SA HARDIN NG VILLA SERBELLONI, BELLAGIO, ITALYA
SA HARDIN NG VILLA SERBELLONI
--E.SAN JUAN, Jr.
Sandaling matining ang kristal na tubig sa lawa, kapagkuwa’y
nagsising-sing at umaalimbukay
Di mo pansin ang lagaslas ng hanging pumupukaw
sa mga bulaklak ng tinataluntong landas
pababa
sa gumuhong kutang nakaumang sa ating pakikibaka
Curva pericolosa Rimanere sul sentiero
Sa gitna ng luho’t yamang naipon sa mga mariwasang palasyo nina Duke Serbelloni
at iba pang mga “ibong mandaragit”
Huwag ka raw lumihis
lumiko
lumukso-lukso,
banyagang lumuluha kahit walang mata
Sandaling matining, kapagkuwa’y umaalong maharot—nagbabago sa kisap-mata!
Huwag lumipat o magbago, dayuhang lumalakad kahit walang paa—mapanganib daw
Lawang tahimik, mahinahon, salaming matining
ngunit sa muling paglingon umaalimbukay--
ngunit di mo alintana habang umaakyat ka
upang maabot ang yelo’t ulap sa bagwis ng himpapawid
Sa hardin ng rosas sa grotto nakaluklok ang ispiritu ng mga Romanong sundalo’t alipin ni Pliny, istoryador—
Abo ni Pliny ang naging pataba sa lupa
kasiping ng mga buto ng mga piratang anino’y gumagala tuwing dapit-hapong maalinsangan
Curva pericolosa Rimanere sul sentiero
Biglang sumulpot sa gunam-gunam si Victor Olayvar, aktibistang pinaslang ng militar sa
Bohol ilang libong milya ang layo sa Bellagio, Italya….
Manlalakbay mula sa islang dinilig ng dugo ng mga bayani, mag-ingat ka raw
at huwag lumihis sa nakagawiang daan
ng talisuyong inaruga’t kinupkop ng mabiyayang
kalikasang malamyos ang yapos ngayon, kapagkuwa’y maharot
Nag-uulik-ulik
Tatawid sa pagitan ng mga daang nagkrus at nagsalit-salit
Nagdidili-dili
Lumipat sa kabilang daang nagkawing-kawing, nagsing-sing
Nagmumuni-muni
Nakatutok sa diyalektika ng pagtakwil o pagtalima
Talipandas na kinalinga’t inandukha ng mga taga-gubat, tiwalag sa dahas ng rehimeng
komprador sa Pilipinas kakutsaba ng imperyalistang Yangki
Sa baluktot na panahong puspos ng krimen at kabuktutan ng mga naghaharing-uri
Kailangang lumihis sa baluktot na daan
Kailangang humawan, gumawa,
lumikha ng bagong landas doon sa sukal at yagit ng gubat
Harapin ang nakaumang na panganib
Umiwas
sa nakaugaliang pagpapabaya, pagpapaubaya
Curva pericolosa
Iwan, talikdan, itakwil ang bulag na pagsunod sa tradisyon ng mga nang-aalipin at nagpapaalipin
Lundag
Lukso
Lipat Baguhin Ibahin
Mangahas itayo ang bagong hagdan sa pagitan ng langit at lupa
Mangahas ilatag ang tulay mula sa duguang lupa ng mga Villa
tungo sa pinakamimithing dulo’t hangganan
ng ating pinagbuklod-buklod
na pagkikipagsapalaran laban sa nagmana sa kapangyarihan ng mga Pliny at Serbelloni—
Sandaling matining ang kristal na tubig sa lawa, ngunit mayamaya’y
sumusulpot, bumubulwak, umaalimbukay—
Curva pericolosa
Sa bawat sandali, nagbababala, sa ‘sang kisap-mata--
Saan mo itututok,
saang daan at direksyon mo
iuumang ang ‘yong buhay?
[Bellagio, Italya, Setyembre 2006]
Comments