Introduksiyon sa SIBOL SA MGA GUHO, nobela ni AVE PEREZ JACOB


INTRODUKSIYON
sa SIBOL SA MGA GUHO ni Ave Perez Jacob


ni E. SAN JUAN, Jr.


Sa umpisa pa lamang. maituturing ang nobelang ito na pamibihira at namumukod na akdang may layuning makatotohanan at mapagpalaya. Walang pasubaling tunay ang mga pangyayari inilarawan sa naratibo, ngunit mapapakawalan ba tayo ng realistikong estilo mula sa piitan ng mapagsamantalang lipunan? Sapat na ba ang masaksihan muli ng ating pandama ang nakaririmarim na tanawing ikinukubli ng komersiyalisadong midya, ng mga pinagtutubuang telenobela, pelikula, sining biswal sa bawat megamall? Ano ang ginawa ni Perseus sa harap ni Medusa? O ang Espinghe/Sphinx nang masagot ang kanyang bugtong?
Gunitain natin ang aral na hinugot sa tradisyon: “Ang katotohanan ay magpapalaya sa iyo!” Sa arkibo ng mapanuring pamantayan, ang di-matatakasang kontradiksiyon ng realidad at kamalayan, katalagahan at imahinasyon, ay litaw at lubhang bumabagab pa rin. Ang usaping ito ang siya pa ring pinakatampok na paksa ng debate, isang temang sinikap himaymayin at isadula ni Ave Perez Jacob sa kasaysayan nina Satur, Julia, Kumander Matanglawin, Jun, Carding. atbp.—mga tauhang kumakatawan sa digmaan ng mga uri sa Pilipinas noong dekada 50, 60 at 70. Ang katotohanan ng mga kontradiksiyong iyon ang tinistis, nilinaw at pinatingkad sa nobelang ito.
Sa maikling pambungad na ito, nais kong ituon ang pansin sa pagsasanib ng porma at laman, istruktura at pangitain-sa-daigdig. Walang tangkang ulitin ang kronika ng mga buhay ng mga karakter o lagumin ang ang mga pangyayaring nailahad. Nais kong itampok dito ang pinakabuod na konseptong siyang motibasyon ng akda: kung paano nagbago at mababago ang lipunan. Katambal nito ang isyu kung maaring mapalitan ang kapalaran ng tao, sa paanong dahilan at kaparaanan. Sa gitna ng neokolonyalismong pagkaduhagi, may natatagong sangkap ba o katangiang nakapaloob sa masaklap na buhay ng mga pesante’t manggagawa o ng nakaraniwang mamamayan na pwedeng pag-usbungan ng kakaiba: ng kaunlaran, pagkakapantay-pantay, katarungan, kaligayahan.
Ating isaayos ito sa ibang artikulasyon: Sa sunog na tumupok sa kubakob ng subersibong Kumander ng Huk, o sa bahang sumira ng maraming tahanan, may mahahagilap bang pangako ng katubusan? Sa lagim ng paghihikahos sa Baryo Maligaya o sa makitid na espasyo sa bilangguan, may matatagpuan bang pulso ng pagbabanyuhay o kaya’y semilya ng kinabukasan? Ano ang papel na ginagampanan ng isip at damdamin ng indibidwal sa harap ng tadhanang humahadlang sa kanyang hiling, pag-asa o kagustuhan, sa mithiing makahulagpos sa bartolina ng kinamulatang orden? Mula sa gabi ng pagdurusa, may maluwalhating umaga bang hahalili’t malalasap?

