INTRODUKSIYON KAY EFREN ABUEG--E. San Juan, Jr.
ULIRANG HALIMBAWA NI EFREN ABUEG: Tungo sa Mapagpalayang Sining
ni E. San Juan, Jr.
Kamakailan, bago ipinawalan ang “Morong 43” na biktima ng AFP/PNP terorismo, tinangkang bumisita sa kanila habang nakapiit sa Camp Bagong Diwa, Taguig, ang isang grupo ng makata at pintor. Nais ng Defend-ST, Artists Arresst, at Kilometer 64 na magdaos ng workshop para sa mga bilanggo. Bagamat may pahintulot sa BJMP-Capitol Region, hindi sila pinahintulutan ng jail warden. Ipinagbawalan. Mapanganib ang sining. Di lamang nakapupukaw, nakagagambala pa.
Walang lusot ang mga dumaramay. Bukod sa marahas na strip search na bati ng mga guwardiya, kinumpiska ng mga awtoridad ang lahat ng babasahin. Kinunan ng litrato ang mga alagad ng sining, inimbestiga at pinagtatatanong. Itinuring ang mga dalaw na mga kriminal (ulat ni Ronalyn Olea, Bulatlat, 5 Oktubre 2010). Sinamsam ang ilang babasahin kritikal sa rehimeng Arroyo. Sindak at takot ang naghari.
Sa malas, hindi ito nakagugulat. Noong bungad ng dekada 80, nakabisita ako sa ilang bilanggong pulitikal sa Bicutan; ganoon din ang trato sa mga kamag-anak ng mga detenido. Ngunit ngayon, ang mga manunulat at pintor ay pinaghihinalaang peligroso. Kung nagkataong may sipi sila ng nobela ni Efren Abueg, Mga Kaluluwa sa Kumunoy (UP Press, 2004), tiyak na kumpiskado iyon. Walang lusot ang anumang lathalang may pulitikal o panlipunang bira. Tulad ng akda ni Abueg. Iyon ay matapang at matalas na protesta sa inhustisya at pagsasamantala ng mga uring parasitiko sa mga militanteng manggagawa’t makabayang mamamayan, tulad ng 43 mediko’t narses na ikinulong sa bintang na sila’y kasapi ng New People’s Army ng walang batayan.
Si Abueg ay matapat na kapanalig ng mga tagapagtanggol ng kalayaan at karapatang pantao.
Sa kasalukuyang salinlahi, marahil hindi kilala si Abueg. Nais kong sipiin ang ilang datos mula sa librong Sampaksaan ng Mga Nobelistang Tagalog(1974):
Ipinanganak sa Cavite noong Marso 1937, si Abueg ay nagtapos ng komersiyo at M.A. sa MLQ University. Tumanyag siya mula noong 1954, nang magkamit ng maraming gantimpala ang mga kuwentong “Mapanglaw ang Mukha ng Buwan” (1959), “Mabangis na Lunsod” (1961), “Sa Bagong Paraiso” (1963), at “Dugo sa Ulo ni Cerbo” (1965). Itinanghal ang kanyang “Ang Kamatayan ni Tiyo Samuel” na pinakamahusay na kuwento ng taong 1967, pati ang kanyang masining na nobela, Dilim sa Umaga,” sa pagtataguyod ng lingguhang Liwayway. Pwedeng banggitin dito ang pamagat ng iba pang premyadong nobela ni Abueg: Sa Muling Pagsilang ng Isang Pangarap, Dugo sa Kayumangging Lupa, at Habagat sa Lupa.
Bukod sa mga gawaing pamamatnugot ng magasing Moden Bulaklak at iba pang aklat, kilala na si Abueg bilang lider ng mga kabataang umaklas sa tradisyon makaluma noong dekada 50/60. Nangulo siya sa mga samahang KADIPAN at KAMPI. Naging editor at ko-awtor siya ng makabagong panitik na itinipon sa koleksiyong Mga Agos sa Disyerto (1964), at iba pang kalipunan. Sa aking palagay, batay sa tala ng kanyang mga handog sa sining at kalinangang Pilipino, karapat-dapat gawing “National Artist” si Abueg. Kung ihahambing sa ibang may hawak ng karatulang iyon, si Abueg ay nakahihigit. Sa kabilang dako, hindi katungkulan ng pambansang manunulat lamang ang naganap ni Abueg kundi ang pagiging tagapamansag at konsiyensiya ng sangkatauhan—isang karangalang maigagawad lamang ng masa sa bawat lupalop ng daigdig.
