TAO TE CHING / DAO DE JING --in Filipino/Tagalog (Chapters 9-40) by E. SAN JUAN, Jr.
TAO TE CHING / DAO DE JING Kabanata 9-40 (Second Installment)
Salin sa Filipino ni E. San Juan, Jr.
9.
Mabuting huminto bago mapuno ang sisidlan sa halip na umapaw ito.
Kung labis na hasain ang talim, di magluluwat ay mapurol na iyon.
Kung ang silid mo’y siksik sa ginto at batong ihada, di mo mababantaya’t maipagtatanggol iyon.
Angkinin ang yaman at titulo’t upang magpalalo, di magluluwat babagsak ang parusa.
Lumigpit kapag tapos na ang mabuting gawa.
Iyan ang Tao ng langit.
10.
Dala ang katawan at kaluluwang magkayapos, nagtatalik,
Maiiwasan mo ba’ng pagbukurin sila?
Tipunin ang diwa at magpalambot,
Maari ka bang tumulad sa isang bagong supling?
Hinuhugasan at pinaglilimi ang pinakalantay na kamalayan,
Maari ka bang walang sira?
Minamahal ang lahat at namumuno sa bayan,
Maari ka bang umiwas sa pagkilos?
Binubuksan at ipinipinid ang tarangkahan ng langit,
Maaari ka bang gumanap sa papel ng babae?
Nawawatasan at bukas sa lahat ng pangyayari,
Maari ka bang walang ginagampanan?
Nanganganak at nagpapakain,
Nagbubunga ngunit hindi umaari,
Gumagawa ngunit hindi umaasa,
Tumatangkilik ngunit hindi namamahala,
Ito ang binansagang walang kapantay na Birtud.
11.
Tatlumpung rayos ng gulong ang kabahagi sa lunduyan;
Ang walang lamang lugar ang siyang dahilang nagagamit iyon.
Humubog ng sisidlan mula sa luwad;
Ang agwat doon sa loob ang siyang sanhi sa pagkagamitan.
Yumari ng pinto at bintana angkop sa isang silid;
Ang agwat at butas nila ang siyang dahilang magagamit ang silid.
Samakatwid ang pagka-mayroon ay nagdudulot ng kabutihan.
Ang kawalan ay nagdudulot ng kagamitan.
12.
Binubulag ang mata ng limang kulay.
Binibingi ang tainga ng limang tono.
Ginagawang maramdamin ang dila ng limang lasa.
Ginigiyagis ang puso ng pangangabayo at pangangaso.
Nililigaw at nililinlang ang tao ng mga mamahali’t bihirang bagay.
Samakatwid ang pantas ay pinapatnubayan ng kung ano ang saloobin at hindi kung ano ang namamasid.
Pinababayaan ito’t pinipili iyon.
13.
Tanggapin mo ang nakapangingilabot na kahihiyan nang maluwag ang kalooban.
Tanggapin ang kasawiang masahol bilang bahagi ng buhay ng lahat ng nilalang.
Ano’ng ibig sabihin na ang kasawian at kabutihang-palad ay nakapananakot?
Ang pagtatangi ay may mababang uri.
Huwag mabahala sa tila nakasisindak na lugi o tubo,
Sinasabing ang kabutihang-palad at kasawian ay nakatatakot sa malas.
Ano’ng ibig sabihin ng “tanggapin ang ang malaking kasawian” bilang bahagi ng buhay?
Sapagkat katawan ay buhay, danas ko ang kasawian.
Kung walang katawan, paano magdaranas ng kasawian?
Isuko mo ang sarili nang may pagpapakumbaba; sa gayon, mapapagkatiwalaan kang kumandili’t kumupkop.
Mahalin ang daigdig tulad ng iyong sarili, sa gayon mapapangatawanan mo ang anumang kapakanan o suliranin ng lahat sa buong daigdig.
14.
Tingnan mo, hindi ito makikita—binura ang pangalan.
Dinggin mo, hindi ito maririnig—ang pangalan nito’y pambihira.
Dakmain mo, hindi ito mahahawakan o maaabot—ito’y malihim.
Dito matatarok ang tatlong ito;
Sa gayon magkahalo’t nagiging isa.
