TAO TE CHING-- salin sa Filipino ni E. SAN JUAN, Jr.


TAO TE CHING  /  DAO DE JING  /
LANDAS AT KAPANGYARIHAN NG KALIKASAN

Translated into Filipino by E. SAN JUAN, Jr.

1.
   
Ang Taong naisasawika ay hindi ang di-nagbabagong Tao.

Ang pangalang naisasambit ay hindi ang pangalang walang pag-iiba.

Ang walang pangalan ang matris ng langit at lupa.

Ang umiiral ang ngalan ng ina ng lahat ng nilikha.

Samaktwid, dapat itampok ang kawalan.

Laging walang pagnanais, makikita mo ang mahiwagang kababalaghan.

Laging nagnanais, mapapansin mo ang nakamamanghang landas.

Itampok ang umiiral kung nais sapulin ang saklaw ng landas.

Nagbubuhat ang wala’t mayroon sa isang bukal, ngunit magkaiba ang taguri,

Dilim sa kadiliman, lumalabas na tila karimlan ang dalawang pangyayaring napakalalim.

Sila ang tarangkahan sa lahat ng hiwaga.

2.

Sa ilalim ng langit, alam ng lahat ang lakas ng ganda bilang kagandahan ay nakasalalay sa kapangitan.

Batid ng lahat ang buti ay kabutihan lamang sapagkat nakasalalay iyon sa kasungitan.

Samakatwid ang umiiral at kawala’y kapwa iniluwal nang magkasabay,

Ang mahirap at madali’y bumubuo sa isa’t isa.

Ang mahaba’t maikli’y humuhubog sa bawa’t isa;

Ang mataas at mahaba’y magkalangkap;

Ang tinig at tunog ay magkakatugma;

Harap at likod ay magkasudlong, may pagkakatimbang.

Sa gayon, ang pantas ay nakasangkot nang walang pagpupunyagi,
     nagtuturo nang walang usapan.

Ang sampung libong bagay ay naisasakatuparan nang walang pagsisikap.

Lumilikha, ngunit hindi humahamig,

Gumagawa, ngunit di nag-aangkin.

Naisasakatuparan ang anumang panukala; at pagkatapos iligpit iyon,

Ang mga natupad ay umiiral at tumatagal sa kanyang panahon.

3.

Ang di pagbunyi sa may likas na talino ay gawing pumipigil sa away.

Ang di paghabol sa yaman ay patakarang humahadlang sa nakawan.

Ang di pagtanghal sa kaibig-ibig na bagay ay mabisang sagwil sa kalituhan ng diwa.

Ang marunong mamuno, sa gayon, ay may kakayahan sa pag-alis ng bagabag sa puso at pagbubusog ng sikmura,

Sa paglulumpo ng ambisyon at pagpapalakas ng mga buto.

Kung ang masa’y walang katusuhan at walang pag-iimbot, matitiyak na ang mga paham ay di manghihimasok at manggugulo.

Naiaakma ang pagkukusang-loob upang lahat ay maging matiwasay sa gayong pamamahala.

4.

Ang Tao ay isang hungkag na sisidlan; bagama’t ito’y ginagamit, hindi ito napupuno.

O walang sayod na pinagmumulan, ninuno ng ilanlibong nilikha!

Pinupurol ang talas,

Kinakalag ang buhol,

Pinapupusyaw ang silaw,

Pumipisan sa alikabok.

O lubhang nakalubog at sa malas ay halos hindi humihinga.

Di ko batid kung saan nagbubuhat.

Kawangis nito’y ang magulang ng mga bathala.

5.

Ang langit at lupa’y walang pakiramdam;

Nababatid nilang ang sampung libong bagay ay mga maniking dayami;

Ang marunong ay walang awa;

Nakaharap sa madla’t trato sa kanila’y mga maniki.

Ang agwat sa pagitan ng langit at lupa ay tila isang tubong hinihipan,

Ito’y hungkag ngunit di nawawalan ng hugis o nababawasan.

Maaaring pipiin, ngunit lalong bumibigay at humahaba.

Marami man ang sinabi, kung bilangin naman ay kulang.

Pagod at hapo, manatiling nakatindig sa gitna.


6.

Hindi kailanman papanaw ang kaluluwa ng lambak.

Siya’y babae, inang puspos ng hiwaga.

Ang tarangkahan ng mahiwagang kababaihan ay binansagang ugat ng langit at lupa;

Hiblang hinimay sa katalahagan,

Gamitin mo iyon, di mauubos at laging nakalaan.

7.

Ang langit at lupa ay umiiral nang walang taning,

Bakit walang wakas ang langit at lupa?

Sapagkat sila’y hindi ipinanganak sa mapagsariling layon,

Tatagal sila magpakailanman.

Ang pantas ay nagpapaiwan at tumitiwalag, sa gayon siya’y tumatambad;

Buhay niya’y di itinangi, ngunit iyon ay laging nakahanda,

Walang pagkamakasarili, at palibhasa’y mapagbigay, natatamo niya ang inadhikang kaganapan.

8.

Ang pinakamataas na kabutihan ay tulad ng tubig,

Sadyang nagdudulot ng buhay ang tubig sa lahat at di nakikipagtalo.

Umaagos ito sa mga pook na tinatanggihan at kinamumuhian ng madla, kaya nga malapit ito sa Tao.

Sa pamamahay, lumapit sa lupa.

Sa pagninilay, sumisid sa pusod ng lawa;

Sa pakikipagkapwa-tao, dapat mabiyaya’t magalang;

Sa pakikipag-usap, dapat mapagkakatiwalaan;

Sa pamamahala, dapat makatarungan;

Sa pangangalakal, dapat may mabisang kakayahan.

Sa kilos, lapat sa pagkakataong likas sa panahon;

Sa gayon, dahil hindi nakikipag-unahan, walang sisisihin, natutupad niya ang kanyang hangad.

9.

Mabuting huminto bago mapuno ang sisidlan sa halip na umapaw ito.

Kung labis na hasain ang talim, di magluluwat ay mapurol na iyon.

Kung ang silid mo’y siksik sa ginto at batong ihada, di mo mababantaya’t maipagtatanggol iyon.

Angkinin ang yaman at titulo’t upang magpalalo, di magluluwat babagsak ang parusa.

Lumigpit kapag tapos na ang mabuting gawa.

Iyan ang Tao ng langit.


10.

Dala ang katawan at kaluluwang magkayapos, nagtatalik,

Maiiwasan mo ba’ng pagbukurin sila?

Tipunin ang diwa at magpalambot,

Maari ka bang tumulad sa isang bagong supling?

Hinuhugasan at pinaglilimi ang pinakalantay na kamalayan,

Maari ka bang walang sira?

Minamahal ang lahat at namumuno sa bayan,

Maari ka bang umiwas sa pagkilos?

Binubuksan at ipinipinid ang tarangkahan ng langit,

Maaari ka bang gumanap sa papel ng babae?

Nawawatasan at bukas sa lahat ng pangyayari,

Maari ka bang walang ginagampanan?

Nanganganak at nagpapakain,

Nagbubunga ngunit hindi umaari,

Gumagawa ngunit hindi umaasa,

Tumatangkilik ngunit hindi namamahala,

Ito ang binansagang  walang kapantay na Birtud.

11.

Tatlumpung rayos ng gulong ang kabahagi sa lunduyan;

Ang walang lamang lugar ang siyang dahilang nagagamit iyon.

Humubog ng sisidlan mula sa luwad;

Ang agwat doon sa loob ang siyang sanhi sa pagkagamitan.

Yumari ng pinto at bintana angkop sa isang silid;

Ang agwat at butas nila ang siyang dahilang magagamit ang silid.

Samakatwid ang pagka-mayroon ay nagdudulot ng kabutihan.

Ang kawalan ay nagdudulot ng kagamitan.

12.

Binubulag ang mata ng limang kulay.

Binibingi ang tainga ng limang tono.

Ginagawang maramdamin ang dila ng limang lasa.

Ginigiyagis ang puso ng pangangabayo at pangangaso.

Nililigaw at nililinlang ang tao ng mga mamahali’t bihirang bagay.

Samakatwid ang pantas ay pinapatnubayan ng kung ano ang saloobin at hindi kung ano ang namamasid.

Pinababayaan ito’t pinipili iyon.

13.

Tanggapin mo ang nakapangingilabot na kahihiyan nang maluwag ang kalooban.

Tanggapin ang kasawiang masahol bilang bahagi ng buhay ng lahat ng nilalang.

Ano’ng ibig sabihin na ang kasawian at kabutihang-palad ay nakapananakot?

Ang pagtatangi ay may mababang uri.

Huwag mabahala sa tila nakasisindak na lugi o tubo,

Sinasabing ang kabutihang-palad at kasawian ay nakatatakot sa malas.