Sa paningin ko, ang mga akda ni Abueg ay mapanuri’t prismatikong salamin ng tunggalian ng mga uri sa isang neokolonyang sakop ng U.S. Sa “Kamatayan ni Tiyo Samuel,” (kalakip sa antolohiyang Hiyas ng Panitikang Pilipino, Bookmark, 1991), sinikap ni Abueg na ilarawan ang maigting na sagupaan ng mga uri sa lipunan noong bago ipataw ng diktaduryang Marcos ang “martial law” noong 1972. Hinarap ni Abueg ang pinakatampok na suliranin ng manunulat sa panahon ng krisis ng imperyalismong U.S.: paano mahuhulli ng imahinasyon ang prosesong istorikal, paano mailalangkap ang katotohanan ng realidad, ang diwa o konsepto ng katotohanan, sa mimetikong paraang gamit sa literature?
Sukat at Timbang
Ang metodo ni Abueg ay hindi mekanikal na imitasyon o direktong repleksyon ng kapaligiran. Iyon ang bintang ng mga reaksyonaryo sa mga akdang may kamalayang panlipunan. Hindi iyon simpleng gagad sa lantad ng mga pangyayaring nakapalibot, kundi analisis ng mga particular na detalye upang maipagkabit-kabit sa isang mapagbuong iskema ng dinamikong proseso sa lipunan. Sa huling pagtataya, ang metodo ni Abueg ay magkalangkap na realistikong larawan ng mga tauhan at pangyayari, at alegorikong pahiwatig ng batas ng galaw ng mga puwersa sa lipunan.
Sandaling ituon ang pansin sa kuwentong “Kamatayan.” Ikinintal ng awtor ang tunggalian nina Tiyo Samuel (pinagtambal na sagisag sa kolonyalismong U.S. at Espanya), Felipe at Ligaya sa gitna ng mga demonstrasyong at kilusang makabayan. Tila pantasiya ang daluyong ng madlang nakikipagtagisan, pahatid sa bungad ng kwento: “Sa kanyang balisang magdamag ay isa-isang sumulpot sa silid na iyon ang daan-daang lalaki at babae…” Tila baga ang lakas ng masa, na nararamdaman sa ingay, dagsa, at pakikisalamuha, ay tanda ng sikolohikong danas ng protagonista. Sa kasukdulan ng daloy ng naghalong idea at damdamin sa kamalayan, gumising si Felipe sa katunayan ng kanyang pagrebelde at pagpatay sa patriyarkong Tiyo na tumutol sa pag-uugnay nina Felipe at Ligaya dahil sa posisyong panlipunan ayon sa kulay ng balat. Ang aktuwal na pagpaslang sa lumang orden ay inilarawan bilang isang drama sa kamalayan.
Sa gayon, naisiwalat ni Abueg ang saligan ng ideolohiya (kamalayan) sa kongkretong relasyon ng mga uri sa paghahanap-buhay. Bagamat sikolohikal ang antas na sinubaybayan, estilo ng modernistang nobela nina Proust, Faulkner, at Joyce, masinop na inilahad ng awtor kung paano ginamit ni Tiyo Samuel ang minanang lupa, ang piyudal na pag-aari, upang mapalaki ang kapitalistang negosyong kaakibat ng banyagang interes. Ngunit ang puwersang kumakatawan sa abstraktong oposisyon ng kapital at lakas-paggawa ay masisinag sa pagbabawal ni Tiyo Samuel na magpatuloy ang pagdadalang-tao ni Ligaya, at ang pagpipilit na tumiwalag si Felipe dahil sa ang balat ni Felipe ay mestiso, at si Ligaya at kaymanggi. Ang rasistang dahilang ito, na sumalungat sa pagtanggap ng pananagutan ni Felipe, ay pinagdumiin sa banta ng aborsiyon. “Aalisin natin ang sanggol na ‘yan,” sigaw ni Tiyo Samuel. Iyan ay katibayan na ang hidwaan ng uri sa lipunan ay siyang nagbibigay-determinasyon o katuturan sa personal na pakikibaka ng bawat tao.
Sa panitik ni Abueg, ang kamalayan ni Felipe (simbolo ng uring nagmamana ng lupa’t kapital) ay hindi maibubukod sa kinabibilangang henerasyon. Kaya di kataka-taka na sa sandaling pumagitan si Tiyo Samuel sa ugnayan nina Feipe at Ligaya, sumingit ang imahen ng mga pulutong, imahen ng tunggalian at tagisan, komprontasyon ng mamamayan at kapangyarihan ng Estado: “Nakarinig siya [Felipe] ng kaingayan, ng sigawan, ng takbuhan. Nakarinig siya ng sipol ng mga sirena, nakarinig siya ng putok ng mga rebolber….” Hindi na nag-iisa si Felipe, kakawing o kasanib na siya ng madlang may pulitikal na kamalayan at direksiyon, kaya nakuha niyang igupo ang istruktura ng patriyarkong kapitalismo’t piyudalismo, si Tiyo Samuel. Mahuhugot ang mungkahing kongklusyon: kolektibismong aksiyon, hindi indibiwalismo, ang sagot sa terorismo ng Estado at imperyalismo.