Mula sa itaas hindi ito maliwanag.
Mula sa silong hindi ito madilim.
Mahigpit at bawal, hindi maituring;
Bumabalik ito sa kawalan.
Ang anyo ay walang hugis,
Ang imahen ay walang larawan,
Tinatawag itong walang takda at lampas sa guni-guni.
Tumindig sa harap nito at walang simula.
Sundan ito at walang dulo.
Higpitan ang hawak sa matatag na Tao,
Kumilos sa kasalukuyan.
Ang pagkabatid sa pinakaunang pinagbuhatan ang ubod ng Tao.
15.
Ang mga matandang guro ay matalisik, dalubhasa, sanay at bihasa,
Ang lalim ng kanilang kaalaman ay di masusukat.
Sapagkat di masusukat,
Magkasya na lang tayong ilarawan sila;
Laging maingat, tulad ng mga taong tumatawid sa ilog sa tag-lamig.
Laging handa, tulad ng mga taong pakiramdam ang mataksil na kalaban sa paligid;
Mapitagan, tulad ng mga panauhing dumadalaw.
Pumapanaw, tulad ng yelong malapit nang matunaw;
Matapat, tulad ng isang di-pa nililok na tipak ng kahoy;
Malawak, tulad ng mga yungib.
Mapusok, tulad ng alimbukay ng tubig.
Sino’ng makapagpapahinahon sa marahas?
Sino’ng mananatiling walang imik upang ihanda ang mabagal na pagluwal ng pagkilos?\
Ang mga alagad ng Tao ay di nagnanais ng labis na kasaganaan.
Di labis ang pagkamakasarili, ginagamit ang luma upang makalikha ng bago.
16.
Sikaping alisin mo ang lahat sa iyong loob.
Hayaang manahimik at panatilihin ang dalisay na saloobin.
Umaakyat at bumababa ang sampunglibong bagay habang minamasdan mo ang kanilang pagbabalik.
Bumubukadkad at nagbubunga, kapagkwa’y bumabalik sa pinagmulan.
Bumabalik sa matris, ito’y kaluwalhatian na siyang pagbabalik sa kalikasan.
Ang pagbabalik sa buhay ng kalikasan ay walang pagbabago.
Ang pagkaunawa sa katalagahan ay liwanag ng kabatiran.
Ang di pagkaunawa sa katalagahan ay dalus-dalusang nagtutulak sa kapahamakan.
Batid ang katalagahan, ikaw ay mapagpaubaya.
Kapag mapagpaubaya, ikaw ay makatarungan.
Kapag makatarungan, asal mo’y matatag at marangal.
Sapagkat malinis ang budhi, makakamit mo ang kabanalan.
Sapagkat banal, ikaw ay ibinuklod sa Tao.
Kasanib sa Tao, wala kang wakas.
Bagamat namamatay ang katawan, walang kapahamakang darating sa iyo.
17.
Ang pinakamagaling na pinuno ay halos di kilala ng sambayanan.
Ang kapanalig niya’y malapit at nagpupugay.
Kasunod ang mga taong kinatatakutan siya;
At ang iba’y napopoot sa kanya.
Ang pinunong hindi sapat na mapapagkatiwalaan, sa panunungkulan niya’y maghahari ang paghihinala.
Isinasagawa ang lahat sa panatag na paraan.
Pinagliban ang di-kailangang salita at itinatampok ang ilan.
Pagkatapos maisakatuparang mahusay ang tungkulin,
Bubulalas ang sambayanan: “Natupad natin ito!”
18.
Kung tumalikod sa dakilang Tao,
Kagandahang-loob at mabuting pakikipagkapwa-tao ang bumubungad;
Kapag tumambad ang dunong at kaalaman,
Umpisa na ang garapal na pagkukunwari;
Kapag walang pagkakaisa ang pamilya,
Ang pag-irog sa magulang at pagkamatulungin ay sumisipot;
Kapag ang bayan ay magusot at namamayani ang gulo,
Lumalabas ang mga tusong upisyal sa pamahalaan.
19.
Itakwil ang pagkamarunong, ayawan ang kaalaman,
Higit na makabubuti ito sa bawat nilalang.