Ano’ng ibig sabihin ng “tanggapin ang ang malaking kasawian” bilang bahagi ng buhay?

Sapagkat  katawan ay buhay, danas ko ang kasawian.

Kung walang katawan, paano magdaranas ng kasawian?

Isuko mo ang sarili nang may pagpapakumbaba; sa gayon, mapapagkatiwalaan kang kumandili’t kumupkop.

Mahalin ang daigdig tulad ng iyong sarili, sa gayon mapapangatawanan mo ang anumang kapakanan o suliranin ng lahat sa buong daigdig.

14.

Tingnan mo, hindi ito makikita—binura ang pangalan.

Dinggin mo, hindi ito maririnig—ang pangalan nito’y pambihira.

Dakmain mo, hindi ito mahahawakan o maaabot—ito’y malihim.

Dito matatarok ang tatlong ito;

Sa gayon magkahalo’t nagiging isa.

Mula sa itaas hindi ito maliwanag.

Mula sa silong hindi ito madilim.

Mahigpit at bawal, hindi maituring;

Bumabalik ito sa kawalan.

Ang anyo ay walang hugis,

Ang imahen ay walang larawan,

Tinatawag itong walang takda at lampas sa guni-guni.

Tumindig sa harap nito at walang simula.

Sundan ito at walang dulo.

Higpitan ang hawak sa matatag na Tao,

Kumilos sa kasalukuyan.

Ang pagkabatid sa pinakaunang pinagbuhatan ang ubod ng Tao.

15.

Ang mga matandang guro ay matalisik, dalubhasa, sanay at bihasa,

Ang lalim ng kanilang kaalaman ay di masusukat.

Sapagkat di masusukat,

Magkasya na lang tayong ilarawan sila;

Laging maingat, tulad ng mga taong tumatawid sa ilog sa tag-lamig.

Laging handa, tulad ng mga taong pakiramdam ang mataksil na kalaban sa paligid;

Mapitagan, tulad ng mga panauhing dumadalaw.

Pumapanaw, tulad ng yelong malapit nang matunaw;

Matapat, tulad ng isang di-pa nililok na tipak ng kahoy;

Malawak, tulad ng mga yungib.

Mapusok, tulad ng alimbukay ng tubig.

Sino’ng makapagpapahinahon sa marahas?

Sino’ng mananatiling walang imik upang ihanda ang mabagal na pagluwal ng pagkilos?\

Ang mga alagad ng Tao ay di nagnanais ng labis na kasaganaan.

Di labis ang pagkamakasarili, ginagamit ang luma upang makalikha ng bago.

16.

Sikaping alisin mo ang lahat sa iyong loob.

Hayaang manahimik at panatilihin ang dalisay na saloobin.

Umaakyat at bumababa ang sampunglibong bagay habang minamasdan mo ang kanilang pagbabalik.

Bumubukadkad at nagbubunga, kapagkwa’y bumabalik sa pinagmulan.

Bumabalik sa matris, ito’y kaluwalhatian na siyang pagbabalik sa kalikasan.

Ang pagbabalik sa buhay ng kalikasan ay walang pagbabago.

Ang pagkaunawa sa katalagahan ay liwanag ng kabatiran.

Ang di pagkaunawa sa katalagahan ay dalus-dalusang nagtutulak sa kapahamakan.

Batid ang katalagahan, ikaw ay mapagpaubaya.

Kapag mapagpaubaya, ikaw ay makatarungan.

Kapag makatarungan, asal mo’y matatag at marangal.

Sapagkat malinis ang budhi, makakamit mo ang kabanalan.

Sapagkat banal, ikaw ay ibinuklod sa Tao.

Kasanib sa Tao, wala kang wakas.

Bagamat namamatay ang katawan, walang kapahamakang darating sa iyo.

17.

Ang  pinakamagaling na pinuno ay halos di kilala ng sambayanan.

Ang kapanalig niya’y malapit at nagpupugay.

Kasunod ang mga taong kinatatakutan siya;

At ang iba’y napopoot sa kanya.

Ang pinunong hindi sapat na mapapagkatiwalaan, sa panunungkulan niya’y maghahari ang paghihinala.

Isinasagawa ang lahat sa panatag na paraan.

Pinagliban ang di-kailangang salita at itinatampok ang ilan.

Pagkatapos maisakatuparang mahusay ang tungkulin,

Bubulalas ang sambayanan: “Natupad natin ito!”

18.

Kung tumalikod sa dakilang Tao,

Kagandahang-loob at mabuting pakikipagkapwa-tao ang bumubungad;

Kapag tumambad ang dunong at kaalaman,

Umpisa na ang garapal na pagkukunwari;

Kapag walang pagkakaisa ang pamilya,

Ang pag-irog sa magulang at pagkamatulungin ay sumisipot;

Kapag ang bayan ay magusot at namamayani ang gulo,

Lumalabas ang mga tusong upisyal sa pamahalaan.

19.

Itakwil ang pagkamarunong, ayawan ang kaalaman,

Higit na makabubuti ito sa bawat nilalang.

Itakwil ang kabaitan, iwaglit ang moralidad,

At matutuklasan muli ang pag-ibig sa magulang at kagandahang-loob.

Itakwil ang katusuhan, ibasura ang pagkalamang;

Maglalaho ang mga magnanakaw at mangungulimbat.

Ang tatlong ito bilang mga simulaing pumapatnubay ay di sapat sa kanilang sarili,

Kinakailangang masipat ang katayuan ng bawat isa.

Alamin ang payak at yapusin ang pangkaraniwan;

Sawatin ang kasakiman at bawasan ang mga kagustuhan.

Iwan ang pinag-aralang kaalaman nang sa gayo’y humupa ang pagkabalisa.

20.

Mayroon bang pagkakaiba ang pagsang-ayon at pagtutol?

May pagkakaiba ba ang kabutihan at kabuktutan sa isa’t isa?

Iyon namang kinasisindakan ng madla—maari bang tumakas doon?

Laganap ang lagim, walang katapusan.

Maraming nalulugod, tila nasisiyahan sa piging na pagsakripisyo sa kapong baka;

Sa tag-sibol may nagpapasyal sa liwasan at umaakyat sa terasa.

Nangungulila ako, tangay ng agos, ngunit di nag-iwan ng bakas.

Walang muwang, tulad ng isang bagong silang na sanggol bago matutong ngumiti.

Pagod na parang walang babalikan.

Ang madla’y may pag-aaring higit sa kanilang pangangailangan, ngunit ako’y namumukod na dukhang lubos.

Puso ko’y nahibang, di alam kung saan napadpad.

Ang karaniwang mamamayan ay nakaiintindi, ngunit ako lamang ang nagulumihanan.

Ang iba’y matalas at matalino, ngunit ako nama’y tanga.

Ako’y inaanod palayo tulad ng alon sa dagat, nawindang, walang direksiyon, wari baga’y unos na walang tigil.

Lahat ay may inaatupag,

Ngunit ako lamang ang walang kabatiran at natimbuwang.

Iba nga ako sa lahat

Subalit pinipintuho ko ang inang magiliw kumanlong.

21.

Ang pinakatanyag na Birtud ay pagsunod lamang sa Tao, sa landas nito.

Ang Tao ay mailap at di masasakyan bilang lakas ng pagkilos.

Ito’y di mahihipo pagkat mailap, ngunit sa loob kimkim ang imahen;

Ito’y mailap at di masisilo, ngunit sa loob nito ang pinakaubod;

Ito’y lihim at nakukubli sa dilim, ngunit sa puso nito nakaluklok ang huwaran.

Ang buod ay lantay na katotohanan, at nilagom sa loob ang paniniwala.

Sa mula’t mula pa hanggang sa kasalakuyun, ang pangalan niya’y di nakakalimutan.

Sa gayon, gamitin ito upang matarok ang lumilikha ng mga bagay sa mundo.

Paano ko nabatid ang kondisyon ng taga-likha ng mga bagay?

Ginamit ko ang Tao.

22.

Bumigay upang manatiling buo;

Yumukod upang maituwid;

Gasgasin upang maging bago;

Sa pagkakaroon ng kaunti, madaragdagan pa ito;

Kung maraming ari, mababahalang lubos.

Dahil dito, ang pantas ay yumayapos sa isa lamang

At nagsisilbing halimbawa sa lahat.

Hindi umaasta’t pumaparada, kaya tanyag.

Hindi niya ipinangangalandakan ang sarili, kaya natatangi.

Hindi naghahambog, tinatanggap niya ang pagkilala ng mabuting gawa;

Walang pagmamayabang, laging may pinanghahawakan,

Sapagkat di nakikipag-away, kaya walang umaaway sa kanya;

Samakatwid, wika ng mga ninuno: “Sumuko upang makapangibabaw.”

