Jouissance / Libog



JOUISSANCE / LIBOG /

METAMORPOSIS AT TRANSPORMASYON NG PROLETARYONG EROS



Wala, walang iba pang kailangan Pagkatao ng hayup Nulla Desideratum
Ako’t ikaw tayo’y isang diwa kambal na budhing biniyak at inihiwalay

Walang anino o katawan Hermaproditikong kaisahan Monolitikong identidad
Bago pa humarap sa salamin Bago pa mag-huramentado ang Oedipus sa kamalayan

Sa lilim ng biyayang ibinuga ng buwang salamangkero’t salawahan
Anong timyas anong tuwa anong sarap ang pag-ibig na walang kaakuhan

Sa makinang gumagaralgal sa pagliko sumisikad sa matris ng babaeng pintakasi
Nasa pusod nasa vulvang busog pumuputok ang TNT at lahar ng ligaya

Anong sukdulang tamis ang dahas ng nakabalat-kayong berdugo ng babaylan
Hubad sa gayuma ng ginto’t pilak--tamod dura’t droga ng konkistador

Tayo’y sinakop nilinlang Paraiso’y nilaslas sa lalamunan ng panaginip
Ibinartolina tayo sa barbarikong lohika ng salapi at kamandag ng kapital

Ngunit kahit ipinaghiwalay ng nagbalahibong libog metalikong pangil ng seks
Magkadikit pa rin sa biyaya ng tusong diyalektika ng kontradiksiyon


Kailangang baguhin ang mundo Kailangang magbagong-buhay ka


Dalawang kaluluwang magkasiping sa kumukulong alembiko ng Eros
Magkayapos hating-gabi lubog sa istratehiya ng makalupang kontra-gahum

Walang tuksong makapagtitiwalag sa nomadikong cyborg ng guni-guni
Bungang handog ng ahas mula sa isinumpang hardin-- Walang kailangan!

Magkaulayaw tayo sa dinamo ng kakulangang nag-silbing batis at bukal
O kaluwalhatiang labag sa termodinamikong batas ng imperyalistang Leviathan

Pagkatapos hagkan at pasusuhin Bawal! Pagkatapos yapusin yakapin Bawal!
Hinati’t biniyak iniluwal iniwalay-- elektromagnetikong orgasmo-- Ay naku!

Nilikhang hinati’t biniyak Hiniwa’t ibinukod na nilalang nilinlang ipinatapon
Nagkawatak-watak ang alkitran at pulbura ng buntalang pumaimbulog

Kaya walang ikaw o ako kundi pira-pirasong kasarian bulalakaw na naglutang
Meteor ng libidong pumilantik sa matris ng Mater Dolorosa-- Bawal!

Takipsilim nang umalis tumalilis Iniwan ka sa “safe-house” ng teroristang Patriyarko
Agaw-dilim nang lumisan ang kamao’t sungay ng armadong Anghel


Kailangang baguhin ang mundo Kailangang magbagong-buhay ka


Tila ilusyon lamang ang susong umaapaw Pantasya ang Pietang sinuob
Tila malikmata ang labing masuyo’t matimyas sa katakumbang salat sa demarkasyon

Naiwan lamang ang pawis at dagtang stigmata ng Pulang mandirigma
Ang guwang at butas sa lamang dinukot ng doblekarang Diwata ng Pagkapon

Naiwan lamang ang tamis at pait ng pagbabawal Sa kawalan, sumilang ikaw ako
Ang bangin at balong bunga ng paghati’t paglisan-- Walang kailangan!

Paano maibubuhol ang napatid at naputol? Paano maibubuo ang naluray at nadurog?
Paano maisusudlong ang nawarak o maibubuklod ang natanggal sa matris?

Nasaid ang balaklaot sa gabi ng pulot-gatang panambitan ng Birhen ng Kabulaanan
Nawaglit na sakripisyo sa ilalim ng buwang saksi sa babalang “Bawal”

Nawala ang tuwa ang lugod ang galak sa ginahasang hawla ng Sisneng Itim
Walang bisa ang memorya Ibasura ang tabula rasa Nulla Desideratum

Saan pumailanlang ang tuwang nagpugad sa synergy ng utak at dibdib?
Saan lumipad ang kariktang sumambulat sa maniobra ng guni-guni?


Kailangang baguhin ang mundo Kailangang magbagong-buhay ka


Saan ipinaubaya ang kaluluwa ng armadong Anghel? Bigkis ng alambreng barbed-wire
Ang kalooban ay bulo lamang ng paruparo bulang dawit ng bagwis ng dapit-hapon

Sa gayo’y muling likhain ang hapdi ng pagtatalik sa target ng balintataw
Imbentuhin ang galak tuwa orgy ng pagbalikwas sa lumot-latak ng bulok na orden

Nalilikha ang tipanan natin sa pagnanais pagnanasa sa hamog ng madaling-araw
Nayayari muli ang pag-asa sa simbuyo ng pagmimithi’t nagsusumidhing hangarin

Saan ka matatagpuan? Sa karimlan ng engkwentro nakadilat ang sugatang ngiti
Saan ka matutuklasan? Sa bungangang may busal nakaumang ang dagitab ng kinabukasan

Hinanap ang kabiyak na naglakbay naglagalag-- pumalaot tinugis ang apoy ng Pinatubo
Hinagilap ang bukang-liwayway sa nilambungang titis ng ulilang panimdim

Sa putik at luwad pawis at dugo bumabangon ang Mutya ng balikbayang Pinay
Ang paraluman ng komunidad, ng masang umaalsa umaaklas naghihimagsik

Anong hiwaga ng nilikhang may wikang tumututol, may tinig ng adhikang mabangis--
Mahal ko, kausapin mo ako sa gabi ng paglalamay upang mahuli ang halimuyak ng umaga

Kailangang baguhin natin ang mundo Kailangang magbagong-buhay tayo!

Comments

Popular posts from this blog

JOSE CORAZON DE JESUS--ANG SINING NI HUSENG BATUTE--E. SAN JUAN, Jr.

INTRODUKSIYON KAY EFREN ABUEG--E. San Juan, Jr.

ANDRES BONIFACIO: Katwiran, Kalayaan, Katubusan--ni E. San Juan, Jr.