Itakwil ang kabaitan, iwaglit ang moralidad,
At matutuklasan muli ang pag-ibig sa magulang at kagandahang-loob.
Itakwil ang katusuhan, ibasura ang pagkalamang;
Maglalaho ang mga magnanakaw at mangungulimbat.
Ang tatlong ito bilang mga simulaing pumapatnubay ay di sapat sa kanilang sarili,
Kinakailangang masipat ang katayuan ng bawat isa.
Alamin ang payak at yapusin ang pangkaraniwan;
Sawatin ang kasakiman at bawasan ang mga kagustuhan.
Iwan ang pinag-aralang kaalaman nang sa gayo’y humupa ang pagkabalisa.
20.
Mayroon bang pagkakaiba ang pagsang-ayon at pagtutol?
May pagkakaiba ba ang kabutihan at kabuktutan sa isa’t isa?
Iyon namang kinasisindakan ng madla—maari bang tumakas doon?
Laganap ang lagim, walang katapusan.
Maraming nalulugod, tila nasisiyahan sa piging na pagsakripisyo sa kapong baka;
Sa tag-sibol may nagpapasyal sa liwasan at umaakyat sa terasa.
Nangungulila ako, tangay ng agos, ngunit di nag-iwan ng bakas.
Walang muwang, tulad ng isang bagong silang na sanggol bago matutong ngumiti.
Pagod na parang walang babalikan.
Ang madla’y may pag-aaring higit sa kanilang pangangailangan, ngunit ako’y namumukod na dukhang lubos.
Puso ko’y nahibang, di alam kung saan napadpad.
Ang karaniwang mamamayan ay nakaiintindi, ngunit ako lamang ang nagulumihanan.
Ang iba’y matalas at matalino, ngunit ako nama’y tanga.
Ako’y inaanod palayo tulad ng alon sa dagat, nawindang, walang direksiyon, wari baga’y unos na walang tigil.
Lahat ay may inaatupag,
Ngunit ako lamang ang walang kabatiran at natimbuwang.
Iba nga ako sa lahat
Subalit pinipintuho ko ang inang magiliw kumanlong.
21.
Ang pinakatanyag na Birtud ay pagsunod lamang sa Tao, sa landas nito.
Ang Tao ay mailap at di masasakyan bilang lakas ng pagkilos.
Ito’y di mahihipo pagkat mailap, ngunit sa loob kimkim ang imahen;
Ito’y mailap at di masisilo, ngunit sa loob nito ang pinakaubod;
Ito’y lihim at nakukubli sa dilim, ngunit sa puso nito nakaluklok ang huwaran.
Ang buod ay lantay na katotohanan, at nilagom sa loob ang paniniwala.
Sa mula’t mula pa hanggang sa kasalakuyun, ang pangalan niya’y di nakakalimutan.
Sa gayon, gamitin ito upang matarok ang lumilikha ng mga bagay sa mundo.
Paano ko nabatid ang kondisyon ng taga-likha ng mga bagay?
Ginamit ko ang Tao.
22.
Bumigay upang manatiling buo;
Yumukod upang maituwid;
Gasgasin upang maging bago;
Sa pagkakaroon ng kaunti, madaragdagan pa ito;
Kung maraming ari, mababahalang lubos.
Dahil dito, ang pantas ay yumayapos sa isa lamang
At nagsisilbing halimbawa sa lahat.
Hindi umaasta’t pumaparada, kaya tanyag.
Hindi niya ipinangangalandakan ang sarili, kaya natatangi.
Hindi naghahambog, tinatanggap niya ang pagkilala ng mabuting gawa;
Walang pagmamayabang, laging may pinanghahawakan,
Sapagkat di nakikipag-away, kaya walang umaaway sa kanya;
Samakatwid, wika ng mga ninuno: “Sumuko upang makapangibabaw.”
Ito ba’y pariralang walang saysay?
Dapat maging wagas ang nangungusap, at lahat ng bagay ay darating sa kanya.
23.
Natural ang matipid na pananalita.
Ang rumaragasang hangin ay hindi tumatagal sa buong umaga,
At ang biglang ulan ay hindi tumatagal sa buong araw.