Ito ba’y pariralang walang saysay?

Dapat maging wagas ang nangungusap, at lahat ng bagay ay darating sa kanya.

23.

Natural ang matipid na pananalita.

Ang rumaragasang hangin ay hindi tumatagal sa buong umaga,

At ang biglang ulan ay hindi tumatagal sa buong araw.

Bakit nga?  Dahil sa langit at lupa!

Kung hindi mapapanatili ng langit at lupa ang walang pagbabago,

Paano magagawa ito ng isang abang nilalang?

Sinumang tumutupad sa Tao ay kasanib sa Tao.

Sinumang may mabuting loob ay dumaranas ng Birtud.

Sinumang naligaw ay dumaramdam ng pagkalito.

Kung ikaw ay kaakbay ng Tao, inaaruga ka nito.

Kung ikaw ay kaakbay ng Birtud, pinagpapala ka nito.

Kung ikaw ay kaakbay ng kawalan, sabik mong dinaranas iyon.

Sinumang hindi nagtitiwala nang sapat, siya’y hindi mapagtitiwalaan.

24.

Ang lumalakad nang patiyad ay hindi makapagpapahamak.

Ang humahakbang ay hindi makapagpapatuloy nang matatag.

Ang nagtatanghal sa sarili ay hindi pihikan.

Ang nagpapanggap na laging tumpak ay hindi kapita-pitagan na dapat igalang.

Ang mapupusok ay walang kapakinabangan.

Ang naghahambog ay di makadadaig.

Ayon sa mga alagad ng Tao, “Ito’y isinumpa ng labis na pagkain at walang kabuluhang kargada.”

Lahat ay namumuhi doon.

Sa gayon iniiwasan iyon ng mga bihasa sa Tao.

25.

Isang bagay na mahiwagang nabuo mula sa sigalot,

Isinilang bago pa may langit at lupa.

Sa katahimikan at sa kawalan, nakatindig mag-isa’t walang pagbabago,

Laging nakahanda at maliksi,

Kumikilos bilang ina ng lahat ng bagay sa mundo.

Hindi ko alam ang pangalan, tawagin itong  Tao.

Mahirap humanap ng angkop na salita, bansagan na lang nating dakila.

Sa kadakilaan, umaagos ito

At umaabot sa malayo, kapagkwa’y bumabalik.

Samakatwid, “Tao ay dakila, langit ay dakila, lupa ay dakila, ang sangkatauhan ay dakila.’

Ito ang apat na kapangyarihan sa sangkalibutan,

Ang taong nilalang ay isa dito.

Sinusundan ang bawat nilalang ng lupa bilang batas niya,

Sumusunod ang lupa sa langit bilang batas niya,

Sinusundan ng langit ang Tao bilang batas niya,

Sumusunod ang Tao sa kalikasan, bilang batas niya.

26.

Ang mabigat ang ugat ng magaang;

Ang matatag ang panginoon ng di mapalagay.

Sa gayon, maglalakbay sa buong araw, di nakakaligtaan ng pantas ang kanyang mga balutan.

Bagamat maraming nakaaakit na mapapanood sa lugar ng nakabibighaning langay-langayan, siya’y panatag at di nagpapatukso.

Bakit dapat umasal nang mahinahon sa madla ang panginoon ng ilanlibong karwahe?

Sa pagkilos nang mahinahon, mawawala ang ugat.

Sa kalikutan mawawala ang kapangyarihan.

27.

Ang mahusay lumakad ay hindi nag-iiwan ng bakas;

Ang magaling magpanayam ay hindi nauutal at nagkakamali;

Ang sanay kumalkula ay hindi nangangailangan ng listahan.

Hindi kailangan ang susi sa mabuting magsara.

Ang kanilang sinasara’y hindi mabubuksan ninuman.

Ang mabuting pabalat ay hindi nangangailangan ng mga buhol.

Gayunpaman, hindi iyon makakalag o mabubuhaghag.

Samakatwid, ang pantas ay kumakalinga sa lahat

At walang iniiwanan.

Inaasikaso ang lahat at walang napapabayaan.

Ito’y taguring “pagpapatingkad sa likas na kabutihan.”
Ano ba ang mabuting nilalang?
Isang guro ng masamang tao.
Sino ang masamang tao?
Alaga ng mabuting nilalang.
Kung hindi iginagalang ang guro, at ang mag-aaral ay hindi inaalagaan,
Gulo ang sisipot, gaano man naglipana ang matalino at matalisik.
Ito ay malahimalang hiwaga.

28.

Kilatisin ang lakas ng lalaki,
Ngunit kupkupin ang mapag-arugang babae.
Sikaping maging daluyan ng batis sa lahat ng bagay sa daigdig.
Bilang landas ng tubig sa santinakpan,
Laging kasama ang Birtud na walang pagbabago;
Bumalik sa puso ng kamusmusan.
Unawain ang puti, ngunit ingatan ang itim.
Sikaping maging halimbawa sa buong mundo.
Bilang halimbawa sa lahat, isakatuparang maigi ang walang pag-iibang Birtud.
Bumalik sa kawalang-hangganan.
Isaisip ang karangalan,
Ngunit ittinggal ang kapakumbabaan.
Sikaping maging lambak ng sansinukob.
Hayaang lumaganap ang walang pagkatinag na Birtud.
Bumalik sa lagay ng tipak na kahoy na hindi pa nilililok.
Kapag inukit na ang tipak, ito’y magagamit na.
Ginagamit ito ng pantas habang nanunungkulan bilang pinuno.
Sa gayon, “Ang dakilang iskultor ay pumipigil sa pagputol.”

29.

Sa wari mo ba’y maaari mong sakupin ang sansinukob at isaayos ito?
Paniwala kong hindi ito maaari.
Banal na kasangkapan ang buong daigdig.
Hindi mo mapapahusay ito, hindi masusunggaban.
Kung subukan mong baguhin ito, masisira lamang ito.
Kung subukan mong pangasiwaan ito, magpupumiglas ito,
Kaya hindi kumikilos ang pantas.
Kaya nga, minsan, ang mga bagay ay nauuna at minsan nahuhuli,
Minsan ang huminga’y mahirap, minsan madali;
Minsan masigla at minsan mahina;
Ang mga bagay ay masiglang lumalago o naglalaho.
Dahil dito iniiwasan ng pantas ang pagmamalabis, makakasukdulan, at pagkawalang-bahala.

30.

Kung naghahain ng tagubilin para sa pinuno tungkol sa gawi ng Tao,
Pagpayuan mong huwag gumamit ng dahas-militar upang pwersahin ang lahat sa ilalim ng langit
Sapagkat tiyak na magpupukaw ito ng mapaghiganting galit.
Saan mang rumagasa ang hukbo, tumutubo’t lumalago ang matinik na palumpong.
Panahon ng gutom ang tumatalunton sa daang hinawan ng walang pakundangang digmaan.
Gawin lamang ang talagang kinakailangan.
Sa tagumpay, umasal mapagkawanggawa.
Huwag samantalahin ang pagkakataon sa pagpataw ng kapangyarihan o mangahas pilitin ang mga bagay.
Adhikaing matamo ang layon, ngunit huwag magpakapalalo.
Sikaping maabot ang mithi, ngunit huwag parusahan ang lahat.
Sikaping makamit ang nasa, ngunit huwag magpamataas.
Sikaping makuha ang nais, ngunit huwag gumamit ng dahas at kamkamin ang tubo para sa sarili.
Marahas ka ngayon, ngunit hahalinhinan iyan ng panghihina at pagtanda.
Hindi ito ang gawi ng Tao.
Ang sumasalungat sa Tao ay makatatagpo ng maagang pagpanaw.

31.

Ang mga sandata’y kasangkapan ng kilabot; kinapopootan iyon ng lahat ng nilikha.
Sa gayon, hindi ginagamit iyon ng mga kampon ng Tao.
Pinipili ng marangal na mamamayan ang kaliwa kung nasa tahanan siya.
Ngunit kung ginagamit ang sandata, intinatanghal ang kanan.
Ang mga sandata ay instrumento ng sindak, hindi ito kagamitan ng marangal na mamamayan.
Ginagamit lamang iyon kung wala na siyang pagpipilian.
Hinihirang na pinakamagaling ang kapayapaan at kahinahunan.
Ang tagumpay ay hindi dahilan upang ipagdiwang ang kagandahan.
Kung nasasayahan ka sa ganda ng tagumpay, nalulugod ka sa pagkitil ng buhay.
Kung nalulugod ka sa pagpatay, hindi matutupad ang kaganapan ng iyong loob at pagtamasa sa minimithi.
Sa mga maayong pagkakataon, binibigyan ng halaga ang kaliwa,
Sa panahon ng pighati, ipinagpapauna ang kanan.
Sa kanan ang pinunong nag-uutos, sa kaliwa ang lider ng hukbo.
Nawika noon pa na ang digmaan ay pinangangasiwaan sa paraang sumasalamin sa ritwal ng libing.
Kung maraming nasawi, dapat ipagluksang mataimtim ang nangyari.
Ito ay dahilan kung bakit dapat ipagbunyi ang tagumpay bilang isang pagburol sa mga bangkay

32.