Batid na ng mambabasa na ang perspektiba ko ay nag-uugat sa isang historikal na pagsulong ng bayan. Ang paraang ito ng pagpapakahulugan ay naiiba sa karaniwang hirit sa mass medya. Ito ay taliwas sa pormalistikong panunuri na laganap noong dekada 50 at 60. Itinuro ng mga Amerikanistang akademiko sa U.P. at Ateneo ang “New Criticism” ng Kanluran, na laban sa progresibo’t istorikal na pananaw. Namayani ito sa turo at gawi ng mga manunulat sa Ingles—sina Nick Joaquin, NVM Gonzalez, Manuel Viray, Edilberto Tiempo, Franz Arcellana, atbp.—mga kinilalang arbiter ng lasa sa sining at panitikan. Base sa kontrakdisiyong naglalaban, hinamon ito ng nasyonalistiko’t demokratikong pangangatwiran nina Salvador P. Lopez, Amado Hernandez,Teodoro Agoncillo, Renato Constantino, at mga kasapi sa KADIPAN, KAPPIL, PLUMA, PAKSA, at iba pang organisasyon.
Lumabas ang mga sanaysay kong laban sa formalismo at idealistang estetika noong 1970, The Radical Tradition in Philippine Liberature. Bago ideklara ni Marcos ang martial law, sumunod naman ang Carlos Bulosan and the Imagination of the Class Struggle (1972). Bunga ito ng pagbabanyuhay ng kilusang nasyonalismong pinamunuan nina Claro Recto, Lorenzo Tanada, Jose Diokno, at Jose Maria Sison. Nang sulatin ni Abueg at “Tiyo Samuel,” sampu ng nobelang Mga Kaluluwa sa Kumunoy (inilathala sa Philippines Free Press noong 1970), nakaungos na ang diyalektikong sintesis ng realismo at mala-alegorikong pagsasalaysay. Ang rebolusyonaryong simbolismo ni Abueg ay hindi na idiyosinkratiko. Bukod kay Abueg, mababanggit ang mga akda nina Bienvenido Lumbera, Jose Lacaba, Ricky Lee, Ave Perez Jacob, Rogelio Mangahas, at Lualhati Bautista na kumakasangkapan sa mga estetikong pamamaraang masasaksihan sa mga panitik nina Bertolt Brecht, Aime Cesaire, Maxim Gorky, Pablo Neruda, Sean O’Casey, John Dos Passos, Lu Hsun, at Nazim Hikmet. Bago 1972, naikalat na ang pedagohikal na aral ng materyalismong pangkasaysayan sa larangan ng ideolohiyang nagtatagisan sa lipunan.
Dilim sa Umaga: Isang Pagsasanay
Ang aral na iyon ay unang naisakatuparan sa matagumpay na analisis at sintesis sa nobela ni Abueg, Dilim sa Umaga, unang gantimpala ng Liwayway, 1967. Sa isang balik-pananaw, ito ay pagsasanay sa Mga Kaluluwa—may mga karakter na tila dress rehearsal nina Ligaya, Bayani, Antero at iba pa sa huling akda. Sa ibang pagkakataon, dudulutan ko ng masusing pagsusuri ang Dilim. Sa ngayon, sapat na ang sipiin ko ang temang ipinahayag sa “blurb” ng lathala:
Hinabi sa kontrobersiyal na Philippine-Japanese Treaty on Amity, Navigation and Commerce, ang Dilim ay naghahantad ng iba’t ibang tauhang ang mga personalidad at paninindigan ay nagtutunggali….
Sa tunggallian ng mga tauhang ng nobela nilinaw ang relasyon ng Pilipinas at Amerika, ang sanhi ng kawalan ng dayalogo ng magulang at anak, ang hipokrisya ng ipinagkakamaling moralidad, ang “brain-washed” na kaisipan ng mga Pilipino, at ang dahilan ng kawalan ng pananalig ng karaniwang mamamayan sa gobyerno. Bukod sa rito, ang nobela ay nagbabala ng kahahantugan ng industriya ng Pilipinas kapag “bumaha” sa buong kapuluan ang produktong Hapones (Abueg 1968)
Sa Dilim, ang metamorposis ni Antero Magdalo, isang petiburgis na intelektuwal kababalik mula sa U.S., ang temang naitampok. Ito ay problemang pang-indibidwal na sinala’t hinimay kaakitbat ng iba pang masalimuot na problemang sosyal. Sa Mga Kaluluwa, ang sentro ng mga kontradiksiyong tinitistis ay nakapaloob sa usaping pangkakababaihan at kasarian. Nilagom sa triyanggulong sitwasyon ni Ligaya, ang kasintahang si Bayani, at si Atty Manuel Bontoc ang masidhing kontrakdisyon ng neokolonyalismo, korupsiyon, dahas ng Estado, at hidwaan sa hanay ng mga aktibista at saray ng mga panggitnang elemento sa lipunan. Nagtapos ito sa pagtatagumpay ni Bayani at pagkabulusok ni Manuel sa kahayupan—kapwa naisakatuparan sa ibabaw ng bangkay ni Ligaya. Samakatwid, ang sakripisyo ng kababaihan ang kabayaran o katumbasan ng pagpapatuloy ng sistemang bulok, katotohanang hanggang ngayon ay di matanggap ng nakararami.