Bakit nga? Dahil sa langit at lupa!
Kung hindi mapapanatili ng langit at lupa ang walang pagbabago,
Paano magagawa ito ng isang abang nilalang?
Sinumang tumutupad sa Tao ay kasanib sa Tao.
Sinumang may mabuting loob ay dumaranas ng Birtud.
Sinumang naligaw ay dumaramdam ng pagkalito.
Kung ikaw ay kaakbay ng Tao, inaaruga ka nito.
Kung ikaw ay kaakbay ng Birtud, pinagpapala ka nito.
Kung ikaw ay kaakbay ng kawalan, sabik mong dinaranas iyon.
Sinumang hindi nagtitiwala nang sapat, siya’y hindi mapagtitiwalaan.
24.
Ang lumalakad nang patiyad ay hindi makapagpapahamak.
Ang humahakbang ay hindi makapagpapatuloy nang matatag.
Ang nagtatanghal sa sarili ay hindi pihikan.
Ang nagpapanggap na laging tumpak ay hindi kapita-pitagan na dapat igalang.
Ang mapupusok ay walang kapakinabangan.
Ang naghahambog ay di makadadaig.
Ayon sa mga alagad ng Tao, “Ito’y isinumpa ng labis na pagkain at walang kabuluhang kargada.”
Lahat ay namumuhi doon.
Sa gayon iniiwasan iyon ng mga bihasa sa Tao.
25.
Isang bagay na mahiwagang nabuo mula sa sigalot,
Isinilang bago pa may langit at lupa.
Sa katahimikan at sa kawalan, nakatindig mag-isa’t walang pagbabago,
Laging nakahanda at maliksi,
Kumikilos bilang ina ng lahat ng bagay sa mundo.
Hindi ko alam ang pangalan, tawagin itong Tao.
Mahirap humanap ng angkop na salita, bansagan na lang nating dakila.
Sa kadakilaan, umaagos ito
At umaabot sa malayo, kapagkwa’y bumabalik.
Samakatwid, “Tao ay dakila, langit ay dakila, lupa ay dakila, ang sangkatauhan ay dakila.’
Ito ang apat na kapangyarihan sa sangkalibutan,
Ang taong nilalang ay isa dito.
Sinusundan ang bawat nilalang ng lupa bilang batas niya,
Sumusunod ang lupa sa langit bilang batas niya,
Sinusundan ng langit ang Tao bilang batas niya,
Sumusunod ang Tao sa kalikasan, bilang batas niya.
26.
Ang mabigat ang ugat ng magaang;
Ang matatag ang panginoon ng di mapalagay.
Sa gayon, maglalakbay sa buong araw, di nakakaligtaan ng pantas ang kanyang mga balutan.
Bagamat maraming nakaaakit na mapapanood sa lugar ng nakabibighaning langay-langayan, siya’y panatag at di nagpapatukso.
Bakit dapat umasal nang mahinahon sa madla ang panginoon ng ilanlibong karwahe?
Sa pagkilos nang mahinahon, mawawala ang ugat.
Sa kalikutan mawawala ang kapangyarihan.
27.
Ang mahusay lumakad ay hindi nag-iiwan ng bakas;
Ang magaling magpanayam ay hindi nauutal at nagkakamali;
Ang sanay kumalkula ay hindi nangangailangan ng listahan.
Hindi kailangan ang susi sa mabuting magsara.
Ang kanilang sinasara’y hindi mabubuksan ninuman.
Ang mabuting pabalat ay hindi nangangailangan ng mga buhol.
Gayunpaman, hindi iyon makakalag o mabubuhaghag.
Samakatwid, ang pantas ay kumakalinga sa lahat
At walang iniiwanan.
Inaasikaso ang lahat at walang napapabayaan.
Ito’y taguring “pagpapatingkad sa likas na kabutihan.”
Ano ba ang mabuting nilalang?
Isang guro ng masamang tao.
Sino ang masamang tao?
Alaga ng mabuting nilalang.
Kung hindi iginagalang ang guro, at ang mag-aaral ay hindi inaalagaan,
Gulo ang sisipot, gaano man naglipana ang matalino at matalisik.
