SAPAGKAT INIIBIG KITA at iba pang tula



SAPAGKAT INIIBIG KITA


at iba pang bagong tula



ni E. San Juan, Jr.
































NILALAMAN


Pagkilala


Kalatas Mula sa Anghel ng Anunsiyasyon
Pamana ni Ka Amado V. Hernandez
Kudeta at Iba Pang Kuskos-Balungos
Agham ng Hiwaga sa Kalikasan
Itaga sa Bato
Elehiya sa Leuven, Belhika
Balikatan, Ngipin sa Ngipin
Pamana ni Ka Angel Baking
Montage: Tatlong Snapshot ng Baguio City
Biro ng Kalachuchi, Ayos Lang
Pamana ni Guillermo Capadocia
Oryentasyon sa Pagsusuri ng Isang Masaker
Pamana ni Mariano Balgos
Siyam na Awit ng Pag-ibig at Isang Interbensiyong Dalit ng Panibugho
Pagkatapos ng Pagdiriwang, Pebrero 1986
Mayroong Pag-asa Kung May Gunita
Pamana ni Felixberto Olalia, Sr.
Mula sa Kabul Hanggang Sa Kandahar
Diwata
Isang Munting Parangal
Pamana ni Crisanto Evangelista
Litanya Para sa Kapayapaan sa Gitna ng Karahasan
Sapagkat Iniibig Kita
Pamana ni Felipa Culala, alyas Kumander Dayang-dayang
Bayani ng Anakpawis
Liham kina Angel Baking at Sammy Rodriguez
Kung Saan May Panganib, Naroon ang Katubusan
Tenk Yu Beri Mats
Memorabilia
Hinggil sa Tortyur ng mga Bilanggo sa Abu Ghraib
Nagsangang Batis sa Pugad ng Iyong Pilik-mata
Kung Ano ang Isinisiwalat ng Salawikain
Labintatlong Pagsubok sa Pagtuklas ng Anino ng Kagandahan
Kung Sakaling Hindi Na Tayo Magkita Muli

MGA SALIN & HALAW mula sa Literaturang Pandaigdig

Bertolt Brecht / Walong Tula
Theophile Gautier / Ang Sining
Ernesto Che Guevara / Awit Kay Fidel
Ernest Hemingway / Tatlong Tula
Nazim Hikmet / Iniligtas din Ako ng Pulahang Hukbo ng Tsina
Friedrich Holderlin / Sa Mga Maninipil na Tadhana
Horace / Kay Pyrrha
Lu Hsun / Handog Sa Isang Nalimot na Gunita
Langston Hughes / Balada Tungkol Kay Vladimir Lenin
Mao Tsetung / Tatlong Tula
Vladimir Mayakovsky / Lenin
May-Akdang Anonima / Ang Manlalayag
May-Akdang Anonima / Ang Panaginip ng Krus
Hugh MacDiarmid / Dalawang Tula
Thomas McGrath / Awit sa Bukang-Liwayway
Eugene Pottier / Ang Internasyonal
Ezra Pound / Dalawang Tula
Cesar Vallejo / Ang Masa
Ilang Tula Mula sa Digmaang Sambayanan sa Biyetnam




PAGKILALA



Karamihan sa mga tulang naisama sa kalipunang ito, bukod sa mga pagsasalin at halaw, ay naisulat sa loob ng nakaraang dekada. Hiwalay ito sa koleksiyon kong Alay sa Paglikha ng Bukang-Liwayway (Ateneo de Manila University Press, 2000). Ilan dito ay nailathala sa mga iba’t ibang pahayagan at magasin: Braso, Panay News, Philippine Collegian, Ani, Sunday Inquirer Magazine, Banaag Diwa, Ideya, The Varsitarian, MidWeek, Sidhaya, La Consolacion College Literary Magazine (Bacolod), The Visayas Examiner at Kritika Kultura. Tiyak na may ilang nakaligtaan, kaya paumanhin at ihahabol ang pagwawasto sa susunod na pagkakataon.

Pasasalamat sa mga patnugutan ng mga nabanggit na publikasyon, sampu ng mga kaibigang tumulong sa komunikasyon, kabilang na sina Julia Carreon Lagoc, Ave Perez Jacob, Marra Lanot, Pete Lacaba, Clodualdo Del Mundo, Jr., Hermie Beltran, Bienvenido Lumbera, Manuel Radislao, Cynthia Rivera, Monico Atienza, Ian Casocot, at Roger Mangahas.

Mula noong dekada 60, nang ako’y kalahok sa patnugutan ng Panitikan, rebyu ni Alejandro Abadilla at katulong ni Amado V. Hernandez sa kanyang mga proyekto, hanggang sa pagwawakas ng siglo 20, apat na libro ng mga tula ang napagsikapang mabuo: Maliwalu (1969), 1 Mayo 1971 at iba pang tula (1972), Pagbabalikwas (1980) at Kung Ikaw Ay Inaapi, Bakit Hindi Ka Magbalikwas (1984). Iba’t ibang masalimuot na inobasyon at eksperimentasyon ang nailunsad doon bagamat lingid sa madla. Sapagkat lubhang mahirap hagilapin ang mga limitadong edisyong iyon, pinili ang ilang tula upang maipaloob sa Alay sa Paglikha ng Bukang-Liwayway. Sangguniin na lamang ang mga aklatan kung nais magsaliksik at matarok ang tunay na pagsulong ng panitikang progresibo’t mapagpalaya.

Sa di-matatawarang tulong sa loob ng apat na dekada ng pagsusulat, taos-pusong pasasalamat ang ipinaabot ko sa mga kaibigan at kapanalig bukod sa nabanggit na: Delia D. Aguilar, Lulu Torres, Esther Pacheco, Karina Bolasco, Joseph Lim, Fe Mangahas, Roger Ordonez, Delfin Tolentino Jr., Roland Simbulan, Nicanor Tiongson, Soledad Reyes, Shayne Lumbera, Ricky Lee, Gloria Rodriguez, Ben Medina Jr., Mariel Francisco, Tomas Talledo, Danilo Arao, Sara Raymundo, Isagani Cruz, Nonilon Queano, Roland Tolentino, Elmer Ordonez, Sylvia Mendez-Ventura, Renato Asa, Charlie Veric, Dina Po, Benilda Santos at Ramon Castaneda.

Sa paglalathala ng aklat na ito, nagpapasalamat ako kina Director Christina Pantoja-Hidalgo, Gerry Los Banos, Deputy Director, at iba pang kawani sa U.P. Press sa kanilang tulong at pagtangkilik. Nawa’y dumami (wika nga) ang inyong tribu!


--E. SAN JUAN, Jr.






KALATAS MULA SA ANGHEL NG ANUNSIYASYON




...huwag nang banggitin pa ang pinakamasahol na droga—ang ating sarili—na ating sinususo kapag tayo’y nag-iisa.