Ngunit ang pangyayaring iyon ay isang “multiplicity” --ayon sa pilosopiya ni Alain Badiou ( 1992, 2003)-- na maraming bunga o patutunguhan, batay sa kung matapat ang lakas ng taong magpahalaga sa potensiyal ng pangyayari. Alalaong baga, bukas ang hinaharap, maraming posibilidad, katugma ng dunong at galing ng masa sa paglikha ng makatao’t malayang kinabukasan. Sa isang pangyayari, maraming landas ang nabubuksan, depende sa praktika ng taong lumalahok at nakikipaglaban.
Sa aking palagay, natatangi ang Mga Kaluluwa ni Abueg sanhi sa tatlong sangkap na bumubuo sa integridad ng akda. Una, ang pagtatanghal sa lakas ng kababaihan sa ironikong hugis. Pangalawa, ang komplikadong sitwasyon ng intelektwal sa kilusang saklaw ang manggagawa’t panggitnang saray. Pangatlo, ang bagong artikulasyon ng alegorikal na naratibo na hindi na matagumpay na nagdudugtong sa sagisag at katalagahan, tulad ng ipinamarali ng Ingles na kritikong si Coleridge na ang simbolismo ay organikong bahagi ng kabuuan na isinisiwalat nito. Kaiba na ang alegorikong istratehiya sa nobelang ito: iantad ang agwat ng nais at danas. Kailangan palagi ang praxis ng kritikang pagsubok at gawa.
Bago ko talakayin ang natukoy na mga katangian, nais ko munang punahin ang matiyaga’t mahusay na sanaysay ni Loline M. Antillon. Sa kanyang “Kabalintunaan: Pangunahing Paksa ng Buhay at Sining sa mga Piling Kuwento ni Efren R. Abueg” (kasama sa kalipunang Panunuring Pampanitikan: Mga Nagwagi sa Gawad Surian sa Sanaysay (1984), pinamatnugutuan ni Aurora Batnag, ipinakita ni Antillon ang tema ng kabalintunaan sa ilang kuwento ni Abueg, kasama na ang “Tiyo Samuel.” Ang temang ito ay hangaw sa Kanluraning vogue na inspirado nina Kierkegaard at Heidegger noong dekada 50 at 60 ng Cold War. Limitado at mapanlinlang ang kategoryang ito.
Suriin muna ang istorikal na konteksto ng ideoloyohiyang ito. Namayani ang eksistensyalismo bilang paradigmatikong trend sa Europa, at naging tanyag ang mga panitik nina Albert Camus, Jean Paul Sartre, at ang “theater of the absurd” nina Ionesco, Artaud, atbp. Ang mga sinanguning aklat ni Antillon, tulad ng mga aklat nina Fraser at Esslin, ay pawang tumutukoy as alyenasyon sa lipunang kapitalista sa Europa. Iniangat iyon sa antas na yunibersal na katayuan ng lahat. Ngunit sa halip na sikaping matarok ang puno’t dulo ng alyenasyong ito sa kawalan ng makataong direksyon sa produksyon at pamamahagi ng kayamanang panlipunan, iginiit na ang sanhi ng problema sa buhay ay isprituwal at panloob na pagbabago. Walang kinalaman ang paghahati ng tao sa mayaman o mahirap. Walang kinalaman ang pag-aari, salapi, kontrol ng gobyerno, atbp. Ibig sabihin, nakaugat ang alyenasyon sa kalikasan ng tao, hindi sa kanyang relasyong sosyal o istorikal. Samakatwid, walang kalutasan kundi metapisikal o transcendental na solusyon—halimbawa na ang ortodoksiya nina T.S. Eliot, Northrop Frye, o nina Heidegger, Nietzsche, at Deleuze.
Walang pasubali, kontra-rebolusyonaryo ang kilusang eksistensiyalismong iyon. Kaakibat ng propaganda ng Cold War laban sa Marxismo at sekular na pananaw, ang eksistensiyalismo ay tutol sa anumang pagbabagong materyal sa lipunan upang malunasan ang alyenasyon. Anti-masa iyon, sapagkat indibidwalistiko ang pagtingin sa sitwasyong panlipunan. Maaaring may bahid o tendensiyang eksistensiyal sa sitwasyong pangkabuhayan sa ilang kwento ni Abueg tulad ng “Dugo sa Estero.” Ngunit sa maingat na pagsasaliksik, ang mga tauhan at kalagayan nila ay hindi maihihiwalay sa kongkretong sitwasyon ng mga pinagsamantalahan at binusabos, mga taong nabubuhay sa isang takdang lugar at panahon. Ang masasalat, nararamdaman at tiyak na katangiang iyon ang nagbibigay-laman sa abstrakto at metapisikal na tema ng kabalintunaan.
