ALEJANDRO G. ABADILLA: Memorabilia & Pagpupugay--E. SAN JUAN, Jr.


MEMORABILIA & PAGPUPUGAY KAY ALEJANDRO G. ABADILLA

ni E. SAN JUAN, Jr.


Sa di ko matiyak na aksidente o sugal ng pagkakataon, nagkatagpo kami ni AGA marahil sa pamamagitan ni Roger Mangahas nang siya ay nagtuturo pa sa University of the East. Noo’y abala si Roger sa pamamatnugot ng antolohiyang Manlilikha at iba pang proyektong pampanitikan. Kababalik ko pa lamang mula sa pagtatapos sa Harvard University noong Hunyo 1965; at noo’y nagtuturo sa University of the Philippines, at minsan isang linggo sa Centro Escolar University. Kontribyutor din ako sa Free Press sa Filipino ni Ben Medina Jr at Graphic Weekly. Kaya ang mga pook ng aming mga talakayan ay sa Mendiola, Legarda (kasama na sina Florentino Dauz atbp. sa dating Philippine College of Commerce ni Dr. Nemesio Prudenta), sa Morayta, Quiapo, Sta Cruz, at mga restoran sa Soler at Florentino Torres sa Avenida Rizal. Sa puso’t budhi ng binatang awtor nakakintal ang milyung sosyo-pulitikal ng magusot na Maynila.
Nasa sukdulang yugto na ng “Cold War” ang milyung ginagalawan namin noon, matapos masugpo ang rebelyong Huk ng rehimeng Magsaysay kakutsaba ang CIA ni Edward Lansdale. Pumapasok na ang napipintong pagbulusok ng imperyalismong U.S. na sinikap igupo ang masang Biyetnam, na walang humpay namang nagtanggol sa kanilang soberanya hanggang matamo ang tagumpay noong 1973.

Lagas na Dahon ng Talambuhay

Isinilang ako sa isang ospital sa Oroquieta, Santa Cruz, malapit sa Karerang San Lazaro at Simbahang Espiritu Santo, bago sumiklab ang WWII. Taga-Montalban Rizal, ang ama ko at ang ina ko’y may ninuno sa Cavite at Pampanga. Dahil tubo sa Blumentritt at nag-haiskul sa Jose Abad Santos High School sa Reina Regente, malapit sa Binondo at San Nicolas, noong 1950-1954, kabisado ko ang entablado ng dulaang tanghalan ng mga diskusyon at pagpapalitang-kuro ng mga kaibigan at kakilala ni AGA. Aksidenteng kaklase ko sa Andres Bonifacio Elementary School si Cesar Abadilla, anak ni AGA, kaya ng basahin ko ang Diwang Ginto at Diwang Kayumanggi, hindi na banyaga si AGA sa aking musmos na isip. Mahiwagang inog o sayaw ng kapalaran!
Maaaring kakilala ng mga magulang at kamag-anak ko si AGA. Kaibigan ng magulang ko si Ignacio Manlapaz, na siyang taga-limbag ng mga klasikong akda nina Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaceda at iba pa. Naging kasama ko noong dekada 50 sina Roger at iba pang kontemporaryong manunulat mula sa Arellano, Torres at Mapa High School. Nakilala ko rin sina Pedro Ricarte, Mar Tiburcio, Bienvenido Ramos, at iba pang kasangkot sa Liwayway at mga publikasyong nakasentro sa downtown ng Sta. Cruz. Sa pakikisalamuha ko sa mga manunulat sa Pilipino sa buong taon ng 1966-67, bukod kay Ka Amado V. Hernandez at mga kasapi sa KADIPAN (tulad ni Ponciano Pineda), ang pinakamatinding pakikisangkot ko sa nalalabing henerasyon ng mga “panitikero”—kabilang na sina Anacleto Dizon, Pablo Glorioso, Teo Baylen, at mga kasapi sa iba’t ibang pahayagan at imprenta)—ay dumaan sa mga pahina ng magasin ni AGA, ang PANITIKAN. Ang mga akdang natipon ko sa librong Ang Sining ng Tula (Phoenix Press, 1975) ay unang nailathala sa rebyu ni Abadilla, na mahalagang symbiosis noon ng mga luma’t makabagong pananaw sa sining at kalinangang Pilipino. Katuwang ako ni AGA sa paglalathala ng ilang bilang ng rebyu at paglalako ng ilang aklat niya upang maipanustos sa mga pangangailangang pang-araw-araw.
Ang bunga ng pakikipagtulungan namin ni AGA sa isang taong iyon ay masisinag sa pahapyaw at New Critical na komentaryo ko sa kanyang mga tulang nalikom sa Piniling Mga Tula ni AGA (Limbagang Pilipino, 1965). Ilan lamang tula ang hango sa naunang kalipunan, ang Ako ang Daigdig (Silangan Publishing House, 1955). Bukod sa unang pagtambad ng kanyang radikal na pagbalikwas sa pahina ng Liwayway bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ayon kay Pablo Glorioso, ang panghihimasok ni AGA (ipinanganak noong 1906) ay nagsimula na sa paglalagalag niya sa Estados Unidos noong dekada 20-30, at sumupling sa pamamahala ng “Talaang Bughaw’ noong dekada 30 nang siya’y bumalik sa Pilipinas—naitatag ang Panitikan noong 1935. Nalinang at lumago ito sa kolaborasyon niya kay Clodualdo del Mundo sa unang antolohiya ng mga maikling kuwentong Tagalog noong 1936.
Nagsimula ang “Talaang Bughaw” ni AGA noong 1932, ayon sa ilang tala. Samakatwid, ang aktibismong pansining ni AGA ay nagbubuhat pa noong panahon ng Ilaw at Panitik (1916-1935) nina Jose Corazon de Jesus at Florentino Collantes—ayon sa tala ni Teodoro Agoncillo—na tumalikod sa praktika ng naunang henerasyon nina Lope K Santos, Pedro Gatmaitan, Inigo Ed. Regalado at iba pa. Tulay si AGA mula sa mga beterano ng 1896 rebolusyon at sosyalistang intelektuwal ng Komonwelt kasangkot sa Philippine Writers League.
Bukod sa ilang negatibong katangiang nilagom ni Agoncillo tulad ng sentimentalismo, tuwirang pangangaral, at de-kahong pangungusap, makikita rin sa praktika ng kapanahon ni AGA ang malawak na guniguni at, kaugnay nito, “ang paggamit ng iba’t ibang sukat sa mga taludtod ng isang tula.” Samakatwid, may mapanlikhai’t eksperimental na simbuyong tumitibok sa mga tula nina Jose Corazon de Jesus at Cirio Panganiban, bago pa sumikat si AGA.