Ito ay malahimalang hiwaga.
28.
Kilatisin ang lakas ng lalaki,
Ngunit kupkupin ang mapag-arugang babae.
Sikaping maging daluyan ng batis sa lahat ng bagay sa daigdig.
Bilang landas ng tubig sa santinakpan,
Laging kasama ang Birtud na walang pagbabago;
Bumalik sa puso ng kamusmusan.
Unawain ang puti, ngunit ingatan ang itim.
Sikaping maging halimbawa sa buong mundo.
Bilang halimbawa sa lahat, isakatuparang maigi ang walang pag-iibang Birtud.
Bumalik sa kawalang-hangganan.
Isaisip ang karangalan,
Ngunit ittinggal ang kapakumbabaan.
Sikaping maging lambak ng sansinukob.
Hayaang lumaganap ang walang pagkatinag na Birtud.
Bumalik sa lagay ng tipak na kahoy na hindi pa nilililok.
Kapag inukit na ang tipak, ito’y magagamit na.
Ginagamit ito ng pantas habang nanunungkulan bilang pinuno.
Sa gayon, “Ang dakilang iskultor ay pumipigil sa pagputol.”
29.
Sa wari mo ba’y maaari mong sakupin ang sansinukob at isaayos ito?
Paniwala kong hindi ito maaari.
Banal na kasangkapan ang buong daigdig.
Hindi mo mapapahusay ito, hindi masusunggaban.
Kung subukan mong baguhin ito, masisira lamang ito.
Kung subukan mong pangasiwaan ito, magpupumiglas ito,
Kaya hindi kumikilos ang pantas.
Kaya nga, minsan, ang mga bagay ay nauuna at minsan nahuhuli,
Minsan ang huminga’y mahirap, minsan madali;
Minsan masigla at minsan mahina;
Ang mga bagay ay masiglang lumalago o naglalaho.
Dahil dito iniiwasan ng pantas ang pagmamalabis, makakasukdulan, at pagkawalang-bahala.
30.
Kung naghahain ng tagubilin para sa pinuno tungkol sa gawi ng Tao,
Pagpayuan mong huwag gumamit ng dahas-militar upang pwersahin ang lahat sa ilalim ng langit
Sapagkat tiyak na magpupukaw ito ng mapaghiganting galit.
Saan mang rumagasa ang hukbo, tumutubo’t lumalago ang matinik na palumpong.
Panahon ng gutom ang tumatalunton sa daang hinawan ng walang pakundangang digmaan.
Gawin lamang ang talagang kinakailangan.
Sa tagumpay, umasal mapagkawanggawa.
Huwag samantalahin ang pagkakataon sa pagpataw ng kapangyarihan o mangahas pilitin ang mga bagay.
Adhikaing matamo ang layon, ngunit huwag magpakapalalo.
Sikaping maabot ang mithi, ngunit huwag parusahan ang lahat.
Sikaping makamit ang nasa, ngunit huwag magpamataas.
Sikaping makuha ang nais, ngunit huwag gumamit ng dahas at kamkamin ang tubo para sa sarili.
Marahas ka ngayon, ngunit hahalinhinan iyan ng panghihina at pagtanda.
Hindi ito ang gawi ng Tao.
Ang sumasalungat sa Tao ay makatatagpo ng maagang pagpanaw.
31.
Ang mga sandata’y kasangkapan ng kilabot; kinapopootan iyon ng lahat ng nilikha.
Sa gayon, hindi ginagamit iyon ng mga kampon ng Tao.
Pinipili ng marangal na mamamayan ang kaliwa kung nasa tahanan siya.
Ngunit kung ginagamit ang sandata, intinatanghal ang kanan.
Ang mga sandata ay instrumento ng sindak, hindi ito kagamitan ng marangal na mamamayan.
Ginagamit lamang iyon kung wala na siyang pagpipilian.
Hinihirang na pinakamagaling ang kapayapaan at kahinahunan.
Ang tagumpay ay hindi dahilan upang ipagdiwang ang kagandahan.
Kung nasasayahan ka sa ganda ng tagumpay, nalulugod ka sa pagkitil ng buhay.