Pansamantalang Pagbulatlat
Ang eksistensiyal na situwasyon sa mga akda ni Abueg ay tahasang sosyal at historikal. Ang pangatlong katangiang nabanggit ko sa una ay masisilip sa bagong ambil ng alegorya sa nobela. Ayon kay Walter Benjamin, ang alegorya ang siyang nagtuturo sa atin na anumang bagay sa kapitalistang lipunan ay laging hiwalay sa totalidad na kinalalagyan, at hindi madaling mailalapat ang pangyayari sa ipinahihiwatig nito. Sa ibang salita, walang transedental o mahimalang tugon sa naghaharing di-pagkatugma o pagkaalanganin ng mga bagay at katuturan/halaga nito. Sa nobela, ang magandang halimbawa ng kabalighuan ay nasa wakas nito.
Binigti ni Manuel si Marilou—sa galit o pag-ibig? Totoong ang pasistang dahas ay may erotikong sangkap na nakalilito. Ngunit ang pagpaslang kay Marilou ay katuparan ng higanti ni Manuel sa kataksilan ng babae, samantalang sa isip ni Marilou, ang kamatayan niya ang kaligtasan ng kasintahan: “Kung gayon ay tapos na ang lahat. May hangganan ang pisikal na paghihirap; may wakas ang katatagan at kagitingan. Hindi bale, Bayani. Nakaganti ka na. Babalikan ka na nga mga dati mong kasama!” Tinutukoy ang pagbibilad ng mga dokumentong pinuslit ni Ligayat at siyang magpapatunay sa kabulukan ng sistema. Alegoriko ang bisyon ng materyalismong istorikal sa nobela sapagkat sa halip na kalmadong resolusyon ng digmaan ng samut-saring uri, damdamin at adhika, ibinabato sa atin ang malaking agwat sa pagitan ng intensiyon at katuparan. Tiyak na hindi mapapalagay ang loob ng mambabasa na makatuwiran at maayos na ang lahat.
Pangalawang katangian: ang sitwasyon ni Bayani Maglalang ay may bisa’t katuturan lamang dahil sa katalinuhan at sakripisyo ng petiburgis na katulong, si Ligaya. Kung nag-iisa, sakmal ito ng mga balisa, pagdududa, tulad ng iba pang petiburgesyang nahumaling sa paniwalang may sabwatang dapat niyang ibunyag at igupo. (Walang puwang dito upang himayin ang syndrome ng “conspiracy theory” na nakasentro sa naratibo ni Abueg.) Ang intelektwal-aktibista ay naliliman din ni Antero Magdalo, Max at Armando at iba pang kasapi sa unyon na saksi sa karupukan ni Bayani. Tila suwerte ang pagkaligtas ni Bayani, sa tulong pa ng puwersa ng Estadong binabatikos niya. Mahusay at malalim ang paglalarawang ito ng isang kalagayang matatagpuan pa rin sa kilusan ngayon.
Hinggil naman sa pangunang katangian: Ang usapin ng kababaihan. Walang pasubaling si Ligaya ay martir o nasawi sa bigat ng martyr-complex nito. Ngunit hindi ba siya ang tunay na bayani na isinaisantabi ang sariling kapakanan upang masagip ang kasintahan at maisulong ang progresibong layunin? Bagamat ang birtud ni Ligaya ay matalinong pagkuha’t pagsalin ng mga dokumentong ibinulgar ni Bayani, namayani pa rin ang nakagawiang asal. Marahil, magagalit ang mga peminista sa paglalarawan ng kaisipan ni Ligaya sa bahaging ito sa huling dako ng nobela:
Kunwa’ napahikbi siya, ngunit pinigil niya kaagad. Alam niyang isang mabisang kasangkapan iyon ng isang babae para palambutin ang kalooban ng isang lalaki….Naisip niyang iyon nga lamang ang kapangyarihan ng isang babae. At babae nga lamang siya. At hindi isang tao na may mga karapatangh iginagalang (2004, 63).
Maimumungkahi ko dito na ang bangkay ni Ligaya ang siyang matimtimang sagot sa sumbat na kulang ang panunuri ni Abueg sa seksismo at machismo. Ang walang buhay na katawan ni Ligaya ang testigo din na hanggang hindi nagtatamasa ng kapantayan ang kababaihan, hindi matatamo ang tunay na kasarinlan at demokrasyang pambansa. Wika nga, sila ang sumusuhay sa kalahating bahagi ng langit. Si Ligaya, ang babae, ang may hawak at may ugit sa panaginip na siyang luklukan ng utopyang dalumat: “….Umaawi’t sila, sumisigaw, ipinangangakong magtatatag sila ng panibagong sambayanang miltante, masisipag, makatwiran, makabayan at maka-Lumikha” (2004, 63). Laging sumusungaw ang imahen ng madlang nakikibaka sa puwang ng sikolohikal na agam-agam at pagkakawatak-watak ng diwa.