Oryentasyong Mapagbago

Isingit natin ang mga penomenong pangkultura sa konteksto ng kasaysayang sosyo-ekonomikal na siyang nagbibigay-katuturan dito. Dapat pansinin na noong dekada 30 pumutok ang rebelyong Sakdalista laban sa sistemang kolonyal at naghaharing uri ng mga may-lupa’t burokratang sunud-sunoran sa imperyalistang Amerikano. Bagamat limot na ang subersibong nagawa ng mga “seditious” na mandudulang sina Antonio Abad, Aurelio Tolentino at Severino Reyes, pati na ang mga diskurso nina Isabelo de Los Reyes at Epifanio de los Santos, buhay pa rin ang diwa ng protesta’t paghihimagsik sa poetika ni Jose Corazon de Jesus, patibay nga ni Monico Atienza (1995) kamakailan. Binuhay ng Philippine Writers League nina Salvador Lopez, Federico Mangahas, Jose Lansang at Amado Hernandez ang rebolusyonaryong tradisyon nina Rizal at Bonifacio, hanggang sa sakrispisyo nina Manuel Arguilla at iba pa sa kilusang gerilya laban sa Hapong sumakop sa bayan. Si AGA ay naging tenyente koronel ng isang pangkat ng mga gerilya sa Cavite at tiyak na naimpluwensiyahan ng mga kaliwang nagtatag ng Hukbong Bayan Laban sa Hapon.
Sa istorikal na pananaw, ang pagtutol ni AGA sa labis na pagka-alipin sa praktikang kumbensyonal ng sining ay sintomas lamang ng tradisyong mapanghimagsik sa kasaysayan ng lahi. Hindi ito lihis, pambihira, o natatangi. Nakaugat ito sa mobilisasyon ng masang proletaryo’t pesanteng bumalikwas sa kolonyalismong Kastila at sumunod na pagsupil ng unang Rebolusyonaryong Republikang lumaban sa humaliling karahasan ng imperyalismong U.S.
Bagamat napailalim ng oligarkong liderato nina Quezon at Osmena, ang rebolusyonaryong tendensiya ay lumitaw muli sa mga akda nina Benigno Ramos, Lazaro Francisco, Macario Pineda, Teodoro Agoncillo, Arturo Rotor at Salvador Lopez. Namulaklak ito sa mga nobela ni Amado Hernandez, at sa mga akda nina Efren Abueg, Ave Perez Jacob, Lualhati Bautista ng panahong bago ipataw ang diktaturyang Marcos-USA. Ang damdaming mapanuri sa status quo na kaipala’y nahihimbing pansamantala ay masigasig na dumaloy sa larangan ng sining: ang “Ako ang Daigdig” ni AGA ay isang manipestasyon lamang ng pagsalungat sa namamayaning orden sa panig ng peti-burgesyang intelektwal na ginigipit din ng mga makapangyarihan negosyante, propriyetor ng mga asyenda, at burokrata-kapitalista.
Ang panitik ni AGA ay singaw ng krisis ng buong lipunan, laluna ng mga naiipit na gitnang uri. Nakaukit doon ang krisis ng buong bansa. Sa tugon ni AGA kay Regalado noong Hulyo 8, 1944, sa sanaysay na pinamagatang “Tula: Kaisahan ng Kalamnan at Kaanyuan,” ang tema ni AGA ay hindi nihilistiko o tahasang pansarili. Wika niya na tumutugon lamang siya sa “di-pangkaraniwang kalagayan ng panahon,” at ang pagwawasak niya ng mga lumang kinagawian upang magbuo ng bagong balangkas “ at sa gayon “makilala natin ang sarili at mga katangiang katutubo nating mga Pilipino.”
Walang sala, matutuklasang madali na nag-aangkin ng kolektibong pintig at hibo ang personal na pagsisikap. Walang ligtas sa ganitong pagtarok sa bawat penomenang lumalabas ang halaga sanhi sa unibersal na saligan nito. Ang postmodernismong nominalism nina Derrida, Rorty, Deleuze at iba pa ay kamaliang dapat iwasto. Sa panunuri ng mga tula ni Abadilla, kailangang iwasan ang nominalismo’t positibismong pananaw. Kung hindi, walang salang mananatili ang status quo at ang kahirapang itinataghoy ni AGA at mga modernistang artista.
Bumalik tayo sa paksa ng sining ng panulaan. Sang-ayon ang lahat na ang tugma at sukat ay hindi permanenteng katangian ng tula, saanmang lugar o panahon; ito’y paimbabaw o kontingent na bagay. Sa katunayan, pakli ni AGA, “ang mahalaga ay ang kalamnan,…ang damdaming matulain—yaong damdaming may hubog, may kulay at may tinig.” Dagdag pa, ang talagang mahalaga ay ang “daloy na panloob.” Ano iyon? Tila kakatwa ang paliwanag. Iyon ay “ang pagkakaisa at natural na pagkakasundo ng kulay, tinig at hubog ng damdamin ng makata, sa isang dako, at ng mga salita bilang sangkap o mabisang sangkap sa pagpapahayag ng kagandahan sa kabila tungo sa ipapagkakahulugan nito sa damdamin ng mambabasa” (1992, 229). Ibig sabihin: dapat magkaroon ng kaisahan ang anyo at kalamnan ng tula, isang organikong porma o tinaguriang “kongkretong unibersal,” sa terminolohiya nina Coleridge,Hegel at Benedetto Croce.
Lumalabas na ang teorya ng panulaan ni AGA ay kumbensiyonal, hindi malayo sa didaktikong tangka ng mga tradisyonal na makata na nakatutok din sa reaksiyon ng mambabasa. Palasak na ngayon ito sa “reception” at “reader-response theory” na nagmula pa kina Longinus at Aristotle sa Kanluran. Ang pagkakaisa ng laman at anyo, damdamin/ideya at salita/pamamaraan o estilo, ay pangkaraniwang doktrina rin sa romantikong pilosopiyang inilunsad ng mga Alemang sina Kant at Goethe --hindi si Rousseau, sa maling palagay ni Ricarte (1970). Sa huling taya, ang saligan ng estetika ni AGA ay metapisikal o abstraktong haka-haka tungkol sa katauhan ng makata. Narito ang namamayaning prinsipyo ni AGA: “Kailangan sa tula upang maging Tula ay ang kakanyahang sarili (personal identity) ng makata. Ang kakanyahan o kakanyahang sarili, ay madadama sa tula sa pamamagitan ng palapahamang nakapaloob, yaong kawing-kawing na perlas ng kaisipan at karanasan, yaong buong larawan ng isang pagkatao na iba kaysa isang laksa mang kapangalan niya” (1964, xii). Samakatwid, susi sa kabatiran ng halaga ng sining ang sikolohiya ng awtor, hindi akda o nalikhang bagay.
Sikolohiyang Ideyalistiko

