
KONTRA-MODERNIDAD: PAKIKIPAGSAPALARAN SA PAGTUKLAS NG SARILI NATING MAPAGPALAYANG KABIHASNAN Kung ang katotohanan ay matatagpuan sa pagtutugma ng katuwiran at karanasan, ang kabutihan ay matatamo sa pagtutugma ng teorya at praktika. --APOLINARIO MABINI, La Revolucion Filipina ni E. SAN JUAN, Jr. Bakit naging problema ang modernidad ng Pilipinas? Kasi 12 milyong OFWs ang kumalat sa buong mundo? Di tulad ng maunlad na bansa sa Europa, Hapon, atbp? Nangangahulugang di pa tayo umabot sa modernidad ng mga industriyalisadong bansang siyang modelong halimbawa ng modernidad? Kaya nga naging laboratoryo tayo ng mga dalubhasa sa programang modernization tatak U.S. noong dekada 1960 batay sa paradigm nina Talcott Parsons, W.W. Rostow, atbp. Ayon sa teoryang modernisasyon, walang “structural differentiation” sa lipunan natin. Teknolohiya ang humuhubog sa halagahan (values), ang iskema ng paniniwala, saloobin, diwa ng karamihan. Ang tipong pampersonal ay naisillid sa de-kahong...