabol sa atin?

Nakadikit ang kaluluwa’t laman, kinulapulan ng libag
at pawis at usok ng Molotov cocktail at tear gas….
Walang tubig sa bato walang awa ang isinumpang lugar na ito---walang pakialam o panghihimasok….

Ahas na gumagapang sa bitak….
May bukal kaya sa singit ng mga bato?
Lagaslas ng bukal huni ng ibon sa sangang nakalupaypay

Sino’ng sumusunod sa atin? Dinig mo ba ang yabag?

Nagtatakbo tayo palayo sa panganib, palayo sa kilabot
Umurong sa madlang humugos sa Plaza, umatras
ngunit lumingon sa magkabila, maingat….

Di ba ikaw at ako lamang ang tumakas, walang iba pa,
ngunit sino ‘yang humahangos sa tabi mo?

Anong hayup ang gumagapang sa bitak?
Hindi patak ng ulan o kaluskos ng bayawak sa muhon
Hindi lagaslas ng batis o awit ng talahib na sinusuklay ng
mabiyayang daliri ng hangin….

Tumiwalag tayo sa hanay ng barikada, akala nati’y
walang susubaybay o hahagilap
Dito’y walang tinig ng pagsaklolo kundi taghoy ng kuliglig
Walang daing o iyak o panangis
Walang tubig sa biyak ng pader o batis sa nakabukang burol

Nang tumingala ako’y nasulyapan ko ang dulo ng landas...
Sa tabi ng muhon naghihintay ang aninong may putikang pandong—

Anong hayup ang lumukso sa bitak?
Nabulabog ang mga uwak sa gilid ng parang
Walang tubig doon sa matinik na alambreng bakod….
Walang imik o ungol sa likod ng natuyo’t nabuwal na mga punong-kahoy….

Walang kamay na mag-aabot ng kapirasong tinapay.

Sinong naglalakad ang umaantabay sa atin?
May saplot sa mukha, nakabalatkayo, bitbit ang putikang pandong--
Di ko batid kung babae o lalaki, o binalaki—

Lagaslas ng ulan agos sa ilog alingawngaw ng alon sa dalampasigan—

Sino ‘yang naglalakad sa kabilang tabi mo?
Sinong kasama natin ang tumakbo’t tumakas din
upang
tayo’y matagpuan dito, kaakbay
kabalikat
kadaupang-palad?

Nagmamadaling araw na noon (natatandaan ko pa) nang tayo’y lumuhod at humalik sa tigang na lupa
nagpapasalamat
na umabot din —
awa ng armadong Birhen!--
sa napagkasunduang tipanan.

Comments

Popular posts from this blog

JOSE CORAZON DE JESUS--ANG SINING NI HUSENG BATUTE--E. SAN JUAN, Jr.

INTRODUKSIYON KAY EFREN ABUEG--E. San Juan, Jr.

ANDRES BONIFACIO: Katwiran, Kalayaan, Katubusan--ni E. San Juan, Jr.