Alegorikong teknik katalik ng temang rebolusyon at radikal na pagbabago: ito ang malamang paksang walang espasyo rito upang matalakay nang masinsinan. Kahawig nito ang madarama sa mga pelikula, TV telenobela, komiks, at iba pang popular na aliwan, na nagpapangko ng kasiyahan sa dulo ng mapanganib na pakikipagsapalaran. Walang duda na ang sining, at lahat ng gawaing pang-aliw, ay dominante ng profit-motive o komersiyal na layunin sa panahon ng kapitalismong global. Patunay nito ang paggawad kay Carlo Caparas ng bansag na“National Artist” ng rehimeng Arroyo. Ito ay tinutulan ni Virgilio Almario na isang pang-uuyam sa gantimpalang dangal. Ngunit kakatwa ito sapagkat ang tagapagtanggol na pormalistikong islogan ng sining-para-sa-sining ay siya mismong nakalubog sa pagtitinda ng estetikong komoditi, laluna mga ipagbibiling teksbuk ng tula sa paaralang publiko at mga iba’t ibat babasahin at bilihan para sa mga kabataan. Pwedeng maging popular o pangmasa ang makaelitistang produkto, bakit hindi? Walang National Artist na hindi nabahiran ng alyenasyon, petisismong pang-komoditi, at komersiyalisasyon sa neokolonya.
Wala akong hangad na siraan ang dangal ng mga National Artist ngayon, o pumanig sa anumang birtud ni Caparas. Ang nais ko’y linawin ang kamaliang nakapaloob sa puna ni Almario laban kay Caparas na inilahad sa “Bakit Panitikan ang Panikikan,” isang polemikong banat laban sa kaliwa, laban sa nasyonalistiko’t progresibong hanay. Baka makatulong ito sa debate at talakayan tungkol sa pagkakaiba ng dalawang magkaaway na pananaw: panitikan-para-sa-panitikan at pantikan-para sa masa. Walang saysay ang mga katagang iyon kundi inilalagay sa konteksto ng panahon, lugar, diskurso, mga kalahok na nag-uusap o nagpapalitang-kuro.
Estetikang Radikal
Pangunahing aksiyoma sa isip ni Marx ang taguring “species-being” ng bawat nilalang. Sa gawa at paghubog sa kalikasan, nalilikha ng tao ang kanyang sarili sa bawat antas ng panahon. Sa gawa o praxis, walang nasasayang na dunong o kakayahan, kahit na hindi palaging tuwid ang takbo ng kasaysayan. Nang sabihin ni Marx na may halaga pa ang sining ng sibilisasyong Griyego bagamat industriyalisado na tayo, hindi ito nangangahulugan na walang kinalaman ang ugnayan sa produksiyon. Sa dalawang panig, ang ugnayan ng produksiyong nakasalalay sa trabaho ng mga alipin noong panahon nina Plato at Sophocles, at ang ugnayang piyudal/merkantil na negosyo noong panahon ng mga nagpuri sa Griyegong sibilisasyon, ang mga iskolar sa Italya, Alemanya at Pransiya ng Renaissance.
Ang ideolohiya ng Kanluran sa yugto ng merkantil-kapital ng Siglo XV-XVI—noong Renaisssance-- ang nagbigay-halaga at bighani sa sining ng mga Griyego bilang identidad ng kolonyalistang puti sa harap ng mga sinupil na lahing may kulay sa Aprika, Latin Amerika, at Asya. Bukod dito, inangkin din ng burgesyang uri ang natuklasang “species-being” na inihayag sa sinaunang sining at panitik—na pwedeng magamit din ng proletaryado kapag nagwagi ang lipunang walang uri. Gayundin ang Angkor Wat at Darangan—kailangang purihin ang bighani ng mga ito upang pangalagaan ang bisa ng herarkiya sa lipunan. kahit na may sariling katangiang pansining ang mga ito. Samakatwid, ang estetika ng Angkor Wat, Homer at trahedyang Griyego, o Darangan ay bunga ng relasyong sosyal—ng kanilang pinagmulan at ng nanunuri at nagbibigay-dangal dito. Ang ugat ng halaga ng kultura (sining, panitikan) ay panlipunang pangangailangan at pag-unlad ng lakas ng tao sa kasaysayan.
Dapat ding tandaan na mahigpit na turo nina Marx at Engels na walang tuwirang mekanikal na paralelismo ang ideolohiya (sining, panitik) at relasyon sa produksiyon. Kaya mali ang sabihing diretsong nadidiktahan ng ugnayan sa produksyong ekonomiko ang sining. Laging may agwat o distansiya ang dalawa, pagsulong na baluktot o baku-bako (“uneven development”). Kung hindi, paano maituturing na progresibo ang sining ng aristokratang si Balzac o si Tolstoy, ayon kay Lenin? Sa kabilang dako, ang pulitikang larang—ang tunggalian ng mga uri—ay mas nakaniniig sa diwa at kamalayan ng manunulat, kaya hindi ito may absolutong kasarinlan.