Nakasentro na tayo sa personalidad o karakter ng manunulat. Ito ang malikmatang “Beautiful Soul” ni Hegel, kawangki ng nakalalasong gayuma ng relihiyon. Ang estetismong ito ang siyang kinatakutan at kinamuhian ni Soren Kierkegaard bilang malubhang salot, at sa ibang dahilan, kinondena rin nina Nietzsche at iba pang idolo ngayon ng mga postmodernistang akademya.
Ngunit matagal nang naipaliwanag ni Marx na ang pagkatao ay nakasudlong o nakabuklod sa totalidad ng relasyong panlipunan, at kung ang lipunan ay nahahati sa magkatunggaling uri at dominante ng komoditi-petisismo sa siglo 20, basag at magulo ang indibidwal na pagkatao. Walang hugis o identidad ang personalidad. Alyenasyon, pagbabalatkayo, pagkukunwari, at hidwaan ang namamayani, kaya lumalaban ang makataong artista sa ganitong sistema ng lipunang inuugitan ng paghabol sa tubo at yaman kahit na pagsamantalahan at kitilin ang buhay ng libu-libong mamamayan. Giyera ng mga lipunan ang resulta nito, at nagpupumiglas ang makatang makatao, makatarungan, at may pag-ibig sa kalayaan at karapatang panlipunan.
Tulad ng mga kaisipan nina Balagtas hanggang kina Regalado, Del Mundo at Almario, hango iyon sa Kanluran. Wala pang nakalagom ng katutubong estetika sa mga epiko ng Igorot o ibang grupo ng mga Lumad, sa pansin ko. Kung mayroon man, gagamit iyon ng mga teorya nina Claude Levi-Strauss at mga dayuhang narratologist at lingguwist. Ang siyentipikiong metodo ng materyalismong istorikal ay magagamit sa hermeneutikong pagpapaliwanag ng sining at kultura.
Kung ilalagay sa perspektiba ng pilosopiya ng Kaliwanagan sa Europa, tulad ng mga ideya ni Friedrich Schiller, ang panulaan ni AGA ay kasanib sa sentimentalistiko o modernistang kategorya ng sining, hindi sa “naïve” o realistikong kuwadro. Kakaiba sa realistikong pananaw ng artistang nakaluklok sa pusod na kalikasan at katugma ng armoniya roon, ang modernistang artista ay nakagumon sa kamalayan-sa-sarili, tiwalag sa inspirasyong natural, hiwalay sa kalikasan, laging nag-aalinlangan, balisa, laging nagtatanong. Ito ang situwasyon ng makata sa lipunang biniyak ng alitan ng mga uri, mula pa noong siglo ng mga aliping Romano at Griyego hanggang sa piyudal at kapitalistang yugto ng kasaysayan. Habang ang tradisyonal na sining ay gumagagad sa realidad sa estilong obhetibo, ang modernistang sining ay nagnanais na matamo ang ideyal.
Ang sining ni AGA ay modernista sa pagkabuklod sa suhetibong kamalayan, nakasingkaw sa ideyalistikong hangarin na mararanasan ang pagbubuo ng katauhang nadurog ng buhay. Layunin ni AGA, tulad ni Schiller, na mapag-isa ang realistiko at modernistang bahagi—iyan ang marangal na adhikain ng indibidwalismong simulain ni AGA—ngunit iyan ay mithiin lamang. Hindi maisasakatuparan ito hanggang hindi napapalitan o nababago ang materyalistikong kapaligiran na kadahilanan ng dehumanisasyon. Walang maaaring makamit na personal na liberasyon ang sinuman kung walang kalayaan at demokratikong pagkakapantay-pantay sa buong lipunang kinabibilangan niya, Ito ay mahigpit na batas ng pangangailan na siya ring landas tungo sa ganap na kalayaan at pagkakasakatuparan ng potensiyal na humanidad ng bawat isa.
Iakma natin muli ang paradigmatikong suliranin sa tanong na ito: Makakamit ba ang tunay na integridad ng kaakuhan ng makata sa proklamasyon lamang at pribadong paghihimutok at tungayaw? Sa paraan ng paulit-ulit na hamon sa bulok na lipunan at pagtakwil sa anumang ugali o nakabihasnang praktika? Palpak na ambisyon ito. Maski sa nobela ni AGA at E.P. Kapuong, Pagkamulat ni Magdalena (1958), utopikong pagbubulay-bulay lamang ang bunga ng walang pagsusuri sa dahilan ng antagonismo ng indibidwal at lipunan sa kasalukuyang panahon. Lubhang malaki ang agwat ng kamalayang rebelde at kalagayang bumabagabag dito, walang diyalektikang pagsudlong at pagkabit sa magkalabang puwersa.
Ang sining o kagandahan ay mahigpit na kasangkot sa kalayaan. Sa akdang “Letters on the Aesthetic Education of Man” (“Tungkol sa Edukasyong Pang-estetika ng Tao”), tinalakay ni Schiller (1962) na kung walang edukasyon o araling nakasalig sa sining o kagandahan, hindi makakamit ang kalayaan at, kaakibat nito, ang minimithing pagpapahalaga sa kasiyaan o integridad ng bawat nilalang. Sining ang mediyasyon, ang pangatlong elementong uugit ng transpormasyon katugma ng proseso ng buhay. Ngunit kay AGA, kalayaang personal muna bago kagandahan para sa lahat. Ngunit ang kagandahan ay bunga ng rebolusyonaryong transpormasyon ng buhay. Hindi ito katumbas ng ginhawa o pangmadaliang aliw ng katawan. Paano nga maiuugnay ang mga magkatunggaling kategorya ng isip at kalikasan, ng katwiran at damdamin, kung mananatili sa isang dogmatikong posisyong suhetibismong nakalutang lamang sa panaginip?