----WALTER BENJAMIN



…walang anu-ano'y nasaling ng kung anong bagwis anong pakpak
napagulantang nagtaka't namangha
kapagkuwa'y nakuhang tumabi sa matimtimang kaulayaw at bumulong….

Mahal, hindi ko malaman kung naibahagi ko na sa iyo ito:
Nais kong malaman mong iniibig kita--
Nais kong mabatid mong minamahal kita--
Alam mo na ba ito? batid mo na ba ito?
Naulinigan mo ba ang sinabi ko? Nasagap mo ba ang pagtatapat ko?
Naunawaan mo ba ang mensahe ng pagsuyong ito?
Naintindihan mo ba ang kahulugan ng mga salita ko?
Natalos mo ba o di-natulusan ang patalastas na ito?
Wala kang kibo kaya di ko mawari kung nagagap ang isinaad ng wika--
Hindi ko mawatasan kung nagpugad sa dibdib ang naisiwalat--
Wala kang imik kaya di ko matanto kung natatap mo ang naipahiwatig--
Aywan ko kung natarok mo ang kahulugan ng mga pangungusap--
Aywan ko kung nasakyan mo ang katuturan ng habiling ito--
Aywan ko kung nagkahulihan tayo at napunan ang pagkukulang--
Naramdaman mo bang lumapit at pumasok ang dila ko sa tainga mo?

Di ko alam ngunit nais kong ipaalam sa iyo bago magpaalam, Mahal—
Sa salamin napansin kong may ngiti kang mahiwaga’t mataimtim
(…pumapagaspas na't handang lumipad pumaimbulog…)
Nahigingan kong
Kahit gaano kagaang itong tadhana, anong bigat naman ang nagpupumiglas
Sa iyong sinapupunan… Mahal, magpaunlak ka na upang ang kabiyak
Ay di maghinala sa pagtatalik na siya lamang makapagliligtas….





PAMANA NI KA AMADO V. HERNANDEZ






Sapagkat sa masang anakpawis natuklasan ang langit sa pusali’t

bahag-haring apoy sa karimlan




































KUDETA AT IBA PANG KUSKOS-BALUNGOS





Nanggigigil bagong salta
naputol tuloy ang ating pagtatalik—Putris!

Sa pugad ng libog bumabalong, isang resureksiyon?

gunita ng ating pagtitipan

(halikan habang nauupos ang Casablanca sa dilim ng sinehan)

Manikluhod, naglalaway pa (kumpisal ng musmos, istigmata sa pusod) muntik nang

magpatiwakal sa tukso ng

“Praise the Lord!”
Magbagong buhay ka!

Natatandaan mo ba, bagong tuli ang baguntao (petsa: 10 Pebrero 1987) sa Namulandayan,
Nueva Ecija—sinong lumapastangan?

Ay, Ate Kory, Birhen ng Kudeta, pasingitin mo kami

sa pagitan ng mga kabayo sa kuwadra ng Hacienda Luisita.


Bagong salta, umaatikabong pigi’t balakang—Buwisit!


Palabiro ka naman, Inday. Sinilip ko ang ngiti mo sa kadiliman, susong nahubdan
sa apoy ng Maliwalu....

Ginahasa’t niluray ng mga sundalo sa Escalante, Mendiola, Mindoro....

Nangungurakot daw sa gloryeta ang mga kukong bakal ng Magdalo
pagkatapos sugpuin ang

Magdiwang

(di ba pelikula ito ng Hollywood, Inday, lumang tugtugin, natatandaan mo?)




Gunita, ibulong mo ang iyong nasaksihan.

Alaala, isigaw mo ang sinong dapat

managot sa krimen.


Aawit ba tayo sa pugad ng nagluksang ulayaw, umaasang huhugutin
sa pawisang katawan
ang pulot ng kasabikang nag-blackout sa anino ng Casablanca?

(‘day, ayon kay Ka Roger: “Nananaginip nang gising ang AFP....”

Adiyos, Erap--
Sayonara, Ate Cory—

Alis diyan, labandera ng imperyalismong Kano)


Oo nga, tila kuskos-balungkos lamang ito, gloryang nagparaos sa kubeta—Paalam na....

bangungot ng guni-guni

bago umabot sa kasukdulang pinakahihintay—

nanggigil sa yapos ng gutom bago kumapit sa patalim—

Oo, bago dumating

ang lagablag ng umaaktikabong bagwis


ng Bagong Hukbong Bayan.











AGHAM NG HIWAGA SA KALIKASAN



Di kaginsa-ginsa’y pumatlang si Benjaline Hernandez—

“Yaong pinakamalambot

ang siyang tumatagos at dumudurog

sa pinakamatigas”

dugtong ni Romeo Malabanan—
“Ang kawalan ay magkakaroon”

at sali naman ni Eddie Gumanoy—

“Mabilis na lumalagos
sa pinakamasiksik
ang hipong mahinhin”
at singit ni Eden Marcellana—
“Walang laman,
pumapasok ito sa walang puwang
nang di natin alam
binibiyak ang bato
ng masuyong haplos ng tubig”
at sabayang pahatid—
“Ang pinakamatimpi at pinakamalambing

ang bubuwag sa kuta ng makapangyarihan
tulad ng hanging lumulusot
sa pader at bakod,
lumalagos hanggang sa kabilang ibayo

ang unti-unting pumapatak na tubig….

ayaw mo man tanggapin
kaakit-akit ang iyong pag-ayaw

aming lubusang yayakapin….”






ITAGA SA BATO

Naghiwalay tayo noong Disyembre 1991 sa kanto ng Blumentritt at Avenida
Rizal.
Ka Felix Razon, natatandaan mo ba?

Bungkalin mo ang kalansay sa apog at lumot ng gunita
upang masapol ang katotohanang taliwas sa kabuktutang naghahari.
Inilantad mo ang kabulukan at pagtataksil ng gobyerno't militar
sampu ng pagpuputa ng mga premyadong artista't intelektuwal
kaya hindi nakapagtataka, hinuli ka't ikinulong, binugbog, ginutum
sa bartolina, kinoryente ang bayag, parusang maka-abo't-dili--
Diyos ng awa, sinong makapagbubulag-bulagan sa krimeng nangyayari
araw-araw sa bilanggong pulitikal? Sinong testigo ang magpapatunay?--
dahil (bintang nila) ikaw raw ay komunista.
Umaambong takip-silim
nang tayo'y maghiwalay, patungo ka na sa asilo ng Utrecht, Holland….
Samantala sa Isabela at Davao, timog at hilaga ng kapuluan, patuloy
ang paghihimagsik ng masa, ang "di-kagila-gilalas na pakikipagsapalaran"
ng karaniwang mamayan, katuwang ang mga kapatid sa Bagong Hukbong Bayan….
Ilang taon na ang nakapamagitan sa atin….
Makulit ka pa rin, sinusurot ang lahat ng kasuklam-suklam na kamyerdahan
Ngunit kaagapay ng iyong paglipat, napansin ko sa mga sulat mo
may bahid ng pagkainis, pagkasuya, pagtatampo, hinakdal--totoo ba ito?
sapagkat (wika mo) nakalimutan na ang sakripisyong naihandog mo sa bayan….