Alegorya ng Lahi

Magulo, kakatwa at masalimuot ang mga problemang nakalakip sa mga aksiyon at dalumat ng mga tauhan sa nobela. Sa malas, may alegorikong balangkas ang nangyari kay Satur na hango sa mito at arketipong alamat. Maiisip na tila himala na siya ang pinagmana ni Kumander Matanglawin, na hindi siya “sinalvage” (katagang may dalawang magkasalungat na kahulugan ng panahong iyon) ng samut-saring sakuna at pinsala. Tila aksidente na bagamat halos makitil ang buhay niya sa demo ng First Quarter Storm, umalpas pa rin ang pagkatao ni Satur mula sa lambak sa pagitan ng pambansang lansangan at libingan—sagisag ng landas ng mga dukhang isinakdal na subersibo’t kaaway ng gobyerno. Gayunpaman, ang tila aksidente ay uminog at naging katiyakan, mula sa sagupaan sa harap ng Malakanyang at Mendiola hanggang sa kolektibong kasalan sa nayon ng Kabikulan—pagbubuklod sa gitna ng pagkakawatak-watak, alyenasyon, at pagkakanulo. Ang paglalakbay ng istorya at mambabasa ay Isang simbolo ng demokratiko’t popular na prinsipyong naisakatuparan sa haraya. Ngunit kaipala’y hindi pa tapos ang ating pakikipagsapalaran.
Ang wakas ng nobela ay mistulang paghawi ng tabing sa bagong yugto ng pakikibaka. Idiniin ng awtor ang implikasyion ng ating pagkasaksi sa mga naganap: “Tuloy ang kilusan tungo sa tunay at makabuluhang pagbabago—ang proletaryong pakikibaka para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya—sa pangunguna ng uring manggagawang Pilipino. Sa pulong ding iyon mangyari pa, pangunahin sa mga isinaalang-alang ang pagkuha ng armas—mga sandata, marami iba’t ibang malalakas na kalibreng armas.” Tila pagsasaalang-alang ito sa mahinang katawan ng bayani at sa kadahupan ng mga maralitang dumalo sa piging.
Sitwasyong hitik ng kabalintunaan at kabalighuan ang iginigiit pa rin ng nagsasalaysay. Lantad ang temang pumapatnubay sa diskurso: ang metamorposis ng kamalayan ng bawat tao ay nabubuo sa pangkating pagpupunyagi, sa kolektibong pakikisangkot. Tambad ito sa pagsunod-sunod ng mga pangyayari, ang sintagmatikong disenyo ng akda. Balik-suriin ang makatuturang engkuwentro nina Jun at Carding kay Satur sa bilangguan. Sa perspektibang ito, lingunin din ang pakikitungo ni Satur kina Dolores at Julia, Braulio at Matanglawin, sampu ng kanyang karanasan bilang lumpen, lubog sa daigdig ng krimen at indibidwalistikong gawi—ang lipunan ng mga lobo at buwaya, repleksiyon ng kabulukan ng lipunang tigib ng katiwalian at lamangan. At sa pagtugis sa aktansiyal na gawain—paghahanap, pagsuong sa panganib, pagsaklolo ng tao o pagkakataon, kaligtasan—sa iskemang ito matutuklasan ang paradigmatikong modelong tumutuhog sa mga eksena. Naipagtibay nito na sa magulong buhay ni Satur nakapunla ang binhi ng paglaki, paglago, pagsulong ng ulirat, budhi, sensibilidad patungo sa makataong kaganapan. Aktwalisasyon ng potensiyal na kakayahan ng bawat nilikha sa pamamagitan ng kilos at gawa sa lipunan ang gumagabay sa samut-saring salik—retorika, tayutay. imahen, talinghaga, pahiwatig--ng likhang-sining.

