PURO SALITA, KULANG SA GAWA?
PURO SALITA, KULANG SA GAWA? Isang Pagsubok sa Diyalektika ng Kritika ng Sandata at Sandata ng Kritika, ayon kay Karl Marx
[In Memoriam Cherith Dayrit-Garcia] Para kay CPA
Pambihira ka
Matatag matingkad mabagsik ang luntiang apoy sa iyong mga mata
Habang dumadampi ang hamog ng umaga
Sa iyong pisnging hinog sa pangarap ng dinukot at ibinilanggong kinabukasan—
Nagliliyab ang iyong tapang, nakapapaso ang dingas ng iyong determinasyon—
Nabighani sa alindog ng iyong dangal habang lugmok sa panaginip
Nangahas ang kaluluwang lumantad madarang, nahimok ng kung anong bagwis
Ng tukso sa bulong ng iyong labi’t galaw, tuloy naligaw sa paglalakbay—
Walang sindak mong binalangkas ang ordeng mapanganib at binungkal ang landas
Namumukod sa madla, buntalang motor/dinamo ng bukang-liwayway--
Kahit sumabog ang pulbura sa mundong binagtas ng iyong budhi, wala kang takot
Hawak ang sulo ng katarungan, sumusugod ka—
Siklab ng huling paghuhukom, O armadong anghel—
bumabangon sa iyong bisig at kamao ang mga biktima ng imperyalismo
Upang bawat nilalang ay magkaroon ng pambihirang katangian tulad mo—
Upang maging pangkaraniwan ang iyong pambihirang giting at kariktan—
O Paraluman ng pag-asa’t pagnanais, sisikapin kong ipagbunyi ang dahas ng iyong kabayanihan
Ang binhing inihasik ng talim ng iyong pagpapasiya
Bagamat baliw akong nakasubsob sa hiwaga ng guniguning masalimuot,
pinagtatalik ang nitroglycerine ng pagnanasa at titis ng tadhana--
Walang makapipigil sa iyo, matatag at mabagsik, luntiang apoy ng himagsik kayumanggi,
humahagibis ang katawan mong lumalagablab
yakap ang bulalakaw ng pagkakapantay-pantay
at yapos ng sanghaya ng pambansang kasarinlan.
--ni E. SAN JUAN, Jr.
Comments