PAGNINILAY SA HARAP NG LAWANG TSING HUA, HSINCHU, TAIWAN
--Ni E. SAN JUAN, Jr
Habang nakatunghay sa gilid ng lawang walang katinag-tinag
“Laot ng dusa’t hinagpis” tumatawid ang anino ng paghihiwalay
Balisang bumulabog sa luksang salamin ng pangungulila
Umaandap-andap doon ang titis ng naglipanang alitaptap
Umakyat ka na sa Sierra Madre kabalikat ng pulang mandirigma
Kailan ka babalik? Naglalamay sa lambing ng panghihinayang
Langitngit ng kawayan bulungan habang tiim ang labi sa magdamag
Dumaragsang kutob kung sakaling magipit ka’t masawi
Narito ako sa islang Taiwan ilang dagat ang agwat ng ating braso
Sa apoy ng dapithapong naghihingalo sa pag-aantabay
Bagamat nakalugmok pinapakiramdaman pilit inaaninaw
Sa takipsilim ang napalaot na kislap ng mga bituing naligaw
Sa magdamag umaandap-andap ang kirot ng hapdi ng paglisan
Nangangarap ng umagang tayo’y muling magtatagpo
Sasalubungin ko sa gunita ang apoy na tumirik sa iyong kilay
Ang luningning na dumapo sa labi’t bumulong ng kinabukasan
Titis ng bituing pumanaw ang pumaimbulog sa karimlan
Habang tinatalunton ang bulong ng agos mula sa liblib na batis
Doon natagpuan ang alitaptap na umahon sa pusod ng gubat
Sumisilip na sa batok ng bundok ang silahis ng pagbabagong-buhay
Comments