Pagkasal sa Teorya at Praktika

Sa oryentasyong radikal, ang adhikaing kontra-gahum ay nakatuon sa simbolikong pagpapahiwatig sa pamamagitan ng konkretong detalye. Ang bawat larawan ng pangyayari ay may ideyang isinasaad na maaaring isapraktika. Bawat tauhan dito ay tipikal na representasyong umuugnay sa iba’t ibang tendensiyang ideolohikal, at tuluyang bumubuo ng totalidad ng lipunan. Ito ang galing at birtud ng realismong kritikal na pinuri ni Marx at Engels sa mga akda nina Balzac, Ibsen, atbp. Ito’y hindi tuwirang paggagad o imitasyon ng mga datos, na tinaguriang naturalismong hilaw, kundi malikhaing paglalangkap ng iba’t ibang dinamikong lakas, haka-haka, paniwala, pithaya, patakaran, sa isang yugto ng kasaysayang panlipunan. Hindi ito doktrinang metapisikal na nagdidikta ng utos o regulasyon kung ano ang tama o mali, mabuti o masama, kundi isang hamong dapat problemahin ang lahat, galugarin iyon at masugid na pag-usapan.
Kaagapay nito, ibinunyag ng awtor ang diyalektikang pagbibigkis ng magkakaiba’t magkakatunggaling sangkap, ng diwa at kalikasan, isip at kapaligiran. Nakatutok ito sa katotohanang pumupukaw sa malay, gumigising o gumugulat sa natutulog na ulirat, upang maantig ang bawat mambabasang kumilos, humakbang, gumawa, makisangkot. Nagkakabisa ang salita kung may naituturong alternatibo, pananagutan, at kapasiyahang nararapat at tumutugon sa pangangailangan ng sangkatauhan. Ang pinakasentral na layunin ng akda ay mahikayat ang sinuman sa pagpapasiyang makilahok sa mapagpalayang programa ng Nagkakaisang Prente tungo sa progresibong transpormasyon ng lipunan.
Lahat ay nagbabago sa perspektiba ng nagsasalaysay, gumugulong kapwa ang materyal na kapaligiran natin at ang kamalayan ng tao. Saan ito patutungo? Pabalik sa mapanggayumang pagdiriwang sa Pasyon ng lumipas? o pasulong sa balikatang proyekto ng sambayanan? Pagliripin ang nangyari: hindi na matunton nina Satur at Julia ang puntod ng kanilang mga magulang. Gayunpaman, sa puso’t dalumat, buhay ang halimbawa ng pagmamalasakit at pakikiramay ng mga magulang, kaibigan, kabayan. Sa pistang humalili sa sindak at lumbay ng masaker noong Enero 30, 1970—testamento ang nobela sa mga makabuluhang sakripisyo ng mga martir na lumaban sa diktaduryang Marcos-Estados Unidos—mamamasid ang di-mapapawing sigla, sipag at sigasig na karaniwang trabahador, estudyante, kababaihan, at lumpen na siyang nayaring kolektibong kapangyarihan ng himagsikan—sagisag ng bansang sumilang sa krisis, sa pakikipagtagisan ng lakas, sa pagpapalitan-kuro at pagtutulungan, sa paglingap sa kapwa at pagdadalamhati.
Matagumpay nga’t maluwalhati ang kinasapitan ng buhay nina Satur at Julia sa gitna ng mga tukso, balakid, at suliraning di halos masapol kung paano malulutas. Makahulugan ang kasukdulan ng salaysay sa First Quarter Storm demo: isang sintomatikong sagupaan ng mga uri. Subalit ang wakas ba ay melodramatikong katuparan ng tagumpay at kaligtasang inihimatong sa simula?
Maisasaisip ang mga reperensiya sa El Filibusterismo, ang hula ni Padre Florentino na sa takdang panahon, darating ang Mesiyas. Higit makatuturan ang banggit ni Jacob sa Mga ibong Mandaragit ni Amado V. Hernandez, kung saan ang kayamanan ni Simoun ay nasagip o na-“salvage” upang magamit sa kabutihan at kalayaan ng lahat. Naisingit ng awtor ang kanyang naratibo sa mahabang tradisyon ng ating panitikang humahamon at umaayaw sa mahigpit na paghihiwalay ng realidad at panagimpan, katalagahan at pangarap. Dapat alisin ang hangganan at paghahati, ambil ng artista. At susog ng militanteng kaluluwa: “Isakatuparan ang imposible!” Kung may pagkalagot at pagtigil, mayroon ding gawaing pagsudlong at pagpapatuloy—kapwa bahagi ito ng diyalektikang maniobra ni Jacob.
Tiyak na may katunayang nasagap ang mambabasa sa pagsubaybay sa karanasang inilahad. Ipalagay nating mayroong siyang natutuhan, may kabatirang nakuha sa naratibo tungkol sa mga batas na nagpapagalaw sa lipunan. Sapat na ba ito upang ituring na nakalaya na ang muni at pagkatao? Ngunit bago tayo makarating sa kalayaan, dapat munang tumawid sa tulay ng kagandahan (ibig sabihin, ng pinagsanib na anyo at laman sa likhang-sning, ang estetikang integridad nito). Ito ang aral ni Schiller, ang romantikong makatang Aleman (isinalin ni Jose Rizal ang dulang William Tell kaakibat ng Propagandistang kilusan noon).
Ngunit saan masisilip ang kariktan sa gitna ng madugong pakikipagsapalaran-- sa karumal-dumal na tanawin ng mga pagdurusa’t paghihinagpis? May ganda ba ang dahas, kalupitan, kawalang-hiyaang panggagahasa, panunupil, sindak at kilabot ng mga pulis at militar ng naghaharing uri? Laganap ang kasamaan hanggang ngayon bagamat naiburol na si Marcos. Naglipana ang mga multo ng lumipas. Nasaan ang akit, aliw, o kaluguran na (sabi ni Aristotel) ay bunga ng pagkukuro, aral at kabatiran? Mahirap makaigpaw sa patibong ng mga sapin-saping kontradiksiyon naitala rito at sa nobela.