Yumao ka na, Ka Felix, naglagalag sa gubat ng mga lungsod, kaulayaw ang
mga ulilang lansangan at malungkot na katedral at palasyo sa Europa, habang
sa Nepal, Colombia, Mexico, Peru at iba pang bansa unti-unting sinasakop
ng mga komunista--mabalasik at matalisik--ang mga kuta ng imperyalismo
kaya kahit na walang makaalala sa iyong paglilingkod sa kilusan, di kailangan,
ipagbubunyi ang iyong katapangan at katapatan, kahit bawal ito at mapanganib….

Ka Felix Razon, saan ka man naroroon, dinggin mo ang pahimakas kong ito:
Alimuom at trapik ng nagsalikop na kalsada sa Blumentritt at Dimasalang
ang sumaksi sa ating huling pagniniig, at itong katagang hinugot sa alabok
ang magsisilbing memoryal sa iyong puntod o saan mang larangan ng pakikibaka,
nawa'y maging mabalasik at matalisik ang talinghagang naikintal ko rito--
pintig at pitlag ng panambitan,
nagpupuyos sa angil ng tagulaylay.






ELEHIYA SA LEUVEN, BELHIKA: 1 MAYO 2003


Iiwan mo lahat ng iyong minamahal; ito ang palaso na unang ipinawawalan ng busog ng pagkatapon….
--Dante Alighieri



Huli na raw ang lahat. Huli na, umalis na ang tren lulan ang gunita't pangarap.
Huli na, lumipas na ang kamusmusan ng balikbayang naglagalag.

Huli na, naiwan na tayo ng eruplanong patungong Tokyo at Los Angeles.
Huli na, nakaraan na ang oras ng kagampan at pagsisiyam.

Tumulak na, malayo na ang bapor patungong Hong Kong at Singapore.
Nagbabakasakaling aabot pa ang kable--Sayang, di biro, nakapanghihinayang.

Huli ka na sa pangakong pinutakti ng agam-agam at pag-uulik-ulik….
Huli na, nahulog na ang araw. Itikom ang labi, itiim ang bagang….

Kahuluga'y naanod-lumubog sa dagat Sargasso ng pagpapakumbaba't pagtitiis--
Pahabol ay di na magbubuhol--Tapos na ang pagsisisi't pagpapatawad….

Walang taga-ligtas ang lalapag sa tarmak mula sa lobo ng iyong pangarap.
Huli na nga, nakaraos na ang kasukdulan, di na maisasauli ang naibigay.

Sinong manlalakbay ang magkakaila upang mahuli ang katotohanan?
Mailap pa sa mabangis na hayop na nasukol, bumabalandra sa rehas---

Mailap pa sa hibong nagpupumiglas--Saan ka nanggaling? Saan pupunta?
Paos, hapo, dayukdok, gasgas ang siko't tuhod, gumagapang mula sa guwang--

Maghulihan tayo ng loob, Estranghera, hinihintay ang ligayang walang kahulilip.












BALIKATAN, NGIPIN SA NGIPIN



Yapos ang magkabilang dulo ng kontradiksyon

anong panganib ang dapat ipangamba?
Nakaririmarim

Katawan ay nagapos ng pananabik
humihingal sa pagsubaybay habang naglalagalag ang iyong kaluluwa

Ngunit anong kilabot ang gumagapang sa pagitan ng iyong mga hita?

Armada ng imperyalistang galamay ang unti-unting umaakyat

bumulabog sa hiwagang

nagtatalik sa bunganga ng dalampasigan

Ay, taghoy ng sanggol? Hindi, hindi Mahal--
GAYUNPAMAN
sa bakas ng mga yapak mo bumabangon ang panaginip

Nakataya ang buhay natin sa bitag ng pagkikipagsapalarang

isinugal sa laro ng pag-asa
walang huling pahimakas ang maipapalimos

Nanuot sa buto ang alaala ng kasaysayang nagpatiwakal

Lumbay ng kaluluwang nilapastangan


Nagbibiro ang tadhana nang humulas sa matris ng budhi ang pagpapasiyang

maghimagsik
ngunit sa lumot ng pagkabalisa nasagip

Balikatin ang hirap at hinagpis
naghalong pait at tamis

GAYUNPAMAN

Sa gulo ng daigdig tumatatag ang paninindigan, bagamat

nagkawarak-warak

Sa gabi ng ating pagtitipan

bumabayo ang ultimatum ng tunggalian ng uri

sa hayok na damdaming naligaw sa nagkrus-na-landas

Iaalay sa iyo ang agimat ng Pulang Mandirigma

Sa wakas

bagamat ubod pait na pawis dugo sa labi mo

ang dadaloy mula sa dahas ng pinagbuklod na mga katawan

GAYUNPAMAN

Lumubog-lumutang ang biyaya ng kalikasan sa iyong halik

Tumitikom ang talulot ng dalamhati sa naghilom na sugat

ng ating pagtatalik

Oo, Mahal, subalit---



















PAMANA NI KA ANGEL BAKING






Habang hinuhukay sa puntod ng bulok na lipunan ang arkeolohiya

ng katarungan bumabangon ang ngiti




































MONTAGE: TATLONG SNAPSHOT NG BAGUIO CITY



I.

Umuulan noon lumulundong ungol ng tulirong panahon
sa lungsod ng Baguio isang hapon ng Agosto 1986…

Nanuot sa buto ang walang hunos-diling lamig
tumalab sa bawat nagsalabid na himaymay, lumalagos….
Nirambolan ako ng ligalig, Sinta,
ngunit ugong lang ng humihingal na yapos
usok lang ng naupos na halik
sapagkat wala ka sa piling ko…

Ulang umigting ulang tumimo sa butong binabalot ng kutob
ulang umaasar sa kirot at hiwa ng pagsisisi….
Hikbing nagpagibik--nasaan ako?

Pumapayagpag hanggang napalaot
sa bulubunduking tahanan ng mga anito
sumusuray-suray, lulan ang inimbak na gunita--
kanino ilalaan?

Naligaw sa nagkabuhol-buhol na lansangan ng kabihasnang plastik,
dating teritoryo ng mga Igorot
na sinakop ng imperyalismong mabagsik,
doon hinagilap kita, Paraluman ng manlalayag,
sa gubat ng ulan na unti-unting tumalunton ng landas…

Sandaling nakalimot sa sarili, natulak-nakabig ako
sa isang maulap na tuktok, kung saan
biglang natambad ang tagibang tore ng katedral….