Kulang O Sobra: Tungo sa Paghuhukom

Hindi katakataka na karamihan sa mga pagsusuri at pagtimbang sa panulaan ni AGA ay walang muwang, malabo, tigib ng kontradiksiyon at simplipikasyon. Repleksiyon lamang ito ng masalimuot na tagisan ng ideolohiyang lakas sa panahon ng kolonyalismo at ng Cold War (1947-1992). Nag-umpisa ito sa kilatis ni Clodualdo del Mundo noong 1959. Sa pagbasa ni Del Mundo, ang tula ni AGA, “Ako ang Daigdig,” ay “hindi sumasalang sa tibukin ng pusong marunong dumama at umunawa” sapagkat walang kongkretong halimbawang ipinakikita, walang simbuyo ng kalungkutan o kaligayahan. Binalewala ni Del Mundo ang tema ng “kahalinturang pansinukob” (1992, 237) na sa tingin niya ay buod ng “maputlang larawang-diwa sa berso ng isang namimilosopiya.” Lantad na naghahanap si Del Mundo ng mga katangian—mala-Bathalang mga damdamin, atbp--na ipinagpasiya niyang kinakailangang salik ng tula. Bukod dito, hindi binigyan ng kontekstong pangkultura o panlipunan ang tula, bilang isang partikular na artikulasyon lamang sa mayama’t masaklaw na arkibo ng panulat ni AGA. Romantiko rin si Del Mundo, subalit may pasubali siya sa estilo ni AGA.
Sumunod naman si Pedro Ricarte sa pormalistiko ngunit suhetibong kuro-kuro. Tinuligsa niya ang hinihingi ni Del Mundo na tumpak na reaksiyon ng mambabasa sa mala-Bathalang personalidad ng makata. Ngunit ang bigat ng kaigtingan ng mga parirala at tayutay ay nagbubunsod lamang na husgahan ang tula bilang isang romantikong paglalahad. Tama si Ricarte na hindi rebelde si AGA sa porma—nagsimula na noon pa sina Benigno Ramos, Cirio Panganiban, at iba pa—ngunit baluktot na argumento ang gawing “tagapaghayag ng paniwala at damdamin at karanasan” ng sambayanan si AGA. Ano ang katibayan noon? Lahat ba ay tumataghoy ng tulang “Ako ang daigdig?”
Ang krisis ng bayan noong panahon ng Liberasyon at Huk ay gutom, pandarambong ng may-lupa, at pang-aabuso ng pamahalaang alipin ng US monopolyo kapital. Nawala ang komplikadong tagisan ng mga lakas sa lipunan, nawala rin ang masalimuot na problema hinggil sa katungkulan o papel na ginagampanan ng sining o kultura bilang ideolohiya ng kolonyalismo. Sa wakas, natulak si Ricarte na walang rasong ipataw ang primitibismo (suryalismo, hindi primitibismo) ni Rimbaud kay AGA, na hindi naman sumubok sa droga o nag-ismagel ng mga sandata sa iba’t ibang lupalop ng daigdig. Ang ganitong eklektikong panunuri ay nakaliligaw, laluna’t babanggitin pa ang mistikal na “collective unconscious” ni Carl Jung na siyang kalutasan sa malubhang alitan ng mga kaluluwa (1970, 349). Pasismo ang labas nito.
Sa kabilang dako, sanhi marahil sa iskandalo ng “book-burning” ni AGA noong 1935 sa Plaza Moriones, Tundo, naging bantog si AGA sa gitna ng usaping pagsulong ng panitikan. Walang alingawngaw iyon maliban sa ilang pulong o sirkulo ng mga pantas o paham. Nalathala ang mapangahas na tulang “Ako ang Daigdig” sa Liwayway noong 1940, bisperas ng giyera. Sumunod ang pamamatnugot ni AGA ng maraming kalipunan ng mga sanaysay,maikling katha, at laluna ang Parnasong Tagalog (1950, 1964). Kinilala si AGA bilang isang puwersa sa kultura. Sapagkat napuri ni Francisco Arcellana si AGA na kawangki nina Walt Whitman at William Carlos Williams, tumanyag at dumakila ang kanyang katayuan. Pinahalagahan ni Arcellana ang paglabag sa “insularity” o pagkamakipot ng pananaw ng mga manunulat sa katutubong wika. Dahil dito, pinuna ni Virgilio Almario ang “kaisiping sungyaw” (2006, 300). “Reperensiyang Kanluranin” ang masamang dapat iwasan, utos ni Almario, Nabunyag ang ironya at siste ng