SANTA VALENTINA, NASAAN KA?
HAHAMAKIN LAHAT, MASUNOD KA LAMANG?
Sa pagkakataong ito, Pebrero 14, 2009, Tamuneneng ko, habang bumabagsak sa bangin
ang imperyalistang pamamanhik ng mga tumitingala sa iyo:
“Dini sa dibdib ko na nahihilahil…
nasa aking puso’t doon humihimbing”
Ngunit bakit pa itatawid itong kapalaran
“At lahat ng hirap pag-aralang bathin”
Kung anumang layo, “kung ating ibigin
daig ang malapit na ayaw lakbayin”?
Gayundin ang sugat na kung tinanggap
di daramdamin ang antak
Ngunit kung umayaw o di payag
galos o gurlis lamang ay magnanaknak—
Ay, d’yos ko, ay, Tamuneng ko,
tanggapin ma’y sukdulang nagnanaknak!
--Ni E. SAN JUAN, Jr.
Comments
Ako po ay si Ivan Phell Enrile, isang di-gradwadong mag-aaaral ng BA Araling Pilipino sa Pamantasan ng Pilipinas. Kasalukuyan po akong gumagawa ng aking tisis hinggil sa inyong mga kritikal na sulatin, sa partikular yaong tumatalakay sa mga paksa hinggil sa post-kolonyalismo at kilusang intelektwal na Sikolohiyang Pilipino. Nais na ipuwesto ng aking pananaliksik ang mga punto't usaping ibinukas ng inyong mga teyoretikal na pakikisangkot, pagtunggali, at kritik hinggil sa mga nabanggit na intelektwal at politikal na tendensiya sa konteksto ng nagpapatuloy na pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya at demokrasya sa Pilipinas.
Lubha pong limitado ang mga batis at sangguniang hawak ko sa kasalukuyan upang malaliman at matalinong matalakay ang mga paksang pokus ng aking pag-aaral. Kaya naman po, dumudulog ako sa inyong lingkod upang makahingi ng tulong para sa ilang mga sulatin na aking kakailanganin. Sa partikular kailangan ko po ang mga ss:
1. Mga dokumento at materyales hinggil sa inyong talambuhay;
2. Mga dokumento at materyales hinggil sa inyong mga sulating pumapaksa sa Sikolohiyang Pilipino (ang mayroon lamang po ako ay "Sikolohiyang Pilipino, Sikolohiyang Rebolusyonaryo" na nasa Allegories of Resistance, at "Ordeals of Indigenization" na nasa Balikbayang Sinta.
3. Mga dokumento at materyales ng mga pagtanggap ng mga manunuri hinggil sa mga suliranin at argumentong inilalatag ng inyong mga kritikal na pakikisangkot sa kilusang intelektwal sa Pilipinas na Sikolohiyang Pilipino
Nananalig po ako na sana ay mabigyan ng inyong lingkod ng tulong para sa ikatatagumpay ng aking tisis. Noon pong Enero ngayong taon ay nakita ko po kayo dito sa UP Diliman sa isang pagkilos ng mga faculty at mag-aaral para sa pagtuligsa sa gerang agresyon ng tropang militar Israel sa mga mamamayang Palestina sa Gaza sa Bulwagang Quezon. Subalit ako po ay nangiming lumapit upang idulog ang aking mga kahingian. Sa kasamaang palad ay hindi ko rin po batid ang inyong email address. Siguro po ay dito muna sa inyong blog ko kayo maaaring maka-ugnayan.
Muli po ang aking lubos na pasasalamat. Ang akin pong email add ay: ivanenrile@gmail.com
Umaasa po ako sa inyong pagtugon.
Sa pakikibaka,
Ivan Phell Enrile
UP Diliman
BA Araling Pilipino
PS: Nagpost na po ako ng mensahe sa inyong blog sa rizalarchive subalit hindi pa po ako nakakuha ng tugon at tila hindi nakapasok ang aking mensahe. Inulit ko po ito upang makasiguro