ROMANSANG BALBAL, KINAKAPOS  TAPOS  NAUBOS  SA EPOKA NG GLOBALISASYON

-- ni E. San Juan, Jr.


Tapos.....Tapos....
Tapos, umpisa kang bumulong sa kalaguyong may mahiwagang kindat
Tapos, sumimangot at nagsabing puro kasinungalinga't paglako ng asin
Tapos, walang sinasanto'y sige hipo't kalabit tapos nagbilang ng bitwin
Tapos, buhok mo'y gulong-gulo't basbas ng kamandag ng palasong itinudla
Tapos, kumayod sa diga't sinugal ang pusta ng ningas-kugong amor propio
Tapos, kilig ka sa mestisang bangos  ilong matangos  maryakaprang mataray
Tapos, tinext mo kumakabang nangako hanggang pumuti ang uwak
Tapos, ngumiti'y biglang luhod ka sa lupang tinatapaktapakan ng birhen sa pusali
Tapos, naisaloob mong ipagmaktol ang hindi pagkibo ng diyosang walang paki
Tapos, nagkita kayo't hiyang-hiya ka sa maong mong kupas at t-shirt na butas-butas
Tapos, kutob mo'y alimango'y naging talangka't talaba'y naging alamang
Tapos, bumabalatay ka't nagbabara ang butas ng ilong sa kahihintay
Tapos, nagtaksi ka mula Antipolo hanggang Alabang  umuula't walang payong
Tapos, nagulat kang wala sa tipanan at naamuyang may ka-date pa lang iba
Tapos, naglasing ka't hinahabagat bahag-buntot ka't nagbalat-kalabaw
Tapos, saklap na tumingin sa salami't umastang astig pero ulol ka pala
Tapos, sumagap alimuom  muling sumugba sa ningas ng sinong Marian Rivera
Tapos, utasin ka nawa ng kupidong barumbadong ipinaglihi sa kiwing bubot
Tapos, humanap ka muli ng sirenang sasampal sa pisngi mong namamalahibo
Tapos, diniskaril ka ng iyong pagkatsonggo't siniklut-siklot ng modang petiburgis
Tapos, lintik na kaluluwang talusira't ayaw magtiklop-tuhod sa tinuling anito
Tapos, ubos-isip mong di ka na magpapaloko sa libidong kiniliti ni Lady Gaga
Tapos, kahit na pangit patikim ng putaheng hain ng guni-guning laging buntis
Tapos, tulak ng bibig  kabig ng dibdib   bastos  napaos   kapos  laos

Comments

Popular posts from this blog

JOSE CORAZON DE JESUS--ANG SINING NI HUSENG BATUTE--E. SAN JUAN, Jr.

INTRODUKSIYON KAY EFREN ABUEG--E. San Juan, Jr.

ANDRES BONIFACIO: Katwiran, Kalayaan, Katubusan--ni E. San Juan, Jr.