iskolastikong panunuri: ang pamantayan ni Almario, taliwas sa kanyang intensiyon, ay pormalistikong paghimay sa imahen, retorika, bilang ng pantig, atbp. Isang kontradiksiyon sa tangka ni AGA. Upang maging hindi tigang at lubhang makitid, dinagdagan ng kaunting paunlak sa ilang siniping alusyon sa kasayayan; halimbawa, ang pagbitiw ni AGA sa Liwayway nang magkabanggan sila ng editor na si Jose Esperanza Cruz. Kongklusyon ni Almario sa orihinalidad ni AGA: “…ginamit lamang ni AGA ang wika ng himagsik laban sa mga Balagtasistang tagapagmana ng alaala ng Himagsikang 1896” (2006, 314). Ngunit deklarasyong walang pagpapatibay ito, tangka o intensiyon lamang, babala ng maaaring gawin ngunit hindi pa aktuwalidad.
Maganda’t masaklaw na perspektiba ang nailahad ni Efren Abueg sa kanyang introduksiyon sa ikatlong edisyon ng Parnasang Tagalog 1973) ni AGA na kanyang pinamatnugutan. Idiniin ni Abueg na ang paghihimagsik ni AGA laban sa romantisismong hango sa pilosopiya ni Rousseau ay hindi lamang pagtakwil sa eskapistang paksa at mapagdiktang porma ng panulaan nina Lope K. Santos, Florentino Collantes, atbp. (Batay sa bagong pannanaliksik, hindi na maisasangkot sina Jose Corazon de Jesus at Amado V. Hernandez sa ganitong paglagom.) Salungat sa puna ni Clodualdo del Mundo, iminungkahi ni Abueg na “hindi ang sentimental na pagpukaw sa damdamin ang layunin ni Abadilla kundi ang pagdidili-diling hubad sa emosyon at pangangaral” (1973, 35).
Bagamat tinuligsa ni AGA ang “demo-kapitalismong buhay,” dagdag ni Abueg, hindi rin maigpawan ni AGA ang indibiduwalismo nina Rousseau at D.H. Lawrence. Ngunit sa palagay ko, ang kabaguhan sa nilalaman, porma, pananalita ay hindi inangkat mula sa Amerika kundi reaksiyon ito ng petiburgesyang uri sa kolonisadong situwasyon kung saan naipit ito sa pagitan ng oligarkong may-lupa’t burokratang pangkat na minamaniobra ng Amerikano at ng pesante’t manggagawamg uri na noo’y unti-uniting bumabangon muli sa pagkagulapay ng kilusang mapagpalaya sa pagkalipol sa mga Sakdalista noong dekada 30 at pagkatalo ng Huk noong dekada 50 at 60.
Ang indibidwalistikong ilusyon ng makatang hiwalay sa nakararaming masang nilulupig ay bunga mismo ng burgesyang kaisipan at gawi sa pamumuhay. Sa pagsusuri ni Christopher Caudwell as kanyang Illusion and Reality (1937), ang saligan at ugat ng romantisismo at modernismo ay nasa paniniwala na ang esensiyal na katangian ng isang tao ay wala sa lipunan kundi nasa kanyang kaluluwa, sensibilidad, o budhi. Hindi batid ng makata na ang birtud ng sining niya ay nagmumula sa lipunan, gaano man kabulok o kagulo ito; ang wika, idea, retorika, sagisag o haraya, ay bukal sa daigdig ng lipunan—yaong mga tendensiya, lubog na pangyayari, prosesong humihingi ng pag-unlad at paglago, na katambal ng kamalayan at praxis sa bawat karanasan ng tao sa mundo.
Bukod sa istorikal na pagdalumat sa sining ni AGA, kailangang gamitin ang prinsipyong diyalektikal na naimungkahi nina Georg Lukacs, Ernst Bloch at Bertolt Brecht (1996). Umaapaw sa sapin-saping kontradiksiyon ang katayuan ng makata sa kapitalistang orden, laluna sa kolonyang bansa tulad ng Pilipinas, at pinapatnubayan ang lahat ng kaabalahan (pribado man o pampubliko) ng dualistikong metapisika at mekanikal na pag-iisip ayon sa makitid na pragmatikong pang-industriyal. Watak-watak ang damdamin, isip, gawa, hangarin at mithiin. Anarkismo ng pamilihian o palengke ang naghahari, kanya-kanya, digmaan ng mga uri at dinamikong sector ng lipunan. Komodipikasyon at reipikasyon ng lahat ang namamayani.
Imbentoryo at Prospektus