Dapat idiin na talagang kumplikado ang diyalektikang ugnayan ng ideolohiya, pulitika, at ekonomika. Kaya bagamat tubo o yaman ang pangunahing hangad ng mga negosyanteng tulad ni Caparas at mga nagyayari ng telenobela, at iba pang kulturang popular, dapat suriin ang partikular na dating at impak ng kanilang akda—kung tatanggapin ngang bawat porma, hugis o anyo ng gawaing kultural ay may kanya-kanyang katangian, bighani, lakas, ayon sa awdiyens at kondisyon ng pagtanggap sa kanila. Sino ba ang karapat-dapat maghusga’t magpahalaga, ang may simbolikong kapital o yaong dahop sa kaalamang pupuhunanin sa palengke at mega-mall?
Gayundin ang isip ni Walter Benjamin sa tanyag na sanaysay, “The Work of Art in the Age of Mechanical Reproduction.” Totoo, bagay magkaroon ng kantangiang pansining ang likhang-sining. Ngunit sino ang nagpanukala ng” literary standards”at anong silbi o punksiyon noon? Kasiningan ng sining at “pampanitikan ng panitikan”? Tautolohiya iyon. Walang saysay na mga kataga. Sa katunayan, susog ni Benjamin, sa modernistang aplikasyon ng teknolohiya, at mabilisang pagpaparami ng imahen, nawawala ang “aura” o bighani ng mga likhang-sining nina Michelangelo, Leonardo da Vinci, Rembrandt, Cezanne, at iba pa. Hindi makamandag o matalinghaga ang idea ni Benjamin tungkol sa rebolusyonaryong tagubilin niya sa akdang “The Author as Producer”: Upang maibagsak ang sistema ng kapitalistang reipikasyon, dapat sunggaban ng awtor ang mga kagamitan sa produksiyong pangkultura’t ideolohikal. “Walang kalayaan o kasarinlan ang sining, panitikan, awtor, pintor, dibuhista ng komiks, manunuri, propesor, at iba pang trabahador sa larangang ito kung
wala silang kontrol at gabay sa kondisyon ng kanilang gawaing mapanlikha.
Abot-Tanaw na Pagtutuos
Sa huling pagtaya, ang tunay na awtoridad ni Almario ay hindi sina Marx o Benjamin kundi ang ministrong si Northrop Frye. Humalili ang kritisismong arketipikal ni Frye sa “New Criticism” noong dekada 50 at 60, bago napallitan ng dekonstruksiyon nina Derrida, De Man, at Foucault. Hango sa romantikong tradisyon nina Coleridge at Blake, ang dogmatikong perspektiba ni Frye ay isang metapisikal na reduksiyon ng sining sa lunggating yunibersal o pang-utopia. May hawig sa eksistensiyalismo, lamang ang padron ni Frye ay ang propetikong himatong sa Bibliya. Isang baluktot at malisyang pagsasakdal ang ginawa ni Almario nang paratangan niya ang mga maka-Marxistang “tibak sa U.P.” at kritikong aktibista na sila’y nagpipilit sa idea na ang panitikan ay salamin mg kalikasan sa positibo’t istatikong lagay nito. Hindi niya inisip na idiniin nina Marx at Engels sa “The German Ideology” at “Theses on Feuerbach” ang humanisasyon ng kalikasan—hindi lang ang natural na kalikasan (sa makitid na tingin ni Frye) kundi ang kalikasang sosyal at historikal.
Di nakamamangha na, sa kabila ng sophistikong hilig ni Almario kina Frye at Pangkating Frankfurt, nabalaho siya sa isang mababaw na empirisismong palpak.
Lumalabas na propagandista siya ng namamaraling mekanikal na sosyolohiyang nagtuturo na ang ekonomiko’t sosyal na lagay ng tao ang nagdidikta ng kanilang saloobin at kamalayan. Nasaan ang lunggati at praxis ng pagnanais? Lantad ito sa deklarasyon ni Almario: “Dahil sa lubhang dukha ang buhay, diukha rin ang isip at damdamin ng madla.” Diretsong korespondensiya ng malay at kapaligirang pisikal—hindi ba ito ang minumura niya? Dagdag pa ni Almario: “Sa halip na progresibo’t rebolusyanaryo, taglay nito ang lahat ng katangian na tila eternal na kamangmagan—lumpo ang pangarap, kubikong ang halagahan at pananaw sa daigdig, at napakababaw ng kaligayahan.” Patalistikong pagsumpa sa masang niyuyurakan at dinudusta ng mga imperyalistang bansa, sampu ng mga Pilipinong kriminal na nagpapasasa sa kahirapan ng nakararami. Walang pag-asang tadhana ang ipinataw ni Almario sa nakararaming Pilipino, habang patuloy na umaaklas at naghihimagsik.