Laging hindi itinakdang tiyak na may pangalan ang Tao.
Maliit man ito at payak, hindi ito masusunggaban.
Kung maisisingkaw ito ng mga hari’t panginoon, walang atubiling tatalimahin ito ng lahat.
Magtitiyap ang langit at lupa, at lalapag ang mayuming ambon.
Hindi na mangangailangan ng turo at utos ang taumbayan, at lahat ng bagay ay magkatimbang na magkakahanay-hanay.
Ang namamahala ay tanyag.
Kahit na tanyag, dapat malaman kung kailan dapat tumigil.
Kung alam kung kailan titigil, mahahadlangan ang sigalot at maiiwasan ang pinsala.
Ang tao sa daigdig ay tulad ng sapa sa lambak na dumadaloy pauwi sa ilog at karagatan.

33.

Ang kaalaman tungkol sa iba ay karunungan.
Ang kabatiran tungkol sa sariling pagkatao ay kaliwanagan.
Kailangan ang dahas sa pamamahala sa iba, ngunit ang may disiplina sa sarili ay may angking lakas sa loob.
Sinumang nakauunawa na sapat na sa kanya ang nakapaligid ay mariwasa.
Tanda ng lakas ng kalooban ang katiyagaan.
Sinumang lumilinang sa kinalalagyan ay tumatagal nang walang katapusan.
Malagot ang hininga ngunit hindi maglaho—ito’y pamumuhay sa kasalukuyan.

34.

Dumadaloy ang Tao, maayos na bumabaling sa kaliwa’t kanan.
Lahat ay umaasa dito upang mabuhay, hindi ito umaalis.
Bagamat natapos ang minarapat na gawain, hindi ito umaangkin para sa sariling kapakanan.
Inaaruga’t tinatangkilik ang lahat ngunit hindi ito umaasal bilang pinuno nila.
Maituturing itong kasapi ng mga maliliit.
Bumabalik dito ang ilanlibong nilikha, ngunit hindi ito nag-uutos.
Maitatangi ito sa mga dakila.
Sapagkat hindi tinangkang kagilas-gilas ang paraang ito, sanhi nito, natatamo nito ang kadakilaan.

35.

Mahigpit na humawak sa maharlikang sagisag at lahat ng bagay sa mundo’y darating sa iyo.
Dudulog sila ngunit hindi sila sasaktan.
Magpapahinga sa katiwasayan at kapayapaan.
Ikatuwa ang musika at mainam na pagkain, sadyang humihinto ang mga nagdaraang manlalakbay.
Samakatwid, kung ang tao ay inihayag sa salita, mapupuna na walang lasa at matabang ito.
Kung hahanapin ito, walang katangiang mapapansin.
Kung pakikinggan, walang sapat na mauulinigan.
Subalit kung kakasangkapanin ito, hindi ito mauubos.

36.

Kung nais mong bawasan ang anuman, kailangang dagdagan mo muna ito’t palakihin;
Kung nais mong palambutin ang anuman, kailangangang patigasin muna pansamantala;
Kung nais mong tanggalan ang anuman, sandaling paunlarin muna iyon;
Kung nais mong hulihin ang anuman, sandaling isuko mo muna ito.
Ito’y tinaguriang “paraan ng masidhing pang-unawa.”
Ang mahina’t malambot ay tumatalo sa malakas.
Hindi mo maihihiwalay ang isda mula sa tubig sa lawa;
Ang mabisang kagamitan ng pamahalaan ay hindi maitatanghal sa madla.

37.

Ang Tao ay hindi nagbabago sa di-pagkilos, ngunit walang hindi naisasakatuparan.
Kung nais imbakin ito ng mga hari’t panginoon, kusang-loob na maiiba ang kalikasan ng maraming nilikha.
Pagkaraan ng pagbabago, kung nais nilang makaigpaw,
Sasanayin sila ng kapayakan ng walang pangalan.
Sa pagpapahinahon sa kanila sa bisa ng payak at walang ngalang gamit, walang damdaming mapag-imbot ang lilitaw;
Kung walang pagnanasa, lalaganap ang katiwasayan at lahat ng bagay ay papanatag.

38.

Ang tunay na mabuting tao ay hindi lubos na nalalaman ang kanyang kabutihan,
At sa gayon lantay na mabuti.
Ang hangal na tao’y nagpupunyaging maging mabuti,
At sa gayo’y hindi mabuti.
Ang tunay na mabuti ay walang tangkang gumawa.
Ngunit lahat ay nagagampanan.
Ang ulol ay laging masipag, ngunit napakaraming nakaligtaang harapin.
Kapag ang tunay na mabuti’y nagpunyagi, walang bagay na di mayayari.
Kapag ang makatarunga’y kumilos, nag-iiwan siya  ng malaking pagkukulang.
Kapag ang nagpapairal ng kautusan ay nangangasiwa at walang tumutugon,
binabalumbon ang manggas upang ipataw ang batas.
Sa gayon, kapag nawala ang Tao, magkasya sa kabaitan.
Kapag nawala ang kabaitan, nariyan ang kagandahang-loob.
Kapag nawala ang kagandahang-loob, magkasya sa katarungan.
Kapag nawala ang katarungan, nariyan ang ritwal.
Ang ritwal ay upak ng pananampalataya, ang umpisa ng gulo.
Itinumbas ng mangkukulam ang tao sa marangyang laruan, ito ang umpisa ng kaululan.
Samakatwid, ang tunay na dakilang tao ay tumitira sa katalagahan at hindi sa ibabaw ng mga baga-bagay, nakatutok sa bunga at hindi sa bulaklak.
Dahil dito, tinatanggap ang ilan at tinatanggihan ang iba.

39.

Ang mga bagay na itong nagmula pa sa sinaunang panahon ay bumalong sa isa;
Ang langit ay buo at maaliwalas.
Ang lupa ay buo at matatag.
Ang diwa ay buo at matipuno.
Ang lambak ay buo at masagana.
Ang sampung libong bagay ay buo at nagbubunga.
Ang mga hari’t panginoon ay buo at ang buong bayan ay sumusunod sa praktika ng pagkamakatwiran.
Lahat ng ito ay nangyayari dahil sa pagkakaisa.
Nahahadlangan ng kaliwanagan ng langit ang pagdurog nito.
Nahahadlangan ng kapayapaan ang pagbiyak sa lupa.
Nahahadlangan ng lakas ng diwa ng mga bathala ang pagwasak nito.
Nahahadlangan ng kasaganaan ang pagkatuyo ng lambak.
Nahahadlangan ng paglago ng isanglibong bagay ang pagkamatay nito.
Nahahadlangan ng pagkamatapat ng hari’t panginoon ang pagsira sa buong bayan.
Sa gayon ang ugat ng karangalan ay ang pagpapakumbaba.
Ang mababa ang saligan ng mataas.
Itinuturing ng mga hari’t maharlika na sila’y “ulila,” “kakarampot,” at “di sagana.”
Hindi ba nakabatay ang mamahalin sa mapagkumbaba?
Ang malabis na tagumpay ay hindi kahigtan.
Huwag kumalansing tulad ng makinang na batong ihada o mag-ingay o mag-ayos burikak tulad ng batong dupikal.

40.

Ang pagsasauli ang galaw ng Tao.
Ang kahinaan ang paraan ng Tao.
Ang isanglibong bagay ay iniluwal mula sa umiiral
At ang umiiral ay iniluwal mula sa kawalan.


41

Naulinigan ng matalinong paham ang tinig ng Tao at masigasig na isinapraktika
ito.

Nabalitaan ng karaniwang palaaral ang tungkol sa Tao at iniisip ito paminsan-minsan.

Ang hangal na iskolar ay nakasagap ng balita tungkol sa Tao at walang patumanggang humalakhak.

Kung walang halakhak, hindi magagampanan ang Tao.

Kaya dinggin ang kasabihan:

Ang maliwanag na daan ay nagmumukhang makulimlim.

Ang pagsugod ay tila pag-urong.

Ang madaling paraan ay tila mahirap.

Ang pinakamataas na Birtud at tila lambak na walang halaman;

Ang puring wagas at busilak ay tila dinumihan.