Politika ng Kagandahan

Maimumungkahi ko na ang kariktan ng nobela ay nasa balangkas ng mga pangyayari, ang batayan ng etiko-politikal na saloobing rebolusyonaryo ng nobelista. Mula sa analisis ng mga damdamin at kaisipan, nahugot ang sintesis ng pagsubok sa kakayahan ng mga tauhan at posibilidad ng mga pangyayari. Mula sa pagsubok bumukal ang kamalayang tumulong sa pagtatanggol sa maralita, mga nakihamok na biktima ng kasakiman at kabuktutan ng oligarkong nagmamay-ari. Ang materyalistiko’t historikal na pananaw ng awtor ay hindi abstrakto kundi konkretong determinasyon ng mga kilos, gawa, salita at damdamin ng mga pangkating nagtatagisan, taglay ang kanya-kanyang ugat at destinasyon.
Samakatwid, ang diwang umuugit sa takbo ng nobela ay produkto ng guni-guning mapanuri’t palatanong, na siyang pandayan ng konkretong unibersal: ang likhang-sining. Sinisiyasat nito ang malalim na tendensiyang etiko-politikal na nagtutulak sa galaw ng karanasan. Mahihinuha ang mga batas o tuntuning isinisiwalat ng mga detalyeng partikular at tagpuang may katiyakan. Nakapaloob iyon sa masalimuot na pagkikipagsapalaran nina Satur at Julia sa pagkabata, ang yugto ng pagkapiit sa bilangguan, ang edukasyon ng lumpen sa tangkilik ng unyon, ang kasukdulang proseso ng madlang lumahok sa “First Quarter Storm,” at ang kaganapan sa pagtatagpo sa ospital at sa lalawigan ng Kabikulan, pook na siyang sentro ng rebolusyong pang-agraryo at ng Pambansang Frente Demokratiko. Sa gayon, bumalik ang paglilimi sa kanayunan at sa aksyomatikong istratehiya ng kilusan: “Paligiran ang kalunsuran.”
Sa ibang panahon ko na pag-uukulan ng masusing kritika ang sistema ng diskursong pangkasaysayan ni Jacob: masinop, mapangganyak, minsa’y palabiro, minsa’y pumapaimbulog o nambubuyo. Sukat nang ipamansag dito ang maparaang talino at masaganang kahusayan ng awtor na ipinagtibay ng iba pa niyang mapanghamong kuwento, sanaysay, polemikang pamamahayag, atbp. Nakaangkla ang malikhaing dalumat ni Jacob sa dalawang prinsipyong sinikap masunod dito: ang realismong paraan ng pagsasalaysay at ang matapat na pakikibagay sa antas ng karunungan ng masa. Sa taguri ni Bertolt Brecht, ang realistikong pagsusuri sa kontradiksiyong nagpapasulong sa lipunan ay kailangan upang maiangat ang karaniwang kamalayan—ito rin ang mensahe ni Mao sa kanyang panayam sa Yenan Forum.
Sa ganitong paninindigang nagtuturo’t nang-aaliw nakasandig ang bisa ng panitik ni Jacob. Di na kailangang idaliri dito na nakahanay siya sa pangkalahatang programa ng mga progresibong grupo tulad ng BAYAN MUNA. Sa plataporma nito, nakatala ang dalawang simulaing ipinaglalaban din ni Jacob:

Ipagtanggol ang karapatang pantao ng mamamayan at bigyang katarungan and lahat ng biktima ng paglabag sa karapatang pantao.

Itaguyod ang isang pambansang kultura na progresibo, makabayan, syentipiko at pangmasa; isulong nag pananaliksik at pagpapaunlad sa syensya at teknolohiya.

