2 INTERBENSIYON SA USAPING PANGKULTURA



DALAWANG INTERBENSIYON SA REBOLUSYONG PANGKULTURA:


ni E. SAN JUAN, Jr.
Philippine Forum, New York City




I. MABUHAY KA, KA NIC ATIENZA! HAYO NA PATUNGO SA RENDEZ-VOUS NG MGA BAYANI NG LAHI

[Di nabigkas na panimulang hirit ng pakikiramay sa pagdiriwang ng paglalakbay ni Ka Monico Atienza, sa Magnet Café, Quezon City, 28 Enero 2008, sa kooperasyon ng Kilometer 64 at sa imbitasyon ni Ka Alex Remollino at mga katulong sa okasyong iyon)


Una muna’y pasasalamat sa mga kasamang responsable sa pambihirang pagkakataong ito, isang munting pagdiriwang sa buhay at gawa ni Ka Monico Atienza. Hindi ito gaya o gagad sa mga komedya tungkol sa “Pinagdaanang buhay ni Haring Ferdinand…” na sadyang ipinataw sa atin ng mga Kastilang mananakop upang sambahin ang mga aristokratang panginoon noong sinaunang panahon. Manapa, ito’y antitesis o kasalungat ng mga diskurso ng kabuktutan. Si Ka Nic ay isang komunista, tutol sa sistemang piyudal at burgis, tutol sa di mapaniil at mapang-alipin na orden. Makabayang guro, lider-aktibista, rebolusyonaryo ng masang Pilipino.

Isang karangalan kong gamitin itong okasyong ito bilang interbensyon ng isang balikbayang nagkaroon ng pagkakataong maging kaibigan at kapanalig ni Ka Nic. Kabilang ako sa henerasyong namulat sa nasyonalistikong kilusang pinamunuan nina Recto, Laurel at Tanada noong dekada 50. Si Ka Nic ay anak ng Sigwa ng dekada 60 at 70, ng Kabataang Makabayan at First Quarter Storm. Gayunpaman, kami’y parehong produkto ng U.P. at may ugat sa pambansang demokratikong pakikibaka laban sa diktaduryang Marcos at US imperyalismo. Bagamat di mag-kaedad, magkapanalig naman sa isang mahabang martsa ng sambayanan.

Hindi ko na matandaan kung paano kami nagkilala. Bagamat binanggit niya ako sa kanyang mahalagang pag-aaral, ang tesis niya tungkol sa panitik ni Jose Corazon de Jesus, BAYAN KO—banggit na pagpuna o pagsalungat sa aking limitadong pagtingin sa ilang tula ng makata noong dekada 50, hindi ko kilalang personal si Ka Nic. Kaya ang pagtatagpo namin sa pagbabasa kay Huseng Batute ay isang tanda rin ng tinaguring “Elective Affinities” ni Goethe. Ano ang signipikasyon ng mga di-kinukusang pangyayari? Anong katuturan at kabuluhan niyon? Kung bakit, kahit hindi natin gusto, ang takbo ng kapalaran ay siyang umuugit sa ganitong mga pagsasanib at pagbubuklod, at nagbubunga ng kaganapang ating inaasam ngunit di akalaing malalasap. Marahil, ito’y aral ng materyalismong pangkasaysayan, na nilagom ni Engels sa ganitong pagsipat: Sa watak watak na mga tangka at kilos, nagkakaugnay din sa malao’t madali, di man natin nais o sinasadya, sa bawat indibidwal na aksyon, naisusulong sa kolektibong paraan ang kasaysayan tungo sa tagumpay ng kalayaan at pagkakapantay-pantay. Hindi ito pamahiin kundi aksyoma ng materyalismong dialektikal, ng Marxism-Leninism at mga turo ni Mao Tsetung. Narito ang bisa ng pilosopyang pumapatnubay sa sosyalistang pagbabago sa buong daigdig sa harap ng kasamaang hasik ng kapitalistang globalisasyon, na binansagang “war of terror.”