Ang kayamanan ng Birtud ay tila kulang;

Ang lakas ng Birtud ay tila mabuway.

Ang tunay na Birtud ay tila pabagu-bagong pangyayari.

Ang huwarang parisukat ay walang sulok.

Ang mahusay na kasangkapan ay ginagamit sa pagtatapos ng anuman.

Mahirap marinig ang pinakamatinding tunog;

Ang dakilang anyo ay walang hugis.

Nakakubli ang Tao at walang pangalan ito.

Ang Tao lamang ang mainam magpakain at siyang nagtutulak sa lahat sa kaganapan.

42.

Iniluwal ng Tao ang isa, at ang isa ay nagsilang ng dalawa.

Dalawa’y nagsilang ng tatlo, at ang tatlo ay nagluwal sa lahat ng nilikha.

Kanlong ang yin at yakap ang yang ng lahat ng bagay sa mundo.

Nakakamit ang pagkakasundo sa paghahalo ng lakas.

Suklam ang mga tao kung tawagin silang “ulila, “manipis,” o “salat.”

Ngunit ganito ang paglalarawan ng mga hari’t panginoon sa kanilang sarili.

Sapagkat sa katunayan ang isa’y nananalo sa pagkatalo at nawawalan sa pagkakaroon.

Kung ito ay itinuturo ng iba, itinuturo ko rin:

“Ang marahas at talipandas ay mapapariwara sa kalunos-lunos na paraan.”

Ituring itong buod ng aking pagtuturo.


43.

Ang pinakamalambot na bagay sa sangmaliwanag ay nanaig sa pinakamatigas na bagay.

Ang walang laman ay nakapapasok saan mang walang puwang.

Kaya nga batid ko ang kapakinabangan ng walang pagkilos.

Ang pagtuturo ay walang salita at ang pagtatamo ay walang pagsisikhay:

Sa ilalim ng langit, iilan lamang ang nakawawatas nito.

44.

Kabantugan o buhay: Ano ang higit na makabuluhan at lubhang ninanasa?

Buhay o kayamanan: Ano ang mas mahalaga?

Pagkatalo o pagkapanalo: Ano ang mas makapipinsala?

Sinumang nakakabit sa mga bagay-bagay ay lubhang magdurusa.

Sinumang nagtitipon ng maraming ari ay magdaranas ng mahapding kadahupan.

Sa gayon, sinumang batid na sapat ang kanila ay hindi mapapahiya.

Sinumang bihasa na alam kung kailan dapat tumigil ay makaiiwas sa gulo.

Patuloy siyang mabubuhay ng ligtas sa panganib.

45.

Lumalabas na hindi talagang walang mali sa mga naisakatuparan.

Gayunman, kung gamitin, hindi iyon lumalampas sa taning ng kanyang kabuluhan.

Ang dakilang kasaganaan ay tila hungkag,

Ngunit kung gamitin, iyon ay hindi lubos na malulustay.

Ang magandang pagkatuwid ay mukhang baluktot.

Ang magaling na utak ay mukhang tanga.

Ang mahusay manalumpati ay tila pumipiyak.

Mapusok na kilos ay dumadaig sa panatag.

Hinahon ang dumadaig sa kapusukan.

Pagtitimpi ng damdamin at pagkawalang-kibo ang nag-aayos ng lahat ng bagay sa ilalim ng langit.

46.

Kung ang Tao ay laganap sa sansinukob,

Hinihila ng mga kabayo ang pataba at ikinakalat iyon sa bukid.

Kung ang Tao ay hindi umuugit sa sansinukob ,

Ang mga kabayong pandigma ay inaalagaan sa labas ng lungsod.

Wala nang mas masahol na sakuna kay sa ang walang hunus-diling pangangamkam ng ari-arian;

Walang mas masahol na sumpa kaysa pag-iimbot para sa sariling kapakanan.

Sa gayon, sinumang alam kung ano ang husto ay laging may sapat na panustos sa buong buhay.

47.

Kahit hindi ka lumalabas, maari mong maunawaan ang buong daigdig.

Kahit di ka tumanaw sa durungawan, maarmi mong mamatyagan ang kalakaran ng langit.

Kung mas malayo na ang naabot mo, mas makitid ang iyong kaalaman.

Kaya nga ang pantas ay hindi naglalakbay, ngunit natatalos niya ang kapaligiran.

Nalalaman niya kahit hindi tumitingin;

Kahit hindi nag-aabala, naisasakatuparan niya ang mga kinakailangan.

48.

Sa pagpupunyaging maging paham, sa bawat araw may bagay na natatamo.

Sa paghahabol sa Tao, sa bawat araw may bagay na nawawaglit.

Unti-unting nababawasan hanggang makaabot sa walang-abala.

Kahit hindi humahakbang, walang hindi naisasagawa.

Sa pamamahala, laging ilapat ang paraan nang walang panghihimasok; laging magpaunlak na lahat ay sumunod sa sariling kalikasan.

Huwag manghimasok at sa gayo’y matiwasay ang lahat sa ilalim ng langit.

49.

Walang pansariling hangad ang pantas.

Nauunawaan niya ang mga pangangailangan ng madlang kinasasaniban niya.

Mabait ako sa mga taong mabait.

Mabait din ako sa mga taong masama.

Sapagkat ang Birtud ay kabaitan.

May tiwala ako sa mga taong mapapagkatiwalaan.

May tiwala din ako sa mga taong sukab.

Sapagkat ang Birtud ay mapagtiwala.

Nahihiya’t nagpapakumbaba ang pantas—sa mata ng madla siya’y nakaliligalig.

Tintingala siya ng madla at pinakikinggan.

Sa harap ng lahat, umaasal siyang tulad ng isang batang musmos.

50.

Sa pagitan ng pagsilang at kamatayan, tatlo sa sampu ang tagasunod sa buhay;

Tatlo sa sampu ang taga-sunod sa kamatayan.

At ang mga taong bumabagtas sa agwat ng kaarawan at kamatayan ay tatlo rin sa sampu.

Bakit ba ganito?

Sapagkat namumuhay ang mga ito sa pinakagarapal at bulagsak na gawi.

Ang taong sumusunod sa kabutihan ay maaaring maglagalag na walang balisa kung kaharap ng mabangis na tigre o anumang hayop sa gubat.

Hindi siya masusugatan sa labanan.

Walang katawan na matutusok ng sungay ng hayop,

Walang bahagi ng laman na matutuklaw ng kuko ng tigre.

At walang puwang na sisingitan at paglalagusan ng sandatang matalim.

Bakit ganito?

Sapagkat wala siyang puwang o pagitan na mapapasok ng kamatayan.

51.

Lahat ng bagay ay bumubukal sa Tao.

Binubusog at pinatataba ng Birtud ang lahat.

Binibigyan ng laman mula sa mga bagay sa mundo,

Binibigyang hugis ng kapaligiran.

Kaya ang sanlibong bagay ay dumudulog upang igalang ang Tao at pagpugayan ang Birtud.

Hindi sila humihingi ng paggalang sa Tao at parangal sa Birtud.

Ngunit ang mga ito’y kaugnay ng kalikasan ng mga nilikha sa daigdig.

Sa gayon, lahat ng mga bagay ay bunga ng Tao.

Pinapakain sila ng Birtud, pinauunlad at inaalagaan.

Kinukopkop, kinakalinga, pinalalaki at ipinagtatanggol.

Sa gayon, lumilikha’t hindi umaangkin ang Tao.

Ang Birtud ay kusang nag-aaruga.

Ang kalikasan ang humuhubog sa lahat; pangyayari ang nagbubuo sa lahat.

Lahat ay nagpaparangal sa Tao at nagpipitagan sa Birtud.

Kapwa hindi nag-uutos, kung sinususnod  ang walang pasubaling kalikasan.

Pumapatnubay ngunit hindi umaangkin, gumaganap ngunit hindi umaasa, at nag-aanyaya.

Tumutulong ngunit hindi namumuno.

Ito ang pinakadalisay at kakanggatang Birtud.

52.

Ang simula ng sansinukob ay ina ng lahat ng bagay sa ilalim ng langit.

Kung nagkapalad kang lumagi sa piling ng ina, kilala mo ang mga anak nito.

Kung kilala mo ang mga anak, maiingatan mo ang pagsuyo ng ina.

Biyaya mo ang kaligtasan mula sa kilabot ng panganib.

Kung titigil ka sa pakikisalamuha at ipipinid ang pinto, walang gulong tumatagal hangang sa dulo ng paglalakbay.

Lagi kang may inaatupag sa pagkamal ng salapi.

Walang  kang katubusan hanggang sa dulo.

Ang pagtuklas sa maliit ay dalumat;

Ang pagsuko sa lakas ay saksi sa pagkamatibay.