Kahawig dito ang mga paninindigang tumulak kay Jacob na bigyan-kahulugan at katuturan ang karanasan ng masang inaapi, mga taong sinalanta ng pamamaslang at gutom bagamat sila ang talagang yumayari at lumilikha ng kayamanan ng bansa. Sa salamin ng krisis ng bayang itinanghal dito, ang pangit na kalakaran ay nagkaroon ng porma o hugis, ng pumipiglas na katawan ng katotohanan. Sa inkarnasyon ng diwa, damdamin at guniguni, nailuwal ang kariktang matalas, maigting, humihimok, pumupukaw, na magsisilbiing sandata sa pagtataguyod na mapagpalayang proyekto ng sambayanan.

Tagubilin Sa Paglalakbay

Sa panghuling sipat, mapagkukuro ang halaga ng likhang-sining na ito bilang pagpapakilala ng kapangyarihan ng wika, diskurso, sagisag, talinghaga. Ang mga ito’y pinagyamang kabihasnan at kasangkapan ng bansa, hindi pag-aari ng indibidwal. Ang halaga nito ay nasa pagbuo ng lugar o larangan kung saan maaari tayong magnilay, managinip, magpakiramdaman, umawit, humalakhak, maglaro ng iba’t ibang ideya o hinagap nang walang panganib, banta, hinala o takot.
Inihain sa atin ng akda ang pagkakataong mapag-aralan kung ano ang ating hangad, nais, hiling at kailangan upang tuluyang magpakatao sa ating tahanan. May malayang puwang din upang masusing mabatid at masuyod ang kahulugan ng katarungan, hustisya, mapayapang pakikipagtulungan, pakikipagkapwang internasyonal. Ang katuwiran ng sining, ng lakas ng wikang nilinang at inaruga upang mailarawan ang masalimuot na kalagayan ng Pilipinas noong madilim na panahon ng diktadurya—ang lohika ng mapagpalayang panitik ay makikilatis at matitimbang sa katapatan ng ating pagtatanong—Bakit? Na sumasapol at humahantong sa masidhing pagbubulay-bulay: “Ano kaya kung ating subukin….” “Maari kaya…? Baka sakaling makarating doon sa ibang paraan—bakit ganyan at hindi ganoon?”
Mapangahas ang direksiyon ng pagtatanong, pananaliksik, pagsisiyasat. Walang tigil ang pagninilay at imbestigasyon hanggang may wikang nagdudulot ng maluwag na lugar, daan, paraan. Ano ang lunggati? Hindi paghuli sa Adarna kundi pagtudla sa imperyalistang agila, sa mga buwitre at ibong mandaragit ng kasalukuyang panahon.
Ikawing natin ang realidad/katalagahan sa posibilidad, sa kung ano ang maaaring matamo’t makamit ng ating kolektibong pagsisikhay. May kinabukasan ang daidig, may hinaharap pa ang tao sa gitna ng kalikasan. Kung tutuusin, ito ang determinasyon ng masang nakikibaka, ng mga unyonista at kababaihan sa nobela, halimbawa. Patuloy ang pagsulong ng kasaysayan ng bawat nilikha’t nilalang. Ito marahil ang pahiwatig ng pamagat ng akda ni Jacob, alalaong baga’y naroon ang kinabukasan sa nawasak o naigupong lumipas. Sa matiyagang pag-unawa, masusukat ang bigat at saklaw ng nobelang ito kung maingat na isasaisip o isasadibdib ang matalisik na pagkakahabi ng mga mapanghiwatig na salik at sangkap na naitalakay dito. Pag-isipan nga ito: na bago makarating sa kalayaan at katarungan, babagtasin muna natin ang landas ng kariktan, ang kapangyarihan ng wika sa tekstura at balangkas ng sining na siyang dumudukal, nag-aalaga, umuunawa’t humuhubog sa maapoy, madugo’t maputik na katotohanan ng buhay.
Ang pangalan ng paglalakbay na ito ng magkatalik na lakas ng imahinasyon at katuwiran ay kilala na natin matagal
na ngunit dapat kilalanin pa muli: ang pambansang demokratikong rebolusyon.

--E. SAN JUAN. Jr.
Diliman, Quezon City/Storrs, Connecticut

Comments

James Pereira said…
Hi, U have a nice blog.U r invited to visit my blog true-shapherd.blogspot.com

Popular posts from this blog

JOSE CORAZON DE JESUS--ANG SINING NI HUSENG BATUTE--E. SAN JUAN, Jr.

INTRODUKSIYON KAY EFREN ABUEG--E. San Juan, Jr.

ANDRES BONIFACIO: Katwiran, Kalayaan, Katubusan--ni E. San Juan, Jr.