Nakakatulalang bangungot? Diyata?! Sige, kurutin mo ang pisngi ko, Sinta,
upang bumalik sa kadluan
ng hilakbot at rahuyong pinagmulan.



II.

Umuulan noon walang awang bagsak ng bumubugsong tubig
sa lungsod ng Baguio isang hapon ng Agosto 1986….

Pinakawalan ng mapagbirong kalikasan
ang rumagasang buhos, barumbadong saliw ng hanging nagngingitngit--

Kinakaligkig na balahibo ng kaluluwa ang umungol, naghanap sa iyo,
Mahal….
Ulang gumiyagis sa taong naligaw
sa nagluksang lansangang inaspalto ng pighati't
inambus na panaginip….

Sa gilid ng iyong natikom na labi namilaylay ang ilanlibong dalamhati
na humati sa 'ting dalawa
lubog sa lagim ng walang pananagutan….
Umuukilkil sa ulirat hanggang ngayon
ang natagpuang biktimang nakalupasay sa Session Road,
katawang isinuka ng duguang matris
ng lipunang haliparot….

Sige, ulang masungit, ulang nanunukso ng patawad
hinuhugasan ang isinumpang luad
na bumaklas sa maluhong hibo ng uri ng petiburgis
upang ipaghiganti si Macliing Dulag…

Pinaliguan ang katawan ko ng ulang mabagsik, Mahal,
habang tinatalunton ang liku-likong landas sa bundok Mirador,
pilit na nilulunok ang pait ng pagtitiis at asim ng pagkabigo,
upang doon salubungin ang timbulan ng ating pag-asa--

Ay naku, makatang sampay-bakod, konting timpi…
Isingkaw sa sikmurang hungkag
ang pagbubulay-bulay ng budhing nabuwal sa putikang pusali,
nangangalap ng mumo
sa pinagmulan….




III.

Umuulan noon…ulang nagkulapol ng ulap at bulang pumulandit
sa lungsod ng Baguio
isang hapon ng Agostong kay panglaw….
Ginimbal ng walang-hiyang kulog ang panaginip ng mga Igorot
at pulot-gata ng mga nagkalimatikang bagong-kasal--
binulabog ng kidlat
ang kapayapaang tumining sandali, nagluwal ng duwende at paru-paro,
pagkabuwal ng diktaduryang Marcos-E.U….

Alimpuyo ng buntong-hininga sa panahong sakmal ng pangamba, makulimlim,
saplot ng agiw at anino
ang guniguning nakalimutang humalakhak….

Wala ka sa piling ko, Sinta, kaya naligaw sa pagsugod sa maburak na tanawin
habang binabayo ng ulan
ang katawang dati'y hinimas mo't hinaplos….
Inaalimpungatan ba ako?
Saang bubong makikisilong ang ulilang nilalang? Sino ang
mapapagkatiwalaan
sa sangandaang napasukan?

Nakadipang kaluluwang dinapuan ng takot, Mahal, sa liblib na sulok ng
Burnham Park nasumpungan kita,
diwatang walang pangalan,
nilambungan ng ulang humahaplit
Paralumang naghuhudyat ng direksiyon,
wala akong kamanyang maisusuob sa iyong altar
kundi pangakong matutuklasan ang kahulugan at katuturan ng aking buhay
sa bitak ng iyong talampakan--
ang landas patungo sa hamog at halimuyak, sa silahis
at luwalhati ng pagbabagong-buhay
doon sa mga gulod ng pinong pinapatnubayan ng mga anito,
kung saan masisilip sa pagitan ng ulan at ulap
ang ngiti ng mga Igorotang tumatawid sa tarundon ng terasa
malayo sa lungsod ng Baguio,
kasiping ng mga bituin.

















BIRO NG KALACHUCHI, AYOS LANG

Inaruga sa kalingkingan ang butong ipinunla sa gubat
Mapanglaw
dahil baga'y nagsauling

At sa hipo ng kamay mo'y gumigising muli
anong mga halimaw ng kasaysayang nagisnan?

Uusbong sa palad ang sakripisyo ng mga di-bagong bayani....
"Pitasin na kahit hindi pa hinog"

Bagamat walang makapipigil sa pagdapithapon, ayos lang

Sa SuperMall alembong ang mga alipuris ng rehimeng Estrada
ayos lang hanggang may remittances
ang ilang milyong OCW

Samantalang pumapaligid ang mga pulang mandirigma
sa gilid ng mga lungsod
sa madaling-araw--

Huhugutin ko sa istratum ng pusod mo
ang artipak ng kalachuchi....

Aling daliri pa ang magtuturo sa istratehiya ng himagsikan?

Kahit ibitin mo ang ilang litanya ng bawang
walang birong magmumulto si Frank Fernandez at barkada
sinuga sa hinlalaki't
inaruga sa kamao

Abo't uling sa takip-silim
sa bungtonghinininga mo'y nagsabagwis ng apoy

Samantala, lasa ko pa rin
habang nakaistambay sa SuperMall

ang katas ng bubot na duhat sa labi mo.









PAMANA NI GUILLERMO CAPADOCIA



Subalit walang anghel ang magliligtas sa atin kundi mga brasong

pinagbuklod





































ORYENTASYON SA PAGSUSURI NG ISANG MASAKER

Di natin inakala
sa anumang sandali'y biglang lundag--

O hintay ka, hinarang ng militar sina Ka Paking & Ka JR
(Ika 2 Agosto 1999
sa Mawab, Compostela, Mindanao)
Ay, sa hapag ng mahirap, parusa'y dulog ni Erap--
'sang iglap lang
napinid ang pinto, wala man lamang huling paalam….

Sa bukana ng lagusan nag-abang ang madlang nakiramay, sila'y
kusang humawi ng landas
sa burol nina Godofredo Guimbaolibot at Rolando Juhabib
(Ika 2 Agosto 1999
sa Mawab, Compostela, Mindanao)
Sa pangungulila ng mga mahihirap
mailap ang bagwis ng pangamba
sinaplutan ng kilabot
-- di akalaing lulundag ang tagapagligtas
kapag may panganib--
kaya mag-abang--kaunting pasensiya lamang, 'pare--
sa harap ng tarangkahan
sa puwang ng may tanikalang pinto
nariyang marahang bumabati ang Tagatubos--

Panukala sa istratehiya: kolektibong pagsisikap lamang ang susi sa mga kontradiksiyon--kapagkuwa'y sunggaban ang pagkakataon

Huwag maghintay, Ka Paking, Ka JR--
Kapag inantabayanan ang panganib sa kabila ng pangamba
(Ika-2 Agosto 1999 nang inambus kayo sa Mawab, Compostela--
may oras din naman si Erap & mga kasabwat
na dumulog sa hapag ng diktador)--
sa 'sang iglap
lalapag
sa Compostela Cebu Maynila Vigan & sa dating Subic-Clark Field
saan mang sulok ng Pilipinas
kung saan may taumbayang nakikiramay at nag-iisip
lalapag
kahit walang tarmac ang paliparan at walang birhen ng EDSA
lalapag
ang mga armadong anghel
ng Katarungan.