Sa bawat proposisyong nabanggit, ipiinakita ng nobela at mga kwento ni Abueg ang kabaligtaran: ang lipunan ay prosesong hitik sa kontradiksiyon. Sa kumplikadong daloy ng pangyayari, sa bawat kamalayan ng mga tauhan niya (mayaman, mahirap, o panggitnang uri), nagpapaligsahan ang sari-saring idea, damdamin, haka-haka, panaginip, mithiin, lunggati: reaksyonaryo, progresibo, tradisyonal, radical, at iba pa. Naghalo ang elitista’t popular na atitudo sa kalooban ng mga tauhan na inilarawan ni Abueg sa isang takdang panahon ng pakikibaka. Sa panayam niyang “Ang Sosyalismo sa Nobelang Tagalog,” pinuna ni Abueg na sa halos lahat ng mga nobelang may kamalayang panlipunan, sa kabila ng intensiyon ng awtor lumilitaw pa rin ang kontradiksiyon ng indibidwalistikong damdamin at kolektibistang hangarin. Hindi ito kakulangan o kalabisan, manapa’y sagisag ng diyalektikong prosesong sumasaklaw sa sitwasyon ng awtor, ng institusyon ng publikasyon, ng pagtuturo ng nobela, at klima ng buong lipunan. Maraming lakas na humuhubog sa sining. Patunay ito na ang mga kantangiang pansining ay hindi maaaring ihiwalay sa tema, punto-de-vista, estilo, retorika, at paghabi ng balangkas ng likha. Hindi rin maaaring ihiwalay ito sa paraan ng interpretasyon at pagpapahalaga ng mga mambasabasa, kritiko, estudyante, atbp.
Ang pinakakritikal na proyekto sa sining at kritika ay ang pagbubuo ng hegemonya o gahum, kung saan nagtatagumpay ang moral at intelektuwal na pamumuno ng masang lumilikha ng kayamanan ng lipunan. Sa pagsasakatuparan ng proyektong ito malulutas din ang isyu ng hustisya, kalayaan, kapantayan ng kasarian, at kasarinlan ng bayan. Kung tutuusin, ang usapin ng sining at kultura ay usapin ng bawat mamamayan, ng bawat tao sa daigdig, sa harap ng alyenasyon, reipikasyon, at kabuktutan ng ordeng kapitalista/imperyalista. Para kanino ang sining? Anong tulong ng panitikan at sining sa lunggating mapagpalaya’t mapag-ugnay ng masang Pilipino? Maliliwanagan natin ito sa matiyaga’t maselang pagsubaybay sa masalimuot na paghabi ng tema, tauhan, balangkas, at retorika sa mapanghimagsik na panitik ni Efren Abueg. Isang panimulang hakbang ito tungo sa pagbabagong-buhay ng bansa.
SANGGUNIAN
Abueg, Efren. 1968. Dilim sa Umaga. Manila: Liwayway Publishing Inc.
-----. 1974.. “Ang Sosyalismo sa Nobelang Tagalog.” Sampaksaan ng mga Nobelistang Tagalog: Mga Panayam Tungkol sa Nbelang Tagalog. Quezon City: Ang Aklaan ng Unibersidad ng Pilipinas.
----. 2004. Mga Kaluluwa sa Kumunoy. Quezon City: University of the Philippines Press.
Antillon, Loline. 1984. “Kabalintunaan: Pangunahing Paksa ng Buhay at Sining sa Mga Piling Kuwento ni Efren R. Abueg.” Panunuring Pampanitikan: Mga Nagwagi sa Gawad Surian sa Sanaysay. Ed. Aurora Batnag. Manila: Surian ng Wikang Pambansa.
Almario, Virgilio. 2009. “Bakit Panitikan ang Panitikan, O Bakit Hindi Ito Maabot ng Kamangmangan ni Carlo J. Caparas.” Talumpati para sa kongreso ng UMPIL sa GSIS Museum, 29 Agosto 2009.
Badiou, Alain. 1992. Manifesto for Philosophy. Albany: State University of New York Press.
----. 2003. Infinite Thought. London and New York: Continuum.
Benjamin, Walter. 1968. Illuminations. New York: Harcourt Brace.
-----. 1973. “The Author as Producer.” In Understanding Brecht. London: New Left Books.
Marx, Karl and Friedrich Engels. 1968 (1845-46). The German Ideology. Moscow: Progress Publishers.
Marx, Karl. 1978. “Theses on Feuerbach.” In The Marx-Engels Reader. Ed. Robert C. Tucker. New York: W.W. Norton.
San Juan, E. 1970. The Radical Tradition in Philippine Literature. Quezon City: Manlapaz Publishing Co.
-----. 1972. Carlos Bulosan and the Imagination of the Class Struggle. Quezon City: University of the Philippines Press.
Comments