Marahil, noong dekada 60 o 80, di ko matandaan, nag-karoon kami ng engkwentro. Sino ang magkapagsasabi? Si Clio lang, ang bathala ng kasaysayan. Sa gunita ko, nito na lang dekada 90 nagkahuntahan kami. Kapag may programa ang CONTEND, kung saan kami ang facilitator, naroon si Ka Nic na may memorableng interbensyon sa palitang-kuro at argumentasyon. Ang impresyon ko sa kanyang pagkatao’y hindi pangkaraniwan. May halong kakatwa. Tila isang eksenang tigib ng “uncanny” o mahiwagang damdamin o pagpapakiramdam. Bago ko nakaharap sa pisikal na katayuan si Ka Nic, siya’y isa nang legend o mito sa grupo ng mga aktibista. Bakit hindi? Nakaigpaw siya sa napakarahas na karanasan, labis-labis na pagpaparusa na inihambalos sa kanya ng militar-pulisya, ng berdugong kampon ng U.S. imperyalista at mga kakutsabang komprador, burokrata-kapitalista, at mayamang may-lupa. Tila higit pa ang naranasan niyang paghihirap kaysa kay Kumander Dante, na aming inidolo noong panahon ng kilusang “anti-martial law.” Dahil nga sa tibay niya, o katigasan at katatagan ng loob, si Ka Nic ay nagkaroon ng “aura,” nagtamo ng karisma, di man niya hangarin. Di biro, baka sa St. Nic pa humantong ang kuwentuhan.

Balitang nasagap naming mga kasama sa kilusan sa U.S. ang balita ng nangyari kay Ka Nic—ang kalabisang inabot niya sa kamay ng mga hayup na military, ng angkan nina Esperon at Palparan. Kung paano lubhang inabuso ng makapangyarihang pasistang nagsisilbi sa ganid na korporasyong global. Higit pa sa naranasan ng iba, siguro, tulad ng nangyari kina Joe Luneta at iba pang martyr ng rebolusyon. Ngunit paano nga ba masusukat ang hirap at pighati ng mga taong tinortyur ng rehimeng neokolonyal, ng pasistant Estado mula kina Roxas, Quirino, Magsaysay, hanggang kina Cory Aquino, Fidel Ramos, Joseph Estrada at ngayon, ang pasistang gobyerno ni Macapagal Arroyo? Paano masusukat, halimbawa, ang hirap na dinanas nina Judy Taguiwalo o nina Marie Hilao Enriquez at kanyang kapatid na si Liliosa? O sa kasalukuyan, ang mga dinaranas nina Sherlyn Cadapan, Karen Empeno, Luisa Posa-Dominado, Jonas Burgos, sampu ng kanilang mga pamilya at kamag-anak? Paano masusukat ang kirot ng isang batang musmos na biktima ng Estado at militar-pulis?
Isang matanda’t klasikong tanong, mula pa kina Gilgamesh, Sopokles, at Job.

Bukod sa tiniis na karahasan sa panahon ng diktaduryang Marcos-Estados Unidos (1972-86)—paano nga mapapatawad ang mga apologists nito, sina Ople, Cristobal at marami pang sinikal na alipuris—isang mahapding pangyayari sa buhay ni Ka Nic ang assassination attempt sa kanya noong panahon ni Tita Cory. Ipinagbunyi ng ilang kilalang akademiko at pseudo-radikal ang “democratic space” ni Tita Cory, na hitik sa extra-judicial killings at vigilante squads. Maraming napatay noon, huwag nang bilangin ang mga nasawi sa Hacienda Luisita kamakailan, at ang patuloy ng mga masaker na nagaganap. Tila nakaraos din si Ka Nic sa trauma at kapinsalaang natamo noon, di tulad ng mga biktima ngayon ng teroristang Estado. Sa pagtatagumpay niya sa krisis noon, lalo pang lumaki at gumanda ang imahen ni Ka Nic. Tila naging isang nagmirakulong protagonist siya, hindi mortal, hindi karaniwang nilalang. Tila siya naging isang tauhan sa isang kolektibong drama o naratibo ng komunidad.

Alalaon baga’y higit siyang naging kinatawan at simbolo ng di-masusugpong lakas ng sambayanan, bagamat sa katunayan, siya’y isang marupok at masakiting nilikha. Tulad natin, ninuman. Indibidwal na tao siya, bagamat may pangmadlang kahalagahan. Iyan nga ang diyalektika ng buhay, sa Marxistang pananaw.