Lumalabas nga na ang arketipikong pagbalikwas ni AGA—minsan pang isusog dito sa pangwakas na obserbasyon--ay sintomas ng komodipikasyon ng tao at labanan ng bawa’t isa sa kapitalistang larangan. Hindi namumukod si AGA kina Jose Corazon de Jesus o Amado Hernandez, na kapwa naimpluwensiyahan ng tradisyong inumpisahan ng Aklatang Bayan (1901-1916) at nagpatuloy sa Ilaw at Panitik (1916-1935). Dahil sa tulak ng kilusang pangmasa, lahat sila ay napilitang magbago upang maging makahulugan sa karaniwang mambabasa (anupa’t ang panitik ng halos lahat ng manunulat sa Tagalog ay inilathala sa magasin at diyaryong pang-masa). Ang hikayat ng pagkapopular ay nagbunsod sa kanila sa direksiyong realistiko’t mapanuri, nakikiramay sa madla, bagamat sa kawalan ng organisadong liderato ng rebolusyon, nagpatuloy ang tendensiyang indibiduwalisko’t anarkista. Ito’y hindi sa kagustuhan nila kundi sa determinasyon ng mga puwersang obhetibo ng kasaysayan kung saan nakatago ang mga posibilidad sa transpormasyon ng buhay at istruktura ng lipunan.
Dahil salat pa sa tradisyong diyalektikal at materyalistikong pangkasayayan ang ating mga iskolar ng bayan, walang masusi at matatag na pagsulong pa hanggang ngayon tungo sa mapanuring analisis sa totalidad at integridad ng ating kultura. Pagpupunla lamang ang sikolohiyang Pilipino ni Virgilio Enriquez, at mga proyektong nailunsad nina Bienvenido Lumbera, Maria Lourdes Reyes, Soledad Reyes, Rose Torres-Yu, Roland Tolentino, at iba pa. Patunay rito ang eklektiko’t neoliberal na mga akdang nakalahok sa antolohiya ni Soledad Reyes, Kritisismo (1992).
Sa kasalukuyang panahon ng “Global War” laban sa terorismo, kaagapay ng krisis ng kapitalismong global, laganap pa rin ang pragmentasyon at paksyonalismo. Hindi matatakasan ito, dapat sunggaban ang pagkakataong ito para sa malawak na mobilisasyon ng bayan. Bawat etnikong grupo ay may sariling tatak ng kanyang indihenismo; walang mapag-ugnay na nasyonalistikong palatuntunan o programa ang nagbibigay direksiyon sa puta-putaking proyektong tila mga produktong inilalako sa globalisadong megamall. Ulirang paghahawan ng landas ang mga pag-aaral nina Abueg at Ricarte. Pinapanagimpan pa ang darating na henerasyon na may kakayahang lumikha ng isang malalim, masaklaw at makabuluhang pagsipat sa buong korpus ng panulat ni AGA.
Bukas ako sa anumang pagwawasto mula sa mga kapanalig (San Juan 2006). Limot na si Del Mundo, ngunit tila humantong naman sa pagsamba sa isang idolo ang ilang pag-aaral tulad ng kay Pat Villafuerte: ang mga tula ni AGA ay “kawing-kawing na mga perlas ng kaisipan at karanasang tinuhog ng makalup[a at maka-Bathalang damdamin” (1984, 200). Sandali lamang, pwede bang maging makabago tayo tulad ni AGA (o ng kanyang tapat na pagkatao) at huwag suubin ang tila tradisyonal na sining ng dating suwail, ang mapangahas na makatang lumabag sa batas? Kabalintunaan ang ihalal na ikon o idolo si AGA, tulad ng balighong pagsamba ng mga Rizalista sa bayani. Walang mabuting parangal kay AGA kundi ang pagtutol sa ganitong kahangalan.
Ilang salitang pangwakas at probokasyon para sa patuloy na pagpapalitang-kuro. Sa palagay ko, sa unang yugto ng milenyong 2000, hindi na kailangang ipagtanggol si AGA sa malisya’t personal na pagtatasa. Sa kabilang dako, kailangang umigpaw tayo sa pormalistiko’t dualistikong pananaw— subhetibo versus obhetibong tingin—upang itaguyod ang isang diyalektiko’t materyalistikong panunuri. Makakamit natin ang isang diyalektikong sipat sa masinop na pagsubok ng komunidad.
