HARAYA MANDARAYA MAPAGPARAYA




HARAYA MANDARAYA MAPAGPARAYA



Bagamat nahihimbing ka sa kabilang silid (baka nagtutulug-tulugan lamang?)
nagitla sa bira’t bigwas mula sa kung anong nabistay
sa kamalayang naidlip habang napamalik-mata sa TV
batbat ng balita tungkol sa giyera sa Iraq at Afghanistan
hulagway na sinala ng budhi (masalimuot pa sa tunay na karanasan)
hinalughog mula sa hukay ng utak hitik sa panaginip—
Doon ba ibinurol ang mapait na alaala
Bakit susunod sa teorya nina Freud at Lacan?

Samantalang sa tuhod nagsalabid ang gayuma ng salamisim hinugot
sa nabuking istratehiya ng sining-para-sa sining (palpak na hinuha)
Akala mo ba’y tiwalag ka sa kilabot ng mga pangyayari

Pinugutan ng ulo si Zoilo Francisco, taga-Gamay, Samar—
huwag kang magtiwala sa guhit hanggang wala ka sa langit

Anong hayup anong ahas ang gumapang mula sa puntod ng mithing nawaldas
bumibigkis sa leeg, sa balakang (nakadipa ka sa kabilang silid walang muwang)
napagulantang nang lumingon at pumihit, sumisilip ang ngiti—

Nalugmok sa kabulaanan—walang haplos o lambing ang imahen sa TV—
putok gulpi’t palo dagok sindak ng pagkilala
(Inaantabayanan ang kidlat mula sa bughaw na alapaap)

Anong hiwagang binudburan ng asin, limahid na libog ng bugaw na mangungulimbat
ang dapat matarok habang gumagala ang iyong ulirat sa pagkaidlip --

Naghihintay ka ba ng pagbabago? (marahan kang bumaba sa hagdan, walang paalam)
Bilanggong pinaso ang suso ginahasa Kinoryente ang bayag pinagbubugbog
Nagimbal. Labis na kabuktutan. Umilag sa tilamsik ng aninong lumisan.

Hagkan mo akong mahigpit, ulilang Anghel, yapusin ang hubad na gabing buto’t balat—
Papanaw ng walang ungol o gibik (sino ka, banyaga)

Talang pumaimbulog bituwing nalaglag nahulog mula sa arko ng iyong pilik-mata
Lilisan ng walang saklolo (sino ka, dayuhan)

Yapusin mo ang kaluluwang umusbong sa langib ng sugat
at sunggaban ang guniguning suwail (sino ka, kapiling)
duguan, lumuluhod sa naghihingalong katawan ng pagsasarili

--ni E. SAN JUAN, Jr..

Comments

Popular posts from this blog

JOSE CORAZON DE JESUS--ANG SINING NI HUSENG BATUTE--E. SAN JUAN, Jr.

INTRODUKSIYON KAY EFREN ABUEG--E. San Juan, Jr.

ANDRES BONIFACIO: Katwiran, Kalayaan, Katubusan--ni E. San Juan, Jr.