Kaya nga’t isang kagulat-gulat na pangyayari ang nasapit niya. Nabigla kami na mabalitaan na nagkasakit si Ka Nic, at malala nga, tuluyang nasadlak sa koma. Ito nga ang diyalektika ng mga pangyayari. Sa panghihina ng katawan, naging isang katotohanan ang prinsipyo nina Marx & Engels, ang mga aral nina Lenin, Lukacs, Gramsci, Ho, at Mao. Kakatwa ngunit pangkaraniwan. Higit o labis sa makahulugang handog ni Ka Nic sa pakikibakang mapagpalaya, di man niya tangkain, ang pagpanaw niya—ito’y maituturing na isang sagisag ng di-maiiwasa’t di mapipigilang tagumpay ng pisikal at sekular na kondisyon ng bawat nilalang. Lahat ay mamatay, ngunit ang katuturan ng buhay ay di nakabase sa katotohanang ito, kundi sa kung ano ang ginawa mo upang makatulong sa pagbawas ng paghihirap at sakit ng kapwa? Ano ang naibigay mo sa pagpapabuti ng katayuan ng komunidad na kinabibilangan mo? Bakit pa kailangang mabuhay kung wala naming saysay ang iyong pag-iral sa mundo? Sino ang kapwa na kaiba sa iyo na iyong minahal?

Salamat, Ka Nic, patuloy kang malusog at buhay sa aming puso’t diwa. Kung nais sipiin ang Bagong Tipan, narito: “ kung hindi mamatay ang binhing buto, di magkakaroon ng panibagong buhay.” Sa sakripisyo mo, Ka Nic, buhay ang binhi ng mapagpalayang kilusan at masiglang lumalago ang himagsikang ipinagpatuloy niyo sa tradisyon ng ating mga bayani, mula kina Lapu-Lapu at Andres Bonifacio, Macario Sakay, Juan Feleo, Tagamolila at Jallores, Magtanggol Roque, Liliosa Hilao hanggang kina Cherith Dayrit-Garcia, Maria Lorena Barros at Myra Algarme. Wala nang iba pang makatuturang pagpaparangal sa buhay ni Ka Nic kundi ang pagpapatibay sa okasyong ito ng malusog na pagsulong ng pakikibaka sa kabila ng maraming kapinsalaan at pag-urong, na siya namang masalimuot na batas ng diyalektika ng himagsikan. Sumusugod ang sambayanan sa harap ng mga nasawi’t nabuwal. Pasalamatan natin si Ka Nic sa pagpapatuloy ng ating “mahabang martsa” sa tunay na pambansang kasarinlan at katarungan.

II.


II. INTERBENSIYON SA USAPING PANGKULTURA SA OKASYON NG PAGLULUNSAD NG HIMAGSIK, LATHALA NG DE LA SALLE UNIVERSITY PRESS, Disyembre 2005

Taos-pusong pasasalamat ang ipinaaabot ko sa patnugutan ng DLSU Press at ng Anvil Publishing sa kanilang suporta sa awtor at sa kulturang Pilipino. At salamat din sa lahat ng mga kasama’t kapanalig na katulong sa proyektong bumuo ng isang mapagpalayang panitikan.

Noong 1988, sariwa pa ang amoy ng pulbura at alingawngaw ng pag-aalsa sa EDSA, inilunsa dito rin sa bulwagang ito (king di ako namamali) ang akda kong Ruptures, Schisms, Interventions sa tulong nina kasamang Fanny Llego at Marjorie Evasco. Bahagi na ito ng kasaysayan.

Noon ding taong iyon lumabas ang kauna-unahang aklat ng mapanuring pag-aaral at kritika sa mga akda ng kayayaong National Artist, si Nick Joaquin. Ang librong tinutukoy ko ay ang aking Subversions of Desire na inilithala ng Ateneo U Press sa tangkilik ni Esther Pacheco. Tiyak na naubos na, matagal na, ang mga kopya ng dalawang libro. Ngunit bukod dito, isang mahigpit na katahimikan o tangkang paglimot, halos katumbas na rin sa isang sensura ng diktadurya, ang pumapaligid sa Subversions of Desire. Mula sa panig ng kaliwa, pagkutya kay Joaquin ang dahilan. Mula sa panig ng kanan, pilistinismo o takot at malalim na konserbatismo, reaksiyong bunga ng piyudal na pagsamba sa personalidad ng awtor sa halip na pagpapahalaga sa kathang-isip o likhang-sining. Sapagkat hindi positibong pagtampok kay Joaquin, ang puna ko ay anatema sa mga taga-hanga. Kaawa-awang artista ng bansa.

