MULA SA PAGKAKATAPON SA BABILONYA-USA




BUKAS, MAY-NILAD!

ni E. SAN JUAN, Jr.


“By the rivers of Babylon, there we sat down, yea, we wept when we remembered Zion….”

---PSALM 137


Mula kay Ka Alegria, pasalubong ang cancion ng sosyalistang pakikibaka
sa Venezuela, kalugod-lugod na balitang ipinaabot mo bilang balik-bayan--
Bagamat sinagkaan hinarang, patuloy ang agos ng Revolucion Bolivariano
sa lupang binusabos ng imperyalistang dayuhan unti-unting bumabangon….

Sana’y magtagumpay ang mga makatarungan

Habang dito sa Babilonya kami’y nakadukwang sa ilog, naghihintay
tumatangis sa paggunita ng lupang tinubuan—kailan tutubusin?
Paano namin isasatinig ang awit ng Panginoon sa bayang ipinagtapunan?
Paano magdudulot ng tuwa sa pangungulila nang tangayin ng estranghero?

Panalangin nating magtagumpay ang mga makatarungan

Nakaupo sa pampang ng ilog Babilonya, lumuluha tumataghoy
tangay ng agos kimkim ang alaala ng naiwang tahanan… bumabalik
sa panaginip ang lupang sinakop bansang nagkawatak-watak
di mapahinahon ang kaluluwa ng katawang hiniwa ng paghihiwalay….

Sikapin nating ipagtagumpay ang makatarungan

Mula sa gilid ng ilog Babilonya umiiyak kung magugunita ka
O lupang binihag! Yaong mga dumukot at gumahasa sa amin, humihingi—ay naku--
Pilit kaming pinapakanta subalit paano, Ka Alegria, di ko maubos maisip,
Paano aawitin ang cancion ng manunubos sa bayan ng mambubusabos?

Oo, walang salang magtatagumpay ang mga makatarungan!
________________

Kasalukuyang propesor sa comparative literature sa Unibersidad ng Pilipinas sa semestreng ito 2008, si E. San Juan ay kilalang intelektwal-kritikong global sa larangan ng postcolonial-ethnic-cultural studies. Kalalathala ng University of San Agustin Press,Iloilo, ang libro niyang Salud Algabre at iba pang tula, at susunod ang Balikbayang Sinta: An E. San Juan Reader (Ateneo University Press) at From Globalization to National Liberation (University of the Philippines Press). Kalahok si San Juan sa organisasyong Philippine Forum sa New York City, Philippines Cultural Studies Center, at Committees of Correspondence for Socialism and Democracy.--###

Comments

Popular posts from this blog

JOSE CORAZON DE JESUS--ANG SINING NI HUSENG BATUTE--E. SAN JUAN, Jr.

INTRODUKSIYON KAY EFREN ABUEG--E. San Juan, Jr.

ANDRES BONIFACIO: Katwiran, Kalayaan, Katubusan--ni E. San Juan, Jr.