BALIKBAYAN BLUES
SAMUT-SARING REPLEKSIYON NI FELIX RAZON, OFW, HABANG NAGLALAKAD SA DAUNGAN NG BOSTON HARBOR, MASSACHUSSETTS, USA
--E. SAN JUAN, Jr.
Katawa-tawa, tila lumalala habang nagkakapatong-patong ang mga taon sa pawis at liwaliw….
Di ko pa rin makuhang manahimik, maghalukipkip….
Hindi naman nakababagot ang lungsod na ito, bukod sa ilang ghetto, bar at putahan;
May maluluwang na lansangan, ilog na tila malinis at walang lumulutang na bangkay
Bukod sa ilang mga pulubing homeless na naglaboy, nakawiwiling Borders at Starbucks
At ilang aklatan kung saan pwede kang magbasa nang walang magpapaalis sa iyo--
Masarap na cheesecake o alak kung sakaling may pera--
Nakuha mong ngumiti sa mga musmos na naglalaro sa Boston Gardens, alaga ng ilang
nakabibighaning dalaga, ay naku!
Isa kang dayuhang burgis na nakabalatkayo, kagat ang labi, nag-iingat, naghihinala…
Maraming gulo ritong nakasisindak, sigalot na kaparis din sa Europa o sa ibang lugar--
Patayan, race riots. terorismo ng Estado laban sa Pinoy o sinumang kasimbalat ni Osama
O ni Janjalani ng Abu Sayyaf--sa malas, lahat tayong di-puti, di taga-Kanluran….lamang,
Nakakubli ito sa pinilakang-tabing ng Miss Liberty, land of milk and honey, freedom, democracy
Ibinibida ni Kris Aquino at ilang migranteng sumasamba kina Donald Trump, Britney Spears--
Bukod sa ilang Pinay na di pa nasisiraan ng bait, di tablan ng konsumerismo’t
globalisasyon, petisismo ng dolyar at mapanghibong komoditi….
May ilang di bulag, di bingi (ayon nga sa awit); ilang tinaguriang peti-burgis na intelektwal--
Subalit di man petiburgis, diwa ko’y di mapakali, naiinip, ayaw magbitiw o tumiwalag
Laluna kung nababalitaan ang inhustisya sa ati’y kalabisang lumalatay na parusa sa bawat
mamamayan--extra-judicial killings, forced disappearances, masaker ng mga pesante’t
manggagawa, panggagahasa sa Pinay ng mga sundalong Kano,
Di-matingkalang korupsiyon, pandaraya, paghihikahos…bagamat suwerte kang maging OFW.
Kayod lamang araw-araw, kudkud nang kudkud upang maging “bagong bayani,” Aray!--
Gayunpaman, nais kong umuwi. Wala ritong kapiling na makakausap sa wikang Filipino.
Ang gabi’y lumalalim, tigib ng mapang-gayumang ingay.
Comments