Subalit sa pagbaling sa katha, dapat din nating tandaan na may panganib na magayuma tayo sa petisismo sa sining, isang malubhang sakit na reaksiyon naman sa alyenasyon ng buhay sa lipunang nagumon sa konsumerismo. Sa kasaluyuan, naghahari ang komodi-petisismo sa kalakaran ng buhay sa panahon ng walang humpay na globalisasyon. Ang kapitalistang palengke ang saligan ng halaga, atitudo, panlasa, saloobin, pananaw sa mundo.

Sa krisis ng kapitalismo sa mundo, lantad ang pinakamalalang sintomas o katibayan nito,ang giyera laban sa terorismo—aka mga bansang tutol sa U.S. imperyalismo—na pinamumunuan ng E.U., dapat pagnilayan ang mapait na mungkahi ni Walter Benjamin, isang pilosopong Aleman-Hudyo:”Ang bawat likhang sining ay sabayang dokumento ng sibilisasyon at dokumento ng barbarismo.” Sibilisasyon kung tutukuyin ang matagumpay na pakikibaka laban sa nesesidad ng kalikasan, sampu ng karahasan ng namumunong uri sa bawat yugto ng kasaysayan ng lipunan hinati sa uri. Barbarismo naman, sapagkat ang panahon at lakas na ibinuhos sa pagyari ng tula o simponya—ang pagkain at panahong malaya sa paggawa--ay nagmumula sa pagsasamantala, pang-aalipin, panghuhuthot, at pagpigang dugo’t pawis sa katawan ng libu-libong manggagawa’t pesante—ang nakararaming taong walang pag-aari kundi ang kanilang lakas-sa-paggawa.

Kasama na rito ang siyam o sampung milyong OFW na bubumubuo ng diyaspora ng Pilipino sa buong mundo. Ang barbarismo ay siyang pagkakait ng kalayaang malasap ang ganda at kaluwalhatiang bunga ng sakripisyo ng milon=milyong biktima na dominasyon ng imperyalismo at kolonyalismo simula pa noong paglalakbay ni Magellan at Columbus hanggang sa Cold War ng nakaraang siglo at giyera laban sa terorismo ngayon.

Halimbawa ng barbarismong partikular ang kolaborasyon ng mga intelektwal sa unibersidad, pintor, manunulta, mga artista sa pelikula,at ibang alagad ng sining sa kalupitan at korupsiyon ng rehimeng Marcos. Paano tayo makapaniniwala na ang panitikan at mapagpalaya o nakaangat mula sa kamyerdahan ng araw-araw na kalakaran kung ang mga National Artist natin ay naging mga bayarang alipores ng diktadurya? O patuloy na taga-suporta sa sistemang bulok? At paano maituturing ang pantayong pananaw na may kabuluhan kung ang “tayo” ay isang mistipikasyon lamang, o kaya ang”tayo” ay kinabibilangan ng mga ganid na minoryang nagsasamantala sa nakararami?

Hanggang ngayon, hindi pa nahuhusgahan ng bayan ang mga kawalang-hiwang pang-aabusong nagawa ng rehimeng Marcos. Wala pang tunay na “settling of accounts.” Ang mga biktima ay wala pang hustisya, patunay nga ng pelikulang Imelda ni Ramona Diaz. Naghahari pa rin ang mga dinastya ng mga trapo, kaakibat ng paghahari ng mga uring kakutsaba ng US imperyalismo—ang mga panginoong maylupa, burokrata-kapitalista, komprador, at mga militar na suhay ng neyokolonyal na sistemang umiiral.

Sa pangwakas, maitanong natin kung ang “tayo” ay maibubukod dahil ito’y gumagamit ng isang wika lamang. Itinanong ako kamakailan, sa isang panayam, kung ano ang wika ng Pilipino. Bagamat hindi pa nga natin alam kung paano maipapakahulugan ang “Pilipino,” susog ko ito.