Natatandaan kong naipayo ko kay AGA na buksan ang Panitikan sa mga aktibisyang unyonista—may kaunting distansiya siya kay Ka Amado Hernandez noon; wala siyang tutol, kaya lamang limitado na talaga ang kanyang kaalaman at paningin noong 1966, tatlong taon bago siya pumanaw. Sa pakiwari ko, wala pang masugid at matiyagang lumalapat ng isang sukatang nagtuturing sa sining bilang kagamitan sa pangkabuhayan, sa mungkahi ni Kenneth Burke. Sapagkat sa kabila ng masalimuot na pagkakaiba ng karanasan ng tao sa mundo, marami ring pagkakawangki sa situwasyon ng mga lipunan, kaya makaiimbento ng mga istratehiyang makapagpapahalaga at makapagpapakahulugan sa mga situwasyon at problema sa buhay. At sa gayon, mabigyan iyon ng kalutasan (1994). O kaya mailapat ang diyalektika ng partikular na karanasan at unibersal na pamantayan upang matuklasan ang larawang tipikal, tulad ng inilahad ni Marx at Engels sa pagsusuri sa mga akda nina Balzac, Ibsen at iba pa (sangguniin ang mga panunuri nina Antonio Gramsci, Fredric Jameson, at Terry Eagleton). Siyasatin din ang ilang akda sa antolohiya nina Soledad Reyes at Rose Torres-Yu upang makapulot ng ilang panukala’t tagubiling magagamit sa transpormatibong praxis ng gawaing pangkalinangan.
Nabanggit ko rin kay AGA noong magkasama kami ang mga aral at proposisyon ni Georg Lukacs (1986), progresibong pilosopo sa Ungria. Payo ni Lukacs na laging isaisip ang diyalektikang paglalangkap ng laman at porma upang itakwil ang impresyonistikong paniwala na ang sining ay tinig lamang ng isang personalidad o kaluluwa, sapagkat ang wika—ang mga tanda o signs na bumubuo nito—ay semiotikang paglikha ng kahulugang unibersal sapagkat iyon ay tumutukoy sa mga prinsipyo o batas na nagpapagalaw sa mga partikular na bagay, tao o pangyayari. Ang tipikal na paglalarawan ng tauhan o pangyayari ang layunin ng manunulat. Ang katotohanan ay bunga ng semiotikong proseso ng senyas o tanda (sign), referent o kalagayang pumapaligid, at interpretant (konsepto o kahulugan sa kamalayan), ayon sa teorya ni Charles Sanders Peirce (San Juan 2010). Kaya ang diyalektikang katunayan ng porma sa sining ay laging kaugnay ng galaw at pagsulong ng buhay ng tao sa lipunan. Kaya hindi maibubukod ang dinamikong repleksyon ng buhay sa sining mula sa pagpili ng panig, ng pagpapahalaga o etikal na pagpapasiya. Magkasiping ang etika at estetika sa pulitikang paghubog ng kagandahan, natatanging matris ng kalayaan at kaligayahan.
Sumusungaw sa gunita ngayon ang larawan ni AGA (circa 1966) sa isang restawran sa Avenida Rizal, malapit sa Carriedo. Nagbibili, pinagbibili. May listahan ang bantog na awtor ng kanyang mga pautang na dinadaliri habang humihigop ng kape. Samantala, isang sipi ng bagong isyu ng Panitikan ang nasa harap ko. Bilang, salita, titik, tasa ng kape, plato ng pansit, anghot, usok ng sigarilyo sa bawat panig, kalansing ng salapi sa cash register sa likuran, kindat ng makiring waytres, busina ng diyip at sigawan sa kalsada--ito ang literary salon o arena ng pakikibaka ni AGA, ang bukas o hubad na talyer o laboratoryo ng tula, ng pagninilay at ng pagpapaimbulog ng guniguni. Dito rin hinihimas ang buntis na pusod ng kritiko at manlilikha, pinipilit ilangkap ang katawan at kaluluwa, ang loob at labas, upang makabuo ng kahulugan at katuturan para sa kapwa nilalang.
Ang maikli ngnit maigting na kolaborasyon namin ni AGA, na hindi laging mahinahon at palaging nagkakasundo, ay mahuhugutan ng ilang aral. Ang petiburgesyang alagad ng sining ay maaaring maging malikhaing katulong sa nagkakaisang-prente ng kilusan para sa pambansang demokrasya, at dapat silang igalang at pahalagahan gaano man limitado ang kanilang kakayahan o kaalaman. Pangalawa, ang suliranin ng sining ay suliranin ng mga nagtutunggaliang ideolohiya (praxis at institusyon) sa lipunan. Kung nais baguhin ang takbo nito, dapat baguhin ang kondisyon o situwasyong sanhi nito. Pangatlo, umiwas sa pagtingin sa problema ng sining o ng lipunan bilang personal o pribadong usapan. Lahat ng ito ay kasangkot sa mga problemang may unibersal o pangkahalatang implikasyon. Itakwil ang makitid na tsobinismo o rasismo, ang saloobin o ugaling atin-atin lamang, kaagapay ng kosmopolitanismong umaayaw sa nasyonalismong ibinabandila ng pakikibaka. Laluna ngayon, sa globalisasyong pinamumunuan ng malupit na goberyno ng Estados Unidos at mga kaalyadong kapitalistang lakas, kailangang matatag na itaguyod ang progresibong demokratikong prinsipyong mapagpalaya sa bansa, at sa gayon, sa makata, sa manunulat, sa lahat ng manlilikha. Mabuhay si AGA at ang kanyang naitulong sa ating pakikibaka tungo sa kalayaan at—kapanabay nito—sa kagandahan!