Gamit ang liwanag, babalik ka sa kislap ng paglilirip;

At sa ganitong paraan, masasagip mo ang katawan sa pagkapariwara.

Ito ang pangangalaga sa di nagbabagong katatagan.

53.

Kung taglay ko lamang ang dunong na nagmamalasakit,

Maglalakad ako sa gitna ng lansangan at ang tanging ligamgam ko lamang ay baka maligaw mula roon.

Ang manatili sa pangunahing lansangan ay madali,

Ngunit ang karaniwang tao’y mahilig lumihis sa daan at pumili ng makitid.

Kapag ang palasyo’y nagagayak sa maaksayang palamuti,

Ang bukirin ay hitik sa damong kailangang gamasin;

At ang kamalig ay hungkag, walang laman.

Ang mga upisyal ay nagpaparadang suot ang maringal na damit,

Dala nila’y matalim na ispada, at walang pakundangang nagpapasasa sa iba’t ibang inumin at pagkain;

Nag-uumapaw ang kanilang ari-arian na sobra sa kanilang pangangailangan.

Sila ang mga mayayamang magnanakaw na maingay sa pamamansag.

Di maitatatwa na mungkahi payo ito ng ulirang Tao.

54.

Kung anong matibay na naitayo ay hindi mabubunot.

Ang maiging nahawakan ay hindi makahuhulagpos.

Dudulutan ito ng karangalan at ritwal ng pag-aalay ng bawat salinhali, walang patlang.

Linangin ang Birtud sa bawat kalooban, at ang Birtud ay magiging dalisay.

Linangin ito sa pamilya, at ang Birtud ay lalaganap.

Linangin ito sa buong nayon, at ang Birtud ay mamumukadkad.

Linangin ito sa buong bansa, at ang Birtud ay magiging sagana.

Linangin ito sa sansinukob, at ang Birtud ay matatagpuan saanman.

Sa gayon, tignan ang katawan bilang katawan;

Tignan ang pamilya bilang pamilya;

Tignan ang nayon bilang nation;

Tignan ang bansa bilang bansa;

Tignan ang santinakpan bilang santinakpan.

Bakit ko nahuhulo na ang santinakpan ay ganito nga?

Sa pagtalima sa halimbawa ng Tao.

55.

Sinumang taglay ang malahimalang Birtud ay tulad ng bagong silang na sanggol.

Di ito makakagat ng may lasong kulisap;

Di ito maigugupo ng mga mabangis na hayup;

Di ito gagahisin ng mga ibong mandaragit.

Marupok ang mga buto, malambot ang kalamnan.

Ngunit ang sungay ay matipuno.

Hindi niya naranasan ang pagsanib ng babae at lalaki;

Siya ay matigas at buong-buo.

Ang lakas ng pagkalalaki niya ay masagana.

Sumisigaw siya sa buong araw ngunit hindi namamaos.

Dahil ito sa mabiyayang pagtutugma.

Ang dalumat sa pagtutugma ay tinuring na walang pag-iiba.

Ang pagmumuni sa katatagan ay kaliwanagan.

Ang paghahanap ng sariling pakinabang ay di magbubunga ng kabutihan.

Kung ang udyok ng puso ay gumagabay sa budhi, ito’y pagmamalabis.

Malakas ngayon ang mga bagay-bagay, ngunit tumatanda ito at humihina.

Hindi ito ang paraan ng Tao.

Anuman ang sumasalungat sa Tao ay tiyak na hindi magtatagal.

56.

Ang nakaaalam ay hindi nagsasabi; ang mga dumadakdak ay walang alam.

Itikom mo ang iyong bibig, tanuran ang damdamin.

Lubayan ang iyong katalasan.

Ihiwalay ang mga nakabuhol, papusyawin ang nakasisilaw.

Sumanib sa alikabok.

Ito ang binansagang pinakaubod na pagtatalik.

Sa gayon, hindi makakamit ang mataos na kaisahan at panatilihin ang pagpapalagayang-loob. 

Hindi rin maipagpapatuloy ang paglayo ng damdamin.

Hindi makakamit ang kabutihan o kapahamakan, ang magastos at simple, sa ganitong kalagayan.

Samakatwid, ito ang pinagpupugayan sa ilalim ng langit.

57.

Pamahalaan ang bansa sa tanglaw ng katarungan.

Ugitan ang digma sa pamamagitan ng nakagugulat na lusob.

Magsikap pangibabawan ang sansinukob sa bisa ng walang ginagambala.

Bakit ko natarok ang kalikasan ng kapaligiran?

Ginamit ko itong karunungan:

Kung mas maraming batas at panuntunang ipinapataw sa bayan, lalong mamumulubi iyon.

Kung lalong matalas ang mga sandata, lalong malaking ligalig sa bawat panig.

Kung mas tuso’t madaya ang mga tao, lalong maraming mahiwagang pangyayaring magaganap.

Kung maraming regulasyon at alintuntunin, marami ring magnanakaw at tulisan.

Samakatwid, pangaral ng pantas:

Wala akong ipinamamarali at ang mamamayan ay kusang nagbabago.

Nasisiyahan ako sa katahimikan at ang mga mamamayan ay kusang nagiging makatarungan.

Hindi ako nakikialam at ang mga mamamayan ay masigasig sa trabaho upang sumagana.

Wala akong ninanais at ang mga mamamayan ay nagiging katutubong payak.

58.

Kung ang pamahalaan ay inuugitan ng isang magaang na kamay,

Ang mga taumbayan ay di maluho sa asal at matino.

Kung ang bayan ay pinangangasiwaan sa tusong paraan,

Ang mga taumbayan ay mapanlinlang.

Kahirapan ay nakaluklok sa kanlungan ng kasayahan,

Nakaugat ang kaligayahan sa paghihikahos.

Sino ang makahuhula kung ano ang ihahandog ng kinabukasan?

Wala ngayong katarungan.

Ang makatarungan ay nagiging imbi.

Ang mabait ay nagiging buktot at makasalanan.

Ang pagkagulilat ng nilalang ay nagtatagal at lumalala.

Sa gayon, matalisik ang pantas ngunit hindi humihiwa,

Matulis ngunit hindi tumutusok,

Tuwiran ngunit hindi sinasakal,

Makinang ngunit hindi nakabubulag.

59.

Sa pag-alaga sa ibang nilalang at paglinkod sa langit,

Walang kapalit sa paraan ng pagsaway sa sarili.

Ang pagkamahinahon ay nagsisimula sa maagang paghahanda.

Nakabatay ito sa Birtud na matiyagang nalikom sa mahabang panahon.

Kung may maiging naimbak na Birtud, walang bagay na hindi maisasakatuparan.

Kung walang imposible, sa gayon walang limitasyon ang magbabawal;

Kung walang tinatalimang takda, sa gayon karapat-dapat siyang mamuno.

Ang inang siyang prinsipyo ng pagmamahal ay makabuluhan sa pangmatagalan.

Tawag dito’t pagtatamasa ng malalim na ugat at matatag na saligan;

Ito ang Tao ng malawig na buhay at walang saklaw na talino.


60.

Ang pamamahala ng bansa ay tulad ng pagluluto ng maliit na isda.

Lapitan ang sansinukob sa pamamagitan ng Tao

At walang mapapala ang mga diyablo ng kabuktutan.

Hindi ibig sabihin nito na ang kasamaan ay hindi nagmamalupit,

Ngunit ang kapangyarihan nila ay hindi makapipinsala.

Hindi lamang ito, na hindi makasasakit sa iba, kundi pati ang pantas ay hindi makasisira.

Hindi sila mananakit sa kapwa, at ang Birtud sa bawa’t isa ay makapagpapasigla sa kapwa.

61.

Ang malawak na bayan ay tulad ng tumana sa gilid ng ilog;

Ito’y tagpuang pook ng maraming bagay sa mundo;

Nagsisilbing ina ng lahat ng nilikha.

Laging naigugupo ng babae ang lalaki sa yumi at pagkawalang-kibo,

Nakatalungkong na walang kibo, mahinhin.

Samakatwid, kung makitrato ang isang malawak na bansa sa isang maliit sa mapagkumbabang paraan,

Magtatagumpay siya sa maliit na bayan.

At kung ang maliit naman ang makikibagay sa isang marangyang bansa sa ganoong paraan, kakanlungin siya ng bansang ito.

Sa gayon ang nais mangibabaw ay dapat bumigay,

At iyong gumagahis ay nagwawagi sapagkat sila’y sumusuko.

Nangangailan ng maraming mamamayan ang malawak na bansa;

Kailangang sumanib ang isang maliit na bansa sa iba.

Makakamit ng bawat isa ang kanyang nais;

Karapat-dapat sa isang marangyang bansa na magpaubaya at magpaunlak.