Ang sagot, walang pasubali, ay wikang Pilipino. Hindi Ingles. Ngunit dapat idugtong kaagad: Tulad ng identidad ng Pilipino, alam natin, ang wikang binuo at nabubuoay bunga ng isang malawakang proseso ng pagbabago,
O sa mas egsaktong kataga, proyekto. Ang wika, tulad ng kalikasan ng subjectivity o kasinuhan ng Pilipino, ay hindi maikakabit lamang sa lugar o lupang sinilangan, rituwal, damit, pagkain, gawi, bagamat lahat iyan ay maituturing na simbolo o sagisag ng identidad. Sa aking palagay, ang wika ng nagsasariling bansa ay wikang ginagamit ng masa sa pakikibaka upang matamo ang dignidad, kalayaan, at tunay na kasarinlan. Sa ngayon, abse sa partikular na kontradiksiyon ng tunggalian ng mga uri, sa atin at sa buong daigdig, dapat gamitin ang lahat ng wika, kung kinakailangan—Ingles, Cebuano, Tausug, atbp, upang maisulong ang dalawang layon: masigasig na politikalisasyon at pag-organisa sa kamalayan, at malawak na mobilisasyon ng nakararami para maisakatuparan ang prinsipyo ating ipinaglalaban:
Ang pambansang demokrasya.

Dapat din tandaan na ang kalaban ay nangungusap din sa ating wika, Ingles man ito o Pilipino. Ang “tayo” ay hindi lamang matitiyak sa bisa ng wika, kundi sa proyektong pampulitika na ating itinataguyod. Ito ang panukat sa identidad.

Kung ito nga ang adhika ng kilusang pang-masa, mabisang makaaabot ang mensahenito sa lalung nakararami sa pamamagitan ng wikang maiintindihan ng nakararami. Ito ang dahilan sa pagpili ko ng Filipino bilang wika ng pakikipag-ugnay at pakikisangkot sa tunggalian sa teritoriyong neyokolonyal. Sa panahong ito ng giyera laban sa terorismo ng estado,terorismo ng imperyalismong Usatmga kakutsabang lokal, ang problema ng identidad, o ng tahanan—“home” sa “borderless world” nina Patricia Evangelista at mga postmodernismong alagad ng globalisasyong kapitalismo—ay nakasalalay hindi sa wika, o sa tangkang magbalik-bayan sampu ng mga Balikbayan Boxes, kundi sa proyekto ng bawat isa kung ano ang kinabukasang kanilang hinahangad at sinisikap-likhain. Saan ka man nanggalin, o paroroon, ito ang dapat maging saligan sa pagtaya sa iyong buhay.

Nawa’y magkaisa tayo sa pagsulong sa kolektibong proyektong maisakatuparan ang katarungang panlipunan, kasarinlan, at tunay na demokrasya’t pagkakapantay-pantay, sa paglinang sa wikang ginagamit ng sambayanan sa araw-araw na pakikibaka. Ito ang layunin ng dalawang librong inilulunsad sa hapong ito. Hindi wika ng mananakop ang sasambitin ko sa pangwakas—Tenk you beri mats—kundi maraming salamat, at mabuhay ang bayang naghihimagsik.

Kamakailang fellow sa W.E.B. Institute, Harvard University at propesor sa English & Comparative Literature sa University of the Philippines, Diliman, Quezon City, si E. San Juan, Jr. ay naging fellow din ng Rockefeller Foundation Study Center sa Bellagio, Italy; Fulbright professor of American Studies sa Katholieke Universiteit Leuven, Belgium; at visiting professor of literature sa National Tsing Hua University, Taiwan, bukod sa naging lecturer sa pitong unibersidad sa Taiwan sa pagtataguyod ng Academia Sinica ng Republic of China. Ilulunsad noon 2008 ang libro niyang BALIKBAYANG SINTA: An E. SAN JUAN READER ng Ateneo University Press. Kalalabas lamang ng mga libro niyang IN THE WAKE OF TERROR (Lexington Books), US IMPERIALISM AND REVOLUTION IN THE PHILIPPINES (Palgrave Macmillan), & BALIKBAYANG MAHAL: PASSAGES FROM EXILE (Lulu.com); TOWARD FILIPINO SELF-DETERMINATION (SUNY Press); at CRITIQUE AND SOCIAL TRANSFORMATION (Edwin Mellen Press).

Comments

Popular posts from this blog

JOSE CORAZON DE JESUS--ANG SINING NI HUSENG BATUTE--E. SAN JUAN, Jr.

INTRODUKSIYON KAY EFREN ABUEG--E. San Juan, Jr.

ANDRES BONIFACIO: Katwiran, Kalayaan, Katubusan--ni E. San Juan, Jr.