PAGBUBULAY-BULAY NG INTELEKTWAL NA SAMPAY-BAKOD Nang ika-10 gulang, nagnais akong matuto’t maging marunong Nang ika-15 gulang, nabatid kong tama ang gurong Mang Andoy Nang ika-21 gulang, natiyak ko na ang daan Nang ika-30 gulang, nasulyapan ko na ang guhit-tagpuang abot-tanaw Nang ika-36 gulang, nabilibid ako sa kasong pakikiapid (natiklo, ay malas!) Nang ika-40 gulang, nagpasiya akong pwede nang makipag-sapalarang mag-isa Nang ika-50 gulang, bayad na ako sa mga utang at butaw Handa na akong umakyat sa bundok— Napaglirip sa panahon ng paglalakbay hanggang dito, palipat-lipat ang diwa 
Sa pagitan ng ibong makulay ang bagwis nakatuon sa panaginip at pantasiya At isdang nagtatampisaw sa putik, matimtimang dumaranas ng udyok at simbuyo ng damdamin…. Hinahangad ko mula ngayon, sa kabila ng gulo’t panganib ng kapaligiran, Sundin ang dragon ng isip, matimyas na pagnanais makahulagpos Upang sa gayon makaigpaw sa bangin at makatawid sa talampas at matarik na dalisdis ng bundok Yapos ang ibong pumailanlang at isdang sumisid sa pusod ng kaluluwa— Makaabot pa kaya ako sa kasukdulang biyaya ni Maria Makiling nabighani sa salimbayan ng mga kalapating dumaragit? —E. SAN JUAN, Jr.

Comments

Popular posts from this blog

JOSE CORAZON DE JESUS--ANG SINING NI HUSENG BATUTE--E. SAN JUAN, Jr.

INTRODUKSIYON KAY EFREN ABUEG--E. San Juan, Jr.

ANDRES BONIFACIO: Katwiran, Kalayaan, Katubusan--ni E. San Juan, Jr.