TAO TE CHING / DAO DE JING --in Filipino/Tagalog (Chapters 1-8) by E. SAN JUAN, Jr.



TAO TE CHING /
DAO DE JING /
LANDAS AT KAPANGYARIHAN NG KALIKASAN ( Kabanata 1-8)


Salin ni E. SAN JUAN, Jr.


1.

Ang Taong naisasawika ay hindi ang di-nagbabagong Tao.

Ang pangalang naisasambit ay hindi ang pangalang walang pag-iiba.

Ang kawalan ng pangalan ang simula ng langit at lupa.

Ang umiiral ang ngalan ng ina ng sampung libong bagay.

Samaktwid, dapat itampok ang kawalan.

Laging walang pagnanais, makikita ang hiwaga.

Laging nagnanais, mapapansin ang gilas ng landas.

Itampok ang umiiral kung nais sapulin ang saklaw ng landas.

Nagbubuhat ang wala’t mayroon sa isang bukal, ngunit magkaiba ang taguri,

Dilim sa kadiliman, lumalabas na tila karimlan ang dalawang napakalalim.

Sila ang tarangkahan sa lahat ng hiwaga.

2.

Sa ilalim ng langit, alam ng lahat ang lakas ng ganda bilang kagandahan ay nakasalalay sa kapangitan.

Batid ng lahat ang buti ay kabutihan lamang sapagkat nakasalalay iyon sa kasungitan.

Samakatwid ang umiiral at kawala’y kapwa iniluwal nang magkasabay,

Ang mahirap at madali’y bumubuo sa isa’t isa.

Ang mahaba’t maikli’y humuhubog sa bawa’t isa;

Ang mataas at mahaba’y magkasanib;

Ang tinig at tunog at magkakatugma;

Harap at likod ay magkasudlong, may pagkakatimbang.

Sa gayon ang pantas ay nakasangkot nang walang pagpupunyagi,
nagtuturo nang walang salitaan,

Ang sampung libong bagay ay naisasakatuparan nang walang pagsisikap.

Lumilikha, ngunit hindi nag-aari,

Gumagawa, ngunit di nag-aangkin.

Naisasakatuparan ang anumang Gawain, kapagkwa’y limot na iyon.

Sa gayon iyo’y umiiral magpakailan man.

3.

Ang di pagbunyi sa may likas na talino ay gawing pumipigil sa away.

Ang di paghabol sa yaman ay patakarang humahadlang sa nakawan.

Ang di pagtanghal sa kaibig-ibig na bagay ay tiyakang sagwil sa kalituhan sa puso.

Ang marunong mamuno, sa gayon, ay naghahari sa pag-alis ng bagabag sa puso at pagbubusog ng sikmura,

Sa paglulumpo ng ambisyon at pagpapalakas ng mga buto.

Kung ang masa’y walang katusuhan at walang pag-iimbot, matitiyak na ang mga paham ay di manghihimasok.

Naisasapraktika ang pagkukusang-loob at lahat ay matiwasay sa gayong pamamahala.

4.

Ang Tao ay isang hungkag na sisidlan; bagama’t ito’y ginagamit, hindi ito napupuno.

O walang sayod na pinagmumulan, nuno ng ilanlibong bagay!

Pinupuros ang talas,

Kinakalan ang buhol,

Pinapupusyaw ang silaw,

Pumipisan sa alikabok.

O lubhang nakalubog ngunit sa malas ay alagang-alaga.

Di ko batid kung saan nagbubuhat.

Ito’t ninuno ng mga bathala.

5.

Ang langit at lupa’y walang habag;

Nababatid nilang ang sampung libong bagay ay mga maniking dayami;

Ang marunong ay walang awa;

Nakaharap sa madla’t trato sa kanila’y mga maniki.

Ang agwat sa pagitan ng langit at lupa ay tila isang tubong hinihipan,

Ito’y hungkag ngunit di nawawalan ng hugis.

Maaaring galawin, ngunit lalong bumibigay at humahaba.

Marami man ang salita, kung bilangin naman ay kulang.

Mahigpit na humawak at panatilihin ang gitna.


6.

Hindi kailanman papanaw ang kaluluwa ng lambak.

Siya’y babae, inang puspos ng hiwaga.

Ang tarangkahan ng mahiwagang kababaihan ay binansagang ugat ng langit at lupa,

Iyon ay isang walang pawing katalahagan;

Gamitin mo iyon, di masasayod at laging nakalaan.

7.

Ang langit at lupa ay umiiral nang walang taning,

Bakit walang wakas ang langit at lupa?

Sapagkat sila’y hindi ipinanganak sa makasariling layon,

Tatagal sila magpakailanman.

Ang pantas ay nagpapaiwan, sa gayon siya’y nangunguna,

Buhay niya’y di itinangi, ngunit iyon ay iniingatan,

Walang pagkamakasarili, lubusang mapagbigay, natatamo niya ang inadhikang kaganapan.

8.

Ang pinakamataas na kabutihan ay tulad ng tubig,

Sadyang nagdudulot ng buhay ang tubig sa lahat at di nakikipagtalo.

Umaagos ito sa mga pook na tinatanggihan at kinamumuhian ng madla, kaya nga malapit ito sa Tao.

Sa pamamahay, lumapit sa lupa.

Sa pagninilay, sumisid sa pusod ng lawa;

Sa pakikipagkapwa-tao, dapat mabiyaya’t magalang;

Sa pakikipag-usap, dapat mapagkakatiwalaan;

Sa pamamahala, dapat makatarungan;

Sa pangangalakal, dapat may mabisang kakayahan.

Sa kilos, lapat sa pagkakataong likas sa panahon;

Sa gayon, matutupad niya ang kanyang hangad.


[Copyright @ 2010 by E. San Juan, Jr./Karapatang-ari @ 2010 ni E. San Juan, Jr.]
++++++++++++++++++++++++++++++++

[to be continued / abangan ang dugtong hanggang katapusan /

Comments

Popular posts from this blog

JOSE CORAZON DE JESUS--ANG SINING NI HUSENG BATUTE--E. SAN JUAN, Jr.

INTRODUKSIYON KAY EFREN ABUEG--E. San Juan, Jr.

ANDRES BONIFACIO: Katwiran, Kalayaan, Katubusan--ni E. San Juan, Jr.