PAMANA NI MARIANO BALGOS




Sa praktika ng himagsikan malulutas ang likaw ng bituka at pati himala








































SIYAM NA AWIT NG PAGMAMAHAL


AT ISANG INTERBENSIYONG DALIT NG PANIBUGHO






1.


Kabaliwang sugal ng istambay basagulerong lasing lito alangan
Bulakbol na kontra-bidang napasubo sa ilalim ng balag ng alanganin
Anumang tangka sa paghabi ng tula ay pakikipagsapalaran

Ipukol ang dais walang katiyakan magkrus sa tumilampong bola
Walang makahuhula kung saan ka maitutulak o maihuhulog nitong sayaw
Kapag nabighani sa paralumang hindi ubas kundi tinik ang hain

Walang gantimpala o ginhawang mapapala sa panganib ng paglikha
Di sinasadyang daplis ng dila todas ka di na mababawi ang nabitiwang salita
Sa pagbabakasakaling masilo maikintal sa titik ang mailap na dalumat

Sa talisman ng iyong pilik-mata nanduduro ang maharot na paghimok
Bawat kilos ng bibig ay masidhing udyok bilanggong nagpupumiglas
Nasupalpal bawat pakana patibong atras-sulong ng diwang malibog

Pusta mo’y waldas abuloy na lang sa Abu Sayyaf Suriin bago tumaya
Subalit ang pagsunod sa nasa’y di naghahangad ng tuwa o sarap
Lubog sa luha’t pawis ng guni-guning naduhagi sa gayuma ng wika


2.


Oo Mahal ang problema’y nasaan ang nasang mapusok mapangamkam
Pumili sa pagsamba sa mutya o komitment sa panata ng pulang mandirigma
Sino ang masusunod aling adhika ang makatutugon sa pithaya ng dibdib

Walang susog o gabay mula kina Rosa Luxemburg at Alexandra Kollontai
Kahit sikolohiyang Pilipino ay dahop sa kalinangan ng libog at ligaw
Nangangapa pa sa gabi ng pag-aalinlangan kung anong pakay ng budhi

Anong layuning sumasakay sa katawan ng hayup na marunong mangarap
Hayup na lutang sa panaginip ng paraisong sagana sa pagkain at halakhak
Hampas-lupang nilalang ng May-kapal upang subukin at parusahan

Hindi ka ba naman hihiyaw ng Hindi Huwag Hindi Ayokong magtiis
Gusto mo man o hindi dapat magpasiya kundi walang katuturan ang panitik
Nais mo bang malambing ang indayog ng taludtod nakakakiliti sa ari

Bakit dapat ipaghiwalay ang dalawang lunggating sadyang magkaugnay
Tulad ng magkabiyak na karanasan ng pagtatalik at paglagot ng hininga
Magunaw man ang mundo napukaw sa pantasiya ng pag-iisa ng dalawa


3.


Iisa lamang ang tunguhan taluntunin ang daang baku-bako zigzag
Baybayin ang pariralang baluktot burarang saknong at taludtod
Binigkas na pangako’y tutuparin bagamat naligaw sa gubat ng kaakuhan

Kung saan nag-aabang ang malupit na kaulayaw O mutya ng kabalintunaan
Wala sa pagbubulay-bulay masisinop ang taktika’t istratehiya ng rebolusyon
Wala sa paghimay-himay ng tayutay ang susi sa suliranin ng praktika

Ipukol muli ang dais baka paratangan mo akong mambobola lamang
Bantaan na huwag isuko ang pagnanasang maabot ang kalis ng tagumpay
Huwag lumuhod sa kuhilang asal lango’t babad sa imperyalistang putahan

Huwag tumiwalag sa pagsisikap matamo ang himala ng iyong pag-aalay
Nais mo mang tumahimik at magpasasa sa luho ng petiburgesyang buhay
Di ka pahihintulutan ng kalaguyong nagtatanggol lumalaban

Mariing sampal ang babati sakaling tumalikod sa hamong sunggaban
Ang pagkakataong mahuli’t makulong sa bisig ang pinakaasam-asam
Sakim sa halik ganid gahamang Eros mapag-imbot sa sigasig ng paglipad


4.


Bakit sa muling pagkikita natin Mahal umiilag ka Kurot mo’y mailap
Hayun lumuluksong bagwis sa himapapawid naglundagang palikpik sa agos
Namamaalam na ang pilantik ng mata wala pa rin akong kaalam-alam

Kulang sa pagmaniobra ng diyalektika sanay sa pagbibilang ng bituin
Nahan ka Huseng Batute Babala sa makata ng pinipintuhong lakambini
Saklolohan ninyo ang napariwara sa sugal ng pagbabagu-bago ng titik-tugma

Sa panahon ng krisis kung saan manhid ang konsiyensiya di tinatablan
Anumang sandata ng kritika’y balewala walang nais kumawala sa piitan
Nasanay sa pagkaalipin urong ang bayag hubad-dangal Sinong sisisihin

Paano imumulat ang tao sa kabuktutan kung binusabos ang sariling bait
Parang natural na ang paglapastangan kung sangkot ka sa sistemang kriminal
Anong bisa ng talinghagang matamis kung walang paggalang sa sarili

Hindi sapat ang sining kung ang biktima’y malubha’t naghihingalo
Sa lambong ng propaganda tinitiis ang pagdurusa at ginahasang karangalan
Kailangan ang pulbura’t baril habang umaawit ng kundiman sa dilim


5.


Pagtawid sa Plaza Miranda nakatagpo muli kita Suwerteng awa o patawad
Tingin mo’y pagbati sa banyaga ngiti mo’y hasik na hamog sa disyerto
Saplot ng pag-aagam-agam binulabog mo ang hinala’t hinanakit

Anghel sa dilim ang bintang sa iyo ngunit sugo ng kaligtasan sa akin
Sa titig mo’y sumusupling ang biyaya ng maluwalhating kinabukasan
Nabuksan ang lihim ng pangakong bininyagan mo ng katuparan

Di mapapatawad ang sakripisyong isinugal ang puri at dangal ng bayan
Napansin kong nangilabot ka sa panganib ng darating na sagupaan
Sa haplos at hikayat pumayag kang makilahok Saliksikin Siyasatin

Batid ko sa kabila ng pahintulot nagkubli ang hinagpis siphayo kutob
Isang hipo ng iyong daliri sumiklab muli ang titis ng pagnanais
Umigkas ang damdaming nasagkaan nakiramay kapit-bisig

Paalis ka na sinulyapan kita damdam ko’y nagbubulag-bulagan
Batid kong may hilig ka rin nag-uusig umiiwas sa gumigiring hayop
Walang imik kapag nasukol sisiklab ang panibughong anong bagsik



6.