Kung nalulugod ka sa pagpatay, hindi matutupad ang kaganapan ng iyong loob at pagtamasa sa minimithi.
Sa mga maayong pagkakataon, binibigyan ng halaga ang kaliwa,
Sa panahon ng pighati, ipinagpapauna ang kanan.
Sa kanan ang pinunong nag-uutos, sa kaliwa ang lider ng hukbo.
Nawika noon pa na ang digmaan ay pinangangasiwaan sa paraang sumasalamin sa ritwal ng libing.
Kung maraming nasawi, dapat ipagluksang mataimtim ang nangyari.
Ito ay dahilan kung bakit dapat ipagbunyi ang tagumpay bilang isang pagburol sa mga bangkay
32.
Laging hindi itinakdang tiyak na may pangalan ang Tao.
Maliit man ito at payak, hindi ito masusunggaban.
Kung maisisingkaw ito ng mga hari’t panginoon, walang atubiling tatalimahin ito ng lahat.
Magtitiyap ang langit at lupa, at lalapag ang mayuming ambon.
Hindi na mangangailangan ng turo at utos ang taumbayan, at lahat ng bagay ay magkatimbang na magkakahanay-hanay.
Ang namamahala ay tanyag.
Kahit na tanyag, dapat malaman kung kailan dapat tumigil.
Kung alam kung kailan titigil, mahahadlangan ang sigalot at maiiwasan ang pinsala.
Ang tao sa daigdig ay tulad ng sapa sa lambak na dumadaloy pauwi sa ilog at karagatan.
33.
Ang kaalaman tungkol sa iba ay karunungan.
Ang kabatiran tungkol sa sariling pagkatao ay kaliwanagan.
Kailangan ang dahas sa pamamahala sa iba, ngunit ang may disiplina sa sarili ay may angking lakas sa loob.
Sinumang nakauunawa na sapat na sa kanya ang nakapaligid ay mariwasa.
Tanda ng lakas ng kalooban ang katiyagaan.
Sinumang lumilinang sa kinalalagyan ay tumatagal nang walang katapusan.
Malagot ang hininga ngunit hindi maglaho—ito’y pamumuhay sa kasalukuyan.
34.
Dumadaloy ang Tao, maayos na bumabaling sa kaliwa’t kanan.
Lahat ay umaasa dito upang mabuhay, hindi ito umaalis.
Bagamat natapos ang minarapat na gawain, hindi ito umaangkin para sa sariling kapakanan.
Inaaruga’t tinatangkilik ang lahat ngunit hindi ito umaasal bilang pinuno nila.
Maituturing itong kasapi ng mga maliliit.
Bumabalik dito ang ilanlibong nilikha, ngunit hindi ito nag-uutos.
Maitatangi ito sa mga dakila.
Sapagkat hindi tinangkang kagilas-gilas ang paraang ito, sanhi nito, natatamo nito ang kadakilaan.
35.
Mahigpit na humawak sa maharlikang sagisag at lahat ng bagay sa mundo’y darating sa iyo.
Dudulog sila ngunit hindi sila sasaktan.
Magpapahinga sa katiwasayan at kapayapaan.
Ikatuwa ang musika at mainam na pagkain, sadyang humihinto ang mga nagdaraang manlalakbay.
Samakatwid, kung ang tao ay inihayag sa salita, mapupuna na walang lasa at matabang ito.
Kung hahanapin ito, walang katangiang mapapansin.
Kung pakikinggan, walang sapat na mauulinigan.
Subalit kung kakasangkapanin ito, hindi ito mauubos.
36.
Kung nais mong bawasan ang anuman, kailangang dagdagan mo muna ito’t palakihin;
Kung nais mong palambutin ang anuman, kailangangang patigasin muna pansamantala;
Kung nais mong tanggalan ang anuman, sandaling paunlarin muna iyon;
Kung nais mong hulihin ang anuman, sandaling isuko mo muna ito.
Ito’y tinaguriang “paraan ng masidhing pang-unawa.”
Ang mahina’t malambot ay tumatalo sa malakas.
Hindi mo maihihiwalay ang isda mula sa tubig sa lawa;
Ang mabisang kagamitan ng pamahalaan ay hindi maitatanghal sa madla.
