BERTOLT BRECHT: Salin at Halaw ng 2 tula





HAMON SA MGA HENERAL NG AFP

(Halaw mula kay Bertolt Brecht)

Heneral, ang inyong mga baril at tangke ay makapangyarihang gamit
Winawasak ang gubat at dinudurog ang isandaang tao
Tinortyur pati mga mediko at narses sa Morong, Rizal,kamakailan….
Ngunit ang mga ito’y may kakunlangan:
Kailangan nito ang mga taong gumagamit at nagpapaandar nito….

Heneral, ang inyong eruplanong pamboba, pati mga drones ng Amerika, ay nakapangingilabot….
Lumilipad ng mas matulin sa bagyo at nailululan ang bombang mahigit pa sa bigat ng elepante,
Ngunit ito’y may isang kahinaan:
Kailangan nito ang mekaniko.

Heneral at mga upisyal ng pulis, bale wala ang tao.
Makalilipad siya at makapapatay.
Ngunit may isa siyang depekto:
Maaari siyang mag-isip.




PAPURI SA DIYALEKTIKA


ni Bertolt Brecht





Sa kasalukuyan, mapagmalaking nagpaparada ang Inhustisya.

Ipinaghahandaan nila ang ilanlibong taon ng kanilang pang-aapi.


Dahas ay naggigiit: Kung anong lagay ngayon, mananatili 'yan.
Walang tinig ang nangingibabaw kundi ang sa mga namumuno
At sa mga palengke nagpoproklama ang Pang-aalipin:
"Nagsisimula pa lang ako ngayon."

Habang sa mga inaalipin, maraming nagsasabing:
Ang ninanais natin kailanma'y di maaari.

Habang ikaw ay buhay, huwag kailanman magwikang "Hindi maaari."
Ang bagay na mukhang tiyak na ay hindi pa tiyak.
At hindi mamamalaging ganyan ang situwasyon.

Kapag natapos mag-utos ang mga naghaharing-uri
Ang pinaghaharian nila ang siya namang sasagot.
Sinong mangangahas sumagot: "Kailanma'y hindi maaari" ?
Sinong dapat sisihin kapag umiiral ang pang-aapi? Tayo.
Sinong mananagot sa pagwasak nito? Tayo rin.

Yaong nalugami sa pagkaduhagi, bumangon at tumindig.

Sinumang natalo, lumaban muli!
Ang nagkamalay na sa kanyang situwasyon, sinong makapipigil
sa kanila?

Ang mga biktima ng kasalukuyan ay siyang magtatagumpay
sa kinabukasan

At ang "kailanma'y hindi" ay mababago sa "Oo, ngayon din!"





[Isinapilipino ni E. San Juan, Jr.]

Comments

Popular posts from this blog

JOSE CORAZON DE JESUS--ANG SINING NI HUSENG BATUTE--E. SAN JUAN, Jr.

INTRODUKSIYON KAY EFREN ABUEG--E. San Juan, Jr.

ANDRES BONIFACIO: Katwiran, Kalayaan, Katubusan--ni E. San Juan, Jr.