Ang saklap na matuklasang umalis ka na walang iniwang direksiyon
Habang ang nanliligaw ay naghahanap pa ng salita uutal-utal
Di inakalang iwanan mo ang iyong historyador O mandarayang Sinta

Sumbat mo’y sinungaling ako mambobolang pinatulan ng Ars Poetika
Hangal ang makatang nanunungkit ng bituin bumubulong sa hangin
Nagumon sa estetikang binayaran ng burgesyang hibang sa ari-arian

Oo Mahal marami ngang naglulubid ng buhangin sa krisis ng bayang sawi
Hindi ako luluhod sa dambana ng musa ng luho’t mapagsamantalang uri
Kahit man wala kang tiwala sa aking pangakong maglingkod sa iyo

Gagaod sa patnubay ng seksing birheng nagkasala laos na Bomba Queen
Dinggin mo ang prinsipyo ng linyang pangmasa kadluan ng katarungan
Kailangan upang magpakatao at makapagtatag ng egalitaryang lipunan

Kung saan walang alipin at walang magpapaalipin Hoy inaantok ka na ba?
Bintang mong doble-kara ako hindi tapat sa pagsinta tusong sugarol
Pilit kong hahagkan ang katawang nakahulagpos sa matimtimang manalangin



7.


Sabi nila’y dyezebel kang haliparot mapanlinlang salamangkero ng puso
Kung totoo ipagdiwang natin habang nag-tatagisan sa barikada
Ganda’y sumungaw sa balintataw nang bumaklas ang pintakasi

Ikaw ang tagapagsalaysay ng mababangong bangungo’t tunggalian ng uri
Natarok mo ang pananagutan sa masalimuot na laberinto ng paghihiganti
Nagsalin nagsangla’t nagpatubo sa kahulugan ng sagisag himatong haraya

Nilambungan ng tukso’t aliw-iw ng walang-hiyang alok ng mga kapitalista
Hindi dyugdyugan blues ito o tulo-laway rap ng malanding utak
Pumipintig ang pangambang nasulsulan ka ng kakutsabang bulagsak

Umiigting ang angil ng pagsubok salat sa malambing na diga
Handa akong maglamay pasan ang pagsusumamong bumalik ka sa piling ko
Kahangalan ang mangarap habang nadudurog ang tahanan mo

Sa lagim at ligalig lumantad ka Mahal Harapin ang sakdal ng tadhana
Anong katuturan ng sining kung walang diwang malayang magpapahalaga
Anong silbi ng tula sa mundong bartolina ng mga magulang at kapatid


8.


Paghiwalay mula sa siping ng ina’t paglalaro sa suso Ipukol ang bola
Ito raw ang pinagmulan ng lahat sakunang di mabubura o malilimutan
Nawalang kalinga’y laging hinahanap sa bawat tangis hibik hagulgol

Multong dumadalaw sa agwat ng ating kamalayang magkahidwa
Ngunit ang batas ng kasarinlan ay hawak ng pangatlong tauhan
Na pumapagitan sa ina’t sanggol naghahati bumabalangkas ng landas

Tila guwang sa dibdib na hindi mapupunan ang di-makitang bagay
Higit pa sa uhaw o gutom na walang makapapatid sukdulang pananabik
Ilanlibong OFW ang naglakbay sa Tokyo London Roma nakatanikala

Hinahanap pa rin ang nawala wari’y malikmata kilalang ayaw kilalanin
Nagipit sa dahas ng Patriyarkong humalili kina Legaspi’t MacArthur
Inangking ginto’t pilak ay di makabubuntis sa baog na sinapupunan

Pagliripin na buhat sa di maiiwasang pangyayaring isa ay naging dalawa
Ipagdasal mo man di na maisasauli ang luwalhati sa kandong ng nag-aruga
Batas ng pagbabawal ang yumari ng tulay para sa nagtipang kaluluwa


9.


Sa wakas tanggap na ako ikaw ay likhang-isip lamang mga konstruksiyon
Nakasalalay sa kabilang mukha ng buwan kung saan inalis tinanggal
Lumihis sa tuwid na daan kumalag sa lilong kapangyarihan ng Kapital

Iwaksi ang pag-aalinlangan tumalikod sa masamyong yakap ng sirena
Itakwil ang pagpapanggap takasan ang pagkukunwari pagbabalatkayo
Sa salamin ng takipsilim ilantad ang noo bunganga pisnging sinampal

Kumalas sa bilibid ng lumang paniniwala tumakas lumayo
Baybayin ang kinathang pagkakaiba’t pagkakawangki ng babae sa lalaki
Sa bawat tugma mapaparam ang karnabal ng libog at itinakdang kasarian

Makulit ka mataray ok lang sa manliligaw dalubhasa sa biro at tudyo
Isaloob ang paghahati ng magkabiyak Balatong saklolo ng laro Siya nawa
Iuugnay nito ang buto’t lamang pinagwatak-watak ng diwatang kay bagsik.

Sandaling makaalpas sa pagkakulong sa piitan ng salapi’t pag-aari
Itanan ang taliwas at salungat bigay-kabig ng walang awang kontradiksiyon
Oo tumakas paalam pumailanlang ang putang di na mabibili ninuman



ISANG INTERBENSIYON: DALIT NG PANIBUGHO


Anong saklap galit poot pagngingitngit Ay inay ko katarantadahun
Nagpapahiwatig na walang natutuhan sa mga pagkakamali

Himutok ng lalaking pinutulan ng tarugo Itigil na ang laro Itigil
Tumututol sa itinalaga ng karanasang pag-awat sa yapos ng ina

Nagtatangkang makasiping pa muli Teka ‘pare ko dapat ka pa bang ipatuli
Walang babaeng makatutugon sa isinumpang pagkasabik sa guniguni

Ipinaglihi itong sugarol sa tusong anito bundat sa kasuwapangan
Baliw sa pag-aakalang masusupil ang mapagpalayang simbuyo

Ulol sa pag-asang may makabubusog o kaipala’y makasasapat
Walang babaylan na makalulunas sa sugat mortal ng unang sakuna

Asawang magdudulot ng pulot-gatang makapupuno sa kawalan
Sa krisis ng bayang naghihimagsik isang sakit ang pansariling katiwasayan

Pagliripin ito paslangin man ang kabiyak walang galak o kasiyahan
Halik ng ahas ni Medusa ang pabuya sa alipores nina Villa at Abadilla

Hinagpis at lungkot pagkatapos ng seks Ay naku May bagong balita ba
Dagok ng pagtuklas na ang tutubos sa ating dalawang walang pag-aari

Ang nakapagitang masang bukal ng talinghaga at pagbubunyag
Samakatuwid sukat nang pandayin muli balik-suriin patingkarin
Ang sining ng pag-ibig sa namumurong apoy ng armadong pakikibaka















PAGKATAPOS NG PAGDIRIWANG SA PEBRERO 1986


Kabilugan ng buwan noong inanyayahan mo kami, Mariel, sa iyong tahanan….