62.

Ang Tao ay malalim na batis ng ilanlibong bagay sa mundo.

Ito ang kayamanan ng mabait na tao, ang taguang binabantayan ng masama.

Mabibili ang karangalan ng matamis na salita;

Makakamit ng mapitagang asal ang mataas na posisyon na lipunan.

Paano mo maitatatwa ang masamang katangian ng kapwa?

Sa gayon, sa araw na pinuputungan ng korona ang imperador,

O kaya, ang mga upisyal ng Estado ay inihahalal,

Huwag kang magpadala ng regalo ng batong ihada at kawan ng apat na kabayo,

Sa halip manatiling walang kibo at itanghal ang Tao.

Bakit matinding dinadakila ng madla ang Tao sa simula’t simula pa?

Hindi dahil sa natagpuan mo ang iyong hinahanap at pinatawad ka pagkatapos magkasala?

Samakatwid, ang Tao ay pinaparangalan sa ilalim ng langit.

63.

Isapraktika ang walang pag-abala.

Magtrabaho nang walang panghihimasok.

Tikman ang walang lasa.

Palakihin ang maliit, paramihin ang kaunti.

Tumugon sa karaingan ng Birtud sa magiliw na paraan.

Tuklasin ang katutubo sa mga masalimuot na bagay.

Itaguyod ang kadakilaan sa pananaw ng munting bagay.

Sa sansinukob, ang mahirap isakatuparan ay ginagawa sa paraang madali.

Sa sansinukob, ang malaking kaganapan ay sinasaksihan ng mga gawang maliit.

Hindi sinusubok ng pantas ang anumang talagang mabigat,

At sa ganito’y natatamo niya ang kadakilaan.

Ang madulas na pangako ay natutumbasan ng matamlay na tiwala.

Ang magaang na pagrenda sa mga bagay ay magbubunsod ng mahirap na suliranin.

Sa gayon, laging tinitimbang ng pantas ang mahirap na problema.

Sa wakas, walang trabahong hindi malulutas.

64.

Madaling pairalin ang kapayapaan.

Madaling malunasan ang gulo bago ito lumawig.

Madaling basagin ang malutong; madaling ikalat ang maliit.

Harapin mo’t bunuin ito bago mangyari.

Ayusin ang paligid bago dumagsa ang hilahil.

Ang malaking punong-kahoy na higit sa isang dipa ay sumisibol sa munting usbong;

Ang terasang may siyam na palapag ay nagsisimula sa isang tambak ng lupa.

Ang lakbay na isang libong milya ay nag-uumpisa sa ilalim ng talampakan.

Sinumang kumikilos ay siyang sumusugpo sa kanyang layon;

Sinumang sumusunggab ay natatalo.

Hindi nag-aabala ang pantas, at sa gayo’y hindi natatalo.

Hindi siya sumusunggab at sa gayo’y hindi natatanggalan.

Kadalasa’y nabibigo ang mga taong malapit nang magwagi

Kaya bigyan ng masinop at maingat na pakikitungo ang hulihan gaya ng pagtuon sa unahan.

Sa gayon hindi ka daranas ng kabiguan.

Samakatwid, hangad ng pantas na lumigtas sa pagnanais.

Hindi siya nagtitipon ng mga mamahaling ari-arian.

Ipinag-aaralan niyang huwag magkamal ng mga haka o hinagap na itatago.

Binabalik niya ang kapwa sa bagay na nawala.

Tinutulungan niya ang ilanlibong bagay sa pagsisiyasat sa kanilang tunay na kalikasan.

Ngunit siya’y umiiwas sa kaabalahan.

65.

Sa simula, ang mga taong may kabatiran sa ulirang Tao ay hindi nagpapaliwanag.

Sa halip, hinahayaan nilang makulong ang madla sa dilim.

Bakit napakahirap pamunuan ang mga hangal?

Sapagkat sila ay sagadsarang tuso at mapanlinlang.

Ang mga pinunong sanay sa panlilinlang ang siyang umaalipusta sa bayan.

Iyong namang namumuno ng walang daya ay pinagpalang handog sa buong bayan.

Ang pag-aaral sa dalawang paraang ito ay paghatol sa ating pamamaraan.

Ang pagsipat dito ay pinakatunay na Birtud, malalim at masaklaw.

Inaakay nito ang lahat sa pagbabalik sa Tao, tungo sa dakilang pagpapailalim.

66.

Bakit ang dagat ang hari ng ilandaang sapa sa lambak?

Sapagkat ito ay mahusay dumaloy sa ilalim.

Sa gayon ito'y kumikilos bilang hari ng ilandaang sapa.

Kung papatnubayan ng pantas ang mga mamamayan, dapat paglingkuran sila sa paraang mapagkumbaba.

Kung aakayin sila, dapat siyang pumila sa likod nila.

Dahil dito ang pantas ay nangingibabaw kapag namumuno at hindi nararamdaman ang bigat ng kapangyarihang gumagabay;

Kung siya ay nakatayo, hindi sila nasasaktan.

Itataguyod siya ng lahat at hindi sila mapopoot sa kanya

Sapagkat hindi siya makikipag-away,

Walang sasalungat at makikipagtagisan sa kanya.

Sa kasalukuyang panahon, inaayawan ng madla ang habag, ngunit sinisikap nilang maging matapang;

Tumitigil sa pagtitipid, ngunit nagpupunyaging maging mapagbigay;

Hindi sila naniniwala sa kapakumbabaan, ngunit laging hangad nilang manguna sila.

Tiyak na pagkabulid iyan.

Nagdudulot ng tagumpay sa labanan ang habag at namamayani ito sa pagtatanggol.

Ito ang paraan ng langit upang mailigtas at mapangalagaan ang lahat sa bisa ng pagmamalasakit.

67.

Lahat ng nilikha sa ilalim ng langit ay nagsasabi na ang aking Tao ay pihikan at hindi mapapantayan.

Palibhasa’y  magaling, tila namumukod iyon.

Kung hindi iba, tiyak na nabalewala ito at tuloy nailigpit.

Mayroon akong tatlong hiyas na itinatago at tinatanuran.

Una ang kagandahang-loob; pangalawa ay pagtitipid;

Pangatlo ay kapangahasang hindi umasta bilang pinakapiling nilalang sa ilalim ng langit.

Mula sa pagkamaawain  sumupling ang katapangan, mula sa pagtitipid ang pagkamapagbigay.

Mula sa pagpapakumbaba umuunlad ang pamamahala sa lahat.

68.

Ang mahusay na sundalo ay hindi marahas sa digmaan.

Ang magaling sa labanan ay hindi galit.

Ang mahusay na sumugpo sa katunggali ay hindi gumaganti sa labanan.

Ang sanay sa pangangasiwa ay mapagkumbaba.

Ito’y tinatawag na “Birtud ng hindi pagsusumikap.”

Ito ay kilala sa taguring “kakayahang mangasiwa.”

Simula pa noong sinaunang panahon, ito ang kilala sa taguring “pakikiisa sa katutubong takda ng langit.”

69.

May kasabihang kalat tungkol sa pwersang militar:

Hindi ako dapat mangahas kumilos bilang nag-anyaya; sa halip, nais kung maglaro muna bilang panauhin;

Hindi ko pangangahasang sumugod ng isang dangkal, sa halip nais kong umurong ng isang dipa.”

Ang tawag dito ay pagmartsa sa paraang hindi ipinamamalas ang anumang galaw,

Binabalumbon ang manggas nang hindi inilalabas ang braso,

Binibihag ang kalaban nang hindi sumasalakay,

Sandatahan ngunit walang armas.”

Walang hindi pa masahol na sakuna kaysa sa pagmamaliit sa kakayahan ng kaaway.

Sa paghamak sa kaaway, muntik nang mawala sa akin yaong mga mahalaga sa akin.

Sa pagsagot sa lusob ng kaaway, ang mga hukbo ay magkamukha at magkatimbang.

Ang panig na hapis at namimighati ang siyang magwawagi.

70.

Ang mga salita ko’y madaling maintindihan at madaling mailapat.

Subalit walang sinuman, sa ilalim ng langit, ang nakauunawa dito upang subukan at isapraktika ito.

Ang mga pangungusap ko ay sumusunod sa dalubhasang guro,

Ang mga kilos ko ay ginagabayang mahigpit

Sapagkat hindi nauunawaan ng madla ang mga turo ko, hindi nila kilala ako.

Kaunti lamang ang may kabatiran sa akin; kaunti ang nakikinig.

Sa gayon, suot ng pantas ang maligasgas na sakong damit at kimkim niyang malapit sa puso ang tunay na hiyas.

71.

Batid mo na hindi mo talagang alam—ito ang kahanga-hanga.