MGA SANGGUNIAN

Abadilla, Alejandro G. 1992. “Tula: Kaisahan ng Kalamnan at Kaanyuan.” Nasa Kritisismo, ed. Soledad S. Reyes. MetroManila: Anvil.
-----. 1964. Parnasong Tagalog. Malabon, Rizal: Dalubhasaang Epifanio de los Santos.
Abueg, Efren, ed. 1973. Parnasong Tagalog ni A.G. Abadilla. Manila: MCS Enterprises.
Agoncillo, Teodoro. 1970. “Pasulyap na Tingin sa Panitikang Tagalog.” Philippine Studies 18.2 (April): 229-251.
Almario, Virgilio. 2006. Pag-unawa Sa Ating Pagtula. Manila: Anvil.
Atienza, Monico. 1995. BAYAN KO: Mga tula ng pulitika at pakikisangkot ni Jose Corazon de Jesus. Quezon City: UP College of Liberal Arts.
Bloch, Ernst. 1996. “Marxism and Poetry.” Nasa Marxist Literary Theory, ed. Terry Eagleton and Drew Milne. New York: Blackwell.
Brecht, Bertolt. 1996. “A Short Organum for the Theater.” Nasa Marxist Literary Theory, ed. T. Eagleton and D. Milne. New York: Blackwell.
Burke, Kenneth. 1994. “Literature as Equipment for Living.” In Contemporary Literary Criticism, ed. Robert Con Davis and Ronald Schleifer. New York: Longman.
Glorioso, Pablo. 1973. “Si AGA sa Parnasong Tagalog.” Nasa Parnasong Tagalog ni A.G. Abadilla, ed. Efren Abueg, 1-6. Manila: MCS Enterprises.
Lukacs, Georg. 1986. “Art and Objective Truth.” Nasa sa Critical Theory Since 1965, ed. Hazard Adams and Leroy Searle, 791-808. Tallahassee: Florida State University Press.
Reyes, Soledad. 1992. Kritisismo. Pasig, MetroManila: Anvil Publishing, Inc.
Ricarte, Pedro. 1970. “Alejandro G. Abadilla.” Philippine Studies 18.2 (April): 323-349
San Juan, E. 2010. Critical Interventions: From Joyce and Ibsen to Peirce and Kingston. Saarbrucken, Germany: Lambert Publishing.
------. 2000. Himagsik: Tungo sa Mapagpalayang Kalinangan. Manila: De La Salle University Press.
---. 2006. “Ilang Panukala sa Panunuring Pampanitikan.” Nasa Kilates: Panunuring Pampanitikan ng Pilipinas, ed. Rose Torres-Yu. Quezon City: University of the Philippines Press.
Schiller, Friedrich. 1962. “Letters on the Aesthetic Education of Man.” In Modern Continental Literary Criticism, ed. O.B. Hardison, Jr. New York: Apleton-Century-Crofts.
Villafuerte, Pat Villasan. 1984. “Ang Daigdig ng Tula, ang Daigdig ng Makata at ang Daigdig ng Kaakuhan ni Alejandro G. Abadilla sa Ako ang Daigdig at iba pang tula.” Nasa sa Panunuring Pampanitikan: Mga Nagwagi sa Gawad Surian sa Sanaysay, ed. Ponciano B. Pineda. Maynila: Surian ng Wikang Pambansa.
__________________________
E. SAN JUAN, emeritus propesor ng English, Comparative Literature at Ethnic Studies sa iba’t ibang unibersidad sa U.S., a naging fellow ng W.E.B. Du Bois Institute, Harvard University, at Fulbright professor ng American Studies sa Leuven University, Belgium. Ilang libro niya: In the Wake of Terror (Lexington Press), Balikbayang Sinta (Ateneo U Press), at Rizal in our Time (revised edition, Anvil Publishing).

Comments

Popular posts from this blog

JOSE CORAZON DE JESUS--ANG SINING NI HUSENG BATUTE--E. SAN JUAN, Jr.

INTRODUKSIYON KAY EFREN ABUEG--E. San Juan, Jr.

ANDRES BONIFACIO: Katwiran, Kalayaan, Katubusan--ni E. San Juan, Jr.