HANDOG SA ISANG AKTIBISTA




HARANANG HANDOG SA ISANG AKTIBISTA, HINAHAMON ANG TADHANA

ni E. SAN JUAN, Jr.



Pambihira ka

Matatag matingkad mabagsik ang luntiang apoy sa iyong mga mata
Habang dumarampi ang hamog ng umaga
Sa iyong pisnging hinog sa pangarap ng dinukot at ibinilanggong kinabukasan—
Nagliliyab ang iyong tapang, nakapapaso ang dingas ng iyong determinasyon—

Nabighani sa alindog ng iyong dangal habang lugmok sa panaginip
Nangahas ang kaluluwang lumantad madarang, nahimok ng kung anong bagwis
Ng tukso sa bulong ng iyong labi’t galaw, tuloy naligaw sa paglalakbay—

Walang sindak mong binalangkas ang ordeng mapanganib at binungkal ang landas
Namumukod sa madla, buntalang motor/dynamo ng bukang-liwayway….

Kahit sumabog ang pulbura sa mundong binagtas ng iyong budhi, wala kang takot
Hawak ang sulo ng katarungan, sumusugod ka--

Siklab ng huling paghuhukom, O armadong anghel--
Bumabangon sa iyong bisig at kamao ang mga biktima ng imperyalismo
Upang bawat nilalang ay magkaroon ng pambihirang katangian tulad mo—
Upang maging pangkaraniwan ang iyong pambihirang giting at kariktan—

O Paraluman ng pag-asa’t pagnanais, sisikapin kong ipagbunyi ang dahas ng iyong
kabayanihan

Ang binhing inihasik ng talim ng iyong pagpapasiya
Bagamat baliw akong nakasubsob sa hiwaga ng guniguning masalimuot,
pinagtatalik ang nitroglycerine ng pagnanasa
at titis ng tadhana--

Walang makapipigil sa iyo, matatag at mabagsik, luntiang apoy ng himagsik kayumanggi

humahagibis ang katawan mong lumalagablab

yakap ang bulalakaw ng pagkakapantay-pantay

at yapos ng sanghaya
ng pambansang kasarinlan.--##

Comments

Popular posts from this blog

JOSE CORAZON DE JESUS--ANG SINING NI HUSENG BATUTE--E. SAN JUAN, Jr.

INTRODUKSIYON KAY EFREN ABUEG--E. San Juan, Jr.

ANDRES BONIFACIO: Katwiran, Kalayaan, Katubusan--ni E. San Juan, Jr.