Nangilid sa pagkilala ang biyaya ng kalayaang lumapag sa kabilang dulo ng tarmac

Habang naglaboy ang mga vigilante’t duguang kuko ng agilang mandaragit.

Mahiyaing dumalaw at naglamay sa nagluksang balintataw ang usok ng sagupaang

Lumukob sa bagang nahihimbing sa abo ng mga gerilyang napatay sa labanan…

Sa pulot-gatang tinig mo’y nilagom ang suklam at galit na nagbabantang

Ipagkanulo ang pagtatapatan at pag-asang binalangkas sa ating pag-uusap--

Kailan kaya lilipas ang gabi ng hirap at pagtitiis? Isang iglap lang, nakaraos na…..

Sa pagkabalisa nagugunita ko ngayon na kumislap ang tala ng umaga sa mata mo.

Saang dako kaya masusumpungan muli ang siklab at tukso ng iyong pagbati?

Di na kaya malanghap muli ang gayuma ng dibdib sa usok at bangis ng putukan?

Sa gabi ng pakikiramay nagugunita ko pa ang naglawit na hibla ng iyong buhok

At pagkislot ng ulap sumungaw ang iyong ngiting nagtatanong kung bakit pa

Aalis gayong narito, nagpapaunlak, nag-aanyaya, umaapaw sa pananabik….
















MAYROONG PAG-ASA KUNG MAY GUNITA




Bulong ng awit
gumagapang
sabik na sabik
ngunit walang makarinig--

Myra Algarme, damdam mo bang nagmula pa iyon sa talang Andromeda?



Halimuyak
ngunit di malanghap
tamis
ngunit walang makalasa--



Itala mo, Myra, ang natuyong laway ng ating pagtatalik

Bakas ng damdamin
sa gunita: alaalang nagsaalapaap..


Huwag umiyak, ito'y dagta ng pakikipag-ugnayan

katas
na nagsahimpapawid

O memorya ng libog sa buwang bumabangon….


Iukit sa dila, Myra Algarme, ang bukang-liwayway ng ilanlibong pakikiramay

pagkatapos, itikom ang bibig sa dapit-hapon—


Halika, Mahal, dito pakiramdaman mo ang bulong

nabulusok sa iyong tainga, sa pananabik

Halik ng bagwis sa mukhang walang tanda ng paglubog ng araw

basbas ng hamog sa iyong katawang
ginahasa ng pulbura--

Ka Myra:
Paglisan mo
gumagapang ang kung anong
mahiwagang
halimuyak
sa mga teritoryong
nakapagitan….




































PAMANA NI KA FELIXBERTO OLALIA, Sr.





Bulalas nila’y terorista kang kandong sa lilim ng mga bulaklak

nakaumang nagpupuyos

ang ilanlibong bulalakaw


































MULA SA KABUL HANGGANG SA KANDAHAR


Napanaginipan kong nahulog ka
mula sa tore ng Trade World Center
at pinulot ang nadurog mong katawan
sa mga talahib ng Kabul….

Lintik, sino ang mananagot nito? Sindak na nagkubli--

Dahas
O anong rahas ng imperyalismong Amerikano—

Hindi na ‘ko umakyat sa pusod ng Statue of Liberty, inakusahang
terorista raw ang puso sa pagnanais
terorista ang utak sa paghahangad
terorista ang labi mong nag-uudyok--

Ay, naku, kay lupit ng bomba’t misil, grasya ng Wall Street at Pentagon—

(Tanong ng madla: “Osama, Omar, saang pusod o singit ng Tora Bora kayo nagtatago?

Nasaan ang masang naghihimagsik?”)

Mula Mazar-i-Sharif hanggang Kunduz

mula Kabul hanggang Kandahar
tumatalab

Tumingala ka, masdan mo: wala nang dalawang sungay na nag-usli sa Manhattan….

Hawiin ang talahib,
maging taliba ng dahas ng rebolusyon--
pumaimbulog mula Kabul hanggang Kandahar….

Bagamat yapos ng takot at sindak, hihintayin kita, mahal ko,

ilalantad mo ang iyong katawang nagnanais

nagmimithi, naghahangad—

talibang tumatalab, taliba ng pagtutol

mula Kabul hanggang Kandahar.



DIWATA



Katakutan ang kasaysayan sapagkat walang lihim ang maitatago sa kanya.

--Gregoria de Jesus, Lakambini ng Katipunan


Hiwagang hulog
mula sa kabihasnang Indo-Malayo "diva" / diwa
Oo, di ba?
sumadsad sa dalampasigan ng May-Nilad….

Masalo kaya sa pagsubok ng sumalupang kaluluwa
isang umaga sa Balay Kalinaw
perpendikular sa rabaw ng Church of the Resurrection at Diliman Mall?

Nabaon sa hiwa ng kasaysayan--
mula sa Limasawa, ang dugong pinaghalo
at sa Balangiga, Samar, ang dugong inihasik,
hanggang sa Mendiola, Escalante, duguang bitayan--
di-masawatang pagkabalisa—

diyata? saan nagsuot? saan nagtago?

Hanapin ang mutya
sa anino't buntonghininga ng anghel

Kalikasan ba ang magbubunyag ng sintaks at gramatika ng kasaysayan

o sining?
_______________________

Buhawi mula sa kanluran
daluyong ng hikbi hilakbot halakhak

ipuipong umikot dumagsa dumagusdos

sa gilid ng bangin alangan alanganin

kalong ang birheng madiwara

"Palayu-layo man kung ating ibigin, daig ang malapit na ayaw lakbayin"

Alimpuyo tungo sa alapaap ng kaloobang walang hanggahan

ulilang bagwis ng pagkapariwara
paglalakbay nauwi sa paglalagalag
_______________________________

Hiwagang inilaglag
ng kung anong kapangyarihang di na mahulo….

Natanaw kita sa lilim ng Carillon, dumadaloy ang silahis
sa pagitan ng hiblang rehas ng iyong buhok

bukal ng talinghaga't himaton--ilusyon?


(9 Marso 1906: sa bundok Dajo, Mindanao, mahigit 600 musmos, lalaki, babaeng Muslim ang pinatay ng tropa ni Capt. John Pershing ng Estados Unidos…
Muli, 13 Hunyo 1913: sa bundok Bagsak, Jolo, higit-kumulang sa 2,000 Moro ang napatay ng mga Amerikano sa isang sagupaan)


Singaw ba ito ng nilangong ulirat
bulang kislap ng ulong natimbuwang?

