BAGUIO CITY, PHILIPPINES: 3 KUHA NG KAMERA


MONTAGE: TATLONG SNAPSHOT NG BAGUIO CITY

--ni E. SAN JUAN, Jr.

I.

Umuulan noon lumulundong ungol ng tulirong panahon
sa lungsod ng Baguio isang hapon ng Agosto 1986…

Nanuot sa buto ang walang hunos-diling lamig
tumalab sa bawat nagsalabid na himaymay, lumalagos….
Nirambolan ako ng ligalig, Sinta,
ngunit ugong lang ng humihingal na yapos
usok lang ng naupos na halik
sapagkat wala ka sa piling ko…

Ulang umigting ulang tumimo sa butong binabalot ng kutob
ulang umaasar sa kirot at hiwa ng pagsisisi….
Hikbing nagpahibik--nasaan ako?

Pumapayagpag hanggang napalaot
sa bulubunduking tahanan ng mga anito
sumusuray-suray, lulan ang inimbak na gunita--
kanino ilalaan?

Naligaw sa nagkabuhol-buhol na lansangan ng kabihasnang plastik,
dating teritoryo ng mga Igorot
na sinakop ng imperyalismong mabagsik,
doon hinagilap kita, Paraluman ng manlalayag,
sa gubat ng ulan na unti-unting tumalunton ng landas…

Sandaling nakalimot sa sarili, natulak-nakabig ako
sa isang maulap na tuktok, kung saan
biglang natambad ang tagibang tore ng katedral….

Nakakatulalang bangungot? Diyata?! Sige, kurutin mo ang pisngi ko, Sinta,
upang bumalik sa kadluan
ng hilakbot at rahuyong pinagmulan.


II.


Umuulan noon walang awang bagsak ng bumubugsong tubig
sa lungsod ng Baguio isang hapon ng Agosto 1986….

Pinakawalan ng mapagbirong kalikasan
ang rumagasang buhos, barumbadong saliw ng hanging nagngingitngit--

Kinakaligkig na balahibo ng kaluluwa ang umungol, naghanap sa iyo,
Mahal….
Ulang gumiyagis sa taong naligaw
sa nagluksang lansangang inaspalto ng pighati't
inambus na panaginip….

Sa gilid ng iyong natikom na labi namilaylay ang ilanlibong dalamhati
na humati sa 'ting dalawa
lubog sa lagim ng walang pananagutan….
Umuukilkil sa ulirat hanggang ngayon
ang natagpuang biktimang nakalupasay sa Session Road,
katawang isinuka ng duguang matris
ng lipunang haliparot….

Sige, ulang masungit, ulang nanunukso ng patawad
hinuhugasan ang isinumpang luad
na bumaklas sa maluhong hibo ng uri ng petiburgis
upang ipaghiganti si Macliing Dulag…

Pinaliguan ang katawan ko ng ulang mabagsik, Mahal,
habang tinatalunton ang liku-likong landas sa bundok Mirador,
pilit na nilulunok ang pait ng pagtitiis at asim ng pagkabigo,
upang doon salubungin ang timbulan ng ating pag-asa--

Ay naku, makatang sampay-bakod, konting timpi…
Isingkaw sa sikmurang hungkag
ang pagbubulay-bulay ng budhing nabuwal sa putikang pusali,
nangangalap ng mumo
sa pinagmulan….




III.


Umuulan noon…ulang nagkulapol ng ulap at bulang pumulandit
sa lungsod ng Baguio
isang hapon ng Agostong kay panglaw….
Ginimbal ng walang-hiyang kulog ang panaginip ng mga Igorot
at pulot-gata ng mga nagkalimatikang bagong-kasal--
binulabog ng kidlat
ang kapayapaang tumining sandali, nagluwal ng duwende at paru-paro,
pagkabuwal ng diktaduryang Marcos-E.U….

Alimpuyo ng buntong-hininga sa panahong sakmal ng pangamba, makulimlim,
saplot ng agiw at anino
ang guniguning nakalimutang humalakhak….

Wala ka sa piling ko, Sinta, kaya naligaw sa pagsugod sa maburak na tanawin
habang binabayo ng ulan
ang katawang dati'y hinimas mo't hinaplos….
Inaalimpungatan ba ako?
Saang bubong makikisilong ang ulilang nilalang? Sino ang
mapapagkatiwalaan
sa sangandaang napasukan?

Nakadipang kaluluwang dinapuan ng takot, Mahal, sa liblib na sulok ng
Burnham Park nasumpungan kita,
diwatang walang pangalan,
nilambungan ng ulang humahaplit
Paralumang naghuhudyat ng direksiyon,
wala akong kamanyang maisusuob sa iyong altar
kundi pangakong matutuklasan ang kahulugan at katuturan ng aking buhay
sa bitak ng iyong talampakan--
ang landas patungo sa hamog at halimuyak, sa silahis
at luwalhati ng pagbabagong-buhay
doon sa mga gulod ng pinong pinapatnubayan ng mga anito,
kung saan masisilip sa pagitan ng ulan at ulap
ang ngiti ng mga Igorotang tumatawid sa tarundon ng terasa
malayo sa lungsod ng Baguio,
kasiping ng mga bituin.

Comments

Popular posts from this blog

JOSE CORAZON DE JESUS--ANG SINING NI HUSENG BATUTE--E. SAN JUAN, Jr.

INTRODUKSIYON KAY EFREN ABUEG--E. San Juan, Jr.

ANDRES BONIFACIO: Katwiran, Kalayaan, Katubusan--ni E. San Juan, Jr.