37.
Ang Tao ay hindi nagbabago sa di-pagkilos, ngunit walang hindi naisasakatuparan.
Kung nais imbakin ito ng mga hari’t panginoon, kusang-loob na maiiba ang kalikasan ng maraming nilikha.
Pagkaraan ng pagbabago, kung nais nilang makaigpaw,
Sasanayin sila ng kapayakan ng walang pangalan.
Sa pagpapahinahon sa kanila sa bisa ng payak at walang ngalang gamit, walang damdaming mapag-imbot ang lilitaw;
Kung walang pagnanasa, lalaganap ang katiwasayan at lahat ng bagay ay papanatag.
Ang tunay na mabuting tao ay hindi lubos na nalalaman ang kanyang kabutihan,
At sa gayon lantay na mabuti.
Ang hangal na tao’y nagpupunyaging maging mabuti,
At sa gayo’y hindi mabuti.
Ang tunay na mabuti ay walang tangkang gumawa.
Ngunit lahat ay nagagampanan.
Ang ulol ay laging masipag, ngunit napakaraming nakaligtaang harapin.
Kapag ang tunay na mabuti’y nagpunyagi, walang bagay na di mayayari.
Kapag ang makatarunga’y kumilos, nag-iiwan siya ng malaking pagkukulang.
Kapag ang nagpapairal ng kautusan ay nangangasiwa at walang tumutugon,
binabalumbon ang manggas upang ipataw ang batas.
Sa gayon, kapag nawala ang Tao, magkasya sa kabaitan.
Kapag nawala ang kabaitan, nariyan ang kagandahang-loob.
Kapag nawala ang kagandahang-loob, magkasya sa katarungan.
Kapag nawala ang katarungan, nariyan ang ritwal.
Ang ritwal ay upak ng pananampalataya, ang umpisa ng gulo.
Itinumbas ng mangkukulam ang tao sa marangyang laruan, ito ang umpisa ng kaululan.
Samakatwid, ang tunay na dakilang tao ay tumitira sa katalagahan at hindi sa ibabaw ng mga baga-bagay, nakatutok sa bunga at hindi sa bulaklak.
Dahil dito, tinatanggap ang ilan at tinatanggihan ang iba.
39.
Ang mga bagay na itong nagmula pa sa sinaunang panahon ay bumalong sa isa;
Ang langit ay buo at maaliwalas.
Ang lupa ay buo at matatag.
Ang diwa ay buo at matipuno.
Ang lambak ay buo at masagana.
Ang sampung libong bagay ay buo at nagbubunga.
Ang mga hari’t panginoon ay buo at ang buong bayan ay sumusunod sa praktika ng pagkamakatwiran.
Lahat ng ito ay nangyayari dahil sa pagkakaisa.
Nahahadlangan ng kaliwanagan ng langit ang pagdurog nito.
Nahahadlangan ng kapayapaan ang pagbiyak sa lupa.
Nahahadlangan ng lakas ng diwa ng mga bathala ang pagwasak nito.
Nahahadlangan ng kasaganaan ang pagkatuyo ng lambak.
Nahahadlangan ng paglago ng isanglibong bagay ang pagkamatay nito.
Nahahadlangan ng pagkamatapat ng hari’t panginoon ang pagsira sa buong bayan.
Sa gayon ang ugat ng karangalan ay ang pagpapakumbaba.
Ang mababa ang saligan ng mataas.
Itinuturing ng mga hari’t maharlika na sila’y “ulila,” “kakarampot,” at “di sagana.”
Hindi ba nakabatay ang mamahalin sa mapagkumbaba?
Ang malabis na tagumpay ay hindi kahigtan.
Huwag kumalansing tulad ng makinang na batong ihada o mag-ingay o mag-ayos burikak tulad ng batong dupikal.
40.
Ang pagsasauli ang galaw ng Tao.
Ang kahinaan ang paraan ng Tao.
Ang isanglibong bagay ay iniluwal mula sa umiiral
At ang umiiral ay iniluwal mula sa kawalan.
[Copyright@2010 by E. San Juan, jr./Karapatang-ari@ 2010 ni E. San Juan, Jr.]
Comments