Pakiramdaman kung may taong napukaw sa ulat na iyan….

Minsan, sinubok kong matuklasan ang lohika ng kagandahan
mula sa bakas ng anghel
natalunton sa isang Massage Clinic sa kanto ng Ongpin at Misericordia
kasama ang barkada, di pa nalulong sa shabu o droga,
mula sa San Nicolas at Binondo (circa 1952-53)

kaya nalihis ang binatang nais makipagtipan
sa huling pagkilatis…

Ipinanganak daw ang wika bilang pangalan
sa matris ng iyong balintataw
kaya tiningnan
hanggang tinitigan
hindi malikmatang nagkubli sa likod ng Oblation

kung gayo'y may simula't wakas ang bawat bagay

pinagtambal ng diyalektika sa masalimuot na landas--

Kailangang pukawin ang kaluluwang nahihimbing

di-binyagang katalapak
pagkat wala sa panaginip ang pananagutan

--nasumpungan sa tanghaling tapat
bubog hamog ng bituing pumapanaw

gumitaw sa gilid ng matang tumitirik
sakripisyong hayop
pipi walang ungol nakapulupot ng buhanging lubid

nakatihaya sa harap ng abandonadong altar

Anong lakas ang magkakasal sa katumbalikan ng mga kontradiksiyon?

______________________________

Mula sa sulok ng lawa biglang sumibad-- pumailanlang--
anong ibong lumipad
lumutang sumisid nagpatianod

umakyat bumaba
bumabalatay sa tawirang likaw

Lukso't sayaw ng sirenang lumiko
lumihis lumawig lumayag

humahangos patungo sa bangin ng walang katiyakan

bagwis ng tadhana, hagkis ng pagbabakasali
______________________________________

Hiwagang bumagsak

butong nagkabalibali
sa puwang ng kabulaanan at katotohanan
sa agwat ng hangarin at katuparan--

itinulos sa tarugong nakaumang sa langit

Natunton kita sa Krus-na-Ligas kung saan binibili
ang sining ng kariktan….

(Noong Disyembre 1933, nilitis ng pamahalaang kolonyal sina Crisanto Evangelista, Juan Feleo, Guillermo Capadocia, Mariano Balgos at iba pang lider ng uring manggawa, sa bintang na sedisyon. Noong Enero 1951, ikinulong ng pamahalaang neokolonyal si Amado V. Hernandez at isinakdal bilang rebolusyonaryo; at pagkatapos ng "people power" insureksiyon ng Pebrero 1986, pinatay si Rolando Olalia….)


….samakatwid, kailangang biyakin sa dalawang hati ang isang nilalang
at sa dalamhati
itakda ang sukat sa kawalan

pagtambad ay nasaplutan
kimkim ngunit hayag
bilad subalit lihim

Pagtawid sa sangandaan, bilangin ang istigmata sa dibdib ng hayop

balangkas na hinabi ng aksidente't suwerte

kabilanin itulak-kabigin tumingala't yumuko

Di biro, kung higit o kulang, ipagpasiyahan-- dagdagan o alisan…

subukan ang istratehiya sa pagsilo ng anghel sa huling pagtaya--

Silakbo ng katawang ipinukol sa karimlan--

walang muhong gabay sa lagalag na humahagilap nagsisiyasat


maaaring mangyari ang anuman sa gusto mo o hindi

kahit walang pinagbuhatang hulmahan
walang hukay na pagbuburulan

sa huling barahang binalasa't isinugal ng timawa

sumpa ng tadhana'y "perdido Eden"

_____________________________________

Hiwagang nabulusuk
nagsatining ang kamalayan sa pagbabakasakali

Sa rumaragasang habagat
nasagip ang pakpak
sa yapos ng naglambiting layag
habang nagmamaniobra ang utak
sa pag-inog ng manlalakbay
sa aksis ng panagimpan
kumikirot ang sugat sa talampakan
udyok ng kasarian
diwang umusod-umusad sa matarik na gilid

nagtatangkang burahin ang paghahati
sa salamangka ng paglalaro

diwang sanay sa agham ng bugtong at palaisipan

katawang hindi mapipipigilan

____________________________________


Walang bakas ng dewa walang iniwang tanda sa kagampan ng budhi

"magulo pa sa sangkuwaltang abaka"

Sa dapit-hapon, itaob ang kalis
biro ng tadhana ang lilikha ng tulay

na magkakawing sa kasinungalingan at katapatan,

kaipala'y tunay o pabalat-bunga--

buntis na ang birhen pagkagat ng dilim….

Saan kita aabangan-- sa yungib ng Makiling o sa daungan ng Jolo?

saang silangan ng pakikiramay?

Doon nga, oo, sa lugar na walang bilang banghay anyo hugis

kung saan malulusaw ang tarugo ng katalagahan

kabalighuang nilagom sa mitsa ng pulang bulalakaw

nagluluningning umiinog sa ampiteatro ng ulirat

biyayang isasabog ang binyag--langit sa lupa--

sa basbas ng iyong mga kamay….

__________________________________

Mula kay Gabriela Silang hanggang Melchora Aquino, mula kay Maria Lorena Barros hanggang sa ngayon, sina Juvy Magsino
at Leima Fortu sa Naujan, Mindoro Oriental--
nasaan ang mutya ng katarungan?
hulaan sa bituka ng hayop kung saan, kung kailan….
___________________________________


Naikintal sa alaala ang pagkakataong ito:

isang dayuhang walang ID walang pasaporte

bagong ahon matalas ang pang-amoy
dalubhasa sa kababalaghan

ang naligaw sa talampas ng Balara habang nagtatakip-silim--

siya ang lilikom at magpapadasal sa bungo't kalansay

na hinubaran ng hiya o utang-na-loob


(iginigiit ng mga imperyalistang pantas na tatak-Pilipino raw ito katangiang katutubo)

"….mapasaamin ang caharian mo
houg mo caming ypahintolot sa tocso….
At yadya mo cami
sa dilan masama…."

Sige, walang-hiya, panoorin
ang sayaw ng salaulang Bomba Queen!

Perpendikular sa simbahan at tiyangge ang nilikhang bumitaw

nahulog
bumagsak--

walang batas o sukat sa pag-imbulog ng guniguni

Pag-ibayuhin
ang mapagpalayang bathalang iniluwal sa deliryo ng paglikha

dewa diwa diwata
O alimbukay ng pagtatalik

Comments

Popular posts from this blog

JOSE CORAZON DE JESUS--ANG SINING NI HUSENG BATUTE--E. SAN JUAN, Jr.

INTRODUKSIYON KAY EFREN ABUEG--E. San Juan, Jr.

ANDRES BONIFACIO: Katwiran, Kalayaan, Katubusan--ni E. San Juan, Jr.