Kung hindi mo batid na alam mo nga, ito ay tiyak na pagkukulang.

Walang  pagkukulang na ganito ang pantas.

 Sapagkat tanggap niya na ang kakulangan ay tunay na kakulangan.

Sapagkat tanggap niya ang kanyang mga kakulangan, wala siyang kapintasan.

72.

Kung ang tao’y walang takot sa dahas, tiyak na darating ang malaking kapahamakan.

Huwag ipagpilitang pasukin ang loob ng mga tahanan.

Huwag maliitin ang paraan ng kanilang pamumuhay.

Kung hindi nakikialam ang mga pinuno, hindi sila mapopoot sa kanya.

Sa gayon, talos ng pantas ang sarili kung hindi siya nagpapasikat.

Isinapuso niya ang paggalang-sa-sarili at pag-ayaw sa kahambugan.

Pinabayaan ito at piniling asikasuhin iyon.

73.

Ang matapang at mapusok na nilalang ay nauutas.

Ang matapang at matimping nilalang ay di mapapaslang.

Sa dalawang ito, isa’y nagdudulot ng kapakinabangan, at ang isa naman ay pinsala.

May mga bagay na hindi tinatangkilik ng langit.  Sino ang makahuhulo kung bakit?

Maski ang pantas ay hindi nakatitiyak at hindi makapagpaliwanag.

Bagamat ang Tao ng langit ay hindi sumasali sa paligsahan, madalubhasang nakakamit nito ang tagumpay.

Hindi ito nangungusap ngunit itoy sanay tumugon.

Hindi tumatawag ngunit lahat ay kusang dumudulog.

Sa malas, matiwasay na ito, ngunit maliksi pa rin sa pagtupad sa panukala.

Ang lambat ng langit ay inihahagis sa masaklaw na paraan.

Bagamat maluwag ang mga butas nito, walang nakalulusot.

74.

Kung ang taumbaya’y hindi takot mamatay,

Walang mapapala ang pinuno kung bantaan sila ng kapalarang ito.

Kung nag-iingat ang pinunong sanaying magdanas ng takot ang mga mamamayan,

At kung sikapin kong hulihin at patayin ang mga kriminal,

Sino ang mangangahas sumuway sa batas?

Laging humihirang ng upisyal na taga-bitay.

Kung kukunin mo ang kanyang tungkulin,

Malalagay ka sa sitwasyong ikaw ay karpintero’t taga-putol ng kahoy na taglay ang malalim na karanasan sa mga bagay na ito,

Sinumang nais pumutol ng kahoy bilang dalubhasang karpintero,

Madalang lang na makaiiwas silang masugatan ang mga kamay.

75.

Bakit nagugutom ang taumbayan?

Dahil sa kinakain ng mga pinuno ang kanilang hanap-buhay sa pangangalap ng maraming buwis.

Kaya laganap ang gutom.

Bakit sila naghihimagsik?

Dahil sa labis na nanghihimasok ang pinuno.

Kaya sila’y bumabalikwas at umaalsa.

Bakit hindi lubhang sinasaloob ang kamatayan?

Sapagkat ang mga namumuno’y humihingi nang labis mula sa nagsisikap maghanap-buhay.

Sa gayon hindi dinidibdib ng taumbayan ang pangambang masasawi sila.

Sa mga nilalang na sinasayang ang buhay sa hindi pakikialam, taos-pusong nilalasap nila ang katuturan nito.

76.

Ipinanganak ang isang nilalang na mahina’t malambot.

Sa paglisan, siya’y matigas at magaspang.

Ang damo’t luntiang halaman ay malambot at madaling mabali.

Pagkaraang maghingalo, ito ay lanta at tuyot.

Sa gayon ang matigas at di mababaluktot ay alagad ng kamatayan.

Ang mahina at malambot ay tagapagtaguyod ng buhay.

Dahil dito, bagamat ang hukbo ay malakas at ayaw bumigay, mawawasak ito.

Bagamat matipuno ang punong-kahoy at hindi yumuyuko, madaling mabakli ang mga sanga nito.

Ang matigas at matipuno ay mabubuwal;

Ang malambot at mahina ay makahihigit at mangingibabaw.

77.

Ang Tao ng langit—hindi ba tulad ito ng pagbabaluktot ng busog?

Kung masyadong mataas, ibinababa ito; kung mababa, itinataas.

Kung higit ang kaigtingan, binabawasan.

Kung kulang naman, hinihigpitan.

Ang Tao ng langit ay sumasamsam mula sa pag-aaring nagkakatusak ng mayaman upang ipamahagi iyon sa mga pulubi.

Ang Tao naman ng karaniwang nilalang ay iba.

Kumukuha siya sa mga mamamayang nagdaralita at ipinamamahagi iyon sa mga mariwasa.

Sino ang nilikhang labis ang pag-aari at kusang nagbibiyaya sa buong mundo?

Ang nagtatamasa ng Tao lamang.

Sa gayon, ang pantas ay kumikilos nang lihim, hindi umaasa sa iba;

Naisasagawa niya ang anumang dapat mabuting gawin at hindi tumatawag ng pansin.

Wala siyang hangad magyabang dahil sa taglay na Birtud.

78.

Sa ilalim ng langit walang mas malambot at mapagpaubaya pa kaysa sa tubig.

Ngunit kung nais mong dumaluhoong sa matigas at malakas, wala nang iba pang magaling kaysa sa tubig.

Walang makapapalit dito.

Maigugupo ng mahina ang malakas.

Maibabagsak ng malambot ang matigas.

Batid ito ng lahat sa ilalim ng langit.

Ngunit walang nagsasapraktika nito.

Sa gayon, pahayag ng pantas:

Sinumang umaangkin sa kahihiyan ng taumbayan ay karapat-dapat mamuno sa pamahalaan;

Sinumang dumaramay sa kasawian ng bayan ay karapat-dapat maging hari ng sansinukob.

Malimit dumadaloy ang kabalintunaan sa katotohanan.

79.

Pagkaraan ng mapait na alitan, natitira ang galit o pagdaramdam.

Ano ang maaring gawin, gamit ang Birtud, upang kumalat ang kabaitan?

Sa gayon, ang pantas ay tumutupad sa kalahating bahagi ng usapan.

Ngunit hindi sumisingil sa lahat ng kanyang hati.

Ang nilikhang taglay ang Birtud ay tumutupad sa kanyang pananagutan.

Ngunit ang nilikhang walang Birtud ay humihingi ng buwis.

Ang Tao ng langit ay walang kinikilingan.

Laging kapiling ito ng mga nilalang na matulungin at mapagbigay.

80.

Ang maliit na bayan ay pinaninirahan ng kaunting mamamayan.

Pinangasiwaang mag-imbak ng maraming sandata ngunit hindi ito ginagamit.

Iniingatan na may pagsasaalang-alang sa kamatayan at hindi sila naglalakbay sa malayo.

Kahit makagagamit ng mga bangka at karwahe, walang sumasakay dito.

Kahit mayroong sandata’t baluti, walang nagtatampok dito.

Bumabalik sila sa kinagawiang pagbuhol ng lubid sa halip na sumulat.

Mahusay ang pamamalakad ng gobyerno.

Masarap ang pagkain; maganda at mainam ang damit nila.

Ang kanilang mga tahanan ay tiwasay.

Maligaya sila sa kanilang kinagawiang pamumuhay.

Bagamat tanaw ang mga kapit-bahay at maiging naririnig ng sinumang bumabagtas sa lansangan ang tahulan ng aso’t tilaok ng manok,

Namumuhay sila nang payapa, tumatanda’t tumutugpa nang walang sukat pagkaabalahan.

81.

Hindi magayuma ang wikang makatotohanan.

Hindi makatotohanan ang mabighaning salita.

Hindi nagtatalo ang mga mabuting mamamayan.

Ang mga nangangatwiran ay hindi mabuti.

Ang may angking dunong ay hindi palaaral.

Ang palaaral ay walang kamuwangan.

Ang pantas ay sumasawata sa ugaling pagtinggal ng mga bagay-bagay.

Sapagkat marami siyang nagawa para sa kapakanan ng iba, lalong marami siyang biyaya.

Kapag marami ang ibinibigay niya sa iba, masagana siya.

Ang Tao ng langit ay masigla at masipag, ngunit hindi ito pumipinsala.

Ang Tao ng pantas ay lumilikha at hindi nakikipag-unahan.

###

Comments

Popular posts from this blog

JOSE CORAZON DE JESUS--ANG SINING NI HUSENG BATUTE--E. SAN JUAN, Jr.

INTRODUKSIYON KAY EFREN ABUEG--E. San Juan, Jr.

ANDRES BONIFACIO: Katwiran, Kalayaan, Katubusan--ni E. San Juan, Jr.